Share

Chapter 5

“We're going to be a real family soon. Kumpleto na ulit ang pamilya natin na siyang matagal mo nang gusto, Alice.”

Oo, gustung-gusto ko ng buo at kumpletong pamilya! Gusto kong maging masaya ulit! Gusto ko 'yon! Gustung-gusto ko!

Pero hindi ito iyong inaasahan ko. Hindi ito 'yung gusto ko. Hindi si Benjamin ang kailangan ko, hindi si James o si Haris. O kahit sinong lalaki ang itapal ni Mommy bilang kapalit ni Daddy sa akin.

Si Daddy... siya lang...

Hindi ba nila iyon maintindihan?

Siya lang naman ang kailangan ko. Mahirap ba na ibigay iyon? Si Daddy lang naman.

Tumulo ang luha sa aking pisngi ngunit madali ko ring pinalis. Sa paglabas ko pa ng bahay ay nagkasalubong kami ni James. Mabilis siyang gumilid habang buhat-buhat niya ang malaking box nang mapansin ang mabibigat kong mga yabag.

Kuyom ang dalawang kamao ko. Sa itsura ko ay animo'y may susugurin at mag-aamok ng away. Pero sa totoo lang ay nanghihina ako. Nanginginig ang dalawang tuhod ko, kasabay nang panginginig sa galit ng sistema ko.

"Woah! Woah! Saan ka pupunta, baby girl?" nalilito niyang pagtatanong.

Lalo lang nawala ang emosyon sa mukha ko. Baby girl? What the fvck? Napipilan ko siyang nilingon. Ang mga mata niya ay naninimbang, tila ba pilit din niyang sinasagot sa utak niya kung bakit mukha akong pinagsakluban ng langit at lupa.

Mariin kong kagat-kagat ang labi. Alam kong namumula na rin ang dalawang mata ko sa sobrang pagpipigil ko na huwag bumuhos ang mga luha ko. Nakakatawa lang, sino bang mag-aakala na sa school ay palaban ako, pero pagdating sa bahay at pamilya ko ay napakaiyakin ko?

Kung todo galaw ng panga ko sa halung-halong emosyon na lumulukob sa puso ko. Hindi ko na alam ang uunahin. Wala pa sa sarili nang mahawakan ko ang ulo ko nang biglang umikot ang paningin ko. Lalo lang din nanginig ang mga binti ko.

Nagiging doble ang pigura ni James sa harapan ko. Sa pagdaan ng segundo ay mas lalong nanlalabo ang paningin ko. Sa totoo lang ay wala na akong maayos na tulog, wala ring maayos na kain simula pa kahapon.

"Hey, are you okay?" maang na saad ni James, bumakas sa mukha niya ang pag-aalala.

"Aliyah!"

Bago pa man ako makasagot kay James at malingunan si Haris ay tuluyan nang nagdilim ang paningin ko. Para akong tinulak ng hangin at naramdaman ko ang pagkaka-out balance ng katawan ko. Tuluyan akong nawalan ng malay.

Ang mga sumunod na nangyari ay hindi ko na nasundan pa. Unti-unti akong nagdilat ng mga mata para lang matantong nasa loob ako ng sarili kong kwarto. Madilim ang paligid at naiwang nakabukas lamang ang lampshade na naroon sa bedside table.

Saglit akong nagpalingun-lingon sa paligid, wala akong nakita bukod sa katawan kong nakaratay sa malaking kama. Kung totoo na nandito pa si Daddy, hindi iyon aalis sa tabi ko hangga't hindi ako nagigising.

Hindi iyon magsasawa na alagaan ako kapag ganitong masama ang pakiramdam ko, o kahit kapag wala akong gana. At kumpara sa kanilang dalawa ni Mommy, mas close ko si Daddy— Daddy's girl nga kung maituturing ako ng karamihan. Alam iyan ng lahat ng kamag-anak namin, maging ng mga kaklase at kakilala ko.

Si Daddy ang mas nakakaintindi sa akin. Kay Daddy ko kayang maglabas ng sama ng loob, sa kaniya ko nasasabi lahat ng mga sikreto ko. Sa kaniya ako madalas na nagkukwento ng mga bagay-bagay, kahit pa maliliit o mga walang kwentang bagay ay napagtutuunan niya ng pansin.

Si Daddy lang iyong may kakayahan na patahanin ako, na pagaanin ang loob ko. Kaya ngayon na wala siya sa tabi ko ay pakiramdam kong may nawala rin sa pagkatao ko. Sa tatlong taong nagdaan, palaging may kulang.

Kaya rin hindi na kataka-taka kung bakit mas nagagalit pa ako kay Mommy kaysa kay Daddy. Although, pareho ko naman silang sinisisi sa nangyari. Pero sa ginagawa ngayon ni Mommy ay mas lalo lang nadadagdagan ang galit ko sa kaniya.

Hindi pa ako naghihilom, narito pa rin sa puso ko iyong sakit. Ang hirap lang din kasing tanggapin na basta na lang akong iniwan ni Daddy, ni hindi siya nagpaalam sa akin, para kahit doon man lang ay nakapaghanda ako.

Baka sakali rin na kahit papaano ay natanggap ko pa, pero hindi— kahit ang magparamdam ay hindi niya magawa. Kaya kung totoo man ang sinabi ni Mommy na masaya na siya sa iba, sobrang sakit no'n para sa akin. Ang sakit-sakit.

Suminghot ako nang maging tuluy-tuloy ang pagtulo ng luha sa pisngi ko. Mabilis ko rin iyong pinunasan ngunit hindi iyon naging sapat. Tila gripo at sunud-sunod ang naging paghikbi ko. Saglit kong hinayaan ang sariling umiyak, niyakap ang unan para patahanin din ang sarili.

Hanggang sa mapagod din ako. Natuyo ang mga luha sa aking pisngi. Napilitan akong bumangon at madaling inayos ang sarili. Tinanggal ko ang comforter na nakabalot sa akin. Hindi ko man din tingnan ang oras ay alam kong dis oras na ng gabi.

Wala ng tao sa hallway mula sa second floor noong makalabas ako ng kwarto. Kahit sa sala at maging kusina ay wala na ring katulong. Hindi ko alam kung dito na ba natulog ang pamilya ni Haris, pero hindi ko na iyon masyadong inisip pa.

Ang gusto ko lang muna ngayon ay ang kumain dahil hindi ko na rin alam kung kailan pa iyong huling kain ko. Bumuntong hininga ako bago sapilitang kumuha ng pinggan at hinainan ang sarili mula sa pagkaing naroon sa dining table.

Kalaunan nang pabagsak akong naupo at nagsimulang kumain. Tapos nang kumain si Mommy. Panigurado ay nauna na rin siyang matulog. Baliwala sa kaniya kung nakakain na ba ako o hindi. Wala na yata siyang pakialam pa sa akin.

Ngunit ano bang aasahan ko sa kaniya? Samantalang sarili lang naman talaga ni Mommy ang iniisip niya. Kaya nga siya nagdesisyong dalhin dito ang lalaki niya— para sa kaligayahan niya.

Mabagal ang bawat pagsubo ko dahil panay ang pagtulala ko sa kawalan. Wala pa man din sa kalahati ang pagkain ko ay tumigil na ako. Dinala ko ang plato sa sink, kapagkuwan ay nagtimpla ng isang baso ng gatas. Dinala ko iyon sa sala. Dim lights ang nagsilbing liwanag sa paligid, sobrang tahimik din ngunit naging panatag ako.

Naupo ako sa pahabang sofa matapos kong buksan ang malaking flatscreen TV. Pumili ako ng horror film at iyon ang sinimulan kong panoorin. Sa loob ng tatlong taon, ito ang nagsilbing taga-comfort ko.

Wala na sa akin ang mga jumpscare o nakakatakot na scene sa movie. Nakatitig lang ako sa screen, ni wala akong maramdaman kahit isa. Manhid na yata pati ang kaluluwa ko.

"Gising ka na..." anang boses mula sa likuran ko, hindi ko man lingunin ay nalaman ko kung sino ang nagmamay-ari no'n.

Gumalaw ang panga ko. Hindi na rin ako nag-aksaya ng oras na tingnan pa ito. Nananatili akong nakatitig sa TV. Mayamaya nang maaninag ko ang paglalakad niya. Marahan siyang naupo sa kabilang dulo nitong sofa na inuupuan ko.

Tinanaw niya ang pinapanood ko. Mga ilang minuto kami sa ganoong posisyon at hindi gumagalaw. Hindi ko siya pinapansin kahit pa gustung-gusto ko na siyang sigawan. Totoo nga na rito na talaga sila titira.

Fvck.

"Nahimatay ka kanina. Mabuti naabutan... kita... bago ka... bumagsak," pahintu-hintong banggit niya na animo'y alanganin at nahihiya siya sa katotohanang iyon.

Siya ang nakasalo sa akin? Hindi ba't si James iyong nasa harapan ko kanina?

Ang bilis tumakbo, ah.

Hindi ako nagsalita. Matagal din siyang hindi nakaimik habang nakamasid sa akin, tipong kinakalkula pa ang mga sasabihin.

"Okay na ba ang pakiramdam mo ngayon?" usisa niya ulit. "Ang sabi ng nurse na tumingin sa 'yo kanina—"

"Stop talking, Haris. Nanonood ako," seryoso kong sinabi dahilan para matigilan siya.

Dagli siyang nanahimik at mabilis na binalingan ang TV. Mayamaya, nang hindi makatiis ay bahagya niya ulit akong nilingon.

"Hindi ko alam na paborito mo pala ang mga horror movie," dagdag niya.

Bumuntong hininga ako.

"Hindi ko alam na hilig mo rin palang mangialam kahit sa labas ng school?" balik tanong ko, roon ko na siya nilingon.

Mabilis na nagtagpo ang mga mata naming dalawa. May kadiliman man ay nakita ko kung gaano nga kaamo ang mukha ni Haris. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita kong malamlam ang mga mata niya nang hindi si Larisa ang dahilan.

Totoo bang nag-aalala ito sa akin? Malakas na kumabog ang puso ko. Nawala ako sa sarili dahilan para saglit ko siyang matitigan.

Ayoko mang aminin, pero oo, gwapo nga ang isang Haris Abraham Martin. Pang-heartthrob sa isang campus ang datingan niya. Matipuno at maganda ang pangangatawan, matikas ang tindig at may perpektong hugis ng mukha.

"Baka matunaw ako, Alice..." bulong niya na siyang umabot pa sa pandinig ko.

Nagulat ako. Mabilis akong nabalik sa reyalidad at pinandilatan siya ng mata.

"Baka kahit dito sa bahay namin ay magtayo ka ng sarili mong opisina?" segunda ko, halos pasigaw na rin sa sobrang gulat.

Mahinang natawa si Haris sa tinuran ko. "Joker ka rin pala?"

Nagtiim bagang ako. Sana pala ay hindi ko na talaga siya kinausap pa at nasira lang lalo ang mood ko ngayon. Sa simula pa lang ay maling-mali na talaga na tumira pa sila rito ng pamilya niya. Nakakairita!

"Fvck you, Haris," matigas kong wika.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status