Share

The Mafia Boss's Naive Wife (Cosa El Gamma # 1)
The Mafia Boss's Naive Wife (Cosa El Gamma # 1)
Author: Rhod Selda

Chapter 1

MAGKASUNOD na putok ng baril ang umugong sa tainga ng dose anyos na ni Kira. Bumungad sa kaniya ang armadong kalalakihan na pinauulanan ng bala ang nakaluhod sa sahig niyang mga magulang.

Bumuka ang kaniyang bibig sa kagustuhang sumigaw, ngunit walang tinig na lumaya. Nabaling sa kaniya ang atensiyon ng armadong kalalakihan at tinutukan siya ng baril. Sa kabila ng banta ng kamatayan, ang kaniyang mga mata’y nakatutok pa rin sa nakahandusay na katawan ng kaniyang mga magulang, wala nang buhay at naliligo sa maraming dugo.

Tanging mga butil ng luha ang gumagalaw sa kaniyang pisngi, dumaloy mula sa malamlam niyang mga mata. Binalot ng walang kawangis na kirot ang kaniyang puso, wari kinukuyumos at hindi na siya makahinga.

“Hulihin ang bata!” utos ng isang lalaki sa mga kasama nito.

Tila may kung anong bumulong sa kaniyang tainga at inutusan siyang tumakbo. Mabilis siyang tumakbo sa direksiyong hindi niya alam kung saan patungo. Pumanhik siya sa hagdanan, pumasok sa isang makitid na lugar.

Muli’y umugong sa kaniyang tainga ang walang tigil na putok ng baril. Tinakpan niya ng mga palad ang kaniyang tainga upang maibsan ang ingay na nagpapangatal sa kaniyang buong katawan.

Ilang sandali pa’y biglang tumahimik. Tanging mabibigat na yabag ng mga paa ang naulinigan niya na palapit sa kaniyang puwesto. Kumislot siya nang bumukas ang maliit na pinto sa kaniyang harapan.

Walang kurap na tumitig siya sa lalaking umuklo sa kaniyang harapan. May suot itong maskara na itim, na wari imahe ng isang tigre. Nababalot din ng itim na kasuotan ang lalaki, malapad ang katawan, matipuno.

“You’re safe now. Come here,” sabi nito. Inilahad nito ang kanang palad sa kaniya.

Walang ibang namamahay sa kaniyang puso kundi takot, isang nakangangatog na takot. Sa halip na kumapit sa kamay ng lalaki, tumayo siya at tumakbo. Subali’t naumpog siya sa matigas na katawan ng isa pang lalaki. Tumili siya, umiyak, ngunit walang nagbago.

Hinuli siya ng malalaking mama, iniharap sa lalaking matangkad na may suot na maskara.

“Huwag kang matakot,” sabi nito. Ang tinig nito’y buong-buo, makapangyarihan.

Tila nahipnotismo at hindi niya maikilos ang kaniyang katawan. Nahihilo siya, hanggang sa bumagsak siya sa malalakas na braso ng lalaking may maskara….

KUMURAP-KURAP si Kira nang mahimasmasan siya. Nagising siya mula sa masamang panaginip. Dumaan na naman sa panaginip niya ang isang senaryo na nakakikilabot. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Wala siyang ibang maalala mula sa nakaraan, ngunit paulit-ulit siyang nanaginip nang masama.

“Kira, ready ka na ba?” tanong ni Sonia, ang ginang na nag-alaga sa kaniya.

Biyente anyos na siya ngunit kung ituring siya ng mga ito ay batang paslit. Mataas na ang araw nang sumilip siya sa bintana.

“Ano po meron, Manang?” tanong niya sa ginang.

“Ano ka ba? Ikakasal ka na sa araw na ito!” masaya nitong sabi.

Naituro niya ang kaniyang mukha, hindi makapaniwala. “A-Ako, ikakal? K-Kanino?” nautal pa niyang tanong.

Mahinhin na humakbang palapit sa kaniya si Sonia. May dala itong malapad at mahabang kahon na puti.

“Ikakasal ka kay Don Dimitri. Hindi ba nabanggit ko na sa ‘yo ito dati pa? Dapat noong eighteen ka pa ikinasal kaso gusto ni Don ay hinog na hinog ka na.”

“Ho? Ako po hinog?” inosenteng tanong niya.

“Ikaw talaga. Halika na, maligo ka nang magising ‘yang diwa mo.”

Hinawakan siya nito sa kanang braso at iginiya papasok ng banyo. Hinubaran siya nito ng damit. Napatili siya nang buksan ng ginang ang shower. Kahit maligamgam naman ang tubig ay nanginig pa rin siya.

Pagkatapos maligo ay dinalhan siya ni Sonia ng pagkain at inumin. Kumain muna siya, mabilisan dahil maikli lamang ang oras nila sa paghahanda. Nagsipilyo na rin siya, pagkatapos ay binihisan siya ni Sonia ng magarang puting damit, isang gown na nakikita niya'ng suot ng babaeng ikinakasal sa movie. Nang maisuot ito’y tuwang-tuwa siya. May terno itong sapatos na puti, kasya sa mga paa niya.

“Ang ganda po!” komento niya, kinikilig na nakaharap sa replika niya sa salamin.

“At bagay na bagay sa ‘yo. Ang galing talagang pumili ni Don ng damit. At ang mahal nito kaya ingatan mo na huwag mapunit.”

Pumihit siya paharap sa ginang, manghang tumitig sa mukha nito. “Si Don po ang bumili ng damit ko?” namimilog ang mga matang tanong niya.

“Oo naman.”

Excited siyang makita si Don Dimitri. Umaasa siya na masisilayan na niya ang mukha nito. Sa tuwing bibisitahin kasi siya nito roon sa mansiyon ay may suot itong maskara ng tigreng itim.

“Makikita ko na po ba ang mukha ni Don Dimitri, Manang Sonia?” nasasabik niyang tanong.

Napalis ang ngiti ng ginang. “Ah, h-hindi ko alam. Kahit ako’y hindi pa nakita ang mukha ni Don. Pero natitiyak ko na guwapo siya.”

Nadismaya siya at ngumuso. “Sayang naman. Paano kung kamukha siya ng napanood ko na halimaw? Iyong mapula ang mukha na merong sungay?”

Natawa ang ginang. Pahalipaw nitong pinalo ang kanang balikat niya. “Ikaw talaga. Hindi totoo ang halimaw.”

“Paano po kung isa lang ang mata ni Don Dimitri, o kaya’y wala siyang ilong at mga ngipin?”

“Hay! Tigilan mo na nga ang pag-iisip nang negatibo! Ang mabuti pa, umupo ka na para malagyan kita ng makeup.”

Umupo naman siya sa silya at muling humarap sa salamin. Ang saya niya nang malagyan ng lipstick ang kaniyang mga labi. Unti-unti ay nagbabago ang kaniyang mukha.

“Ang ganda mo! Siguradong matutuwa si Don kapag nakita ka,” kinikilig na sabi ni Sonia.

“Talaga po?”

“Oo naman.”

Nag-spray ng pabango si Sonia sa kaniyang damit. Pagkatapos ay lumabas ito sandali. Pagbalik nito ay may dala na itong damit na isusuot. Doon na ito nagbihis sa kaniyang silid.

Mamaya ay may bumusinang sasakyan sa labas. Napasilip siya sa bintana. “May puting kotse po sa labas na may bulaklak sa harapan,” sabi niya.

“Ayan na ang pridal car! Halika na!”

“Ho?”

Hinila na siya nito sa kanang kamay kaya napasunod siya sa ginang. Dahan-dahan silang bumaba ng hagdan. May lalaking naka-suit ang sumalubong sa kanila kasunod si Owen, ang palaging kasama ni Don Dimitri sa tuwing bibisita roon.

Nakasakay na sila ng kotse nang magmura si Sonia. “Anak ng tipaklong naman, oh! Naka-tsinelas lang ako!” bulalas nito. Binuksan nito ang pinto at bumaba.

Hindi niya napigil ang kaniyang hagikgik habang tinatanaw ang ginang na umaalog ang bilbil sa pagtakbo. Napatingin sa kaniya ang driver at si Owen na katabi nito. Napigil niya ang kaniyang tawa.

“Huwag po kayong tatawa nang ganyan sa tuwing kaharap n’yo si Boss,” sita sa kaniya ni Owen.

“Bakit naman?” nakasimangot na tanong niya.

“Ayaw niya makarinig ng tawa.”

“Ha? Bakit?”

“Basta. Puwede kang ngumiti pero huwag maingay.”

Umangat ang sulok ng kaniyang labi. “Dami niyang arte,” maktol niya.

Ngumiti lang si Owen.

Nakabalik na si Sonia suot ang pulang sandals nito. Maroon ang damit nito na hapit sa tiyan pero maluwag sa laylayan. Mukha itong suman na mayroong palda. Kakapigil niya ng tawa ay yumugyog ang kaniyang mga balikat. Siniko siya ng ginang sa tagiliran.

“Umayos ka!” singhal nito sa kaniya.

Umupo naman siya nang maayos.

Habang palapit sila sa beach ay wari binabayo ang puso ni Kira. Nagtataka siya bakit doon sila nagpunta sa beach. Ang alam niya sa kasal ay sa isang simbahan ginaganap.

“Bakit dito tayo, Manang Sonia?” curious niyang tanong.

“Dito kasi ang venue ng kasal. Beach wedding ika nga,” tugon naman nito.

Bumaba na sila at inalalayan siya ng dalawang lalaki na malalaki ang katawan, pawang mga nakaitim. Animo lamay ang dadaluhan ng mga ito, mga seryoso pa. Kahit ata apakan niya ang paa ng mga ito ay hindi magre-react. Daig pa ng mga ito ang robot.

Pagdating sa pampang ng dagat ay mayroong nakalutang na malaking sasakyan na puti. “Ano ‘yan?” inosenteng tanong niya.

“Iyan ang yate. Diyan gaganapin ang kasal,” tugon naman ni Sonia.

Sa lupang inaapakan nila patungong yate ay may malapad at mahabang telang pula na may nakahilirang makukulay na bulaklak sa gigilid. Manghang-mangha siya sa nakikita. Nang paakyat na sila sa yate ay nangatog ang kaniyang mga tuhod. Kumapit siya nang mahigpit sa braso ng bodyguard, na halos mapunit ng kuko niya ang balat nito. Ni hindi man lang ito dum*ing.

“Buhatin n’yo na!” sigaw ng pamilyar na boses ng lalaki mula sa itatas ng yate.

Napatili siya nang buhatin siya ng malaking lalaki. Kumalma lang siya nang makasampa na sila sa yate. Hanggang doon ay mayroong pulang tela sa sahig. Sa dulo ng yate ay may tila korona ng bulaklak, nakaarko sa harap ng bilog at mataas na lamesa na merong pulang sapin.

Sa gawing kaliwa ng arko ng bulaklak, nakatayo si Don Dimitri. Napangiwi siya nang makitang may suot pa rin itong maskara. Itim na suit ang suot nito. Sa harap ng bilog na lamesa ay may lalaking nakatayo na puti at mahaba ang damit, may salamin sa mga mata.

Kumabog ang dibdib niya habang palapit kay Don Dimitri. Lumakas pa ang kaba niya nang magtagpo sila at hinawakan siya sa kanang kamay. Humarap na sila sa lalaking nakatayo. Sumusunod lang siya sa eksena, nakikinig sa nagsasalita.

Pagkatapos ng litanya ay may pinirmahan silang papel. Mabuti nakabisado na niya ang kaniyang pirma.

“I pronounce you husband and wife! Mr. Guicini, you may now kiss the bride!” sabi ng pari.

Inaasahan ni Kira na aalisin ni Don Dimitri ang maskara nito ngunit pinapikit siya nito. Hindi niya alam kung nagtanggal ba ito ng maskara. Inangat lang nito ang belo niya. Ngunit natigilan siya nang may mainit na bagay na dumampi sa kaniyang bibig, mabilis ngunit nagtataglay ng nakakikiliting sensasyon. Umalab ang kaniyang sistema.

Tapos na ang kasal na hindi nasilayan ni Kira ang mukha ni Don Dimitri. Pagkatapos ay inutusan na siya nitong bumalik sa mansiyon at doon na lang daw sila magkikita.

Ihing-ihi na siya at nakalimutan niyang umihi sa yate. Paalis na ang kotse nang pinahinto niya. Tumakbo siya pababa at naghanap ng palikuran sa malapit na maliit na bahay.

“Kira!” tawag ni Sonia.

Hindi niya ito pinansin. Hinabol siya ng dalawang bodyguard. Nang papasok na siya sa bahay ay may humarang sa kaniya na dalawang tao na mayroong suot na itim na tela sa ulo at mga mata lang ang nakikita. Sisigaw sana siya ngunit ginapos siya ng isang lalaki. Tinakpan nito ng palad ang kaniyang bibig, nilagyan ng madikit na tape. May kung anong inilagay sa ulo niya at wala siyang makita, sobrang dilim.

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Almira Gazmin Queirós
...️...️...️...️...️...️...️...️...️...️
goodnovel comment avatar
Rona Rosel
Ang ganda! Kakaexcite
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status