Share

The Doctor's Dilemma
The Doctor's Dilemma
Author: red_berries

Kabanata 1

Habang nagpapahinga si Sandy sa sala ay may biglang natanggap siya na mensahe sa kanyang telepono. Galing iyon sa kasamahan niya sa trabaho.

"Sandy, tumawag na naman sa akin yung tao na gustong ikaw ang maging doctor. Puwede mo naman sigurong kausapin, at sabihin kung gusto mo ang offer sayo. Nakaka-awa na rin kasi dahil ikaw ang gustong-gusto."

Napabuntong-hininga si Sandy at nagdesisyon na patayin na lang ang kanyang telepono para hindi na rin ito tumawag pa para kulitin siya sa sinasabi nitong pasyente. Sumandal siya sa upuan habang malungkot na nakatingin sa kawalan. Naalala niya ang kanyang lola na hindi niya naligtas dahil huli na. Pagbukas pa lang niya ng operating room bigla na lang tumunog ang makina na hudyat na tumigil na ang pagtibok ng puso nito, kaya ano pa ang saysay na maging magaling na doctor kung ang sarili niyang lola ay hindi niya nasagip agad.

Biglang nagsalubong ang kilay ni Sandy sa boses na naririnig niya 'di kalayuan sa sala. Ang mga boses ng magulang niya na nagtatalo na dinig na dinig niya kahit nasa loob pa sila ng kwarto.

"Ano ka ba naman,Dolores! Kamamatay lang ng nanay ko, at halos kalilibing lang niya, heto ka't gusto ng bumalik doon!"

"Mas maraming bagay na kailangan gawin, lalo na sa kumpanya, at isa pa, malapit na ang kaarawan ni Amara. Mas importae sa akin 'yon, kaysa sa patay na tao, Amando. Kailangan rin ni Sandy na manirahan sa siyudad para masanay siya doon at hindi lang dito maburyo sa probinsya. Nakakalimutan mo na ata na kailangan niyang magpakasal sa anak ng mga Montemayor, dahil kung hindi mapipilayan ang kumpanya natin, Amando!!"

"Tandaan mo na anak mo rin si Sandy, kaya bakit ganyan ang lumalabas sa bibig mo!"

"Pinagkaila ko ba na hindi ko siya anak? Kaya nga ako nandito para isama siya!"

Napailing na lang si Amando at maliit na napangisi sa sinabi ni Dolores. Ginulo pa nito ang buhok habang nanatiling nakatayo sa harap ng kanyang asawa.

Mahinang napatawa si Sandy na bigla ring sumeryoso ang mukha dahil hindi naman siya natutuwa sa narinig niya. Naturingan na kadugo niya pero hindi siya nakadama ng isang daang porsiyento na pagmamahal. Lumaki siya sa piling ng kanyang lola, dahil iniwan siya ng kanyang ina noong isang buwan pa lang siya na naisisilang sa mundo. Habang lumalaki ay nag-ku-kwento ang lola niya na madalas naman daw siyang tanungin ng magulang niya tungkol sa kalagayan niya, pero nagbago ang lahat ng mas lumaki ang pinapatakbong negosyo ng mga ito.

Sa lumipas na buwan na naging taon. Naging mas successful ang kumpanya ng mga ito, kaya hindi na rin siya nabigyan pa ng atensyon. Tumatawag naman ang ina niya minsan, pero madalas ang sinasabi lang nito ay ang tungkol sa kanyang kapatid na ito raw ang suwerte sa kanilang pamilya kaya mas lalong umunlad ang negosya ng kanyang magulang. Wala na siyang narinig na kahit ano, kahit nga ang pangungumusta nito sa kanya ay hindi na nito nagagawang itanong sa kanya.

Nang bumalik ang magulang ni Sandy sa probinsya ay kinumbinsi sila ng kanyang ama na doon na lang manirahan sa Tagaytay, pero ang dakila niyang ina ay may pinahiwatig kaya hindi iyon natuloy. Doon din niya nalaman na meron siyang kapatid na tatlong taon pa lang ang edad noon.

Simula no'n, mas natuon ang atensyon ng kanyang magulang sa kapatid niyang bunso. Magbibigay naman ang mga ito ng pera para sa kanilang dalawa ng lola niya, pero lumipas ang taon ay hindi na muling bumalik pa ang kanyang magulang sa lugar nila. Kung hindi pa nila nabalitaan na namatay na ang lola niya ay hindi pa babalik ang mga ito. Tuluyan na atang kinalimutan na meron silang magulang at isang anak na naiwan.

Samantala, lumabas si Dolores sa kwarto at lumapit kay Sandy.

"Ihanda mo lahat ng gamit mong gustong dalhin sa Tagaytay. Bukas ay aalis na tayo para pumunta roon. Ayokong magtagal pa rito."

T umayo si Sandy at pumasok sa kwarto nilang dalawa ng kanyang lola. Magkasama sila sa iisang kwarto dahil matanda na at may sakit na rin ang lola niya noon pa man. Mas minabuti niyang samahan ito sa kwarto para kung may emergency ay madadala agad ito sa ospital. Kinuha niya ang litrato ng kanyang lola na naka-patong sa maliit na lamesa. Ang lola niya na nakangiti habang nakaupo siya sa kandungan nito. Pinalis niya ang luhang kumawala sa kanan na mata niya, bago binalot ang litrato sa isang tela. Dadalhin niya iyon hanggang sa Tagaytay.

Kinabukasan ay tumulak agad sila Sandy patungong Tagaytay. Pag tuntong pa lang sa lugar na iyon ng sasakyan ay naramdaman na ni Sandy ang kakaibang klima dahil may kalamigan, pero mas sariwa pa rin ang simoy ng hangin sa probinsiya. Habang nakatingin siya sa bintana ng kotse, nagsalita ang kanyang ina.

"Kung sakali na may magtanong sayo, Sandy. Sabihin mo na nag-aral ka sa isang mamahalin at sikat na paaralan ng mga doctor. Kahit sino pa iyon basta ang lagi mong isasagot ay doon ka nakapagtapos. Ano nga ba ang pangalan ng paaralan na iyon? Ateneo School of Medicine and Public Health."

Ang gusto ni Dolores ay makilala si Sandy na nagtapos sa isang mamahalin na unibersidad, kahit hindi naman iyon ang totoo. Kailangang magsinungaling ni Sandy para lang hindi mapahiya ang ina niya sa mga tao.

Napangiwi si Sandy sa lumalabas sa bibig ng kanyang ina. Mas mahalaga pa ang sasabihin ng ibang tao kaysa sa kanya na hindi marunong magsinungaling, lalo pa't hindi naman talaga siya nag-aral sa Ateneo. Kahit ordinaryong paaralan ay okay na iyon, basta nakapagtapos at naging matagumpay na doctor. Wala sa mamahalin na paaralan para lang makapagtapos. Kung doon talaga ang gusto ng isang tao at iyon lang ang kaya ng pera sa bulsa, kahit pa hindi kilalang paaralan ay makakakuha ito ng master's degree. Hindi katulad ng ina niya na ang mahalaga ay ang opinyon ng ibang tao.

"Hindi naman talaga ako doon nag-aral. Bakit ako magsisinungaling, kung iyon naman talaga ang totoo? Hindi mo rin naman kinamusta kung nakapagtapos ba talaga ko ng kolehiyo. Sigurado ako na hindi mo rin alam kung ano ang pangalan ng paaralan ko noon, kaya bakit ko susundin ang gusto mo," matapang na sagot ni Sandy.

Sumama ang hilatsa ng mukha ni Dolores at handa na sanang sermunan si Sandy, pero sumingit na si Amando sa nagkakainitan ng mag-ina.

"Narito na tayo."

Lumingon muli si Sandy sa bintana ng kotse. Nasa tapat sila ng isang malaking bahay na ang kulay ay puti. Nauna siyang bumaba dahil ayaw na niyang makasama pa ng matagal ang kanyang ina sa loob ng sasakyan. Bumungad sa kanya ang isang babae na nakatayo sa harap ng pinto ng bahay na sa hinuha niya ay ito na ang kapatid niyang si Amara. Unti-unti siyang napailing, dahil sa edad nito ay parang sunod sa luho at kung hindi mabigay ang gusto ay mag-aastang bata na nagpapadyak sa lupa.

Nanatili ang pagkakatitig ni Sandy sa kanyang kapatid. Napansin niya rin kahit malayo ang bahagyang pagkunot ng noo ni Amara.

"Siya si Amara ang kapatid mo. Napakatalinong anak, at isa pa, nakapasa sa exam at kasalukuyang nag-aaral sa Ateneo School of Medicine and Public Health."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status