Share

Chapter 1

Bumagsak ang panga ko. Maang akong napatitig sa lalaking nasa harapan ko. Kalaunan ay ilang beses akong napapikit para lang ibalik ang kaluluwa sa aking katawang lupa. Bukod sa sinabi niyang iyon, hindi ko naiwasang purihin siya sa utak ko.

Matangkad ang lalaki, matipuno ang katawan at halos manuot sa ilong ko ang pabangong ginamit nito. Sobrang bango.

Napalunok ako, ilang sandali nang mapapitlag ako. Kaagad kong ikinunot ang noo, kasabay nang pagtataas ko ng kilay dito. Una sa lahat, sino ba siya para hatakin ako ng walang pasabi? Pangalawa, sinong nagbigay sa kaniya ng karapatan na pagsalitaan ako ng ganoon? Hiningi ko ba?

"Who the fvck are you?" giit ko sa mababa at madiing boses, pero sapat na rin naman na upang umabot sa pandinig niya.

"Hindi ba ay galit ka sa mga taong kabit?" Tumagilid ang ulo ng lalaki, tila pa nang-uuyam. "Sa ginagawa mo, parang hindi rin ka rin naiiba sa kanila."

Pagak akong natawa.

"Kailan ko pa hiningi ang opinyon mo?" maanghang kong palatak at saka pa siya tinulak, pero ako pa itong napaatras sa laki at tigas ng kaniyang katawan.

Muli ko siyang tinitigan. Nanlalabo ang paningin ko at hindi ko siya ganoon ma-visualize. Tanging katawan lang nito ang tinatanggap ng utak ko. Literal na umiikot ang mundo ko. Ni hindi ko na magawang tumayo nang tuwid at panay ang paggewang ko mula sa kinatatayuan ko.

Hindi ko alam kung malaking tulong na ba sa akin na hawak ng lalaki ang isang braso ko at hindi ako tuluyang natutumba. Ngunit sa sobrang higpit nang pagkakahawak niya ay nasasaktan ako, dama kong bumabakat ang mga daliri nito sa aking balat.

"Umuwi ka na sa inyo," malamig niyang bigkas, natawa ulit ako.

"Sino ka ba sa inaakala mo? Masyado kang pakialamero. Uuwi ako kung kailan ko gusto," anas ko at tinangkang hawiin ang kamay niya ngunit mas humigpit iyon.

Napatili ulit ako nang kaladkarin niya ako palabas ng bar. Panay ang sigaw ko, pero may kaniya-kaniyang mundo ang mga tao sa loob ng bar kaya wala silang naging pakialam sa akin. Kahit siguro kidnapper ang lalaking ito ay walang tutulong sa akin.

The fvck.

Hindi ko namalayang tumutulo na pala ang luha sa pisngi ko. Walang hiya! Hindi ko rin alam kung saan ako umiiyak, kung anong rason— sa katotohanan bang wala akong kakampi kahit dito sa bar, o dahil sa sinapit ng pamilya ko? God damn it!

Mabigat ang dibdib ko. Halos hindi na ako makahinga at sobrang naghihinagpis ang kalooban ko. Kahit kailan, kahit sa kabilang buhay pa 'yan, never kong matatanggap ang bagong boyfriend ni Mommy. Magmakaawa man siya, lumuhod, umiyak ng dugo, mananatiling hindi ang sagot ko.

Hindi ko sila tatanggapin dahil sa kaparehong rason kung bakit nasira ang pamilya namin. Galit ako sa mga kabit, mapababae man o lalaki. At sinusumpa ko na oras na makita ko ang babae ni Daddy ay hinding-hindi ko siya palalampasin.

Lahat ng anak o kamag-anak ng babae niya ay makakatikim ng galit ko. Maging ang lalaki ni Mommy. Ibabalik ko sa kanila iyong sakit na naramdaman ko. Rebelde na akong maituturing, bakit hindi ko pa sasagarin 'di ba? Damay-damay na 'to.

"Bitawan mo na ako," kalaunan ay bigkas ko nang tumigil kami sa parking lot ng bar. "Uuwi ako. Tumabi ka."

"Lasing ka, paano ka makakapagmaneho?" usal ng lalaki na sobrang nagpapapigtas sa litid ko at gusto ko na siyang sampalin.

Sa totoo lang ay maikli lang ang pasensya ko, baka hindi lang masasakit na salita ang sapitin niya sa akin. Hindi ako naturingang warfreak sa school ng walang dahilan.

"Ano bang pakialam mo? Fvck! Just leave me alone, you fvckin' son of a bítch! Kung maaksidente o mamatay man ako ay wala ka na roon!" Marahas ko siyang itinulak, saka pa madaling tumalikod.

Hinanap ng mga mata ko ang kotse ko. Nagmamartsa ako at dinig na dinig ang bigat sa bawat yabag ko. Hindi nagtagal, nahanap ko nga, pero tangina at iyong susi naman ang nawawala! Malas talagang buhay ito! Argh!

Kinapa-kapa ko ang bulsa ng pants ko. Lahat ng pwede kong paglagyan ay kinapa ko. Hanggang sa mapasigaw na lang ako sa inis. Sunud-sunod kong pinagsisipa ang gulong ng kotse ko, maging ang harapan nito. Gusto kong magwala, umiyak at ilabas lahat itong nararamdaman ko. Hindi ko na alam, para na akong sasabog. Ang sakit-sakit.

Ako iyong nasasaktan sa ginagawa ko, pero baliwala iyon sa akin ngayon. Mas masakit pa rin kasi iyong iniinda ng puso ko. Iba pa rin iyong sakit sa kaalamang niloko kami ni Daddy, kaysa sa niloko ako ng boyfriend ko.

"Are you looking for this?" baritonong boses mula sa likuran ko.

Nang malingunan ay hindi ko namalayang nakasunod pala sa akin ang lalaki. Mula pa sa isang kamay niya ay naroon ang susi ng kotse ko. Maamo ang mukha niya, pero hindi iyon kayang tapatan ng labi niyang nakangisi. Ano bang problema niya?

"Ibigay mo iyan sa akin. Huwag ka nang mangialam, and just mind your own fvckin' business." Humakbang ako, siyang pag-abante niya dahilan para matigilan ako.

"Ibibigay ko, pero hayaan mo akong ihatid ka sa inyo," malumanay niyang sinabi.

What the heck?!

Halos magpilantikan ang mga kilay ko. Kung nakamamatay nga lang din ang masamang tingin, aba at kanina pa sana siya nakahandusay sa kalsada. Kanina ko pa sana siya pinaglalamayan. Marahas akong bumuntong hininga sa kawalan.

Pinigil ko ang mga luha. Bandang huli ay naihilamos ko ang palad ko sa mukha matapos kong pumayag sa gusto niya. Dala ng kalasingan ay wala na akong pagpipilian pa. Nakakapagod. Gusto ko na lamang ang mahiga at matulog nang mahimbing.

Labag sa loob ko nang pumasok ako sa passenger's seat at iyong lalaki ay sa driver's seat. Kung sakali ay pareho lang din naman kung mamamatay ako. Mag-isa akong magmamaneho habang lasing— hindi hamak na aksidente ang aabutin ko. O sasama ako sa kaniya na hindi alam kung sino ba siya, o ano ang pakay niya sa akin.

Wala na akong pakialam. Kung may magtangka man sa buhay ko ay baka magmakaawa pa ako sa kanilang tapusin na lang ang buhay ko. Baka magsalamat pa ako sa kanila. Pagod na akong umintindi. Pagod na akong gumising ngunit ganoon pa rin ang nangyayari.

Suminghot ako nang may magbara sa lalamunan ko. Maigi ko ring pinahiran ang nabasa kong pisngi. Hanggang ngayon ay pigil-pigil ko ang sarili na huwag nang umiyak. Habang nasa biyahe ay nakatanaw lang ako sa labas ng kotse habang nananakit na ang dalawang mata ko dahil sa pinagsamang pamumugto at pagkaantok.

Pareho kaming walang imik ng lalaki. Ganoon pa man ay ramdam ko ang paminsan-minsan niyang paglingon sa gawi ko. Hindi naman ako interesado na kausapin siya kaya naging tahimik ako sa buong oras na nasa kalsada kami.

Hindi pa rin ako makapaniwala na kasama ko ito ngayon, hinayaan siyang ihatid ako kahit wala naman akong ideya kung saang lupalop siya galing. Basta na lang sumulpot sa bar para lang pigilan ako at sabihan ng kung anu-ano na akala mo ay kilalang-kilala ako.

But wait, sa mga sinabi niya kanina, hudyat lang iyon na kilala nga niya ako 'di ba? Nanlaki ang mga mata ko sa reyalisasyong iyon. Ngunit imbes na pagtuunan iyon ng pansin, mas nagulat na lang din ako nang pumasok ang kotse sa subdivision kung nasaan ang bahay namin.

Mabilis akong umahon sa pagkakahalukipkip ko. Pasalit-salit naman ang tingin ko sa labas at sa lalaking ito. Sakto nang huminto ang kotse. Kaagad niyang pinatay ang engine at prenteng sinipat ako ng tingin.

"Paano mo nalaman kung saan ako nakatira?" asik ko habang nalilitong pinagmamasdan siya.

Napanood ko ang pagtingala niya sa bahay namin. Napatitig siya roon na para bang pinag-aaralan niya ang bawat sulok nito.

"Tinitingnan ko lang kung gaano ba kaganda ang bahay na iyan at diyan gustong tumira ni Daddy," aniya sa mababang boses, sa sobrang hina ay hindi ko na iyon narinig.

Mayamaya nang tanggalin niya ang seatbelt niya at nagkusa na rin itong lumabas ng kotse. Dali-dali rin akong lumabas para harapin siya. Huminto naman ito sa tapat ko kaya natigilan ako. Nakapamulsa na siya at seryosong nakatitig sa mga mata ko.

"Sagutin mo ang tanong ko. Paano mo nalaman ang bahay namin? Stalker ka ba?"

Hindi ako mapakali. Isa ba siya sa mga nabasted ko? Sa mga naging ex-boyfriend ko noon? But as far as I remember, wala siya sa listahan ng naging boyfriend ko. Kasi kung oo, sa ganiyang katawan niya ay isa marahil siya sa mga hindi ko makakalimutan.

"Mas maganda nang hindi mo alam. Baka lalo ka lang manggalaiti sa galit kapag nalaman mo," matabang niyang sambit.

Isang ngisi ang pinakawalan niya bago ako tuluyang nilampasan. Umawang ang labi ko at gusto pa sana siyang habulin ngunit pagsunod na lamang ng tingin ang nagawa ko sa sobrang kalituhan.

Ilang sandali nang matawa ako. Humagalpak ako ng tawa na hindi malayong maihalintulad ako sa mga taong takas sa Mental. Pumalakpak ako sa hangin. Kasabay nang pagtataksil ng mga luha ko.

Ito na naman, fvck.

Gusto ko lang naman ng buong pamilya. Lahat naman ng anak ay gusto iyon. Ganoon ba kahirap para sa magulang na pagbigyan ang mga anak? Bakit ang mga anak ang kailangang dumanas ng hirap?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status