Home / Romance / The Instant Wedding / TIW 1. Tinalikuran

Share

The Instant Wedding
The Instant Wedding
Author: Maisie Jade

TIW 1. Tinalikuran

"Ano pong kasal ang ibig ninyong sabihin? Ma, boyfriend ko si Bobby!"

Paakkk!

Isang matunog na sampal ang naging sagot sa tanong ni Margarette. Nanlalaki ang mga matang napasapo siya sa pisnging dinapuan ng palad ng kanyang ina. 

"Ano ang karapatan mong kwestyunin ang desisyon ko, Margarette?! Kahit kailan ay hindi ka marunong rumespeto!" 

Lalong napat*nga ang dalaga sa sinabi ng ina. Siya? Walang respeto? 

Napadako ang tingin niya sa umiiyak na nakababatang kapatid na si Michaela. Yakap-yakap ito ng nobyo niyang si Bobby na matiim ang pagkakatingin sa kanya. 

Naramdaman niya ang pagbabadya ng kanyang mga luha sa ayos ng dalawa. Isang linggo lang siyang nawala para ayusin ang gulong kinasangkutan ni Mich sa ibang bansa. Pero heto at sa pagbabalik niya, buhay na niya ang ginulo ng kanyang kapatid.

Ang masakit, mukhang may permiso ng kanilang ina. 

"Ma, ako ba ang walang respeto?! Hindi ba ang paborito mong anak? Kasintahan ko si Bobby! Pero ano ang ginawa niya?!" sumbat niya. Halos mapunit ang puso niya sa isiping ikakasal ang nobyo niya sa kapatid niya.

"Ginalaw niya ang kapatid mo. Ano ang gusto mong gawin ko? Kung hindi ka kasi napakataba at puro trabaho, hindi mangyayari ito!"

Aba, at tila kasalanan pa niya? 

"Hindi kasalanan ng kapatid mo kung mas kaakit-akit siya sa 'yo at siya ang nakapagbigay sa pangangailangan ng nobyo mo na hindi mo maibigay!" patuloy pa ni Magda.

Hindi makapaniwala ang dalaga sa naririnig. Hindi ba't sa ina rin galing ang pangaral na ireserba ang pagkabirhen hanggang sa gabi ng kasal? Tapos ngayon, siya pa ang nasisi na hindi niya ipinagkaloob ang pagkababae sa kanyang nobyo?

Napatingin siya kay Bobby na walang bahid nang pagsisisi ang mukha. 

Paano nito nagawang pagtaksilan siya? Limang taon na silang magkasintahan. Seremonya na lang ang kulang sa kasal nilang nakatakda sa susunod na dalawang buwan. Pero heto at sa isang iglap, ikakasal na ito sa kapatid niya?

At dahil lang sa mataba siya at palaging busy sa trabaho?

Ang buong akala niya ay tanggap siya ng binata. Akala niya ay iba ito. 

"Ate, patawarin mo ako. Hindi namin sinadya ni Bobby," umiiyak kuno na paghingi ng tawad sa kanya ni Michaela. "Pero mahal namin ang isa't isa. Sana ay pakawalan mo na siya." 

"Bobby?" baling niya sa kasintahan na nag-iwas ng tingin. Wala siyang pakialam sa sinabi ni Michaela. Sinungaling ang babae. Misyon nito sa buhay na agawin ang lahat ng mayroon siya. 

"Marga, lalaki lang ako," tanging nasabi ni Bobby. 

"Tama na ang usapan na ito," sabi ng kanilang ina. "Ipinaalam namin ito sa 'yo hindi para hingiin ang permiso mo. Kundi para sabihin sa 'yo na ikakasal na sila sa susunod na linggo!" 

Pakiramdam ni Margarette ay gumuho sa paanan niya ang kanyang mundo nang talikuran siya ni Bobby habang yakag ang kapatid niya. 

Gano'n na lang iyon? Limang taon at natapos lang sa ganoong paraan?

Gusto niyang humabol, umiyak at magmakaawa kay Bobby na piliin siya. Pero hanggang sa maiwan siya mag-isa sa sala ay hindi man lang niya nakuhang gumalaw sa kinatatayuan niya. 

Maski mga luha niya ay tumigil sa pagpatak, o kung pumatak ba ay hindi niya alam. Bukod sa sakit ay matindi ang poot na nararamdaman niya. 

Patakbo siyang umakyat sa ikalawang palapag ng malaki nilang bahay kung saan naroon ang kanyang silid. Bawat hakbang ng three hundred pound niyang katawan ay halos magpayanig sa bawat baitang ng hagdanan. 

Hindi naman siya ganoon dati. Oo, malusog siya noon pa man. Pero sakto lang naman at hindi kagaya ngayon. 

Nagsawa kasi siya noon sa pag-aalaga ng kanyang katawan. Bawat maging nobyo niya kasi ay nauuwi lang sa panunulot nang magaling na si Michaela. 

Maganda ang nakababata niyang kapatid. Aminado naman siya na bukod sa kagandahan nito ay mayroon pa itong nakaaakit na pangangatawan. Ngunit sa likod ng mala-anghel sa kainosentihan nitong mukha ay ang ugaling nakasusulasok sa sama. 

At tila ba siya lang ang nakakakita sa kapintasan nito. Dumating pa sa punto na naisip niya na baka siya pala ang inggitera kaya napag-iisipan niya nang hindi maganda si Michaela. O baka bitter lang pala talaga siya dahil hindi sila magkasing-ganda.

Hanggang sa ayaw na niyang pumasok sa pakikipagrelasyon. Pero dumating si Bobby. Sa kabila nang pag-uumpisa na niyang paglobo, tinanggap siya nito. Naniniwala si Margarette na minahal siya ni Bobby nang totoo.

Nagpaka-kampante siya. Akala kasi niya, ito na ang lalaking sagot sa dasal niya. Dahil sino naman ang magkakagusto sa nagiging tampulan na ng tukso at tinatawag ng baboy? Wala. Si Bobby lang. Akala niya iba ito dahil bukod sa gwapo na, mayaman, ay napaka-gentleman din nito.

Sinuklian naman niya ang pagmamahal nito. Buong-buo ang tiwala na ibinigay niya sa lalaki. Bumuo sila ng mga pangarap. Makalipas ang apat ng taon nga ay inalok siya nito ng kasal na kaagad din naman niyang tinanggap.

Pero sa pagbabalik ng kanyang kapatid na ikinayod niya ang pag-aaral sa ibang bansa pero nakuha pang gumawa ng gulo roon, muli nitong inagaw ang lalaking kanya. 

At ngayon, nagtagumpay na naman ito! Iniwanan siya ng lalaking mahal na mahal niya! 

Pagkapasok sa kanyang silid ay napasandal pa si Margarette sa dahon ng kaagad niyang ini-lock na pinto. Nag-unahan na kasing pumatak ang mga luha niya.

Bakit? Bakit sa kabila ng lahat ng ginawa niya para sa pamilya nila ay hindi pa sumapat iyon para irespeto ng kanyang ina at kapatid ang kanyang nag-iisang kaligayahan? Si Bobby lang naman ang gusto niya. Bakit kinuha pa ito sa kanya?

Pero ang mas masakit sa dibdib niya, isang linggo pa lang nakilala ni Bobby ang kapatid niyang alam na alam nitong mabigat ang loob niya, pero kaagad itong naging marupok at tinalikuran ang pangakong kasal sa kanya. Gano'n ba kaibig-ibig si Michaela kumpara sa kanya?

Sana pala ay hindi siya umalis! O sana pala, isinama niya si Bobby. Pero ang independent self niya na ayaw na nagiging pabigat nino man, piniling umalis mag-isa.

Kaya heto ang resulta, sa kanyang pagbabalik, wala na ang lalaking akala niya ay pakakasalan siya. Kagaya lang din pala ito ng mga lalaking nauna niyang pinapasok sa buhay niya, bigla na lang siyang hindi nagiging sapat kapag nakikilala na ang kanyang magandang kapatid. 

Muli, binigo siya ng lalaking minahal at pinagkatiwalaan niya. 

Hindi na talaga siya iibig pa ulit! Hinding-hindi na! Pare-pareho lang ang mga lalaki! Mga paasa! Mga mapanakit! 

"Bobby…" sambit niyang napahagulgol na lamang. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status