Share

Kabanata 5

"Walang magsasabi na normal ang pagsasama kung ang asawa ay may kapansanan, Sandy. Lahat ay magiging kumplekado."

Hindi sumagot si Sandy. Tumayo ito at dahan-dahan na pumunta sa kabila kung nasaan si Dwight. Paghinto ni Sandy sa tabi ni Dwight ay inikot niya ang wheelchair nito para makaharap niya ang katawan ni Dwight.

"Anong ginagawa mo?" nagtatakang tanong ni Dwight kay Sandy.

"Kung bibigyan mo ako ng pahintulot. Maaari ko bang hawakan ang mga binti mo?"

Bahagyang nagulat si Dwight sa paghingi nito ng pahintulot, pero hindi naman nagtagal ay sumang-ayon siya. Umupo si Sandy sa tabi niya at unti-unting hinawakan ang paa niya hanggang sa maalis iyon sa pagkakatapak sa paanan ng wheelchair. Inalis nito ang tela at tinabi sa gilid. Pinakatitigan ni Dwight ang ginagawa ni Sandy ngayon, dahil unti-unti nitong pinipisil ang hita niya pataas.

"Wala kang nararamdaman?"

Umiling so Dwight, kaya nagpatuloy si Sandy hanggang sa hita nito, pero napahawak na si Dwight sa kamay ni Sandy dahil sa kaba na mas tumaas pa iyon, at isa pa hindi niya masabi kung ano ang naramdaman niya nang bahagyang lumapit ang mukha ni Sandy sa mukha niya.

"Sa tingin ko ay okay na iyon."

Ngumiti naman si Sandy at tumayo. "Gusto mo ba ulit maramdaman ang mga binti mo Dwight?"

Malungkot ang mga matang tumitig si Dwight sa kanyang mga paa. "Walang pag-asa na makaramdam ulit ang mga paa ko. Ilang doctor na ang humawak sa akin ay hindi pa rin magawang makaramdam ng binti ko kahit isang porsiyento."

"Ako, Dwight, kaya kong pagalingin 'yang mga paa mo."

Maliit na napangiti si Dwight, pero ang mata nito ay iba ang sinasabi. Hindi na siya umaasa pa na makalakad siyang muli, kaya ano pang saysay na magpresinta ni Sandy na maging doctor niya para pagalingin ang ilang taon ng patay niyang mga paa.

"Nakapunta ka na ba sa parke ng Tagaytay?"

Umiling si Dwight. "Sa pagkaka-alam ko ay hindi naman ako napupunta pa roon kahit isang beses."

Napatulala si Sandy sa ibang direksyon. Nakalimutan na ni Dwight ang tungkol doon, ibig sabihin malaki ang chance na may nawala sa mga ala-ala nito ngayon, siguro ay dahil sa naging aksidente. Hindi lang paa nito ang naapektuhan, maging ang utak nito ay nagkapinsala rin pala.

"Hindi pa ako sigurado sa sitwasyon mo ngayon, Dwight, pero susubukan kong alamin sa mga records mo simula ng unang araw ng pagkaparalisa mo. Ipagpapatuloy ko ang ginagawa ko kaya sana huwag mo akong pipigilan sa gagawin ko."

Nanatiling nakatingin sa kawalan si Dwight, mukhang nqg-iisip ito ng malalim, pero ilang minuto ang lumipas ay bumuntong-hininga ito at tumingala kay Sandy.

"Kung magagawa mo iyon ay pumapayag ako. Bilang kapalit ay susundin ko ang kasunduan ng pamilya nating dalawa. Ngunit iyon lang ang maaari kong ibigay sayo, dahil..." Hindi na tinuloy pa ni Dwight ang sasabihin.

Bahagyang napakunot naman ang noo ni Sandy. Napatingin siya sa mga binti ni Dwight.

"Kung may naiisip ka pang iba. Huwag mo na lang sabihin dahil ayokong marinig."

Sa mukha ni Dwight ay parang ayaw talagang marinig kung ano ang ibig sabihin ng tingin ni Sandy sa binti niya.

"Wala naman akong ibig iparating sa tingin ko, Dwight. Baka ikaw ang merong ibig ipahiwatig sa kung paano ako tumingin diyan sa hita mo?"

Nakipagtitigan ang dalawa sa isa't isa, pero ang unang bumitaw ay si Dwight habang may munting pawis sa gilid ng mukha niya. Habang nakatingin ito sa kabilang direksyon ay napansin ni Sandy ang pagbabago ng mata nito na naging malungkot.

"May problema ba?" tanong ni Sandy.

Sa isip ni Dwight ay parang kay hirap ibalik ang dating buhay niya kung wala na rin naman ang kanyang ama. Inuusig din siya ng konsensya niya dahil kung magkataon na gumaling siya, hindi rin naman babalik ang kanyang ama sa piling nila.

Napalingon ang dalawa sa pintuan ng sumilip si Dolores.

"Tapos na ba kayong dalawa sa pag-uusap. Gustuhin ko man na magtagal ang pag-uusap niyong dalawa ay kailangan na rin nating umuwi Sandy."

Tuluyang bumukas ang pinto ng malaki nang pumasok naman si Celeste.

"Maganda naman siguro ang napag-usapan niyong dalawa, 'di ba Dwight?"

Mahinang tumango si Dwight. Muling tumingin kay Sandy bago pinalakad ang wheelchair nito palapit kay Celeste.

"Sa susunod ay mas mainam na magtagal ang ating pagsasama. Sa ngayon kasi ay gabi na at kailangan na ring magpahinga ni Dwight. Mas mabuting sa bahay na lang namin kayo pumunta," saad ni Celeste.

"Mabuti pa nga, Celeste. Mag-ingat kayo sa daan pauwi," sambit naman ni Dolores.

Ngumiti si Celeste at tinulak na ng dahan-dahan ang wheelchair ni Dwight. Habang si Sandy ay nakasunod ang ng tingin sa paalis na si Dwight. May huling sulyap pa si Dwight bago tuluyang makalayo sa pinto ng kwarto na iyon.

"Umuwi na rin tayo, Sandy. Kailangan nating mag-usap sa bahay," mabigat at may diin na sambit ni Dolores.

Walang amor na lumakad palabas ng kwarto na iyon si Sandy. Tuloy-tuloy lang siyang maglakad hanggang sa makalabas sa restaurant na iyon. Hindi niya binigyan ang kanyang ina ng panahon para makasabay itong maglakad, dahil sigurado siya na kahit wala pa sila sa bahay ay sesermunan na siya nito agad sa mga pinagsasabi niya kanina sa pamilyang Montemayor. Binuksan niya ang pinto ng kotse, at oo nga pala, kasama nila ang kanyang ama. Hindi lang ito sumama sa loob at nagdesisyon na manatili na lang rito sa loob ng kotse.

Pagpasok ni Dolores sa loob ng kotse ay nakasigaw na naman ito.

"Wala kang respeto sa ina mo, Sandy! Hindi mo man lang ako hinintay para sabay tayong makarating dito at makasakay!"

Diretso naman ang tingin ni Sandy nang sumagot ito sa kanyang ina, "Akala ko ba sa bahay na tayo mag-uusap? Hindi naman kasali roon na hintayin kita habang palabas ng gusali na 'yon." Tumingin siya sa salamin sa harap kung saan nakatingin ang kanyang ama. "Maaari na ho siguro tayong umalis rito, ama. Nagmamadali na rin makauwi ang ina ko, dahil gigil na gigil na siyang sermunan ang panganay niyong anak."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status