Share

Chapter 2

“Hindi totoo iyan, Adriana! Anak ito ni Julian! Si Julian lang ang lalaking pinagbigyan ko ng sarili!” Mas tumindi ang pag-agos ng likido sa pagitan ng hita ni Audrey nang sumigaw siya. 

Tumawa si Adriana at bahagyang umuklo upang magpantay ang kanilang mukha ni Audrey. Imbes na maawa ay mapanuya pa siya nitong sinuri ng tingin. 

“Talaga ba, Audrey?” Puno ng pang-uuyam na wika ni Adriana. “Well, gusto ko lang malaman mo na hindi.” Tumayo si Adriana at buryong pinagkrus ang mga braso sa dibdib. “Isang walang kwentang lalaki lang naman ang nakasiping mo nang gabi ng kaarawan mo. Simple lang, pinainom kita nang pinainom hanggang sa malasing ka at mawalan ng malay. Habang nakikipagniig ka sa hindi kilalang lalaki, nandoon ako, kasama ni Julian at masayang pinagsaluhan ang malamig na gabi.” Kuwento ni Adriana. “Kaya walang kwenta iyang dinadala mo at dapat lang na mamatay kasama mo. Mga walang kuwenta! Isa pa, dapat lang sa'yo na masira ang mukha dahil iyan lang naman ang habol ni Julian sa'yo. Kung wala iyan ay wala ka ng silbi sa kanya, at tama ako. Wala ka na ngang silbi at kahit mamatay ka ngayon din, wala ng may pakialam sa iyo.” 

Puno ng paninibugho ang puso ni Audrey sa lahat ng narinig. Malinaw na sa kanyang isipan ngayon ang katotohanan. Noong araw ng kanyang kaarawan ay nagulat na lang siya nang labis na malasing. Hindi siya manginginom at dalawang shot pa lang ay iniiwasan na niya agad ang alak. Pumasok siya sa silid na sa pag-aakala niya'y silid nila ni Julian. Kinabukasan ay hindi niya mahagilap ang nobyo, ang akala nito ay maagang pumasok sa trabaho. Ngayon alam na niyang pinagkaisahan siya ng sariling kapatid. 

Hindi lubos mapaniwalaan ni Audrey na kayang gawin ito ng kanyang kapatid. Mula mga bata sila ay mahal niya ito kaya naman kahit anong gusto o hilingin ay ibinibigay niya ng walang kapalit. 

“Bakit mo ginagawa sa akin ito, Adriana? Wala naman akong ginawang masama sa'yo, ah! Naging mabuti akong kapatid!” Hinampas ni Audrey ang dibdib dahil sobrang sakit nito.

“Hindi ka kailanman naging mabuting kapatid, Audrey. At ayaw kitang maging kapatid.” Nagngingitngit sa galit si Adriana. “Kaya dapat ka ng mamatay! Wala kang kwenta! Akin na ang lahat ng mga properties ng pamilya ninyo! Wala kang karapatan dahil isa kang disgrasyada! Mamatay ka na kasama niyang anak mo! Magsama kayo ng tatay mong mabulok sa ilalim ng lupa!” Parang asong ulol na sigaw ni Adriana at ginulo pa nito ang sariling buhok saka tumawa nang tumawa. 

Namilog ang mata ni Audrey. Nagsimulang manginig ang kanyang mga labi. Bago pa man siya makapagtanong ay nagsalita na si Adriana. 

“Oo, patay na ang iyong ama. At huwag kang malungkot, susunod ka rin naman kaagad.” Saad nito. 

Umiling ng dalawang beses si Audrey.

“Hindi, hindi totoo iyan! Hindi pa patay si Daddy! Paano mo iyan nasasabi sa sarili nating ama?” Hagulgol na tanong ni Audrey. 

“Tsk. Tanga, hindi ko naman siya ama! Si Uncle Lorenzo ang ama ko. Hindi makapapayag si Uncle na manatili pa kami ni Mommy sa puder ninyo. Nang malaman iyon ng iyong ama ay inatake siya sa puso at namatay. Alam mo kung anong reaksyon ko? Wala, dahil wala akong pakialam. Deserve niyang mamatay dahil kahit na si Mommy ang kasama niya sa mahabang panahon, ang walang kwenta mong ina na inuuod na sa ilalim ng lupa pa rin ang nasa puso't isip! 

Tuluyan ng nadurog ang puso ni Audrey. Pagkatapos ng kanyang mga narinig. Ang pinakamasakit ay ang pagkawala ng kanyang mahal na ama!

Punong-puno ng galit ang mga mata ni Audrey. Gustong-gusto niyang tumayo at sugurin ang kapatid ngunit wala na siyang lakas. Sa wari niya'y magtatagumpay nga yata ang bruha sa masamang balak sa kanya at sa kanyang anak. 

‘Kailangang maligtas ang anak ko…’ usal ni Audrey sa isipan. 

“Parang awa mo na, Adriana… kahit sa anak ko na lang… maawa ka sa bata…” nanghihinang tuluyang bumagsak ang katawan ni Audrey sa malamig na sahig. “Nagmamakaawa ako, Adriana…” Bagama't puno ng galit ang nararamdaman niya rito ay nagawa pa din niyang magmakaawa alang-alang sa anak. 

Hinang-hina na siya. Hindi na niya kaya ang sakit at kirot ng tiyan. Bumibigat na rin ang talukap ng kanyang mga mata. Nasa bingit na siya ng kamatayan. Kung mamamatay man siya, sana ay ang anak niya mabuhay. 

Humugot ng malalim na hininga si Audrey, linikom ang natitirang lakas sa katawan alang-alang sa kanyang anak. Gamit ang mga ito ay matapang niyang inire ang sanggol sa kanyang sinapupunan. 

Lupaypay ang mga kamay niyang bumagsak sa sahig. Ngunit bago tuluyang mawalan ng malay-tao at tuluyang sakupin ng kadiliman si Audrey, narinig niya ang pamilyar na galit na boses. 

“At nagawa mo pa talagang tulungang magsilang ang babaeng ito? Paano mong nagawa ito?” 

Si Julian. Tinig iyon ni Julian! 

Ang anak ko, ang anak nila. Taimtim na nanalangin si Audrey na sana'y haplusin ng anghel ang puso ng dalawang taong ito at alagaan ang kanyang anak. Debaleng siya ang mamatay, huwag lang ang anak niya. 

Subalit, pagkatapos ng sunod na mga salitang kanyang narinig ay tuluyan ng mawalan ng pag-asa si Audrey. 

“Itapon mo ang babaeng ito sa dagat kasamaang kanyang bastardo at ipakain sa mga isda.” 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status