Share

Kabanata 6

Tahimik na pinaandar ni Amando ang sasakyan habang nagngingitngit na sa galit si Dolores. Si Sandy naman ay sa bintana lang nakatingin habang bumibiyahe na sila pauwi.

Paghinto pa lang ng kotse sa tapat ng bahay nila Sandy ay agad siyang lumabas at lumakad ng walang tigil hanggang sa makapasok siya sa loob, pero may mga kamay na humablot sa braso niya at pilit siyang pinahaharap nito.

"Talagang pinanindigan mo ang kabastusan mo, Sandy! Ngayon tayo mag-uusap tungkol sa sinabi mong kasinungalingan kay Celeste!"

Matapang na tinitigan ni Sandy ang kanyang ina na puno ng galit ang makikita sa mukha. Ang mata ni Dolores na namumula na rin sa galit na pilit nitong huwag sumabog ng sobra.

"Ano bang gusto mong marinig? Nagsabi ako ng totoo sa pamilyang Montemayor. May problema ba 'don?"

"Hindi 'yon ang problema rito! Nahihibang ka na ba para sabihin sa pamilya ni Dwight na sa UPCM ka nagtapos ng pag-aaral. Sa Ateneo nga mahirap ng makapasok at makapagtapos doon, tapos ikaw ay may lakas ng loob ka pang sabihin na sa UPCM ka nagtapos!"

Hinila ni Sandy ang braso niya sa kamay ng kanyang ina. Mahigpit ang pagkakahawak ni Dolores kaya bahagyang namula ang kaliwa niyang braso.

"Hindi ako nahihibang. Doon talaga ako nagtapos ng pag-aaral. Hindi ko na problema kung hindi ka naniniwala, dahil wala akong pakialam kung hindi."

Muling tinalikuran ni Sandy ang kanyang ina, pero hindi rin siya naka-alis dahil humarang ito sa daraanan niya papunta ng kwarto.

"Lumaki kang sinungaling, Sandy! Hindi ba't sa isang pipitsuging paaralan ka lang naman nagtapos. Ang taas naman ng tingin mo sa sarili mo para sabihin na sa UPCM ka nagtapos."

Bahagyang nagkaroon ng emosyon sa mukha ni Sandy, pero pinigilan niyang huwag lumaki pa iyon.

"Ginamit ko ang pera na pinapadala mo. Napili ko ang UPCM at nagtapos, pero hindi mo pa rin nalaman kung saan akong paaralan nagtapos. Wala kang masusumbat sa akin dahil parehas lang naman tayo."

"Anong parehas?! Isa kang tao na sinungaling!"

Napangisi ng maliit si Sandy. "Talaga bang sinasabi mo 'yan ng paulit-ulit sa harap ko? Sino ba ang nag-udyok sa akin na magsinungaling, hindi ba't ikaw? Ngayon na nagsabi ako ng totoo, pagsisinungaling pa rin iyon para sayo?" Tumawa siya ng mahina. "Saan pa ako lulugar kung ganon?"

"Walang-wala ka talaga sa kapatid mong si Amara! Hindi mo alam kung gaano ang hirap niya para makapasok sa Ateneo University, tapos ikaw magsisinungaling lang sa pinaka-mataas na paaralan dito sa bansa natin!"

Naging seryoso ang mukha ni Sandy. Nagawa na rin niyang kagatin ang likod ng labi niya.

"Wala akong pakialam kung nahirapan man si Amara sa pagpasok sa Ateneo, gaya ng wala kang paki-alam sa akin nang iniwan mo ako sa probinsya at nagpakasasa sa negosyo niyo ni ama rito sa siyudad. Pinagbibigyan ko ang gusto mo ngayon, pero huwag na huwag mo akong ikukumpara sa paborito mong anak."

Hindi natinag si Dolores kahit may halong sakit na ang sagot ni Sandy sa kanya.

"Pasalamat ka at may pakinabang ka sa amin. Kung ako lang ang masusunod, hindi kita kukuhanin sa probinsya. Ang dakila mo lang na ama ang nagpumilit na dalhin kita rito at dito na tumira!"

Lumingon si Sandy at may galit ang mata na tumingin sa kanyang ina.

"Huwag mo ring kalimutan na kaya mo ako kinuha roon ay dahil ayaw mong ipakasal si Amara kay Dwight dahil may kapansanan. Ako ang napili mo dahil walang mawawala sa akin. Ang pinakamamahal mong anak at mas pinoprotektahan mo ang ayaw mong maging alipin sa pag-aalaga kahit pa may pera ang pamilyang Montemayor."

"Kaya kita ipapakasal kay Dwight dahil mas makakabuti sayo 'yon! Anong pinagsasabi mo diyan? Dahil laki ka sa probinsya, salat ka sa karangyaan kaya mas mabuting ikaw ang mapangasawa ni Dwight Montemayor!"

Umiwas ng tingin si Sandy dahil namamasa na ang paligid ng kanyang mata.

"Mas alam ko ang makakabuti sa akin, pero dahil may malaki akong dahilan kaya ako narito ngayon. Hindi para sa ikakaunlad lalo ng negosyo niyo ang gagawin ko."

Tuluyang lumakad paalis si Sandy habang naiwan naman si Dolores na nakatulala sa kawalan. Ilang saglit pa ay tumingin si Dolores sa daan patungo sa kwarto ni Sandy na may bahagyang pangingilid ng luha sa mata nito.

"Hi. Ma!"

Mabilis na lumingon si Dolores sa taong kararating lang ngayon. Ang pangatlo niyang anak na si Sander.

"Saan ka na naman nagpunta? Bakit ngayon ka lang umuwi? Ilang araw kang wala rito sa bahay tapos uuwi kang parang walang bahay sa itsura mong 'yan! Saan mo napulot ang damit na 'yan na mukhang basahan!"

Galit na galit na lumapit si Dolores kay Sander. Nakuha pa nitong hilahin ang manggas ng damit ni Sander.

"Sa barkada ko. Saan pa ba?"

"Sumasagot ka pa! Pumasok ka doon sa kwarto mo at maligo! Mula ngayon hindi ka puwedeng lumabas ng bahay ng hindi ko alam. Maliwanag ba, Sander," mabigat na saad ni Dolores.

Ngumiti lamang si Sander saka iniwan ang ina na napa-awang ang labi sa nakuhang sagot mula sa anak. Masakit ang ulo niya kay Sandy mas lalo pang sumakit nang dumating ang pangatlo niyang anak.

Samantala habang papunta ng kwarto si Sander ay madadaanan niya ang kwarto kung nasaan si Sandy. Bahagyang naka-awang ang pinto ng kwarto ni Sandy kaya napatitig si Sander sa seradura ng pinto nang may marinig na ingay na nagmumula sa loob. Batid ni Sander na hindi ginagamit ang kwarto na iyon, kaya nagtaka siya na may ingay na nanggagaling doon.

Sa kuryosidad ay binuksan ni Sander ang pinto at natigilan nang makita si Sandy na pinupulot ang nalaglag na pigurin na plastik sa sahig.

"Sino ka?" litong tanong ni Sander kay Sandy.

Maging si Sandy ay napakunot ang noo sa taong nasa loob ng kwarto niya nang tumunghay siya sa boses ng nagsalita. Hindi niya kilala ang binata dahil ngayon lang niya ito nakita.

"Sino ka rin?"

Parehas naguguluhan ang dalawa habang nakakunot ang mga noo ng mga ito. Bigla namang may tumulak kay Sander sa likuran nito.

"Nandito na pala ang magaling kong kapatid. Mabuti at umuwi ka na."

Nagsalubong ang kilay ni Sandy at muling tiningnan si Sander na may maasim ng mukha na nakatingin kay Amara.

"K-Kapatid?" naguguluhang tanong ni Sandy.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status