Share

Kabanata 5

Bukas ang huling araw ng paghahanda namin para sa event dito sa Bar kaya naman abalang-abala ang lahat. Ito ang ika-apat na araw na uuwi kami ng madaling araw, at ito rin ang ika-apat na beses kong makikita ang sasakyan na palaging nagpa-park malapit sa Bar.

Napansin na iyon ni Winnie pero wala siyang pangamba dahil siguro ay nakikita  na niya ito noon pa man kaya hindi ko na rin pinairal ang takot at kaba na nararamdaman ko sa tuwing makikita ang sasakyan na iyon. Hindi na rin ako nag-abalang i-kwento pa kay Winnie ang nangyari ng gabing iyon dahil ayaw kong pag-alalahanin siya at isiping kasalanan niya kung sakali man may mangyari.

“Naku! Saglit lang mare ha? Naiwan ko sa locker ‘yong cellphone ko.” Tumango ako kaya dali-dali siyang pumasok sa loob.

Hindi ako nagkamali, ang itim at tinted na sasakyan ay pumarada na naman sa di kalayuan. Paanong hindi ko mapapansin, e rinig ko ang takbo ng sasakyan at umaabot sa’kin ang ilaw ng sasakyan niya. Nagsimula na naman akong makaramdam ng kaba dahil hindi gaya ng dati, bumaba siya agad sa sasakyan. Nakita kong mabagal ang lakad niya papunta sa direksyon ko, hindi ko maaninaw ang mukha nya dahil napakadilim sa parte ng pinaglalakaran niya tanging pigura lang niya ang nakikita ko. Isang matangkad at may malaking katawan na lalaki.

Halos lumundag palabas ng d****b ang puso ko sa takot dahil sa busina ng isang sasakyan.

“Kari, tara! Ihahatid ‘daw tayo ni Sir Gio.” Nakita ko naman ang masayang mukha ni Winnie sa front seat ng sasakyan. Nakita kong kumaway mula sa loob si Sir Gio.

“Uh, Sige.” Kinapalan ko na ang mukha kong magpahatid dahil sa takot. Nilingon kong muli ang lugar kung saan nakaparada ang itim na sasakyan, umikot ito at pinaandar palayo sa direksyon namin.

“Tahimik mo naman, ano iniisip mo? Ayos ka lang?” tanong ni Winnie sa’kin.

“Wala naman,” maikling sagot ko saka tumingin muli sa bintana.

Wala pang sampung minuto ay nakarating na kami sa apartment. Bago kami bumaba ay nagpasalamat kami kay Sir Gio sa paghatid niya samin.

“Ah, mauna na po ako Sir, Winnie,” paalam ko sa kanilang dalawa. Tumango silang dalawa sakin.

Lalong tumatagal ay parang lumalala ang takot ko sa kung sino man iyon. Mabuti at agad dumating sila Winnie kanina kundi baka nadukot na ako no’n o ‘di kaya ay nagawan ng masama. Hindi ako nakukumbinsi na may kailangan siya sa isa sa mga building doon dahil simula ng gabing makita ko siyang pumarada doon ay hindi siya lumalabas o pumapasok sa kahit anong building. Ngayong gabi ang pinakamalala, dahil hindi siya nagtagal sa loob ng sasakyan at agad lumabas upang lumakad papunta sa direksyon ko.

Maaga akong nagising ngayong araw kahit pa wala kaming pasok sa trabaho, ito na kasi ang huling araw na mag-aayos kami ng Bar. Ikakabit namin ang lahat ng mga disenyong ginupit at ginawa namin, popormahan ng kaunti ang mga lamesa at upuan.

Masaya ako para kay Winnie dahil mukhang magiging succesfull ang event na ito, namamangha ako sa galing nila ni Steffi na mag-organize at mag-supervise ng ganitong event.

“Kari! Help!” nagulat naman ako sa paglapit ni Winnie, “Nakalimutan kong gumawa ng color coding para sa masquerade, pwede bang ikaw na lang gumawa? Alam mo naman na ‘yon.”

“Akala ko naman kung ano, o sige ako na ang bahala,” sabi ko at agad tumungo sa isang gilid para magsulat at magplano.

Wear the mask according to the the status of your love life:

Red = Taken

White = Single

Black = Broken Hearted

Blue = Complicated

Pink = Open relationship

Violet = Ready to mingle

Inaprubahan naman ito ni Winnie kaya naman agad akong nag-print ng ilang kopya.

Pasado alas-onse na ng gabi nang matapos kami sa paghahanda dito sa Bar. Umupo ako sa isang upuan kung saan tanaw ang kabuoan nitong Bar. Ang gandang pag masdan ng mga disenyo na ginawa namin.

Nakita ko namang namimigay isa-isa ng inumin ang isa sa mga ka-trabaho namin.

“Good job guys! I’m looking forward sa mga magiging ganap ng event natin. I’m sure na magiging succesful ito dahil sa ating mga masisipag na organizers at supervisors,” ani Sir Gio sabay kindat kay Winnie kaya naman pulang-pula itong kaibigan ko ngayon.

“And everyone, dumating na ang new uniform for this event.” Natuwa ang lahat dahil sa anunsyo ni Sir Gio. Hindi ko matandaan na nagpasukat ako para rito kaya naman hindi ako makasabay sa kasiyahan nila.

Isa-isa kaming nakatanggap ng paper bag na may lamang damit. Hindi siya mukhang uniporme ng isang empleyado. Napakaganda, pero napangiwi ako dahil sa tabas nito.

“Shit! Ang sexy ko rito! Ang ganda!” tuwang-tuwang sabi ni Winnie habang tinitignan ang kabuoan ng damit na hawak niya.

Nakita ko naman ang iba na gano’n din ang ginawa. Ang mga damit namin ay iisa ng disenyo, may kaiklian ang tabas ng damit ng babae pero itong akin? Bakit napaikli ata ng sobra? Kulay pula ang damit na kumikintab kada matatamaan ng ilaw, may bahid din ng itim na kulay sa bandang kwelyo at short sleeves nito.

“Nagustuhan mo ba? ‘Di na ko nag abalang tanungin ka kung anong size mo kasi magkasing katawan lang naman tayo.” Ano pa nga ang magagawa ko? babaeng ‘to talaga. Alam naman niyang may katangkaran ako ng kaunti sa kaniya pero pinag-isa niya ang sukat naming dalawa.

Pero kung titignan ay napakaganda ng disenyo ng damit na ito. May katamtamang laki ng butas sa bandang d****b, sakto para makita ng bahagya ang cleavage, body fit din ito at may maliit na slit sa kanang ibaba ng damit.

Tinignan ko pa ang ilang mga gamit sa loob ng paper box. Mayroong itim na choker na may disenyong puso sa gitna, may isang pares ng maninipis na gwantes at isang leg garter strap na may puso rin sa gitna.

“Mall tayo bukas?” tanong ni Winnie na katabi kong nagpapahinga rin sa isang mesa.

“Para saan?” tanong ko.

“Siyempre bibili ng mask ano ka ba? Lahat tayo ay naka-mask din no!” singhal niya. Akala ko ay mga customer lang namin ang naka-mask.

---

“Mareee! Ano’ng maganda? Ito o ito?” excited na tanong ni Winnie habang ipinapakita sa’kin ang dalawang disenyo ng mask na hawak niya. Parehas itong kulay pula.

“Pula? Taken ka ba? Bakit ‘di ko alam?” pang-uusisa ko sa kaniya na ikinahiya naman niya. Kita ko ang pagpula ng mga pisngi niya kaya naman lalo umusbong ang kuryosidad sa’king kaisipan.

“Basta! Makikilala mo rin siya. Sa ngayon sikreto lang muna kami,” namumulang sambit niya at halos mapunit ang mga labi sa lapad ng ngiti. Sino naman kaya ang nagpapasaya rito?

Pinili ko ang simpleng mask na ipinakita niya, hindi ito gaanong makinang pero napaka tingkad ng kulay. Wala rin gaanong palamuti kaya nakikita kong bagay ito sa kaniya at sa uniporme na susuotin namin.

“Sigurado ka ba? Para namang hindi nakaka sexy ito tignan. Itong isa na lang kukuhanin ko,” aniya sabay punta sa counter. Napasapo na lamang ako sa noo.

Sumunod ako kay Winnie dala ang mask na napili ko. Kulay puti ito na may katamtamang kinang, may iilang palamuti na nakadikit. Simple ito at magaan sa mata tignan kaya ‘di na ako pumili ng iba pang disenyo.

“Ay puti? Kala ko black ang kukuhanin mo, e!” mapanutyang sabi ni Winnie habang nakatingin sa mask na binili ko. Sinimangutan ko lamang siya.

Day off namin ngayon dahil inutusan kami ni Sir Gio na magpahinga na muna dahil ilang araw na sunod na pagtatrabaho namin ng gabi. Bilang preparasyon na rin para sa event na gaganapin bukas.

Bago umuwi ay dumaan muna kami sa Bar upang bumisita sa ibang empleyado na sinipag pumasok para maglinis at mag-ayos ng kaunti.

Dumiretso ako sa CR dahil hindi na kaya ng pantog ko na tiisin ang ihi na kanina ko pa pinipigil dahil sa dami ng dinaanan na shop ni Winnie para mamili ng mga gagamitin niya para sa event.

Muling inayos ni Winnie ang ginawa nilang activities para sa event bukas. Hindi ko na napigilang makiusyoso pa kaya naman tumabi na ‘ko sa kanilang dalawa ni Steffi na abala sa mga binabasa.

Nabasa ko roon na may sikat na DJ silang inimbitahan upang maki-jam dito sa Bar. Mayroong mga palaro na tiyak kong lahat ng magkasintahan ay mag-e-enjoy pati na rin sa mga single na gustong mag-aliw. Nakasulat din doon na kaming mga empleyado ay pwede rin makisaya, gaya ng dating batas ay huwag gagawa ng gulo at ‘wag iiwan basta ang trabaho ng walang kapalitan.

“Winnie pinapatawag ka ni Sir Gio sa office.” Halos mapunit na naman ang mga labi ni Winnie sa sobrang saya. Dali dali itong sumunod papunta doon sa opisina.

Umalis na rin si Steffi sa pwesto at naiwan akong mag isa . Maya maya lang ay nakatanggap ako ng text mula kay Winnie, gaya ng dati ay pinapauna na naman nya ako umuwi kung gugustuhin ko. Naisip ko rin na kaylangan kong labhan ang uniporme na susuotin para bukas.

Hindi ko alam pero nakakaramdam ako ng kaba at excitement para sa gaganapin na event, siguro kasi ay nabasa ko ang mga magiging ganap ng event na pwede namin lahukan. Ngayon lang ako makakapagsaya ng ganito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status