Share

Chapter 6

Nandito na ako. Nasa harapan ko na ang reyalidad. Sobrang tagal na rin pala mula noong umalis ako sa syudad. Ang daming nagbago. Mas maraming establishment ang nakatayo ngayon. Mas naging traffic na rin at sobrang daming tao.

Napakurap-kurap akong nakatitig sa harapan. Ang isa sa mga sikat at pribadong ospital sa buong pinas kilala bilang isang tanyag at prestihiyosong ospital na kilala hindi lamang sa bansa kundi pati na rin sa labas ng Pilipinas. Nakatayo ito nang matayog, modernong gusali na tila ba nagpapakita ng kakayahan at karangyaan ng mga serbisyong medikal nito. Kumikislap ang mga salamin sa mga bintana, nagpapakitang handa itong tumanggap ng mga taong nangangailangan ng lunas, ngunit para sa akin, ang bawat hakbang papasok ay tila nagpapabigat ng aking dibdib.

Parang kahapon lang nang huli akong nandito, ngunit ngayon, iba ang dahilan ng aking pagdating. Noon, hindi ako pinapasok dahil dukha ako at buntis kahit gusto ko lang naman magtrabaho bilang janitress, pero ngayon, dala ko ang pighati at pasakit ng nakaraan kasama ang anak ko.

Huminga ako ng malalim, pilit pinapakalma ang aking sarili. Bakit parang ang bigat-bigat ng mga paa ko? Bumuntong-hininga ako at ipinikit ang mga mata, pinipilit pawiin ang mga alaala. Kailangan kong magpatuloy. Kaligtasan ng anak ko ang nakasalalay dito.

Nang buksan ko ang mga mata, naroon pa rin ang ospital, matatag at maraming tao ang naglabas-masok dito.

Nakahawak si Zephyr sa saya ko habang sabay kaming pumasok sa ospital. Hindi ko na inalam kung ano ang pangalan ng ospital. Wala akong pakialam sa pangalan nito dahil matagal ko ng binalot sa nakaraan. Ang mahalaga ay magamot ang anak ko.

Nasa isang kwarto kami sa ospital. Buti na lang inasikaso nila agad ang anak ko. Akala ko kasi, mapili ang ospital na ito—kung sino ang mayaman, sila ang uunahin. Hindi pala. Pantay-pantay ang trato nila. Nakatulog si Zebediah sa kama habang si Zephyr naman ay nakaupo sa sofa. Mahal nga ang ospital na ito. Hinintay ko na lang ang resulta kung ano ang sakit ng anak ko.

"Zephyr, anak, gutom ka ba?" Mahina kong tanong para hindi magising si Zebediah. Nang walang sumagot, nilingon ko si Zephyr at nakita ko siyang nakatingin sa bintana.

"Nanay, ang daming kotse. I hope I’ll have my own cars someday," mabilis niyang sagot. Napailing na lang ako.

Sana anak. Huwag kang mag-alala, gagawin ni Nanay ang lahat para makamit niyo ang mga pangarap niyo in the future.

Nabaling ang tingin ko sa pinto nang bigla itong bumukas. Pumasok ang isang doktor na may dalang papel. Nakasalamin siya, at medyo magulo ang buhok. Tinitigan niya ito bago siya tumingin sa akin at ngumiti.

"Ano pong sakit ng anak ko, doc?" tanong ko.

"Nagkadengue ang anak niyo, misis. Pero hindi biro ang lagnat niya. Huwag kayong masyadong mag-alala, Mrs. Mabuti na lang at nadala niyo siya agad dito. She’s fine now. We’ll just wait until she feels better and the results of her tests. Kailangan niya rin magpahinga," sabi ng doktor.

Kahit nag-alala ay naka-hinga ako nang maluwag malaman na magiging okay ang anak ko. Nakipag-usap ako sa doktor tungkol sa kalagayan ng anak ko. Hindi na ako masyadong nag-aalala, pero iniisip ko pa rin ang magiging bayarin. Kaya pa kaya ng pera ko?

Naputol ang pag-uusap namin nang magsalita si Zephyr. Sabay kaming lumingon ng doktor sa kanya.

"Nanay, I’m hungry," sabi niya habang nakasilip pa rin sa bintana.

"Sige, bibili ako ng pagkain sa labas," sagot ko, dahilan para mapalingon siya sa akin. Nakita ko ang pagsilay ng ngiti niya pero agad din itong nawala nang makita ang kausap kong doktor. Nakakunot ang noo niya at tinititigan ang doktor ng mariin.

Napasapo ako sa noo. Naku naman.

"What are you staring at?" masungit na tanong ni Zephyr.

Napangiwi ako at tumingin kay doc upang humingi sana ng paumanhin, pero nagulat ako sa nakita kong reaksyon mula sa kanya. Nanlaki ang mata niya, waring nakakita ng multo. Kumurap-kurap siya at napailing, pero ibinalik ang tingin kay Zephyr, na may parehong ekspresyon pa rin. Nakita ko rin ang pagsulyap niya kay Zebediah, na natutulog sa kama. Palipat-lipat ang tingin niya sa dalawa kong anak bago tumingin ulit sa akin. Nagtataka akong tumingin sa kanya.

Napalunok siya at napakunot ng noo.

"May problema ba, doc?" tanong ko, nagtataka. Umiling siya at pilit ngumiti.

"Nothing. Sige, mauna na ako," paalam niya. Bago siya lumabas ng pinto, narinig ko pang may binulong siya.

"Same face. Same eyes. Carbon copy."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status