Share

Back to Me
Back to Me
Author: Tiwness96

1. PREGNANCY

MIA THYREES

"Hannah, ano ba ng plano mo sa buhay mo?! Alam mo namang ang hirap ng panahon ngayon, eh, nagpabuntis ka pa?!"

Hindi ko paman naidilat ang aking mga mata ay nasapo ko na iyon. Kakasikat lang ng araw, pero hindi na mahabol habol ng gunting ang bibig ni mama Loli. Halos araw-araw ay iba-iba ang agenda na binubulyaw niya sa ate ko.

Sa huling naalala ko, ganiyan na si mama simula nang tumuntong si ate ng college. Ngayon, kung kailan siya graduating ng kursong agriculture ay saka naman lumala ang mga barkada na mayroon siya. Ewan ko ba, ang tindi ng impluwensya ng mga barkada niya sa kaniya. Pansin kong ibang-iba ang ate ko lalo na kapag nasa eskwelahan. Nasa fourth year na si ate habang ako naman ay second year sa kursong tourism management.

Sa tuwing pinapagalitan siya ng ganiyan ng mama naming sobrang bait, may invisible plaster talaga itong bibig ko. Hindi ako nagkokomento. Bahala na si ate kung ano ang gagawin niya sa mga salitang binibitawan ni mama. The choice is hers, sasaluhin ba niya, iilagan, ipapalabas sa kabilang tainga o kakainin. We have our sisters golden rule. Walang pakialamanan. Basic. Business niya, hindi ko papakialaman. Business ko, hindi niya pakikialaman.

Kung gaano kadalas ang seremonyas nila mama tuwing umaga, opposite naman iyon sa akin. Bakit? Basic! Mabait si Mia Thyrees, eh! Teresa sana 'yan, mabuti nalang pina sosyal.

"Han, ano ba ang sabi ng nobyo mo? Papanagutan ba niya 'yang dinadala mo?"

Narinig ko si papa Ted na nagtanong. Si papa, tahimik 'yan, opposite sila ni mama. Minsan ko lang marinig ang boses ni papa na nakikisali kapag nagseseremonya si mama kay ate , pero wagas din 'yan kung magalit. Duda ko kung gaano kakalma ang boses niya ngayon ay mababaliktad 'yan mamaya.

"Hindi pa niya alam pa, kayo ni mama ang una kong sinabihan," sagot ni ate sa pagitan ng kaniyang paghikbi.

Humaba ang nguso ko nang marinig ang sagot niya. Wrong answer 'yon sa tingin ko, eh. Dapat inuna niyang sinabihan ang nobyo niya bago niya sinabi kina mama at papa na buntis siya, nang sa gano'n isang bagsakan nalang ang bulyaw. Hay naku! Bukas may part two nanaman 'to.

Iminulat ko ang aking mga mata saka inabot ang aking cellphone. Alas-sais na, kailangan ko na maghanda para pumasok. Personal na alalay sa umaga, estudyante sa gabi. Ganiyan ang routine ng buhay ko. All around personal na alalay ni Miss Ivy Fuchs.

"PA!!" naibulalasko nang makalabas ng kuwarto. Hindi ko na namalayan ang limang hakbang na hagdanan, basta basta nalang akong tumalon para maabutan ang itak ni tatay na nakatutok kay ate. "Pa, tama na ho!" awat ko. Naka dipa ang aking mga kamay habang nakatayo ako sa pagitan ni papa at ate.

"Umalis ka diyan Mia! Papangaralan ko lang ng maayos itong ate mo!"

Hila-hila ni mama ang damit ni papa para ilayo siya kay ate.

"Pa, pangaralan nyo ng walang hawak na itak! Baka makasakit pa kayo!"

Sa emosyon ni papa ngayon, hindi malabong mawalan siya ng kontrol at masaktan nga niya si ate.

Namumula na ang mga tainga ni papa, palatandaan ko kung umabot na siya sa highest point ng kaniyang galit.

"Hannah, makinig ka." Kinakausap ni papa si ate na para bang wala ako sa pagitan nilang dalawa. "Sabihin mo sa nobyo mong dapat! Dapat niyang panagutan ang batang dinadala mo. Ano kamo ang pangalan ng lalaking 'yon?"

"Seph po." Sagot ko kay papa. Hindi na magawang makasagot ni ate kay papa dahil humahagulgol siya. Nang lingunin ko siya sa aking likuran, naawa ako kay ate, kahit siya ang pinakamalditang ate sa balat ng lupa. "Pa, ibaba mo nga muna 'yang itak mo!" utos ko.

Pinandilatan ako ni papa ng mata. "Tumahimik ka diyan Mia!"

Napahakbang ako ng isang beses paatras. Hay naku! Sibilyan ako dito,eh, madadamay pa! Kahit pinagalitan ako ni papa ay hindi parin ako umaalis sa pagitan nila.

"Hannah, sabihin mo kay Seph na dapat lang na panagutan ka niya. Mas makakabuting papuntahin mo siya dito para makapag-usap kami!"

Tumango-tango lang si ate bilang sagot. Nakahinga ako ng maluwag nang ibaba ni papa ang itak, pagkuwan ay lumabas ng pintuan. "Aalis na ako, may lakad pa kami ni Don Ignacio." Tukoy ni papa ang amo nila ni mama. Personal Driver siya ng matanda habang si mama naman ay kusinera ng pamilya nito.

"Mia Thyrees, kausapin mo 'yang kapatid mo. Itanong mo sa kaniya kung mag-aaral pa ba siya o mag-aasawa? Kung mag-aasawa siya ay mas mabuti!" sarkastikong tono ni mama Loli. "Ang saya namin ni Ted kung ganon. Isa nalang ng pag-aaralin namin sa kolehiyo!" huling kataga ni mama bago lumabas.

BAKIT PARANG MAY KASALANAN DIN AKO? Inuulit ko, sibilyan ako dito! Inusente ako! Bakit parang pati sa akin ay may hinanakit din si mama at papa?

Nakatitig ako sa kawalan at nagpailing-iling. Ito talagang si mama hindi na nagbago. Itanong ko raw kay ate? Eh, nasa harap lang namin siya kanina ni ate, bakit hindi nalang siya ang nagtanong?

Tuluyan nang umalis si mama at papa patungo sa mga trabaho nila na may sama ng loob. Para sa akin, normal naman yun na reaksiyon ng mga magulang sa biglaang pagkabuntis ng kanilang anak. Kapag humupa na ang galit ng mga 'yon, siguradong makakausap din sila ng mahinahon.

Sumaglit ako sa kusina para kumuha ng isang basong tubig. "Inom ka muna," alok ko kay ate.

Tatamaan na ba kami ng kidlat? Himala! Para kaming dalawang pusang nagdadamayan. Noong mga bata pa kami close naman kami nitong si ate, pero nang tumuntong siya ng college at naiwan ako sa senior high, nag-iba na ang lahat. Hindi na kami masyadong naging close, maliban 'don nagkaroon din kami ng sisters golden rule na siya lang naman ang lumikha na sinang-ayunan ko.

Iba na rin ang mga tipo niyang kaibigan, hindi tulad noon na halos lahat ng kaibigan niya ay kaibigan ko, ganoon din ang mga kaibigan ko sa kaniya. Hindi ko din naman kasi feel ang mga kinakaibigan niya sa university kaya dumidistansya nalang ako.

Hinahayaan ko siya sa mga gala niya. Hindi din ako nagsusumbong kina mama at papa dahil from Hannah, nag mo-morph iyang ate ko into Hannah Dragona kapag nakialam ako. Hindi ako nakikialam para may peace on earth kami.

Pero seryoso, naaawa ako sa kaniya ngayon habang pinapanood siyang umiiyak. Ini-on ko ang electricfan at itinapat iyon sa kaniya.

"Salamat." bulong ni ate.

"Hindi pa alam ni Seph?"

Umiling si ate. "Hindi pa."

"Ano sa tingin mo ang magiging reaksiyon niya?"

"Hindi ko alam. Hindi ko nga alam kung sasabihin ko pa ba sa kaniya."

"Hah?! B--bakit?"

Sa halip na sagutin ako ay humagulgol si ate at umiling-iling.

Makalipas ang tatlong araw.

"Putang**a!"

Napabalikwas ako nang marinig ang mura ni Papa. Agad akong bumangon at lumabas ng pintuan. Katulad nitong nakaraang araw, hindi ko na namalayan ang hagdahan at agad na tumalon. Nasubsob pa ako sa sahig dahil nawalan ako ng balanse pero tumayo rin ako agad.

Sinalubong ko ng yakap si ate at agad naman siyang yumakap sa akin. Haplos ko ng likod niya habang nakapatong ang kaniyang baba sa aking balikat. "Pa, hinaan mo naman boses mo, bakakahiya sa mga kapitbahay," awat ko.

"Mia, puwedi ba itikom mo 'yang bibig mo?!" Nanlikisik na mga mata at nanginginig sa galit na bulyaw sa akin ni tatay.

Isinara ko nalang ang aking bibig at hindi na nagsalita. Sa totoo lang, walang kasingbait ang mga magulang namin. May rason lang talaga sila ngayon para magalit kaya hindi ko na pinilit na awatin pa siya, niyakap ko nalang si ate para iparamdam sa kaniyang nasa likod niya ako.

"Pa, wala-- wala na ho si Seph sa tinitirhan niya. Lumayas siya."

Dahil sa sinabi ni ate ay nagwala sa galit si papa. Pinuntahan pa ni papa ang address ni Seph na binigay ni ate pero wala na nga ito doon.

Wala na kaming mapagtanungan pa kung nasaan si Seph. Wala siyang kamag-anak dito sa San Victor dahil dayo lang pala ng lalaking 'yon dito para mag-aral. Ayon kay ate walang ipinakilala si Seph sa kaniya kahit isang kamag-anak. Sabi pa raw nito'y nasa Maynila ang lahat ng pamilya niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status