Share

Chapter 2

Napilitan akong pumasok sa school kinabukasan sa sobrang pag-iwas ko kay Mommy. Ayoko siyang kausapin hangga't hindi nagbabago ang desisyon niyang sumama sa lalaki niya.

Galit pa rin ako at hindi ko alam kung hanggang kailan mananatili ang galit sa puso ko, para bang sa araw-araw na nagdaraan ay purong galit na lang ang nananalaytay sa dugo ko. Hindi ko na magawang ngumiti, o kahit ibalik ang dating ako.

I used to be bubbly. Masaya na ako kahit sa maliit na bagay, ngayon ay naiirita dahil sa maliliit na bagay na iyan. I never asked for anything, or even asked for luxury. Sa buhay ko ay kuntento na ako. Wala na akong mahihiling pa dahil tunay na nasa akin na ang lahat. Mayaman, masagana at masayang pamilya. Naalala ko pang marami ang naiinggit sa akin dahil sa family background ko. Marami ang pumupuri.

Ngayon ay hindi ko na alam. Hindi ko inakala na ganito kalaki ang naging epekto sa akin nang panloloko noon ni Daddy, nang pag-alis at pag-iwan niya sa amin. It's been fvckin' three years. Nakalimot na sila't lahat, pero ako ay heto, nakakulong pa rin sa masalimuot naming nakaraan.

Ngayon ay si Mommy naman. Si Mommy naman ngayon ang dahilan kung bakit ako nasasaktan, parang double kill. Hindi ko matanggap. Kahit siguro mamuti ang buhok ko, hinding-hindi ko pa rin tatanggapin. Hindi ko kaya iyong kaalaman na parehong magulang ko ay may kaniya-kaniya ng pamilya habang ako ay maiiwang mag-isa.

Suminghap ako ng hangin. Inayos ko ang sarili. Dagli ko ring pinigil ang paghinga ko hanggang sa makalampas ako sa gate ng school kung saan ay namataan ako kaagad ng security guard, pero dere-deretso akong naglakad. May hangover pa ako simula sa dalawang gabi kong paglalagi sa bar. Hindi ako sigurado kung mukha rin ba akong lasing, o amoy alak ako. But nevermind.

Panigurado na hindi rin lilipas ang isang araw ko rito na hindi ako nadadala sa Dean's office. Wala namang bago. Pumapasok na nga lang marahil ako para may mai-record sa office nila. Pumapasok na lang ako para pagalitan, para paulit-ulit na pagsabihan. Pero wala, pasok sa isang tainga, labas sa kabila. Baka mag-cut class na lang din ako.

Wala sa sarili nang mapaismid ako. Kalaunan sa paglalakad ay napahinto ako. Mula sa Quadrangle, nakita ko si Larisa na nakaupo sa isa sa mga bench doon. Kasama nito ang kaniyang boyfriend, rason para lalong sumama ang timpla ng mukha ko.

Bigla kong naalala iyong isang beses na nagsalita siya laban sa akin;

“Mas valid pa ang pagiging broken family ko dahil patay na ang tatay ko. Eh, ikaw? Paano ang Daddy mo? Hindi ba't hiniwalayan niya ang Mommy mo at sumama sa ibang babae?”

Naging mainit na usapan dati sa school ang paghihiwalay nina Mommy at Daddy, lalo ang pagtataksil ni Daddy. Kaya kahit ang mga nerd at kagaya ni Larisa ay hindi hamak na alam din iyon. Nangingingit ako sa galit, gusto kong hatakin ang buhok niya at ingudngod ang mukha niya sa putik ngunit madali kong pinigilan ang sarili.

Kita mo nga naman kung papaanong bumaligtad ang mundo. Siya ang nanira sa akin noon, siya pa itong masaya ang buhay. May katotohanan man ang sinabi niya, pero ang kapal lang ng mukha na manggagaling pa iyon sa mismong bibig niya.

Really, huh?

Hindi maalis-alis ang galit ko sa kaniya. Mas dumoble lang ngayon. Umpisa pa lang ay mainit na talaga ang dugo ko sa kaniya. Kahit hindi siya magsalita, kahit wala siyang gawin, kumukulo na kaagad ang dugo ko. No wonder, may tinatago siyang kademonyohan. Santi-santita pala.

Wala ako sa mood na sugurin siya kung hindi lang din lumingon sa banda ko ang boyfriend niya. What is his name again? Ah, Haris. Isa sa mga Dean's lister, isa ring tagahuli sa akin sa Office of the Dean. Sikat nga pala ito, marami ang nagkakandarapa. Kung tutuusin ay papasa ito bilang boyfriend ko, ayaw lang manligaw. Paano at tibali na yata ni Larisa.

Tch. Napairap ako sa kawalan. Kahit medyo malayo sa pwesto nila ay nagawa kong matitigan ang lalaki. Hindi ko lang alam kung bakit parang naging interesado ako bigla sa pagkatao nito. Unti-unti ay nilapitan ko sila sa mabagal na paraan.

"Alice..." bulalas ni Larisa nang makita ako sa likod ng kaniyang boyfriend.

Lumingon naman si Haris. Saglit niyang pinasadahan ng tingin ang kabuuan ko. Wala iyong emosyon. Sa tuwing nakatuon ang mga mata niya sa akin ay palagi iyong malamig. Dinaig pa ang yelo sa fridge, matigas at damang-dama mo iyong lamig.

Nag-angat siya ng tingin sa akin. Saglit kaming nagkatinginan dahil madali rin niyang ibinaba ang atensyon.

Oh? Loyal, eh?

But what's interesting is that, naaalala ko ang mukha niya... kagabi.

"Mabuti at pumasok ka na. Ang dami mong nakaligtaang lessons," ani Larisa ngunit hindi ko siya pinansin.

"Nasa Bottle Ground ka kagabi, hindi ba?" deretso kong pagtatanong kay Haris, tunay na walang pakialam kay Larisa.

Kitang-kita ko ang pagkunot ng kaniyang noo, saka pa dahan-dahan na ibinalik sa akin ang tingin niya. Naningkit ang mga mata niya na para bang pinag-aaralan ako. May ilan akong nakakalimutang eksena sa tuwing nalalasing ako, may iba ring natatandaan ko. Kaya hindi ako pwedeng magkamali na nakita ko nga siya roon.

Hindi ko lang mawari kung sino siya sa mga lalaking nalapitan o naisayaw ko kagabi. Ang malala ay isa rin sa mga n*******n ko.

"Bakit mo tinatanong?" ilang sandali ay tanong niya sa mababang tinig.

Pati ang boses niya ay pamilyar.

"May gusto lang akong iklaro." Nagtaas ako ng kilay. "Ikaw iyong lalaking naghatid sa akin sa bahay. Tama ba, Haris?"

"Anong pinagsasabi mo?" sabat ni Larisa, isang beses ko siyang binalingan.

Mariin ang naging pagtitig ko sa kaniya, pero ang isang Larisa Belleza Gracia ay hindi basta-bastang nagpapatalo. Sa ganiyan na lang siya bumabawi, sabagay at hindi rin kayang lumaban ng physical.

Ganoon naman talaga kapag hampaslupa, mahirap, dukha at amoy lupa. Hindi na ako magtataka kung ginamitan man niya ng gayuma si Haris. What a social climber. Para lang umangat ay manggagamit siya ng tao.

"Baka nagkakamali ka lang. Hindi ako ang lalaking nakita mo kagabi," sagot ni Haris habang seryoso pa ring nakatingala sa akin. "I've never been to the Bottle Ground."

"Sinungaling," usal ko.

Bumuntong hininga ako, kapagkuwan ay umayos na rin ng tayo. Bandang huli ay naging kibit na lamang ang balikat ko at hindi na iyon pinagtuunan pa ng pansin. Totoong wala ako sa mood kung kaya ay iniwan ko na sila roong dalawa.

Sa loob ng classroom ay may iilan ng estudyante. Ewan kung mukha ba akong zombie at pinagtitinginan ako. Napairap ako at padabog na naupo sa pinakadulong upuan. Simula nang mangyaring nalantad ang sikreto ko ay nabawasan ako ng kaibigan.

Parang wala na nga ring natira. Si Precy, oo, kaibigan ko siya. Pero hindi ko feel at parang pinaplastik na lang din niya ako dahil kahit papaano ay napapakinabangan niya ako. Nagagamit niya ako, ganon din siya at may pakinabang din siya sa akin.

"Hey, babe!" Rinig kong malakas na sigaw ng lalaking kararating lang, madali siyang naupo sa katabi kong upuan at saka pa ako tinangkang halikan sa labi.

"Ano ba, Elias!" bulyaw ko rito sa gulat.

Mabilis akong nakabawi. Napabuga ako sa hangin. Si Elias, sa kasamaang palad ay boyfriend ko. Well, alam ko na hindi rin naman kami magtatagal. Alam ko ang pakay niya sa akin. Alam niya ang reputasyon ko rito sa school at kagaya ni Precy, hinuhuthutan lang niya ako.

Hindi niya napansin ang pagkakawala ko sa mood. Lalo pa siyang dumikit sa akin at sapilitang hinawakan ang panga ko upang mahalikan niya. Mariin akong napapikit, sa pagdilat ko ay malakas ko siyang sinampal. Sa gulat niya ay napatayo siya. Tumayo rin ako para tapatan ang tangkad niya. Tinulak ko pa siya sa kaniyang dibdib dahilan para makailang hakbang ito paatras.

"Ano bang problema mo, Alice?! Ilang araw mo na ngang binabaliwa ang mga tawag ko sa 'yo! Ni hindi ka rin nagpapakita! Ang hirap mong hagilapin!" asik niya habang namumula na ang buong mukha. "At kung umarte ka ay parang ang inosente mo!"

Humalakhak siya. Masama ko siyang tinitigan. Ang dibdib ko ay bulgar nang nagtataas-baba sa sobrang paghahabol ko ng hininga. Kalaunan ay natawa rin ako.

"Alam mo kung bakit kita pinatulan? Kasi sa dami ng babaeng nandito sa school, ni isa ay walang may gusto sa 'yo. Naawa lang ako sa 'yo—" Hindi ko na natuloy at madali niya akong nasakal. "E...lias!"

"Gago ka pala, e. Kung wala ka lang din namang pakinabang sa akin, tingin mo ba ay maaatim ko pang lumapit sa 'yo? Lahat dito ay diring-diri sa 'yo, Alice. Hindi hamak na namana mo sa iyong ama ang kalandiang mayroon ka," matigas niyang bigkas, kasabay nang pagtulak niya sa akin.

"Anong nangyayari rito?"

Ang baritonong boses na iyon ang nagpawala sa kumpulan ng mga estudyante sa paligid namin ni Elias dahilan para masilayan ko ang pagdating ni Haris, na siyang hinatid si Larisa sa classroom namin. Pareho sila ngayong nakatunghay sa akin.

"Elias, Alice, come to the Dean's office. Hindi ko ito palalampasin at namumuro na kayong dalawa, kahit saan na lang na maabutan kayo, 'no?" dugtong niya

See? Hindi pa nagsisimula ang klase ko, pero unang subject ko ay pangangaral kaagad.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status