Share

KABANATA 2

JANIYA'S P.O.V

PAGKAKAIN NG HAPUNAN KAHAPON AY DINALA NA AKO NI MAMAY SA KWARTO KUNG SAAN DAW AKO PANANDALIANG MANANATILI.

And, oh, when I say "Mamay", ang tinutukoy ko lang ay walang iba kundi si Manang Gervacia. Sabi niya kasi ay iyon talaga ang tawag sa kanya ng nakatira sa bahay. At since may possibility na dito na rin ako tumira, pinagamit na rin niya sa akin ang "Mamay" na nickname niya. And let me correct what I just said yesterday— she is not weird. At ipinaliwanag niya na rin sa akin kung bakit ganoon siya.

"Siya nga pala, kalimutan mo na sana ang naging asal ko nang una tayong magkita sa labas kanina. Sorry, hindi lang talaga ako sanay na may bumibisita rito sa mula kasi nang may mangyari kay Yvonne—”

Kusa siyang huminto sa pagsasalita at napakagat-labi pa. Para bang may nasabi siyang hindi niya dapat sabihin.

"Ano po bang… nangyari kay Miss Yvonne? Kanina niyo pa po kasi nababanggit na may nangyari sa kanya—”

"Wala! Wala iyon!” mabilis niyang putol sa akin. Sinabayan niya pa iyon ng pagkumpas ng mga kamay niya. "Ang ibig ko lang sabihin, tumatanda ang mga tao. At kapag tumatanda tayo, eh, normal nang nawawalan tayo ng mga kaibigan, 'di ba? Ganoon din ang nangyari kay Yvonne.”

Napatango na lang ako kahit sa loob-loob ko ay parang hindi ako kumbinsido na iyon lang ang sinasabi niyang nangyari kay Yvonne. Pero again, bahala na. Labas naman na iyon siguro sa business ko. Ang mahalaga sa ngayon, may maayos akong tutulugan at hindi ko kakailanganing sumilong sa ilalim ng kung saang tulay at makipag-agawan ng pagkain sa mga street children.

Bumaling ako ng higa at patulog na sana nang biglang may kumatok sa pinto ng kwarto kung nasaan ako. At sino pa ba iyon kundi si Mamay? Kaming dalawa lang naman ang nandito at wala nang iba pa. Unless may multo.

Dali-dali akong bumangon at pinagbuksan siya ng pinto.

"Tulog ka pa ba? Naku, pasensiya na. Naisip ko lang kasi na daanan ka at baka sakaling gising ka pa. Isasama kasi sana kita sa palengke. Kung gusto mo lang naman,” bungad niya agad sa akin. Nang bumaba ang tingin ko sa mga kamay niya ay nakita ko na dala niya ulit ang basket na dala niya kahapon nang una kaming magkita.  "Ano? Gusto mo bang sumama?”

Napangiti ako at napatango agad.

"Opo, sama po ako. Magbibihis lang po ako saglit,” sabi ko.

"Sige. Bilisan mo lang at mag-aalas kwatro na ng umaga. Masarap mamalengke ng mas maaga dahil makakasiguro tayo na sariwa pa ang mga isda, gulay, prutas, at karne. Sige na, maghihintay na lang ako sa baba.”

Pagtalikod niya ay agad kong sinara ang pinto at nakangiting kinuha ko ang bag ko para maghanap ng maayos na damit. Napili kong isuot ang isang kulay puting shorts at yellow-green na pang-itaas. Simple lang tingnan iyon pero sakto na rin para mag-stand out pa rin ako sa karamihan. Lalo na at palengke ang pupuntahan namin. Naghilamos lang din ako at naglagay ng baby powder sa mukha. Tsaka ko itinali ang buhok ko— messy bun style— at nag-spray na ng pabango bago ako bumaba.

Gaya ng sinabi ni Mamay ay inabutan ko nga siya na nakaupo sa sofa. Tumayo rin siya agad pagkakita sa akin.

"Masyado mo naman akong pinagmukhang matanda sa ayos mo, hija,” aniya.

Hindi ko alam kung compliment iyon o panunuya, pero sigurado akong biro iyon kaya ako natawa.

"Eh… Kaya nga po ako nag-ayos ng ganito, para maisip nila na hindi po ako ang mas matanda sa ating dalawa. Kapag hindi po ako nag-ayos, hay naku, baka isipin nila na ako ang Mamay at kayo ang daisy,” ganting biro ko rin.

"Daisy?” nakakunot-noong saad niya.

Tumango ako.

"Daisy, as in daisy-sais anyos!”

Hindi ko napigilang mapahalakhak sa sarili kong biro. Tumawa rin si Mamay.

Ayos. Bumenta ang jokes ko sa kanya. No'ng unang beses kong makita siya, parang nakakatakot magsalita kasi napakaseryoso niya at parang hindi niya alam ang salitang "joke". First impressions can sometimes be wrong pa rin talaga.

***

SA PALENGKE.

Magkasabay kaming naglalakad ni Mamay at kanina pa lang ay hindi na nakaiwas sa pansin ko ang pagsunod ng tingin sa amin ng mga tao na andito. And when I say "pagsunod ng tingin", ang tinutukoy ko ay ang literal na pag-360 degrees ng mga ulo at leeg nila. Nakaka-conscious tuloy.

"Niya, anong gusto mong ulam mamaya?” tanong ni Mamay sa gitna ng paglalakad namin.

"Ho? Kahit… Kahit ano na lang po. Hindi naman po ako maselan sa ulam,” sagot ko.

Sinigang, Mamay! Sinigang na baboy ang gusto ko! Sa karinderya lang ako nakakakain ng gano'n, limited pa per order. Madamot pa sa sabaw at laman ang tindera. Gusto ko ng sinigang, iyong maraming laman, sabaw, at gulay! Gusto ko iyong ako na iyong sasawaan at kusang susuko sa sinigang!

Naghuhumiyaw sa utak ko ang mga katagang iyon pero nahihiya naman akong magsabi. Ako na nga itong pinatira pansamantala, maglalakas-loob pa ba ako na mag-request ng ulam? Sumobra naman na yata ako sa kakapalan. Ng mukha.

"Sige na, huwag ka nang mahiyang magsabi. Tuwing umaalis si… ang may-ari ng bahay, nag-iiwan siya palagi ng allowance sa akin para sa pagkain at kung anu-ano. Masyadong malaki iyon para sa akin. Kaya ngayon na nandito ka na, sige lang. Magsabi ka lang ng gusto mong kainin at lulutuin o bibilhin natin iyan,” bulong niya sa akin na sinabayan niya pa ng pagtaas-taas ng mga kilay niya.

Napangiti naman ako. Na-excite rin ako bigla. Siyempre, pagkain na ito, eh.

Napahagikhik ako sa isip.

"O, ano? Nakapag-isip ka na ba ng gusto mong ulam?” ulit niya sa tanong.

This time, mabilis na akong tumango.

"Sinigang na baboy, Mamay,” pabulong ko ring sabi sa kanya.

Tumawa siya bigla.

"Ay, bet ko rin iyan! Sakto, makulimlim pa at mukhang uulan.”

Hinawakan niya ang isang kamay ko at mabilis akong hinila palapit sa isang tindahan.

"Bigyan mo nga ako ng pangsigang. Baboy, dalawang kilo. Siguraduhin mong sariwa ang lahat, ha? Kung hindi, hindi na rin ako babalik sa iyo,” sabi ni Mamay sa babaeng nagtitinda na parang halos kaedad niya lang.

"Oo naman, makakasiguro kang sariwa ito lahat! Lalo na at para sa iyo, Basya— o, sino itong kasama mong maganda? Siya ba ang mapapangasawa ng alaga mo—”

"Magtigil ka, Martina! Ang aga-aga, open wide na open wide iyang bunganga mo,” putol ni Mamay sa sinasabi ng babae. Hinila niya rin ako palapit lalo sa kanya. "Ito si Niya, bisita namin siya. Kararating niya lang kahapon.”

Alanganin kong nginitian ang tindera sabay bati ng "good morning" at "hello”. Pero sa isip ko ay tumatak na ang sinabi nito kanina. Mapapangasawa ng alaga ni Mamay? Ako?

Pagkabigay ng tindera sa mga pinamili ni Mamay ay hinila niya na ako agad palayo— palabas ng palengke.

"U-Uuwi na po tayo? Pero kasisimula pa lang po nating bumili—”

"Okay na muna ito. Mag-uutos na lang ako mamaya sa kakilala ko para ipamalengke tayo,” sabi niya at nagmamadaling patuloy lang akong hinila.

"Pero maaga pa naman po—”

"Madilim at baka umulan na. Wala tayong dalang payong. Baka magkasakit ka pa, kargo de konsensya pa kita kapag nagkataon.”

Tinikom ko na lang ang bibig ko at hindi na ako nagsalita hanggang sa makabalik kami sa bahay.

"Umakyat ka na sa kwarto mo at magpahinga ka na muna. Kung gusto mo, matulog ka muna ulit. Tatawagin na lang kita mamaya kapag kakain na.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status