Share

Chapter 2

Mahirap talagang kalimutan ang isang taong naging bahagi ng buhay mo, kahit gaano pa kasakit ang dinulot niya sa'yo. Hindi mo siya basta-basta maaalis sa isip mo, dahil tumatak na siya sa puso't buhay mo. Tulad ko, noong una, hirap na hirap akong mag-move on. Nakakabaliw, hindi ba? Ako na nga ang biktima, pero heto ako, hindi siya makalimutan.

Hinahanap-hanap ko pa rin ang mukha niya, pero pinilit kong kalimutan siya. Ginawa ko ang lahat—tinapon ko lahat ng dyaryong may mukha niya, sinunog ko pa. Hindi na rin ako nanonood ng TV, kahit yun ang libangan ko sa bahay. Iniwasan ko ang mga tao at tsismis tungkol sa kanya. Ngayon, nag-iimpake ako ng gamit dahil babalik na ako sa probinsyang pinanggalingan ko—ang lugar na matagal ko nang iniwan para maghanap ng trabaho. Pero iba ang ibinigay ng tadhana.

“Cass! Tara na, baka mahuli tayo sa byahe.” Isinara ko ang itim na bag bago tumingin kay Lory. Nagpumilit siyang sumama sa akin, dahil wala siyang kamag-anak dito at malapit na rin akong manganak. Ayaw niyang mahirapan ako. Napakasaya ko nang makilala siya—ang nag-iisa kong kaibigan at sandigan sa lahat ng problema.

“Tara na,” sagot ko, habang binibitbit ang bag palabas ng bahay. Bago ako umalis, nilingon ko ang bahay sa huling pagkakataon. Mamimiss ko ito. Bumuntong-hininga ako at tinakpan ng bulaklaking tela ang ulo ko. Hinimas ko ang malaking tiyan ko at sumunod kay Lory.

Bagong lugar, bagong buhay. Sana tahimik na ang buhay ko pagdating doon.

“Naku! Ang laki-laki mo na, Cassandra. Buti at bumalik ka sa probinsya natin. Namiss kita,” masayang bati ni Aling Fe nang dumating kami. Siya ang kapitbahay namin at ang nag-alaga sa bahay namin.

“Namiss ko rin ang hangin dito,” masaya kong sagot.

“Hala! Tuloy kayo. Malayo pa ang biyahe niyo.”

Napangiti ako habang pinagmamasdan ang bahay. Wala itong pinagbago, at alagang-alaga pa rin. Malaki ang pasasalamat ko kay Aling Fe. Kung wala siya, ewan ko kung ganito pa rin ito ngayon.

Isang linggo kaming masayang nagkwentuhan. Kilala pa rin ako ng mga tao sa bayan, kahit matagal na akong nawala. Akala ko huhusgahan nila ako dahil buntis ako, pero hindi. Masaya ako dahil kahit hindi nila alam ang buong kwento, tinanggap nila ako. Ang sabi nga nila, "Ganyan talaga ang buhay. Hindi natin inaasahan ang mga pangyayari, pero minsan, iyon pala ang biyaya."

Naging abala kami ni Lory sa pagtatanim ng gulay at bulaklak, na siya na rin naming ikinabubuhay. Tama ang desisyon kong bumalik sa probinsya. Hindi ko pinagsisihan ang tahimik na buhay dito, malayo sa mga mapanghusga.

---

Sa gitna ng gabi, nagising ako dahil sumakit ang tiyan ko. Hinimas ko ito, umaasang mababawasan ang sakit. Pumikit ako, pero lumakas ang kirot.

“Jusko! Wag naman ngayon, Lord, pwede bang bukas na lang?” bulong ko.

Sumirit bigla ang tubig sa hita ko. Pumutok na ang panubigan ko.

“Lory,” mahina kong tawag. “LLLOORRYY!” sigaw ko nang muling humilab ang tiyan ko.

Biglang bumukas ang pinto at nakita ko si Lory, may hawak pang sandok at magulo ang buhok.

“Nasaan? Nasaan ang magnanakaw?” taranta niyang tanong. Napapikit ako, hindi ko alam kung tatawa o maiinis. Pero bigla na namang sumakit ang tiyan ko, kaya napahiyaw ako.

“Manganganak na ako, Lory.”

“Huh? Manganganak ka na? Ay yun lang pala—ANO? Manganganak ka na? Jusko! Bakit ngayon pa? Pakisabi sa anak mo, bukas na lang, inaantok pa ako!”

“LLOOORRYY!”

“Oo na, oo na! Jusko! Anong gagawin ko? Ah, tricycle! Ay, hindi, komadrona pala!” Aligaga niyang sagot.

“Tangina, Lory! Komadrona ang kailangan ko! Tawagin mo si Aling Linda!” Hindi ko mapigilang mainis.

“Ito na, tatawag na ako!”

Isang oras akong umire bago ko nailuwal ang mga anak ko. Apat silang lahat. Napa-react si Aling Linda, “Apat? Anong klaseng sem*lya meron ang ama nito?”

Nagkagulo ang lahat dahil kay Aling Linda. Kahit hinang-hina na ako ay nakuha ko pang matawa sa sitwasyon namin.

"Susko! Natalo pa ata si Cassandra sa reaksiyon ni Linda. Pambihira!"rinig ko pa mula kay Aling Fe. Napangiti akong nilingon ang mga anak ko sa tabi ko. Suot nila ang binili namin ni Lory na damit nila. Pati ako ay hindi din makaniwala na apat ang isisilang ko.

"Mga anak ko. Pambihira bakit kamukha niyo ang ama niyo? Ako ang naghirap tapos ganito? Unfair."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status