Share

The Florist In Dangwa
The Florist In Dangwa
Author: MissJAM

Chapter 1.

First Encounter

"WOW, ako ba talaga 'to?" Usal ni Nathalie o Alie sa sarili habang nakaharap sa malaking salamin na nakadikit sa dingding. Sinipat pa niyang mabuti ang sarili partikular ang mukha para siguruhing siya 'yon. Pagkatapos ay ngiting-ngiti na hinarap ang baklang kaibigan. Bumagay ang manipis na makeup na inilagay nito at para bang inalis no'n ang mga sama ng loob sa buhay na kinikimkim niya. Ang alon-alon at hanggang balikat niyang buhok ang isa sa laging napapansin. Pati na rin ang mapilantik na pilikmata at mapulang mga labi na kahit walang lipstick ay mukha pa ring nag-aanyaya ng halik. Hindi naman sa pagyayabang pero may ipagmamalaki rin naman siya kung pagandahan lang ang usapan. Sa kutis niyang morena at taas na five feet, seven inches ay papasa na siyang beauty queen. 'Yon nga lang sa hirap ng buhay ni ang pagbili ng skincare ay hindi niya magawa dahil imbes na gastusin sa ganoon ay inilalaan na lang niya sa mga mas importanteng bagay.

"Ang ganda mo talaga, girl. Pak na pak sa mga papables," palatak ni Mando na ngayon ay Mandy na. Paborito siya nitong ayusan sa maliit nitong salon na malapit lang din sa Dangwa kung nasaan ang maliit na tindahan niya ng bulaklak. Dating OFW sa Japan si Mandy na nang makaipon ng sapat na pera ay nagtayo na lang ng negosyo dito sa Pinas dahil diumano mas masaya pa rin sa sariling bayan. May pitong taon na silang magkakilala dahil ito ang tumulong sa kanya na mapanatili ang pwesto niya ng bulaklakan sa Dangwa na noong mga panahon na 'yon ay muntik ng mawala.

"Hindi ba masyadong OA itong make up ko? Magde-deliver lang ako ng bulaklak, Mandy," alangan niyang tanong at akmang hahawakan ang labi niya ng tapikin nito 'yon.

"Tama lamang 'yan. Malay mo may makabangga kang isang Vallejo at magustuhan ka? Ay, swerte mo, 'Day," kinikilig at nangangarap na wika ni Mandy. Galing sa VGC ang natanggap niyang tawag at nagpapa-deliver ng isang bouquet ng Tulips.

Hindi niya pinansin ang sinabi nito at pinasadahan ng tingin ang suot niyang sneakers at jumper pants. Simple lang naman siyang manamit at walang gaanong arte sa katawan o mas tamang sabihin na hindi niya afford ang mamahaling mga damit at burloloy sa katawan. Tanging hikaw lang ang suot niyang aksesorya na binili pa sa bangketa na tig-sampung piso.

"Sa laki ng VGC malabong may makita akong isang Vallejo. Isa pa puro matatandang Vallejo na ang naroon no?" turan niya. Sa laki ng building na 'yon maliit pa sa isang porsiyento na makasalubong siya ng kahit isa sa mga bata at binatang Vallejo.

Ang Vallejo Group of Companies ang isa sa leading construction company sa Pilipinas, at generation to generation ang pagpapasa ng legacy ng pamilya. Sa pagkakaalam niya hindi pa naipapasa ang pamamahala sa mga apo dahil buhay pa ang mismong nagtayo noon.

"Malay mo, malay ko, Malaysia! Charot! O siya umalis ka na. Ingat ka." Taboy nito.

Nag-beso siya kay Mandy at umalis na sakay ng e-bike. Habang nasa daan ay iniisip niya pa rin ang mga sinabi ni Mandy. Hindi naman siya nangangarap na makakilala ng isang Vallejo dahil alam niya kung anong lugar niya. Mayaman ang mga ito at siya? Isang hamak na tindera at ni wala pang tinapos.

Sa murang edad ay namulat na siya sa hirap ng buhay dahil pagkamatay ng tatay niya ay sa kanya na nalipat ang responsibilidad sa pag-aalaga sa kapatid na may Down's syndrome. Oo nga pala, kahit nga pala noong buhay pa ang ama ay siya na ang nag-aalaga kay Tantan dahil iniwan sila ng Nanay nila. Ang kaibahan lang mas nadagdagan ang pasanin niya dahil pati ang pagtatrabaho ay responsibilidad na rin niya. Siya na ang naghahanap ng paraan para mabuhay sila.

Kung hindi lang sana sumama sa ibang lalaki ang ina sana ay naipagpatuloy pa niya ang pag-aaral at hindi siya natigil sa ikatlong taon sa highschool. Baka sakali pang natupad niya ang pangarap na maging nars. Pero ano pa nga ba ang punto ng pagbalik sa nakaraan? Nangyari na ang lahat ng nangyari at ang dapat niya na lang gawin ngayon ay mag-move on.

Huminga siya ng malalim para alisin ang paninikip ng dibdib. Pagdating sa destinasyon ay ipinarada ng dalaga ang e-bike sa lobby ng VGC at dahan-dahang binitbit ang bouquet ng bulaklak dahil doon nakasalalay ang kita niya ngayong araw.

"Ang laki talaga ng building na 'to," usal niya sa sarili habang nakatingala sa matayog na gusaling pag-aari ng mga Vallejo.

Ilang beses na siyang nakalabas-pasok roon pero hindi pa rin niya maiwasang mamangha. Halos lahat ng naglalabas pasok doon ay mukhang kagalang-galang at nabibilang sa pinakamataas na antas ng lipunan. Hindi niya maiwasang isipin kung paano ang pamumuhay ng mga ito. A, siguro'y napakaginhawa. Walang problema dahil nasa kanila na ang lahat.

Masuwerte ang kabilang sa pamilya na ipinanganak na ika nga'y may silver spoon sa bibig. Hindi na nila kailangan dumanas ng hirap.

Matapos pagsawain ang mga mata ay pumasok na siya sa gusali dala ang mga bulaklak at tinahak ang daan papuntang elevator.

Nasa 23rd floor ang pagdadalhan niya ng bulaklak sa nagngangalang, 'Kassandra Vallejo'. Wala pa siyang nakikilala ni isa sa mga Vallejo. Sa tuwing may order kasi ay sa sekretarya niya na lang iniiwan ang bulaklak at pagkatapos kunin ang bayad ay umaalis na siya.

Habang hinihintay na bumukas ang elevator ay napansin niya na nakalas ang sintas ng sapatos niya. Naghanap siya ng pwedeng paglagyan ng bulaklak pero wala siyang makita kaya inilapag na lang niya 'yon sa sahig sa tabi niya saka dali-daling itinali ang sintas.

"I'll call you back, babe..." Naulinigan niya ang boses ng lalaki na may kausap sa telepono pero abala siya sa sapatos at hindi ito tinapunan ng tingin. Nang matapos ay tumayo na siya bitbit ang bulaklak. Sakto naman na bumukas na ang elevator kaya nagmamadali siyang naglakad pero hindi pa man tuluyang nakakapasok ay nabangga na siya ng lalaking kasabay dahilan para mahulog at magkalasog-lasog ang dala niyang bulaklak.

Napanganga siya at animo slow motion ang pagtalsik ng mga petals sa madulas na sahig. "A-ang bulaklak ko," tanging nasabi niya habang puno ng panghihinayang na nakatingin sa sirang tulips. 

Halo-halong emosyon ang nararamdaman niya ng mga oras na 'yon. Lumuhod siya para pulutin ang boquet na sana ay maghahatid ng pagkain sa hapagkainan nila mamayang hapunan. Pero wala na. Iilang stem na lang ang may bulaklak at hindi na 'yon presentableng tingnan. Tumayo siya at wala sa sariling napadako ang tingin sa lalaking nakabangga na ngayon ay nasa loob na ng lift at nakatingin sa kanya. Pero ang napansin niya ay ang kakaibang ngiti sa labi nito.

"Anong nginingiti-ngiti mo d'yan? Alam mo ba'ng halaga nito?" singhal niya habang tumatahip ang dibdib dahil sa kabila ng kasalanan ay nagawa pa nitong ngumiti.

Tila napagtanto naman nito ang naging reaksyon at nawala ang ngiti sa labi. "Look, Miss, babayaran ko na lang," sinubukan nitong lumapit pero sinamaan niya ito ng tingin.

"Ganyan ba talaga kayong mayayaman? Akala niyo lahat ay maa-areglo ng pera?" Mapakla siyang natawa ng mapagtanto ang mga salitang lumabas sa bibig niya. "Oo nga pala. Marami nga pala kayo no'n. Para sa inyo barya lang ang halaga nitong bulaklak na 'to. P'wes sa 'kin hindi!" Pinalis niya ang luha na dumaloy sa pisngi dahil nagmu-mukha siyang kawawa sa harapan ng Poncio Pilatong 'to.

Hindi ito nakahuma at napatanga lang sa sinabi niya. Mayamaya ay may lumapit sa kanilang babae partikular sa lalaking kaharap niya.

"Are you okay, Sir?" humahangos na tanong nito habang hinahagod ng tingin ang lalaki samantalang siya ay hindi man lang tinapunan ng tingin. Sino nga ba naman siya para pag-aksayahan ng oras? Baka empleyado pa ang lalaking ito sa VGC kaya gano'n na lang ang pag-aalala dito ng receptionist.

Hindi na siya nagsayang ng oras at nilisan ang lugar na 'yon. Wala namang mangyayari kung magngangangawa siya ro'n.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status