Home / Romance / The Instant Wedding / TIW 2. Pasalamat

Share

TIW 2. Pasalamat

Pinilit ni Margarette na tanggapin ang kapalaran niya. Pero sa bawat araw na lumilipas na sadyang ini-involve siya ng ina sa pagpaplano ng kasal ng mga taksil, bumigay rin ang kanyang pasensya.

Ngayon ay nag-walk out siya nang sabihin ni Magda na siya ang magiging maid of honor ni Michaela. 

Ano siya? Baliw? Sinong pinagtaksilan ang masokista pa para pagbigyan ang hiling na iyon? Sumusobra na ang mga ito! Hindi siya gano'n ka-gullible para pumayag! 

Alam naman niyang nais lang ipamukha sa kanya ni Michaela na naagaw nito sa kanya si Bobby. At hindi niya ibibigay ang layaw nitong saktan pa siya lalo.

"Margarette!" sigaw ni Magda. Pero hindi niya nilingon ang ina. 

Tama na ang pagpaparaya! Gusto nilang magpakasal? Eh 'di magpakasal sila! Pero gawin nila nang hindi na siya idinadamay pa. 

Kasi masakit pa rin. Hindi naman siya plastik para sabihin na naka-move on na siya. Hindi pa! At palagay niya ay habambuhay na niyang dadalhin sa dibdib niya ang sama ng loob niya sa ina at kapatid. 

Nagparaya na siya. Sana naman ay makuntento na ang mga itong nasaktan siya. Sana ay pabayaan na siya at 'wag nang pwersahin pang gawin ang sobra na. 

"Excuse me, Ma'am. For members lang po ang bar na ito."

Kung hindi pa nagsalita ang gwardiyang humarang kay Margarette, hindi niya mamamalayang dinala na pala siya ng kanyang mga paa sa sikat at mamahaling bar na iyon sa pusod ng siyudad. 

Paano siya napadpad doon? Lumingon siya sa pinanggalingan at nakitang maayos naman niyang naiparada ang kanyang sasakyan. Bahagya pa siyang kinilabutan nang mapagtantong hindi niya maalala ang ginawang pagmamaneho para makapunta roon. 

"Ano ang ginagawa ng baboy na iyan dito? Tumatanggap na pala kayo ng customer na hindi tao?" patutsada ng isa sa dalawang babaeng dumating. 

Ang gaganda, ang se-sexy, ang kakapal ng make-up, ang iiksi ng mga hapit na mga kasuotan ng mga ito. Binigyan siya nang nanghuhusgang tingin na para bang napakaliit niya at angat na angat ang mga ito kumpara sa kanya. 

Oo nga't simple at balot na balot siya sa suot niya, eh ano naman? Alam ba ng mga ito na blusa pa lamang niya ay mas mahal na kahit na pagsama-samahin pa ang lahat ng suot nila?

"'Wag mo 'yang papasukin, kuya. Masisira ang imahe ng bar ninyo," humahagikhik na sabi ng isa pa. "Isa pa, mukha namang naligaw lang at can't afford talaga!"

Napaismid si Margarette nang makita ang iniabot na bronze membership card ng dalawa sa gwardiya. Base roon ay nagka-ideya na siya sa membership tier ng bar.

"Saan ako pwedeng magpa-miyembro? Platinum." Taas-noo niyang tanong sa gwardiya.

Napanganga na lang ang dalawang babae na nagmamadaling tumalikod at pumasok sa bar. 

Inasistehan naman siya at ilang saglit pa ay nakaupo na siya sa stool sa bar counter at humihiling ng inuming hindi naman siya pamilyar.

Basta ang sabi niya ay iyong makakalimot siya sa sakit. Wala siyang pakialam kahit pa binigyan siya ng wirdong tingin ng bartender. Tinaasan na lang niya ito ng kilay kaya gumalaw na rin para gawin ang inumin. 

Ramdam niyang may mga matang nakatingin sa kanya. Bakit ba? Hindi ba siya pwede roon? Nagkukumahog nga kanina ang nag-apruba ng membership niya nang mabasa ang pangalan sa kanyang business card.

Margarette Vega, Chief Executive Officer, MV Industries, Inc. 

Hindi siya kagandahan alam niya. Pero hindi siya pangit. Sadyang mas malusog lang siya sa normal. Pakialamanan ba? 

Mayaman siya at afford niya ang magwaldas ng pera sa lugar na iyon. Gusto lang naman niyang lumimot! 

"Here's your drink, ma'am," wika ng bartender na inilapag sa harapan niya ang isang baso ng orange juice. 

Pinanliitan niya ng mga mata ang lalaki. "Niloloko mo ba ako?" singhal niya sa boses na kinakatakutan ng mga empleyado niya. "Hindi juice ang order ko!"

Mabilis na kinuha iyon pabalik ng bartender at naglaho sa paningin niya.

Gano'n ba kahalata na hindi siya manginginom? Kaya kahit na may pambayad siya, ayaw ibigay ang hiling niya?

Nakaramdam siya nang pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata. Naawa siya bigla sa kanyang sarili. 

Kaya nang bumalik ang bartender at ilapag ang 'di pamilyar na inumin sa harapan niya, kaagad niya iyong tinungga at inisang lagukan.

Nasamid pa siya nang gumuhit ang mainit at mapait na lasa no'n sa kanyang lalamunan. Pero kaagad pa rin siyang humingi ng isa pa. 

Makalipas ang wala pang trenta minutos, hilo na ang pakiramdam niya at nagdadaldal na siya. Pailing-iling na lang ang bartender na siyang inabala niyang makinig sa kanya. Inalok pa niya itong babayaran makinig lang sa mga hinaing niya sa buhay. 

Tumatango-tango lang ito dahil busy rin naman ito. Pero walang pakialam si Margarette. Okay lang naman kung wala itong naiintindihan. Gusto lang niyang maglabas ng sama ng loob. 

"Alam mo, ginawa ko naman ang lahat para sa kanila! Nang mamatay ang Papa, ako ang pumasan sa responsibilidad dahil hindi kaya ng Mama! Ang gusto ko lang, mahalin nila ako… Pero hanggang sa huli, inagaw pa ang nag-iisang nagmamahal sa akin!" lasing na sabi niyang 'di na nakikita nang maayos ang kausap o kung may kausap pa ba siya ay hindi niya alam. 

"Baka naman hindi ka kamahal-mahal?" 

Nagulat siya nang may magsalita sa tabi niya. Marahas siyang napalingon. May naaaninag siyang naka-suit sa tabi niya. Base sa malabo niyang paningin, matangkad ang lalaki. 

Maganda ang boses nito pero dahil sinabihan siyang hindi siya kamahal-mahal, aba, napaka-mapanghusaga naman nito? Isa pa, hindi siya sigurado kung kanina pa ba ito sa tabi niya. 

Wala naman kasing 'andoon nang dumating siya dahil busy ang lahat sa kani-kanilang mga inaatupag na kung hindi kahalayan ay ewan na niya.

"Hindi kita kinakausap, Mister," pinanliitan niya ito ng mga mata niya. 

"Pasalamat ka nga't kinakausap kita," sagot naman nitong tumungga sa inumin nito.

"Magpapasalamat pa ako kahit na halatang nakikinig ka at nakikisali sa usapan na hindi ka naman kasama?!" 

"Wala kang kausap, Miss," tunog natatawa pa ang boses nito. 

Awtomatiko naman niyang hinanap ang bartender na wala na nga roon. Saan ito nagpunta? 

Nakaramdam siya nang kaunting sama ng loob. Kahit ang katulad nito, 'di man lang magpakita kahit kaunting interes sa sinasabi niya.

Kinuha niya ang wallet at naglabas ng bills at inilapag sa counter. Pinatungan niya iyon nang wala ng laman niyang baso. 

Uuwi na lang siya at iiyak sa kama niya kaysa kausapin ang lalaking nagsabing hindi siya kamahal-mahal.

Tumayo siya at aalis na sana pero biglang umikot ang paningin niya. Napasapo siya sa ulo at nakaramdam nang tila pagkawala ng balanse niya.

"Woah, careful there, lady!" Narinig niya ang boses ng lalaki. Napahawak ito sa magkabila niyang braso, o nasandalan ba niya ito at inilalayo lang siya sa katawan nito?

"Tsk, bitawan mo ako! Judgemental!" sikmat niyang pinalis ang mga kamay nito.

Tumawa lang ang lalaki. "Sino ba kasi ang nalalasing sa dalawang baso?" 

Kanina pa ba ito para malaman nito iyon?

Hindi nito inalis ang kamay sa pagkakahawak sa kanya. Pakiramdam niya pa tumayo ang mga balahibo niya sa batok nang bulungan siya nito.

"Let me help you." 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status