Share

Chapter 5

Simula nang malaman ko iyon, bantay-sarado ko na ang apat kong anak. Hatid-sundo ko sila sa paaralan. Sobra akong natatakot. Ilang araw na ring naghahanap ang mga lalaking iyon sa bayan namin. Buti na lang at hindi nila nakita ang mga anak ko kahit na ang dami-dami nila. Minsan ko na silang nakita noong dumaan sila sa bahay namin at bumili ng paninda ko. Noon, nasa paaralan ang mga anak ko, at pinasalamatan ko talaga ang Diyos dahil doon. Pero dumating na ang araw na labis kong kinatatakutan, at hindi ko mapigilang mabahala.

"Hindi na ito biro, Cass. Kailangan mo na siyang dalhin sa pribadong ospital."

"Ang taas ng lagnat niya. Apat na araw na ito. Alam mo ‘yan, ija. Walang sapat na kagamitan ang ospital natin dito para alamin ang kondisyon ng anak mo."

Napakagat ako ng ibabang labi ko. Bakit nangyari ito? Huminga ako ng malalim at masuyong hinaplos ang pisngi ng aking anak na babae habang natutulog siya. Naawa ako sa kanya. Sino bang ina ang hindi maawa sa kalagayan ng kanyang anak? Hindi ko kayang makita siyang nahihirapan, pero paano kung matagpuan niya kami? Paano kung magkasalubong kami? Paano kung kunin niya ang mga anak ko? Pwede bang maging makasarili kahit ito lang? Sila ang buhay ko. Imposibleng makilala niya ako dahil hindi niya ako kilala, pero hindi natin alam—baka makilala niya ako. Mayaman siya, marami siyang koneksyon. Pero hindi ko rin kayang makita ang anak ko na ganito ang kondisyon. Parang sinaksak ng maraming punyal ang puso ko.

"Luluwas kami papuntang Maynila. Doon ko siya dadalhin para siguradong magamot agad siya. May naitabi pa naman akong pera," mahina kong sabi.

Hinagod ni Lory ang likod ko habang tinapik ni Aling Fe ang balikat ko. Kasabay nito, hinalikan ko sa noo si Zebediah, na balot na balot ng kumot. Napalingon ako sa tatlo kong anak na tahimik lamang sa tabi. Makikita sa kanilang mga mukha ang pag-aalala sa bunsong kapatid nila. Napasinghot-singhot pa si Zuhair at kinusot-kusot ang kanyang mga mata, parehas silang nakatitig kay Zebediah.

***

Inilagay ko lahat sa backpack ang mga gamit na kailangan naming dalhin. Ngayon na kami aalis papuntang Maynila. Kinakabahan ako para sa anak ko, dahil hindi normal ang lagnat niya. Masyadong mataas, at mag-aapat na araw na nga ito. Pinainom ko na siya ng gamot pero walang epekto. Bumabalik pa rin ang lagnat niya. Maiiwan ang dalawang bata sa bahay kasama si Lory, habang ang isa ko pang anak na si Zephyr ay sasama sa akin. Hindi pumayag ang tatlo na kami lang dalawa ni Zebediah ang aalis. Dapat daw may kasama kami, isa sa kanila. Wala akong magawa dahil nagpumilit ang tatlo.

"Mga anak, magpakabait kayo dito, ha? Zeus, bantayan mo ang kapatid mo. Huwag mong pabayaan," bilin ko habang tinutulungan nila ako. Narinig kong bumuntong-hininga ang panganay kong si Zeus kaya napalingon ako sa kanya.

"Bakit, Zeus? May problema ba, anak? Sabihin mo kay Nanay," nababahala kong tanong sa kanya. Umiling naman siya kaya napahinga ako nang maluwag.

"Gusto ko pong sumama, pero sige po, Nanay. Bantayan ko si Eros. Ako na po ang bahala sa kanya," sagot niya. Lumapit ako sa kanilang dalawa, napalingon si Zuhair. Umupo ako sa harap nila at ngumiti, isang ngiting nagsasabing magiging maayos si Zebediah. Masyado pa silang bata upang mag-isip ng kung anu-ano. Alam kong nag-aalala sila sa kapatid nila, pero ayaw kong hayaang balutin sila ng kalungkutan.

"Magiging maayos din ang lahat, mga anak. Si Zebe pa? Malakas kaya si bunso, diba anak?" Pasigla kong sinabi, at sabay kaming lumingon kay Zebediah na nakahiga sa kama, nakasuot ng bonnet at makapal na jacket.

Ngumiti siya sa amin at nag-thumbs up kahit namumutla na. Gusto kong umiyak sa kondisyon ng anak ko, pero gusto kong ipakita sa kanila na magiging maayos din ang lahat. Naging pabaya ba akong ina? Ang sakit sa dibdib ng makita mong nanghihina ang anak mo. Binaling ko ang tingin ko sa dalawa. Kita ko sa kanilang mga mata ang lungkot. Niyakap ko sila ng mahigpit at bumulong na magiging maayos din ang lahat. Magagamot ang kanilang bunsong kapatid. Wala na akong pakialam kung gaano kamahal ang bill ng ospital, ang mahalaga ay magamot ang anak ko. Para sa mga anak ko, gagawin ko ang lahat kahit mabutas ang bulsa ko.

"Aalis na kami. Magpakabait kayo, ha? Mahal na mahal ko kayo." Hinalikan ko sila sa noo at pisngi, at niyakap ulit ng mahigpit. Kumalas din sila at tumungo kay Zebe. Niyakap nila ito at hinalikan sa magkabilang pisngi. Nakita ko rin kung paano nila ito pinangiti sa simpleng galaw at matatamis na salita. Hindi ko mapigilang mapahawak sa dibdib. Seeing my kids like this makes me feel better and overwhelmed. Ang sarap sa pakiramdam.

Napalingon ako sa pinto nang pumasok si Zephyr na may dalang tumbler na may lamang tubig. Nang makita niya ang mga kapatid niyang nagyayakapan, agad siyang lumapit at sumali. Hindi ako nakatiis, lumapit na rin ako at sumali sa kanila. Mahigpit kaming nagyayakapan. Napapikit ako at dinama ang yakap ng mga anak ko—sila ang pinaghuhugutan ko ng lakas. Sila ang nagbigay ng liwanag sa madilim kong nakaraan. Sila ang nagiging pag-asa ko at dahilan upang mamuhay akong puno ng kasiyahan. Maisip lang na malayo sila sa akin o kunin sila ng kanilang ama, parang mamamatay ako. Hindi ko kaya. Hindi ko kayang malayo sila sa akin. Ayoko! Hindi ko gusto. Hindi ako papayag. Masama bang maging makasarili kahit paminsan-minsan lang? Kahit ito lang?

***

Kandong ko si Zebediah, nakayakap siya sa akin habang natutulog. Tahimik naman si Zephyr sa aking tabi habang nakatingin sa bintana, tinititigan ang mga kabahayang nadaraanan ng bus.

"Nanay," pukaw niya sa pagmumuni-muni ko. Napatingin ako sa kanya. Nakabonnet din siya na itim at may suot na face mask na itim din, ang paboritong kulay ng tatlong bata. Nakatitig ang kanyang asul na mga mata sa akin, nakakunot ang noo. Binaba niya ang face mask kaya kita ko ang mapulang labi niya.

"Bakit?" mahinang tanong ko.

"Malayo pa po ba?"

"Malayo-layo pa, anak. Matulog ka muna. Gigisingin kita kapag dumating na tayo sa ospital." Tumango siya at inayos muli ang face mask. Umayos siya ng upo bago isinandal ang ulo sa akin. Inayos ko ang ulo niya gamit ang isa kong kamay. Kitang-kita ko ang dahan-dahan niyang pagpikit. Napabuntong-hininga ako at niyakap siya ng isa kong braso habang yakap ko sa kandungan si Zebediah.

Ilang oras ang lumipas at huminto ang bus na sinasakyan namin. Napasilip ako sa unahan, at nakita ko ang pribado at malaking ospital. Napatingin ako sa mga pasaherong nagsimulang magtayuan at bumaba ng bus. Nilingon ko ang anak kong mahimbing na natutulog sa tabi ko. Dahan-dahan ko siyang ginising. Naalimpungatan siya at kinusot-kusot ang kanyang mga mata, nakakunot ang noo. Ngumiti ako sa kanya.

"Nandito na tayo, anak." Nanlaki ang mga mata niya sabay tingin sa bintana.

"Wow! Ang tataas ng mga building dito, Nanay!" magiliw niyang sabi. I chuckled at inayos si Zebediah sa kandungan ko. Kakagising lang niya. Hinaplos ko ang pisngi niya at hinawakan ang noo niya. Ganun pa rin—mataas pa rin ang lagnat niya.

"Nandito na tayo, anak," mahina kong sabi sa kanya. Ngumiti siya sa akin at sumiksik sa leeg ko. Kinalong ko siya gamit ang dalawa kong braso at tumayo. Kahit nangangalay na ako, hindi ko ininda. Humawak sa akin si Zephyr at sabay kaming bumaba ng bus.

After six years, I’m here. Standing in front of the hospital. One of his territories.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status