Share

Kabanata 3

Habang naglalakad si Celeste ay nakatanggap ito ng isang mensahe. Matagal niyang pinakatitigan ang telepono bago iyon binaba at muling lumakad. Huminto siya sa isang kwarto at binuksan iyon. May kadiliman ang kwarto pero kitang-kita niya ang kanyang anak na si Dwight na nakahiga ng diretso sa kama. Nakapikit ang mga mata nito, pero nang naramdaman sigurong may pumasok ay biglang dumilat.

Maganda ang mga mata ni Dwight, ngunit hindi naman makikitaan ng liwanag ang mga mata nito, tila laging walang buhay at puno ng lungkot.

Umupo si Celeste sa higaan, sa tabi ni Dwight. Hinimas niya ng dahan-dahan ang kaliwang pisngi ng kanyang anak.

"Kailangan mong maghanda, anak. May kailangan tayong harapin na mga tao sa isang pribadong restaurant."

"Ang babaeng sinasabi mong kailangan kong pakasalan," walang buhay na sagot ni Dwight.

Natigilan man sa sinabi ng anak ay nagsalita muli si Celeste, "Batid mo na gusto ko lang na may mag-aalaga sayo anak. Hindi paurong ang edad ko. Makakabuti ito para sayo, pangako."

Sa muling pagsasalita ni Dwight ay may kalamigan na iyon, "Bakit hindi mo na lang pinapirma ng marriage contract ang babaeng sinasabi mo para tapos na."

Tumayo si Celeste habang nakaharap ang katawan niya sa pintuan. "Iiwan na muna kita, Dwight. May mga katulong na tutungo rito para bihisan ka."

Dumilim ang mata ni Dwight pagkalabas ng kanyang ina. Bumalik naman sa ala-ala niya na namatay ang kanyang ama, pero siya ay nakaligtas ngunit parang kalahati ng katawan ang patay na rin dahil hindi makagalaw. Kung papipiliin siya noong araw ng aksidente, mas gugustuhin pa niyang ang ama na lang niya ang nabuhay, kaysa naman sa kanya na buhay nga, pero parang habang buhay ng nakadikit ang katawan sa higaan. Batid niya rin ang pangungulila ng kanyang ina sa kanyang ama hanggang ngayon.

Samantala, sa bahay ng mga Rivera ay nakahanda na si Sandy. Hinihintay na lang niyang tawagin siya ng kanyang ina para lumabas ng bahay at sumakay ng sasakyan. Bumukas ang pinto kaya napalingon si Sandy, ang buong akala niya ay ang kanyang ina, ang kapatid niya palang si Amara. Ang ngiti nito ay hindi masasabing masaya.

"Sasabihin ko lang na ang iyong papaksalan ay hindi ordinaryong tao. Ang pamilyang Montemayor ang pinaka-mayaman sa lugar na ito, kaya ngayon palang ay binabati na kita."

Walang bahid ng emosyon na nakatitig lang si Sandy kay Amara. Sa edad niya ngayon alam niyang may motibo ang sinasabi nito at kung paano ito magpakita ng ekspresyon sa mukha na hindi kayang itago kung ano ang ugali ni Amara. Halata naman na sa unang pagtapak palang ng mga paa niya sa harap ng bahay ng magulang nila ay hindi na siya nito gusto.

Hindi nagsalita si Sandy. Hinihintay niya kung may sasabihin pa bang iba ang kapatid niya. Muli ngang nagsalita si Amara.

"Pero kahit kilalang-kilala sila dito ay hindi lahat ay perpekto, lalo na ang anak nilang si Dwight na paralisado na ang mga paa. Sinasabi ko lang nman ito para may alam ka, kapatid. Kawawa ka lang kung sakali na matuloy ang kasal niyong dalawa."

Biglang may kung anong ekspresyon sa mukha ang nagpakita kay Amara, dahil sa totoo lang ay ayaw niyang makasal si Sandy kay Dwight dahil baka dumating ang panahon na mas maganda pa ang buhay nito kaysa sa kanya.

Pumaling ang ulo ni Sandy. Sa hilatsa ng mukha ni Amara ay batid niyang may kahulugan ang mga sinasabi nito sa kanya.

"Salamat sa pag-aalala mo, pero hindi ko iyon kailangan. Sabihin mo ng diretso na hindi mo talaga ako gusto rito. Hindi iyong nagsasabi ka pa ng kung ano-ano...." Tumigil si Sandy sandali sa pagsasalita at tumingin kay Amara na may itsura na bahagyang nagulat, "Parehas lang naman tayo, hindi rin kita gusto."

Akala siguro ni Amara na magiging angel si Sandy pag narito na siya sa bahay ng kanilang magulang. Kung ayaw nito sa kanya, ganun din naman ang nadarama niya para sa kapatid. Hindi siya magpapanggap na gustuhin ito, kung ganito ang pinapakitang ugali ni Amara.

Dinuro siya ni Amara at parang papunta na sa pagwawala ito. "Ikaw! Bakit ganyan ka magsalita?! Isa ka lang namang ordinaryong babae na nanggaling sa probinsya na puro basahan ang damit!"

Tumayo si Sandy at humalukipkip habang may mukha na hindi magpapatalo sa kagaspangan ng ugali ng kanyang kapatid. "Nakakalimutan mo rin ata na nanirahan din naman ang magulang mo sa tinatawag mong probinsya na mukhang basahan ang sinusuot, kaya mag-ingat ka sa sinasabi mo."

Galit na galit na lumabas ng kwarto si Amara. Hindi na ito nakipag-talo pa kay Sandy, pero sigurado na magsusumbong ito kay Dolores.

Wala pa ngang ilang minuto ay humahangos na pumasok si Dolores sa kwarto ni Sandy. Nanatili namang nakatayo lang si Sandy habang nakatingin sa kanyang ina.

"Ano itong sinasabi ni Amara na pinagsalitaan mo siya ng masasakit?!

"Ano bang sinabi niya sayo?"

"Huwag mong ibalik ang tanong, Sandy! Ano ang sinabi mo sa kapatid mo at ganun na lang ang itsura nito ng lumapit sa akin?"

Ibang -iba ang ugali ni Sandy kumpara kay Amara. Sa hinuha ni Dolores ay dahil sa kinalakihan nitong lugar sa probinsya kaya naging palasagot ito.

"Sinabi ko lang naman na nagtira rin naman kayo sa probinsya na mukhang basahan ang sinusuot, kagaya ko. May masama ba doon? Alam mo 'yon ina, dahil matagal din naman kayong nanirahan doon bago niyo pa ako isilang."

Napahawak sa ulo si Dolores dahil sa pagpintig ng ulo niya. "Hindi iyon ang pinupunto ko, Sandy! Hindi ganon si Amara, Hindi niya sasabihin ang ganong salita! Ano ba naman, Sandy? Hindi na kita kinakaya sa sinasabi mo at sa ugali mo mismo!"

Napapikit at napailing na lang si Sandy. Ano pa bang aasahan niya sa kanyang ina? Syempre ang mas pakikinggan nito ay si Amara, kaysa sa kanya. Pero hindi siya katulad ng ibang tao na mananahimik na lang at magpapa-api.

"Sabihin mo na kung ano ang gusto mong sabihin, ina, pero kung mas paniniwalaan mo ang anak mong isa, mas mabuting bumalik na lang ako sa probinsya. Huwag mo ring sabihin na humingi ako ng tawad dahil hindi ko gagawin iyon. Kung gusto mo ay mas mabuting si Amara na lang ang ipakasal mo kay Dwight Montemayor!" Walang bahid na kahinaan na saad ni Sandy. Tutal kaya lang naman siya narito ay dahil kay Dwight. Mainam na hindi siya mahawakan ng buo ng kanyang ina sa leeg.

"Sandy!"

Kumuyom ang kamao ni Dolores sa pinipigilang galit. Parehas naman niyang anak ang dalawa, pero bakit ganito ang nangyayari. Magkaiba man ang ugali ni Amara at ni Sandy, magkapatid pa rin naman silang dalawa.

Bumuntong-hininga na lang si Dolores. "Mas mabuting magpalit ka na ng damit, magpapadala ako ng damit rito."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status