Share

Chapter 6-When Their Eyes Met

[Devon Serrano]

"I know..."

Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak niya sa braso ko.

Umangat ang sulok ng labi ko at tuluyang inalis ang braso ko mula sa pagkakahawak niya.

"Alam kong alam mo na ako si Devon Serrano, na kapatid ni Deanna Serrano na nagpakamatay dahil sa 'yo," matigas na wika ko.

Umawang ang labi niya at mabilis akong tinulak. Bumaba siya mula sa kama at tiningan ako nang masama. 

Akala niya siguro ay siya ang panalo sa aming dalawa. 

"I saw you staring at my ID before we got here." Bumaba rin ako mula sa kama at isinuot ulit ang blouse ko. "Actually, I did it on purpose. I want you to show your true color to me kapag tayo na lang dalawa."

"Ang lakas ng loob mo," wika niya sabay ngisi. "Anong ginagawa mo? Gusto mo bang malaman kung ako ang dahilan kung bakit nagpakamatay ang kapatid mo? Hindi mo naman kailangan na gawin 'to para malaman ang totoo." Humakbang siya palapit sa akin at yumuko sa mukha ko kaya halos magdikit ang mga mukha namin. "Dahil papatunayan ko sa 'yo na hindi ako ang dahilan kung bakit siya nagpakamatay."

I could feel my teeth grinding and my hands turning into fist. "Sinabi mo mismo na nagkita kayo noong araw ng Linggo bago siya nagpakamatay."

"But it doesn't gave you the right to put the blame on me. Kusa siyang nakipagkita sa akin. Hindi ko siya pinilit."

"Pero posibleng binigyan mo siya ng dahilan para gawin niya 'yon sa sarili niya. Anong dahilan kung bakit kayo nagkita?"

He laughed sarcastically. I had to stop myself from throwing my fist to his annoying face.

"At bakit ko naman sasabihin sa 'yo ang dahilan? Kung hindi nagawang sabihin sa 'yo ni Deanna, ako pa kaya?"

Hindi na ako nakapagpigil at tinulak ko siya nang malakas. Muntik na siyang matumba pero tumawa lang siya nang sarkastiko.

"Anong sikreto n'yo ni Ate Deanna?! Bakit niya nagawa 'yon?!"

"Patayin mo muna ako bago mo malaman," nakangising sagot niya.

"Hayop ka!" Hinampas ko ang dibdib niya nang paulit-ulit. "Anong ginawa mo sa kapatid ko?! Sabihin mo sa akin ang totoo!"

"Ano ba!" 

Hinuli niya ang mga kamay ko at ramdam ko sa higpit ng pagkakahawak niya ang panggigigil. Bakas sa mga mata niya ngayon ang matinding galit. 

"Ano pa bang mapapala mo kung malaman mo ang totoo?! Patay na si Deanna! Kahit malaman mo man ang totoo, hindi na siya mabubuhay ulit!"

"Hindi mo alam 'yong pakiramdam na nawala siya nang hindi man lang ako nakahingi ng tawad sa kaniya! Hindi mo alam 'yong nararamdaman ko kasi ikaw mismo ang dahilan kung bakit ka namatayan ng kapatid!"

Kitang-kita ko kung paano siya natigilan nang sabihin ko 'yon sa mismong mukha niya. Binitawan niya ako habang nakaawang ang bibig. Sa isang iglap ay nanubig ang mga mata niya. 

"P-Paano mo nalaman ang tungkol diyan?" 

"I already checked your background. Hindi lingid sa lahat na namatay ang kapatid mo dahil nag-drive ka ng lasing kasama siya. Nabangga ang sinasakyan n'yo—"

"Shut it!" Dinuro niya ako ng nanginginig niyang mga kamay. "Huwag na huwag mong babanggitin 'yan!"

Tumaas ang sulok ng labi ko. "Bakit? Hindi mo ba matanggap na ikaw ang dahilan kung bakit siya namatay? Na 'yon ang dahilan kung bakit hindi mo kasama ang mga magulang mo ngayon dahil sinisisi ka nila sa nangyari?"

Sinabunutan niya ang sariling buhok na tila nawawala na sa sarili. 

"H-Hindi ko sinasadya 'yon..." bulong niya nang paulit-ulit. "H-Hindi ko kasalanan." 

Nawalan na ako ng pakialam sa nangyayari sa kaniya. Sinadya kong banggitin ang kahinaan niya para sabihin niya sa akin ang totoo. Kailangan kong marinig mula sa kaniya ang totoo.

"Si Ate Deanna...gusto kong malaman kung anong ginawa mo sa kaniya. Magsalita ka!" 

"Wala akong kinalaman sa pagpapakamatay niya!" sigaw niya. "Wala akong kasalanan! At kung ipipilit mo pa 'yan..." Pumunta siya sa gilid kung nasaan ang isang drawer at inilabas mula roon ang isang baril. "Hindi ako magdalawang-isip na patayin ka."

Natuod ako sa kinatatayuan ko. Naramdaman ko ang malakas na pagkabog ng dibdib ko dahil sa kaba pero hindi ko pinahalata. Napatitig ako sa nguso ng baril na ngayon ay nakatutok na sa akin. Hindi ko alam na may baril siya. Hindi ko alam na ganito siya kabayolente. 

"Alam mo noong una kitang nakita kanina, hindi ko talaga naisip na kapatid ka ni Deanna hanggang sa makita ko ang pangalan mo sa ID. Pero kahit nang malaman ko na kapatid ka niya, hinayaan ko lang dahil gusto kita. Kahit pa alam kong iiimbestigahan mo ako sa nangyari sa kapatid mo."

Napaatras ako nang humakbang siya palapit sa akin.

"Pero kahit anong gawin mo, hindi ako aamin sa kasalanan na hindi ko naman ginawa. Oo, may importante kaming pinag-usapan noong Linggo pero sa amin na lang 'yon. Kung ako sa 'yo, aalis na lang ako at kakalimutan kong nangyari 'to."

"Hindi ako basta-basta sumusuko dahil determinado akong alamin ang totoo," matigas na wika ko. "Kaya sige, iputok mo 'yan. Tingnan lang natin kung makakaligtas ka sa batas kapag ginawa mo 'yan."

Humalakhak siya na parang isang demonyo. "Nasa teritoryo kita. Pwede kong gawin sa 'yo ang mga bagay na gusto ko."

Sa kabila ng kabang nararamdaman ko ay nagawa kong ngumisi sa kaniya. "Nasa teritoryo mo nga ako...pero lahat ng gagawin mo sa akin ay makikita ng marami."

Nabura ang ngisi niya kasabay ng pagkunot ng kaniyang noo. "Anong sinasabi mo?"

Lumawak ang ngisi ko at lumingon sa side table kung saan pinatong ko kanina ang isang camera pen. Nakatutok iyon mismo sa kinatatayuan namin ngayon ni Yael.

"Lahat ng nakukunan ng camera na 'yan ay naka-record na sa device ko. Alam kong delikado ang pinasok ko kaya bumili ako ng ganyan." Tumingin ulit ako kay Yael na ngayon ay nawalan na ng kulay ang mukha. "Kaya sige, patayin mo ako ngayon at ipakita sa mundo kung gaano ka kasama."

Nanginig ang kamay niya na may hawak na baril, ang mga mata niya ay namumula na sa galit.

"P-Papatayin kita," mariing wika niya. "Papatayin kita!"

Napaawang ang bibig ko at napaatras ako, hindi dahil sa sinabi niya, kundi dahil sa paglitaw ng isang lalakeng napapalibutan ng itim na usok ang buong katawan sa likod ni Yael.

Nakatayo siya sa likod ni Yael pero halatang hindi ramdam ng huli ang presensya niya. Para bang ako lang ang nakakakita sa kaniya.

Nakakatakot ang itsura niya: purong itim ang mga mata at nag-aapoy ang mga bitak sa gilid ng leeg at pisngi. Napapalibutan siya ng itim na usok. 

Hindi ito ang unang beses na nakakita ako ng katulad niya. Maraming beses na…mula pa nang bata ako. Hindi ko alam kung bakit…at hindi ko rin alam kung ano sila.

Tumama ang likod ng binti ko sa gilid ng kama kaya napaupo roon. Hindi ko na nabigyan ng pansin ang nakatutok na baril sa akin dahil sa nilalang na nasa likod ni Yael ang buong atensyon ko.

Inilapit ng nilalang ang bibig niya sa tenga ni Yael na para bang bumubulong. Hindi ko narinig ang sinabi niya pero parang inuutusan niya ito.

"Dapat kang mamatay," mariing wika ni Yael habang nakatingin sa akin. Hindi tulad kanina, bakas sa mga mata niya ang kagustuhang pumatay. 

Muling bumulong ang nilalang sa tenga ni Yael at pagkatapos ay humakbang palapit sa akin ang huli.

"Ikamusta mo ako sa kapatid mong si Deanna." 

Nanlaki ang mga mata ko nang makitang kakalabitin na ni Yael ang gatilyo ng baril. Kasabay ng pagpikit ko ay napatili ako nang malakas. 

Pero walang nangyari.

Lumipas ang limang segundo pero wala akong narinig na putok ng baril. Nang idilat ko ang mga mata ko, nakita ko mismo kung paano lumipad palayo sa kamay ni Yael ang baril.

Pagtingin ko sa likod niya ay nakita ko ang isa pang nilalang na katulad ng nakita ko kanina, pero nakasuot ito ng itim na hoodie at mask sa bibig. Iniipit niya sa leeg ang kauri niya gamit ang sariling braso. 

"Sino ka?!" nahihirapang sigaw ng nilalang na sinasakal niya. 

"Ako? Ako ang papatay sa 'yo," mariing sambit ng nakasuot ng hoodie at saka pinakita ang nag-aapoy na kamay. 

Diniin niya iyon sa mismong dibdib ng kalaban niya at kitang-kita ko kung paano ito nangisay at naglahong parang usok.

Hindi pa man ako nakakabawi sa mga nakita ko nang biglang lumingon sa akin ang nilalang na nakasuot ng hoodie. Nang magtama ang mga mata namin ay doon ko lang napagtanto na siya ang lalakeng nakita ko sa labas ng bahay nila Piyang—'yong itim ang mga mata. 

Siya. Siya na naman ulit. 

Kahit nakasuot siya ng mask ngayon ay alam kong siya 'yon. Anong klaseng nilalang ba siya? At bakit niya ako niligtas mula sa kauri niya? Hindi ito ang unang beses. Nangyari na rin ito noong araw na mamatay si Ate Deanna. Umiiyak ako sa loob ng kwarto ko at iniligtas niya rin ako sa kauri niya. Nagkunwari akong walang nakikita at naririnig. Nagawa niya pa akong titigan sa malapitan. 

Mula sa pagkakatitig sa mata ko ay lumipat ang tingin niya kay Yael na ngayon ay dahan-dahang bumabangon. Naglakad siya papunta sa likod ni Yael at yumuko para bumulong sa tenga nito.

Hindi ko narinig ang sinabi ng nilalang pero tumayo si Yael at dahan-dahang naglakad papunta sa labas ng balcony. 

"S-Sandali!" Tumayo ako para sundan si Yael pero naramdaman ko ang malamig na kamay na humawak sa braso ko. 

Napalingon ako sa nilalang na nasa likod ko na pala. Gusto kong sumigaw dahil kitang-kita ko na ngayon ang maiiitim niyang mga mata.

"Alam kong nakikita mo 'ko." Parang boses ng isang ordinaryong tao lang ang tinig niya. "Huwag mong pakialaman ang gagawin niya kung ayaw mong ikaw ang kunin ko."

Gumapang ang kakaibang kilabot sa gulugod ko at hindi ako nakapagsalita. Pakiramdam ko ay isang demonyo ang nasa harap ko ngayon.

Tumingin siya sa may balcony kaya napasunod din ang tingin ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang umakyat si Yael sa barrier ng balcony. Kasabay ng pagbuka niya ng kaniyang mga braso ay tumingin siya sa akin nang nakangisi.

"Huwag!" malakas na sigaw ko. 

Sinubukan kong tumakbo papasok ng balcony pero huli na. Tuluyan na siyang nagpatihulog.

Napaluhod na lang ako sa sahig at napatulala. 

Siya lang ang pag-asa ko para malaman kung bakit nagpakamatay si Ate Deanna. Ngayong wala na siya, hindi ko alam kung saan ako magsisimula ulit. 

"Huwag kang umiyak na para bang namatayan ka ng mahal sa buhay."

Naglaho na ang takot na nararamdaman ko sa nilalang na nasa likod ko kaya buong tapang akong tumayo at hinarap siya.

"Ikaw! Hindi ko alam kung anong klaseng nilalang ka pero alam kong may kinalaman ka kung bakit ginawa 'yon ni Yael! Sinong isusunod mo?! Ako?!"

Tumagilid ang ulo niya habang titig na titig sa mga mata ko.

"Bakit kita kukunin? Gold ka ba?" sarkastikong tanong niya.

Napatingin siya sa dibdib niya at inilabas mula sa loob ng hoodie ang suot na kwintas na may kulay itim at bilog na pendant. Kasinglaki lang iyon ng holen.

Napaatras ako nang makita ang isang itim na usok na nanggaling sa ibaba kung saan nagpatihulog si Yael. Dumiretso ang usok na 'yon sa loob ng pendant ng kwintas.

"Akalain mong may silbi rin pala ang pagpunta ko rito?" wika niya habang titig na titig sa kwintas na suot. "Swerte ko naman."

Kumunot ang noo ko. Hindi ko maintindihan. Anong klaseng nilalang ba siya? At para saan 'yang kwintas na suot niya?

"Alam kong marami kang tanong. Pero hindi mo na kailangan malaman pa ang mga sagot." Tumingin ulit siya sa 'kin. "Hindi mo gugustuhin na pumasok sa mundo namin."

"A-Ano bang tawag sa inyo?"

Hindi siya sumagot at pumihit lang patalikod sa akin, nakasuksok ang mga kamay sa suot na pantalon.

"Mali 'yang tanong mo." Dahan-dahan siyang lumingon sa gilid, sapat para makita ko ang side profile ng mukha niya. "Ang dapat mong itanong: Ano ang kaya naming gawin?"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status