Share

CHAPTER 2

Chapter 2

Kapag daw nagmahal ka, dapat handa kang masaktan. Kung ayaw mong masaktan, huwag kang magmahal. Simpleng alituntunin sa buhay. Paano ka nga ba masasaktan kung wala kang nararamdaman? Ngunit minsan kahit pilitin huwag magmahal, dumadating talaga yung puntong nahuhulog ka na lang nang hindi mo sinasadya. Yung kahit ayaw mo, pilit itong papasok sa sistema mo at wala ka nang magagawa pa kundi ang sundin kung ano ang binubulong sa’yo ng isip at puso mo. Okey lang naman magmahal at papasok sa relasyon kung mahal tayo ng taong mahal natin, na may handang sasalo sa atin sa tuwing nahuhulog tayo, paano kung wala?

Kaya nga nang sa tingin ko, handa na ako para magmahal at makipagrelasyon ay binuksan ko ang sarili ko sa iba. Nang una, sa isang estudiyante ako unang nagpakatanga. Nangyari ito noong nagturo ako sa isang hindi gaano kilalang College School. Unang trabaho ko iyon noon kaya naman pinahalagahan ko ng husto ito. Isa ako sa mga Computer Subject instructor dahil nga nakatapos ako ng Computer Engineering. Istudiyante ko noon si Mark ngunit magkaedad lang kami. Pareho kaming 22 years old. Kumukuha lang siya noon ng earning units niya sa programming. Dahil bata pa ako, mabilis akong nahuhulog sa kagaya ni Mark na guwapo, maangas at maputi. Hindi man siya katangkaran ay akma naman sa kaniya ang katamtamang hubog ng pangkama niyang pangangatawan. Allergic lang siguro ako sa mga matatangkad dahil hindi naman rin ako katangkaran kaya sa kagaya ni Mark ako naa-attract. Tama, hindi din naman ako matangkad. Maputi ako at taglay ko ang maamo at malakas ang dating na mukha. Matangos ang ilong ko, maganda ang hulma ng labi, nangungusap na mapungay na mga mata at may kakapalang kilay. Parang mga kilay ni Andrea Brillantes. Hindi man ako matangkad ngunit kaya kong ilaban ang aking kaseksihan. Tama lang din lang na pangkama dahil sa malusog kong hinaharap at matambok na puwit. Alam kong may pangabog din naman ako kung hitsura lang din naman ang pag-uusapan.

Nang unang araw ng klase namin ay napansin ko na agad siya. Hindi lang dahil sa kakaibang karisma niya na pumukaw sa akin kundi dahil sa kakaibang mga titig niya sa akin. Hindi lang ako nagpahalata sa klase ngunit sinigurado ko na mararamdaman niya ang malagkit kong mga titig sa kanya. Alam kong alam niya na napapadalas ang pagtingin ko kapag nagsasalita ako. Minsan ako pa yung nahihiya na teacher niya dahil sa kindat at ngiti niya sa akin. Nawawala tuloy ako sa aking mga discussions. Nabablangko ako.

Nang matapos ang klase namin ay siya ang lumapit sa akin. Napreskuhan ako sa pag-iimbita niyang magmiryenda sa aming school canteen. Siguro dahil alam niyang magkasing-edad lang kami kaya hindi siya nahiyang ituring at kausapin akong parang kaklase o barkada lang niya.

"Tara, Ma’am. Meryenda tayo," pabulong niyang sabi sa akin habang inaayos ko ang mga gamit ko.

“Bakit? Ililibre mo ba ako.”

“Ma’am, naman…”

"Anong ma’am- ma’am ka diyan? Ikaw ang taya kasi ikaw ang nag-aaya e. Isa pa, sino bang lalaki?"

"Ikaw dapat ah, Ma’am. Ikaw nga diyan ang kumikita na e."

"Unang trabaho ko palang 'to, ano ka ba.”

“Mukha ka namang mayaman e. Kita ko nga, ang gara ng wheels mo e.”

“Nakita mo ako?”

“Oo, alam ko nga kung saan ka pumarada.”

“Talaga?”

“Sige na, Ma’am. Meryenda na kasi tayo.”

“Ang presko mo naman.”

“Sorry po. Ganito ka lang kasi talaga ako ma’am.”

“Minsan, subukan mong sukatin kung hanggang saan ka lang. Teacher mo, student kita. Mamaya makita pa tayo ng admin.”

“Sorry po. Pasensiya na talaga.”

Nakita ko ang pamumula niya. Hindi ko naman talaga intensiyong pahiyain siya. Medyo nagulat lang ako na may mga ganoong ka-preskong istudiyante.

“Sige ma’am. Salamat po at hindi na mauulit.”

Tumalikod na siya.

Parang medyo napaisip ako. Baka kasi mali ang basa niya sa aking pagkatao. Mabiro kasi ako sa klase ko. Nagpapatawa. Baka akala niya ganoon ako ka-cool. Huminga ako nang malalim.

“Mark, sandali lang.”

“Bakit ma’am?”

“Saka na… huwag dito."

“Ho?”

“Hindi ba niyayaya mo ako ng miryenda?”

“Opo.”

“Sabi ko, huwag muna, huwag dito.”

"E, di sige, sa labas na lang, Ma’am.” Lumapit siya sa akin. “Hihintayin ba kita sa labas ng gate?”

“Ayos ka ah. Teacher mo pa rin ako. Huwag mong kalimutan ‘yon.”

“Ang OA mo naman, Ma’am. Meryenda lang e. Sige, ako muna ngayon ta's ikaw na sa susunod.”

“Hindi yung bayad ng meryenda ang iniisip ko rito. Yung sasabihin ng ibang tao.”

“Bakit Ma’am, kapag nakain ba sa canteen o restaurant masama agad iisipin ng iba? Kumakain lang tayo Ma’am. Bonding lang ‘to ma’am."

“Bonding? Bakit? Close na ba tayo rati?”

“Maging close pa lang naman. Sige na, Ma’am. Ang babata kasi ng mga classmates ko eh. Medyo hindi ko trip ang mga trip nila. Hindi ako makasabay.”

“Sa akin, makakasabay ka sa tingin mo?”

“Bakit naman hindi? Kung hindi ako nagkakamali, baka magkaedad lang tayo o baka mas matanda pa ako sa’yo. Sige na Ma’am. Hindi naman ako mukhang menor de edad eh.”

“Sige na nga. Tara na.”

“Yown! Sabi ko na malakas ako sa’yo e.”

“Bibig mo, baka may makarinig.”

“Ay sorry naman. Tara. Akin nang gamit mo, akong bibitbit.”

Habang kumakain kami ay panay ang tingin ko sa kaniya. Kinikilig kasi akong makita siya sa malapitan. Noong nag-aaral ako, may mga naging crush din naman ako, may mga sobrang natipuhang mga barkada o kaya sa mga kasamahan sa mga organization ngunit hindi ko minsan pinagbigyan ang sarili ko sa relasyon dahil nga hindi ako naniniwala sa relasyon. Kung may crush ako o gusto, madalas landi nga lang. Tuksuan pero hindi sex. Pinagtuunan ko masyado ang aking pag-aaral at ang lola kong mahina na rin noon. Isa pa, naiisip ko lagi ang pinagdaanan ni Mama kay Papa. Ayaw kong maranasan yung ganoong sakit. Kaya ngayong medyo nagkaluwag-luwag na ay parang gusto ko yung idea na magkaroon at maranasan na ring makipagrelasyon at hindi yung mga biru-biruan lang.

"May boyfriend ka na, Ma’am?" diretsahang tanong niya.

"Wala… wala pa," matipid kong sagot

"E, kung walang boyfriend, girlfriend sigurado, meron ano?"

Nagulat ako sa sinabi niyang iyon. “Tingin mo sa akin tomboy? Grabe ka naman. Wala lang boyfriend, tomboy agad?”

“Ano nga? Wala pa o wala na?”

“Magmemeryenda ba tayo o relasyon ko ang pag-uusapan natin?”

“Sorry po,” maagap niyang paghingi ng tawad.

Noon ko halata na bihasa siya sa babae. Hindi na kasi siya nahihiya sa akin kahit teacher pa niya ako. Ako pa ang namumula sa mga lantaran niyang mga tanong. Parang kabisado nga niya ang tulad ko lalo pa't mula nang nagsimula ang klase namin kanina ay napansin niyang malagkit ang aking mga tingin ko sa kaniya. Nahuhuli niyang nakatitig ako kaya siguro naglakas loob na imbitahan ako sa isang miryenda.

"Ano nga ma’am? Wala pa o wala na?”

“Wala pa. Bakit mo ba tinatanong?”

“Wala lang. Kasi sa ganda mong ‘yan at wala kang boyfriend e, anong nangyari? Baka naman pwedeng…”

“Pwedeng alin?” Pinagtaasan ko ng kilay.

“Pwede ka bang magka-boyfriend ng kagaya ko lang?”

 “Pwede naman. Kung mag-apply ka, bakit hindi," diretsuhan kong tinuran. Joke lang iyon pero half meant. Natatalo kasi ako sa mga pasaring niya e.

Ngumiti siya. Kinindatan ako, "Okey ang trip mo, Ma’am ah"

"Hinahamon mo ako sa mga tanong mong ganyan e," sagot ko. “Akala mo ba hindi kita papatulan?”

“Napag-uusapan naman ‘yan, Ma’am”

Nagulat ako sa sagot niya. Mukhang palaban. Napangiti ako. Anong ibig niyang sabihin sa napag-uusapan?

"Paano 'yan, I still have a class," simpleng pamamaalam ko. Baka lalalim ang aming maging usapan. Gustuhin ko man ngunit huwag muna.

"Agad? Hindi pa ubos ang sandwich eh.”

“Baka hindi ako makapagtimpi e, baka kasi masagot kita nang hindi ka pa nanliligaw.” Itinira ko ang pagiging malandi ko. Mga ganitong landi ang kinasabikan ko noong college kami.

“Huwag mo akong hinahamon ng ganyan, Ma’am. Baka liligawan kita agad.”

“Loko ka. Sige na. Mauna na ako. Baka seryosohin mo pang sinasabi ko e.”

“Ayos lang ‘yon, Ma’am. Wala namang masama kung seryosohin natin, hindi ba?”

Uminom muna ako sa juice saka ako mabilis na tumayo.

“Sige see you around ha. Ingat ka,” pamumutol ko sa usapan. Kahit vacant ko ay kailangan kong umiwas habang kaya ko pa. May pinirmahan akong bawal magkaroon ng relasyon ang teacher sa isang estudiyante at ayaw kong masira ako sa unang trabaho ko. Sapat na yung lumandi paminsan-minsan ngunit hindi talaga yata tamang makipagrelasyon pa ako.

Mabilis akong naglakad palayo sa canteen.

“Ma’am, sandali.” Bigla niyang hinawakan ang braso ko.

“Bakit?” tanong ko.

Napakamot siya.

“Kunin ko sana yung number mo, kung okey lang?"

"Aanhin mo ang number ko?" tanong ko kahit medyo kinilig ako. Ngunit sana sa iba na lang. Huwag muna sanang si Mark. Hindi ko kasi gustong magka-isyu sa trabaho ko.

"Baka pwede i-text kita sa tuwing may tanong ako sa programming."

"Sure ka na para sa programming lang?”

“Oo naman, Ma’am.”

“Huwag mo akong ite-text kung hindi tungkol sa lesson ha?”

“Bakit ba bigla kang sumungit?”

“Wala. Ayaw ko lang na sumabit ako sa school.”

“Sasabit? Sa pagbigay mo ng number mo, sasabit ka agad?”

“Sige, ibibigay ko na. Akin na ang phone mo.”

Luma na ang phone niya. Maraming mga basag. “Sige, ikaw na lang ang mag-enter.” Ibinigay ko ang cellphone number ko sa kanya. “Basta kung magtext ka magpakilala ka ha."

“Sige, Ma’am. Ingat ka ha?”

Ngumiti lang ako.

“Diyos ko, ilayo mo ako sa tukso habang kaya ko pa,” bulong ko sa aking sarili.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status