Share

Chapter 5: Unos

PASADO ALAS-OTSO NA ngunit wala pa rin si Kairos. T-in-ext na lang ni Vivienne ang asawa upang ipaalam dito na sasakay na lang siya ng taxi kaysa hintayin pa ito dahil magpahanggang ngayon ay wala pa ring tigil ang pag-ulan. May bagyo pala kaya patuloy na nagngangalit ang kalangitan.

Nang makauwi si Vivienne sa bahay nila, agad siyang kumuha ng tuwalya at ginamit iyon upang tuyuin ang katawan niyang bahagyang nabasa. At habang nagtutuyo ay napagpasyahan niyang magtungo sa silid ni Thalia. Natagpuan niya si Manang Nora na pinapatulog ito.

“Magpahinga na po kayo, Manang Nora. Ako na po ang bahala kay Thalia,” nakangiti niyang usal.

Tumango ang matanda bago lumabas ng silid.

“Momm, where's daddy?” tanong ng tatlong taong gulang niyang anak.

Ngumiti si Vivienne at umupo sa tabi nito. “Wala pa siya, baby. Alam mo, as a police officer, madami talaga silang ginagawa. Kahit tapos na ang duty nila, may mga pagkakataon na bigla na lang magkakaroon ng urgent matter. But don't worry, daddy will be here, okay?”

Tumango si Thalia. “Mommy, can you sing a lullaby for me?”

“Of course, baby,” nakangiting tugon ni Vivienne bago humiga sa tabi ni Thalia.

Yumakap sa kaniya ang anak kaya nagsimula siyang kumanta ng Twinkle Twinkle Little Star. Noon pa man, ito na ang kinakanta niya kina Quentin at Leander. Tandang-tanda niya noon na nasa gitna pa siya ng mga ito habang nakayakap sa kaniya. At nakakatulog agad ang mga ito kahit hindi niya pa natatapos ang pagkanta niya. Nang maalala iyon ni Vivienne, hindi niya mapigilang mamasa ang mga mata niya. She cherished those moments, and whenever she thought about them, she couldn't help but be emotional.

Hindi pa man natatapos si Vivienne sa pagkanta ay nakatulog na agad si Thalia. Isang ngiti ang sumilay sa mga labi niya at inayos ang pagkakahiga nito bago lumabas ng silid nito. Kinuha niya ang cellphone niya at tinawagan ang numero ni Kairos ngunit hindi ito sumasagot. At sa gitna nang pagtawag niya sa asawa, bigla na lang nawalan ng signal.

Napailing si Vivienne sa inis at bumaba na lang upang kumain. Malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan at minsan ay sinasabayan iyon nang pagkulog at pagkidlat. May bagyo na pero ang asawa niya ay nasa labas pa rin kahit kanina pa dapat tapos ang duty nito. Ano na naman kaya ang idadahilan nito? Na nagkaroon sila ng urgent meeting? Palagi na lang!

Nang matapos si Vivienne sa pagkain, hinugasan na niya ang pinagkainan niya bago pumanhik sa kuwarto nilang mag-asawa. Ngunit nangangalahati pa lang siya sa hagdan nang may sunod-sunod na nag-doorbell sa labas.

Naisip niyang asawa niya iyon kaya dali-dali siyang bumaba at dumako sa pinto. Binuksan niya iyon at kumuha muna ng payong bago lumapit sa gate. Subalit nang buksan iyon ni Vivienne, bumungad si Benjamin sa kaniya, ang butler ni Rogue.

“Benjamin? A-Anong ginawa mo rito? Bumabagyo, ah.”

Kilala niya si Benjamin. Sa katunayan, dito siya palaging humihingi ng update sa magkambal. Hindi man niya nakikita ang mga ito, pero araw-araw naman siyang updated sa mga nangyayari sa kanila.

“Pasensya na sa abala, Ma'am Vivienne pero… p-puwede po bang manatili pansamantala sa bahay niyo? Wala na kasi akong makitang ruta dahil baha na ang mga kalsada kaya dito na lang ako dumiretso.”

Basang-basa na ito kaya nahabag agad si Vivienne. Mabait naman siyang tao at malaki ang tiwala niya kay Benjamin kaya pumayag siya. Nilakihan niya ang bukas ng gate ngunit natigilan siya nang makitang may nakahintong limousine sa likuran ni Benjamin.

“Sandali, m-may kasama ka ba?” paninigurado ni Vivienne.

Tumango si Benjamin. “Si Sir. Rogue at ang magkambal.”

“Ano?”

“Please, Ma'am Vivienne. Wala lang po kaming mapuntahan ngay—”

“Bukas ang bahay ko para sa iyo, Benjamin, pero sarado ang bahay ko kay Ross!”

Nang akmang sasaraduhan na niya ang gate nang pigilan iyon ng kamay ni Benjamin.

“Sina Quentin at Leander, Ma'am Vivienne, sarado rin po ba ang bahay niyo sa kani—”

“Huwag mong idamay ang magkambal dito, Benjamin. Mahal ko silang dalawa pero hindi ko kayo matutulungan. Tumawag kayo ng tulong. O… o kumatok kayo sa bahay ng iba!” pahayag ni Vivienne bago tuluyang sinaraduhan ang gate.

Naglakad na siya pabalik sa loob habang namamasa ang mga mata. Alam niyang mali ang ginawa niya pero sinunod lang niya ang puso niya ngayon. Ang galit niya kay Rogue ang nag-udyok sa kaniyang tanggihan ang mga ito. Mahal niya ang magkambal, pero mas mabuti kung hindi sila magpapangita lalo pa't galit din si Quentin sa kaniya. Baka mas lalo lang itong magalit sa kaniya kapag nakita siya nito.

Hindi pa man nakakapasok si Vivienne sa loob nang biglang magsalita si Benjamin. “Si Quentin, inaapoy ng lagnat.”

Awtomatikong napahinto si Vivienne nang marinig iyon. Bumalik siya sa gate at binuksan iyon.

“Take my umbrella. Pumasok na kayo sa loob. Kukuha lang ako ng mga towel.”

Tumango si Benjamin. Nang iabot niya rito ang payong, dali-daling sinuong ni Vivienne ang ulan papasok. Nang makapasok, dumiretso siya sa kuwarto nilang mag-asawa at kumuha ng apat na tuwalya. Nang makakuha ay bumalik na rin siya sa ibaba kung saan nakita niya sina Benjamin, Rogue, at ang magkambal.

“Mommy!” sambit ni Leander bago siya nito sinalubong ng yakap.

Niyakap niya ang anak bago inabot dito ang isang tuwalya. “Dry yourself off,” aniya bago lumapit kay Benjamin. Inabot niya ang tuwalya rito saka lumapit kay Rogue habang karga si Quentin.

May malay si Quentin ng sandaling iyon. Nakamasid lang ito sa kaniya. Lumunok si Vivienne bago tumingin kay Rogue.

“Follow me,” aniya rito.

Tumango si Rogue kaya pumanhik na sila sa ikalawang palapag. Nagtungo sila sa guest room at marahang ipinatong ni Rogue si Quentin sa kama.

“Medyo basa ka, here, tuyuin mo ang sarili mo,” sambit ni Vivienne kay Rogue bago inabot ang tuwalya rito.

Kinuha ni Rogue ang tuwalya. “Thanks.”

Tumango si Vivienne bago umupo sa tabi ni Quentin. Sinalat niya ang noo at leeg nito at nagulat siya nang maramdamang sobrang init noon—animo’y nagbabaga na.

“Your fever is high, Quen—”

“I-I want daddy…” At bigla na lang itong umiyak.

“Baby, let her help, okay? Calm down, I'm here.” At umupo si Rogue sa kabilang gilid ni Quentin bago hinawakan ang kamay nito.

“Stay here. Kukuha lang ako ng maligamgam na tubig.”

Tumango si Rogue kaya naman pumanaog na si Vivienne sa kusina. Kumuha siya ng maligamgam na tubig at dinala iyon sa guest room. Gamit ang tuwalya, marahan niyang pinunasan ang anak gamit ang maligamgam na tubig para bahagyang bumaba ang lagnat nito. Nang matapos, pinainom niya ito ng ibuprofen upang makatulong para mawala ang lagnat nito.

Nakatulog na si Quentin kaya naman napagpasyahan na niyang lumabas ng kuwarto. Pero hindi pa man siya nakakalabas nang tawagin siya ni Rogue.

“Thank you, Vivienne. Thank you for letting us stay here,” wika ni Rogue habang nakaupo sa tabi ng anak.

“Don't thank me, Ross. Thank the twins,” walang emosyong tugon ni Vivienne bago tuluyang lumabas ng guest room.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status