Share

Chapter 2.

Unfortunate Event

ABALA si Alie sa pag-aayos ng mga bulaklak sa maliit niyang pwesto. Kasama niya ang kapatid na si Nathan na nakaupo lang sa isang tabi at naglalaro ng crayola.

"Alie..."

"O, Mandy, nand'yan ka na pala," nakangiting salubong niya sa kadarating lang na si Mandy at kinuha ang mga pagkain na ipinabili niya..

Hindi niya na nagagawang magluto para sa kanilang magkapatid dahil araw-araw silang nasa tindahan. Kaya't nagpapabili na lang siya kay Mandy ng lutong pagkain sa karinderya.

"Sabayan mo na kaming kumain," saad niya habang inihahanda ang pagkain sa maliit na mesang naroroon.

"Naku, hindi ko tatanggihan 'yan," at nauna na itong naupo.

"O, Tantan, kain na tayo. Good boy 'yan," nakangiting tawag ni Mandy kay Tantan. Napangiti siya ng makita kung paano sinunod ng kapatid niya si Mandy.

Ipinanganak na may Down syndrome si Tantan. Pero kahit na may gano'ng kondisyon ay naturuan niya ang kapatid ng ilang bagay. Salamat na lang sa maunlad na teknolohiya at abot kamay niya ang mga impormasyon na dapat niyang malaman tungkol sa kondisyon nito.

Wala siyang kakayahan na ipasok ang kapatid sa paaralan ng may mga special needs kaya nagkasya na lang siya sa paminsan-minsang pagtuturo dito. Pero may mga pagkakataon na hindi niya maturuan ang kapatid dahil nagiging bayolente ito.

Natigil siya sa pag-iisip ng tumunog ang bell tanda na may kostumer. Isang matandang lalaki na naka-uniporme ang may iniabot sa kanya na listahan. Ito rin ang nagpunta noon para magpa-deliver ng bouquet ng Tulips sa VGC.

"Ah, Manong, hindi ba pwedeng hintayin niyo na 'yung mga bulaklak?" nag-aalangan niyang tanong.

Hangga't maaari ay ayaw na niyang bumalik do'n dahil sa nangyari noong nakaraan sa pagitan nila ng aroganteng lalaki na 'yon. Halos maiyak siya ng makita ang bulaklak na nasira. Ang halaga no'n ay pambili na nila ng pagkain. Hindi na siya bumalik do'n at sinabi sa um-order ang tunay na nangyari. Mabuti na lang at mabait ang kostumer na um-order sa kanya at pumayag itong palitan ang bulaklak na nasira. Nagbayad pa ito ng sobra sa napag-usapan.

"Pasensya na po, Ma'am, hindi ko na po mahihintay 'yan. Susunduin ko pa po si Donya Katarina, sa kompanya." Napakamot pa ito sa ulo..

Wala siyang nagawa kundi tumango. Tinanggap niya ang bayad at nagpasalamat. Pagkatapos ay nakasimangot na bumalik sa hapag. Hindi nakaligtas sa paningin ni Mandy ang itsura niya

"Anong problema?" tanong nito.

"Galing VGC ang natanggap kong order," tugon niya na lalong sumimangot.

"O, 'di jackpot ka." May pagtaas pa ng kilay na wika nito.

"Anong jackpot? 'Di ba kaku-kwento ko lang sa 'yo no'ng nangyari sa 'kin." Naiimbiyerna pa rin siya kapag naaalala 'yon. Dumadagdag pa ang mukha ng lalaking 'yon na nakangiti.

"Hay naku, alangan namang maulit pa 'yon no?" pumipilantik ang mga daliring pakli nito. "Sa laki ng VGC imposible ng magkita pa ulit kayo."

Napabuntong-hininga siya. "Ayoko lang naman na maulit 'yon,"

"'Wag ka nga'ng nega. Ay teka, chika mo naman sa 'kin ang itsura noong papables. Gwapo ba, hot, sharap?" Parang nangangarap na tanong nito.

Bigla siyang natawa ng mag-kagat labi pa ito. Saka siya napa-isip tungkol sa itsura noong Poncio Pilato na 'yon. Napagtanto niya na sa bihis pa lamang no'n ay halatang anak mayaman na. Sigurado siyang hindi ito nagtatrabaho sa VGC. Clean and neat ang itsura nito mula sa buhok at mukha pero ang ugali? Sobrang sama! Lihim siyang napaismid dahil sa naisip.

"Mas matangkad siya sa 'kin at ehem... Aaminin ko na gwapo siya kahit na saglit ko lamang siyang nasulyapan," aniya sa isip.

"Wala, hindi siya gwapo, hot at mas lalong hindi masarap..." bulalas niya at sunod-sunod ang ginawang pag-iling. Kung ano-ano ang naiisip niya gayong dapat ay galit siya sa ginawa ng lalaking 'yon.

"Magde-deliver na 'ko. Bantayan mo muna si Tantan, ha," wika niya pagkaraan at tumayo na. Nilapitan niya si Tantan para halikan sa pisngi. Pagkatapos ay inayos niya na ang mga order na bulaklak para maisakay na sa tricycle na inarkila kay Emong. Kaibigan niya ito na isang tricycle driver sa lugar nila sa Barangay 465 sa Sampaloc. Wala itong biyahe ng araw na 'yon dahil may inaasikasong importante at iniwan sa kanya ang sasakyan.

"Sinungaling ka, Nathalie. Gwapo ang Poncio Pilatong 'yon!" Kastigo ng isang bahagi ng isip niya habang papalayo sa flower shop. Kung sinabi niya kasi ang totoo kay Mandy ay tiyak na aasarin siya nito. Kaya sinarili niya na lang.

Limang bouquet ng iba't-ibang klase ng bulaklak ang pinapa-deliver sa kanya sa VGC. Pero wala namang pangalan kung kanino ibibigay. Kaya sa tingin niya ay may mahalagang okasyon sa kompanyang 'yon at limang maswerteng babae ang mabibigyan ng bulaklak. Napapa-sana all na lang siya.

Malapit na siya sa palikong bahagi ng kalsada nang walang ano-ano ay biglang sumulpot sa kung saan ang isang itim na Mustang at muntik niya pang masagi ang gilid no'n. Mabuti na lang at mabilis niyang nakabig ang manibela at dahil sa pagkabigla ay hindi sinasadyang naapakan niya rin ang preno dahilan para biglang tumigil ang tricycle. Pero muntik na 'yong tumaob at naramdaman niya na lang ang pagtama ng ulo niya sa salamin ng sasakyan pagkatapos ay unti-unting lumabo ang paligid niya.

Naririnig pa ng dalaga ang komosyon ng mga tao na nakikiusyoso at ang iba ay dumungaw pa mismo sa harapan niya. Sinubukan niyang ilibot ang paningin at bumangon pero umiikot ang paningin niya.

"What have you done, Colton?.." Iyon ang huling mga salita na narinig ni Alie bago tuluyang panawan ng ulirat.

"Tatay... Tay, 'wag mo 'kong iwan!" 'Yon ang paulit-ulit na sinasabi ni Alie sa harapan ng kabaong na kinahihigaan ng tatay niya. Pero kahit anong gawin niya ay ayaw na nitong gumising. Kahit anong iyak ay hindi na rin naman ito babangon.

Hindi na nito uulitin ang mga bagay na ginagawa nito sa kanila ni Tantan noong nabubuhay pa ito. Wala ng magdadala sa kanila sa karinderya tuwing almusal at sa tindahan ng suman tuwing gabi. Wala na ang taong tinitingala niya dahil nilunod nito ang sarili sa alak. Kaya unti-unting nasira ang internal organs nito at naging sanhi ng pagsuka nito ng dugo.

Maayos naman sana ang buhay nila kung hindi lang nagsimulang magloko ang nanay niya at paglaon ay sumama pa sa lalaki nito. Saksi siya sa gabi-gabing pagtangis ng ama habang lasing at tinatawag ang pangalan ng kanilang ina. Alam din niya kung paanong paulit-ulit nitong sinuyo ang nanay niya para lang bumalik sa kanila pero naging bato na ito na kahit silang mga anak nito ay hindi man lang naisip. Galit siya sa lahat ng nangyari. Galit siya sa ina na ipinagpalit sila sa ibang lalaki. Galit din siya sa ama na mas piniling magpakalunod sa alak kaysa ibaling sa kanila ang buong atensyon. Pero mas galit siya sa sarili dahil hindi niya man lang nagawang pigilan sa bisyo ang Tatay niya kaya hayun siya at luhaan.

Wala na silang magulang at ibig sabihin no'n kailangan niya ng tumayo sa sarili niyang mga paa. Para sa kanila ni Tantan. Pero paano siya magsisimula? Saan? Nag-aaral pa siya at nasa ikalawang taon palang sa highschool.

Lalo siyang napaiyak dahil sa sari-saring emosyon na lumulukob sa kanya ng mga oras na 'yon. Para bang hindi na kayang iproseso ng utak niya ang mga nangyayari. Labing apat na taon lang siya at ni hindi niya alam kung anong naghihintay sa kanila ni Tantan kapag inilibing na si kanilang ama.

Hangga sa mailibing ang ama ay hindi nagpakita ang nanay nila na lalong nagpasidhi ng nararamdaman niyang galit para rito. Pag-uwi sa tinitirahan nila ay naroon ang namamahala ng inuupuhan nilang bahay. Malungkot ang mukha ni Aling Marife habang nakatingin sa kanya. Saka niya naalala na ilang buwan na silang hindi nakakabayad ng upa rito. 'Yon siguro ang dahilan ng pagpunta nito roon.

"A-aling Marife," kinakabahan niyang tawag sa ginang pagkalapit dito. Nasa tabi ito ng nakasarang pintuan. Hindi niya alam pero pakiramdam niya ay palalayasin na sila nito. 'Wag naman sana...

"Alam kong nagluluksa ka pa sa pagkawala ng tatay mo, Nathalie. Pero kailangan kong sabihin sa 'yo na malaki-laki na ang utang sa 'kin ni Pedring sa upa dito sa bahay at ngayong wala na siya alam kong lalo na kayong hindi makakabayad sa 'kin," panimula nito.

"N-nakikiusap po ako sa inyo, Aling Marife, 'wag niyo po muna kaming paalisin dito. Wala na po kaming mapupuntahan ni Tantan. P-promise, promise po maghahanap po ako ng panghulog sa utang namin," sabi niya sa garalgal na tinig.

"Paano? Saan? Pasensya na, Alie pero alam kong walang naiwan sa inyo ang tatay niyo ni isang kusing at baon pa siya sa utang. Kaya hindi ko---"

"I-iyong flower shop po ni Tatay! M-magtitinda po akong bulaklak para makaipon ng pambayad sa inyo. Basta ho bigyan niyo pa kami ng kaunting palugit, Aling Marife. Nakikiusap po ako sa inyo..." Umiiyak na turan niya at hinawakan pa ang kamay nito. Kung gusto nitong lumuhod siya ay gagawin niya para lang hindi sila mawalan ng masisilungan ng kapatid.

Sandali itong natahimik at pakiwari niya ay nag-iisip ito. Mayamaya ay nagbuntong hininga ito at mataman siyang tinitigan.

"Sige, bibigyan ko kayo ng isang buwan para maghanap ng pambayad. Pero kapag lumipas ang isang buwan na wala ka pa ring naibayad, pasensyahan na lang tayo, Alie. Kailangan ko rin naman kumita dahil may pinag-aaral akong anak, alam mo 'yan. O, siya, hindi na rin ako magtatagal." Sinundan niya na lang ng tanaw ang may katabaang landlady hanggang mawala ito sa paningin niya.

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Meg Saturno
sna malampasan nila,salamat author
goodnovel comment avatar
Meg Saturno
nakakalungkot nman ang magiging buhay nilang magkapatid
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status