Share

Chapter 3-The Protector

[Damon Cahill]

Ang buhay ng tao ay parang isang laro; Kapag mahina ka sa lahat ng aspeto, talo ka. At kapag natalo ka...

Mamamatay ka.

Iyon mismo ang nangyari sa isang babaeng nasa harap ko. Mahina siya at pinairal ang matinding emosyon kaya hindi siya nakaligtas sa tiyak na kamatayan. 

Pinanood ko kung paano siya pagtulungan na ibaba mula sa pagkakabigti sa taas ng kisame. 

Nakakabingi ang pag-iyak ng kapatid niyang babae na ngayon ay paulit-ulit na humihingi ng tawad na para bang maririnig pa siya nito. Tinitigan ko lang siya nang walang emosyon sa mukha.

"Bantayan mo si Devon, Mon. Huwag mong hayaan na may lumapit sa kaniya na isang Nayagi."

Lumingon ako sa nagsalita sa gilid ko. Bagama't ako ang kausap niya ay nakatuon ang mga mata niya sa kapatid ng babaeng nagpakamatay—kay Devon. 

Tumawa ako at umiling. "Kung makapagsalita ka parang hindi tayo Nayagi."

"I just want to protect her." Tumingin siya sa akin. "Ngayong nawala ang kapatid niya, posibleng matibag ang pader na ginawa niya na naging dahilan kung bakit naging matatag siya sa mga pagsubok sa buhay. Pero sa pagkakataong ito, hindi ko alam kung kakayanin niya ang sakit ng pagkawala ng kapatid niya."

"Akong bahala sa kaniya." Tumingin ako sa suot kong relo. "Bayad ko rin 'to sa 'yo."

"Siguraduhin mong babantayan mo siya, Mon. Kapag nasaktan siya ng mga kasama natin, lagot ka—"

"Ginagawan na nga kita ng pabor tapos pagbabantaan mo pa 'ko?" Tinaasan ko ng kilay ang kaibigan ko na ikinatawa niya lang.

"Gusto ko lang maniguro, at hindi naman nawala ang tiwala ko sa 'yo. Salamat talaga."

Umismid ako. "Kung hindi lang kita kaibigan, hinding-hindi ko susundin ang gusto mo."

Tumawa lang siya at tinapik ang balikat ko. 

Parang hangin na nawala sa aking paningin ang kaibigan ko. Nag-iwan ng itim na usok ang kinatatayuan niya kanina bago siya maglaho. Napailing na lang ako at muling sinulyapan si Devon na umiiyak pa rin kasama ang ina niya dahil sa nangyari sa kapatid niyang si Deanna.

Kumpara noon, hindi na ako apektado kapag nakakakita ako ng kamatayan sa mismong harap ko. Nasanay na lamang ako kalaunan. Ang katulad kong Nayagi ay hindi dapat natatakot na makakita ng kamatayan kung kami rin ang nagdadala nito sa mga tao.

Sa mundong ito, may iba't ibang dahilan kung paano namamatay ang mga tao—at kontrolado iyon ng Dios ng mga mortal. Ang Dios ng mga mortal ang nagbibigay ng buhay sa mga nilalang sa mundo at Siya lamang ang may karapatan na bawiin ito.

Ngunit hindi kami pinadala ng mga demonyo rito para kumilos nang naaayon sa nais ng Dios. Narito kami para maghasik ng kasalanan. 

Nahinto ako sa malalim na pag-iisip nang tumagos sa akin si Devon at ang mga kasama niya. Nakaharang pala ako sa may pinto. 

Alam kong dadalhin pa nila sa ospital si Deanna pero alam kong uuwi at uuwi pa rin silang luhaan. 

Pinakinggan ko ang tibok ng puso ni Devon habang papalayo siya. Mabilis ang pagkabog ng dibdib niya dala ng kaba at takot. Sa kabila niyon ay may pag-asa pa sa puso niya na mabubuhay pa ang kapatid niya. 

Bumuga ako ng hangin at dinala ang sarili ko sa rooftop ng condominium building, kung saan kitang-kita ko ang matataas na gusali ng bayan ng Taranza.

Inalis ko ang hood ng suot kong jacket at hinayaang tamaan ng sinag ng araw ang mga mata ko.

Tumayo ako sa mismong gilid ng building at humalukipkip, napapailing.

"Umagang-umaga, ang daming umiiyak," mahinang bulong ko.

Napangiwi ako dahil parami nang parami ang mga naririnig kong palahaw sa paligid ko bagama't malayo ang distansya nila sa kinaroroonan ko. 

Karamihan sa mga naririnig ko ay mahihinang iyak lamang pero damang-dama ang matinding paghihinagpis. Ang mga gano'ng klaseng iyak ay galing sa isang taong malapit nang mawalan ng pag-asa sa puso.

Nagsawa rin ako sa pakikinig sa mga iyak nila kaya nagdesisyon akong isara ang pandinig ko mula sa kanila.

Dinala ko ang sarili ko sa condo unit ko at sumalampak ng upo sa malambot na couch. Inabot ko ang laptop ko na nakapatong sa coffee table at tiningnan ang mga messages doon. Napangisi ako dahil marami iyon.

Habang nagbabasa ako ng mga messages ay kumuha ako ng potato chips at kumain. Hindi ko namalayan ang oras at nakatulog pala ako.

"Tanginang gago." Nagsalubong ang mga kilay ko nang magising ako habang hawak pa rin ang walang laman na plastik ng potato chips. 

Pagtingin ko sa coffee table ay naroon ang laptop ko. Nakatulog pala ako habang nagbabasa. Nang tingnan ko ang relo ko ay napamura na lang ulit ako.

8:45 p.m na!

"Hays! Patay ako!" Inis akong tumayo at pinakiramdaman ang presensya ni Devon. Nanlaki ang mga mata ko nang makita siyang nilalapitan ng isang Nayagi. "Tangina!"

Muli kong isinuot ang hood ng jacket ko at naglagay ng itim na mask sa bibig para itago ang mukha ko.

Kaagad kong dinala ang sarili ko sa loob ng kwarto ni Devon. Siniguro ko muna na hindi niya ako makikita.

Madilim sa buong kwarto at malakas ang tugtog ng kanta na nanggagaling sa bluetooth speaker ni Devon. 

Sa tulong ng liwanag ng buwan na nanggaling sa labas ng bintana, nakita ko siya na nakasalampak sa sahig, umiiyak habang hawak-hawak ang sariling dibdib. 

Patay na si Deanna.

"A-Ate!" malakas na palahaw ni Devon. Walang tigil ang pagbuhos ng mga luha niya habang nakakuyom ang mga kamao. 

Pinakinggan ko ang tibok ng puso niya. Napakabilis niyon: puno ng galit, pagsisisi at kagustuhang saktan ang sarili. Sa tagal kong pagbabantay sa kaniya ay ngayon ko lang nakita ang pagiging mahina niya.

Nasanay ako na mabilis siyang nakakausad tuwing nasasaktan siya. Sa pagkakataong ito, hindi ko na alam kung may balak pa siyang tumigil sa pagluha.

Natigilan ako nang maramdaman ang presensya ng isang Nayagi sa likod ko.

Tumaas ang sulok ng labi ko. Pagharap ko ay kaagad kong hinuli ang pupulsuhan niya para pigilan ang mga kamay niyang nag-aapoy sa pagdapo nito sa balat ko.

"Sino ka at bakit ka narito?" mariing tanong sa akin ng Nayagi na kaharap ko. 

Madilim man sa buong kwarto ay kitang-kita ko pa rin ang itim niyang mga mata at ang nag-aapoy na bitak-bitak sa gilid ng leeg at pisngi niya.

"Isa akong Nayagi," kalmadong sagot ko. "At hindi mo pwedeng galawin ang babaeng 'yan."

Nakipagtagisan pa siya ng lakas sa akin, pilit na idinidikit sa akin ang apoy sa kamay niya pero 'di hamak naman na mas malakas ako sa kaniya.

"Bawal ang ginagawa mo!" asik niya. "Hindi mo dapat ako pakialaman!" 

Ngumisi ako kahit hindi niya nakikita. "Ano ngayon kung bawal? Kilala mo ba 'ko?" 

"Hindi man kita kilala pero pagbabayaran mo 'to sa Arseo!"

Tumawa ako nang sarkastiko. "Hindi nila malalaman dahil papatayin na kita."

Pinulupot ko ang pupulsuhan niya at mabilis na idinikit ang nag-aapoy kong kamay sa dibdib niya.

"Bumalik ka na sa Arseo, mahinang Nayagi," nakangising sambit ko.

Napahiyaw siya at sinubukang alisin ang kamay ko sa dibdib niya pero unti-unti siyang naglaho na parang usok.

"Pagbabayaran mo 'to!" Iyon ang huling sinambit niya bago siya tuluyang naglaho sa harap ko.

Hinihingal na hinawi ko ang buhok na nakaharang sa kanang mata ko.

"Hindi man lang ako pinagpawisan." Pumalatak ako.

Lumingon ako kay Devon. Hindi na siya umiiyak pero tulala na lang siya sa kawalan. 

Paano na lang kaya kung nahuli ako ng dating? Buhay ka pa kaya ngayon?

Ipinasok ko ang mga kamay ko sa bulsa ng suot kong pantalon at naglakad palapit sa kaniya.

Huminto ako sa harap niya at dahan-dahang iniluhod ang isa kong tuhod para magpantay ang mga mukha naming dalawa. Ipinatong ko naman ang isa kong braso sa tuhod ko.

Grabe. Ano bang nakita sa 'yo ng kaibigan ko at patay na patay siya sa 'yo? Matamlay na mga mata na akala mo ay palaging umiiyak kahit hindi naman. Mukha ka ngang anghel pero hindi ko type 'yang suot mong salamin. Ang kapal ng grado. Maduduling ako kapag sinuot ko 'yan. Mahihirapan din akong halikan ka dahil diyan.

Sunod kong tiningnan ang buhok niya.

Tapos 'yang bangs mo...masyadong makapal na halos takpan ang mga mata mo. Para kang cartoon character dahil diyan sa hairstyle mo.

Bumuntong-hininga ako.

Pero kahit hindi kita type, handa akong isakripisyo ang sarili ko para lang protektahan ka, Devon. Kahit pa sa mga kauri ko...at kahit pa sa mga demonyong pinagsisilbihan namin."

Isa akong Nayagi—at ako ang demonyong ilalayo ka mula sa kadiliman.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status