Share

Kabanata 13

Kabado akong pumasok ngayon dito sa Bar dahil sa hiya. Ilang beses ko na kinumbinsi ang sarili na hindi ako ang dahilan at maaaring may ibang dahilan pa kung bakit sila nag-away kahapon pero heto ako at nahihiya pa rin.

Humingi ng tawad si Hannah sa’kin, aniya’y hindi raw siya nag-ingat maigi kaya may nakarinig pa ng usapan namin at nila ni Winnie. Siniguro ko sa kaniya na wala siyang kasalanan sa mga nangyari at na ako naman talaga ang pinakapangunahing dahilan. Kung naging handa sana ako sa buwanang dalaw ay ‘di ko na kakailanganin pa na pakiusapan siya na bilhan ako ng napkin.

Pumasok ako sa opisina ni Sir Gio nang nakayuko matapos ang ilang katok.

“Uh... pasensiya na po sa nangyari kahapon, Sir. Naikwento po sa’kin ni Winnie ang buong detalye,” panimula ko. Kahit pa hindi ako nakatingin sa kaniya ay ramdam ko ang malalalim na tingin niya sa’kin, lalo tuloy akong ginapangan ng hiya at kaba.

“Maayos na ba ang pakiramdam mo?” namilog ang mata ko sa naging tugon niya. Agad akong nag-angat ng tingin sa kanya. Teka---

“Sir Jed?” hindi ito sumagot bagkus sinuklian lamang ako ng ngiti.

Gusto kong itanong ano ang pinag-ugatan ng away nila kahapon pero nakakahiya naman dahil magmumukha akong tsimosa. Nakakahiya rin na baka mali ang iniisip ko.

“I should be the one apologizing, Kari,” mahinahong sambit niya. Wala sa itsura niya ngayon ang pagiging masungit. Mapupungay ang mata nitong nakatitig sa’kin.

Parang may kung anong bato ang nakaharang sa lalamunan ko ngayon. Ano ang sasabihin ko?!

“I accidentaly heard that you needed some pads so, I bought some. Hindi ko nga lang alam paano iaabot sa’yo, I can’t go inside girls wash room,” paliwanag pa niya.

“Hindi n’yo naman po kailangan pang mag-abala, Sir. Nagboluntaryo naman na po si Hannah,” nakayukong sambit ko dahil hindi niya naman na talaga kailangan pa.

Nakita ko ang maliliit na takas na ngiti sa kaniyang labi pero pagkabigo naman ang ipinapakita ng mga mata nito. Lalo akong nahiya! Parang hindi ko na dapat pa sinabi ‘yon, nagmamagandang loob lang naman siya.

“Uh... salamat pa rin po sa pagbili na-appreciate ko po ‘yon, pero sana po sa susunod ‘wag na kayo mag-abala pa,” nangingiwing saad ko at nahihiyang tinignan siya.

“I’m glad you appreciated it,” aniya na ngayon ay malapad na ang ngiti.

Para naman akong naginhawaan nang makita na ganito makitungo si Sir Jed sa’kin ngayon, taliwas sa nakasanayan kong pagsusungit niya noong una.

“Uh... trabaho na po ako ulit. Pasensiya na po ulit at uh... salamat,” saad ko saka agarang tumayo sa upuan dahil hindi ko na makayanan ang kabang nararamdaman.

Mabilis siyang tumayo sa kinatatayuan niya at sinamahan ako palabas ng pintuan kahit pa kakapraso lang ang distansya no’n.

“Call me when you need anything,” bilin pa nito bago isara ang pintuan nang makalabas ako. Nag-init naman ang pisngi ko kaya namumula na ako ngayon. Nakakahiyang makita pa iyon ng iba.

“Wow! May pa ‘Call me when you need anything’ na ah? Ano ‘yon ha?” pang-uusisa ni Winnie habang nginingitian ako ng nakakaloko.

“Wala! Malisyosa ka talaga,” saway ko sa kaniya at lumakad na palayo pero sinundan pa rin niya ako.

“Kala mo ‘di ko nakitang nagblush ka, yieee. Ano? Tama ako ‘no? May gusto sa’yo si Sir Jed?” wala akong ibang hiling ngayon kundi ang tantanan lang ni Winnie sa mga malisyosong tanong niya.

“Kapag totoong may gusto sa’yo si Sir Jed naku! Best friend goals tayo, akin si Gio sa’yo naman si Jed,” ngiting-ngiti ito sa mga ideya na tumatakbo ngayon sa kaniyang isipan.

“Hindi ‘yon mangyayari, Winnie,” agad ko namang winakasan ang ideya niya kaya ngumuso ito sa’kin.

“Pangit mo ka-bonding!” ismid pa nito.

Sinaway ko naman na siya na tigilan na ang mga gano’ng biro dahil nakakahiya kung may iba pang makarinig no’n. Baka isipin pa nilang iyon ang pakay namin ni Winnie sa pagtatrabaho rito.

---

Hapon na at wala naman gaanong kostumer kaya hindi abala dito sa Bar ngayon. Napalingon naman ako sa pintuan ng opisina saktong iniluwa no’n si Sir Jed kaya’t nagtama ang aming mga paningin. Agad akong nag-iwas ng tingin.

Lumabas ito ng Bar nang walang sinasabi sa’min. Uuwi na kaya ‘yon? Pero maaga pa. Alas-tres y media pa lang ng hapon. Karaniwang oras ng alis namin dito sa Bar ay alas-quatro pa.

Matapos ang halos bente minutos na pagkakawala ni Sir Jed ay bumalik din ito. Napadako ang tingin ko sa paper bag na hawak niya. Dumapo naman muli ang kaba sa’kin dahil naglalakad siya ngayon patungo sa direksyon ko.

Inilahad niya sa’kin ang isang cup na naglalaman ng kape. Napakurap-kurap ako sa ikinilos niya.

“Merienda...” aniya nang mahalatang tinititigan ko lang ang iniaabot niya.

Ramdam ko na ngayon ang mga matang nanonood sa’min. Dahan-dahan kong sinulyapan ang paligid at hindi nga ako nagkamali, nakatingin sila sa’min ngayon ni Sir Jed. Bakas sa mga mukha ang pagtataka sa mga nangyayari.

Muli akong bumaling sa dala niya. Nag-iisip kung tatanggapin o hindi. Nakakahiyang tanggihan dahil baka mapahiya siya, nakakahiya rin naman tanggapin dahil hindi iyon magiging patas para sa iba kung ako lang ang makakatanggap ng merienda.

“Uh... salamat po pero hindi ko matatanggap iyan. Pasensiya na po,” sambit ko at muling napabaling sa mga kasamahan na ngayon ay tahimik at pilit na iniaalis ang tingin sa’min.

“Oh! I get it, I’m sorry. I’ll be back in a minute,” paalam niya at agad umalis, naiwan naman akong tahimik.

Wala ni isang naglakas loob ang makiusisa sa nangyari maliban kay Winnie na ngayon ay nginingitian ako ng nakakaloko.

“Wala lang ‘yon!” singhal ko sa kaniya dahil alam ko na ang tumatakbo sa isipan nito.

“Wala naman akong sinasabi, ah? Defensive mo naman,” pang-aasar nito. Nagmamaang-maangan pang wala siyang iniisip na kalokohan tungkol sa’min.

“Alam ko ang iniisip mo kaya tigilan mo ako sa mga malisyosong isipin mo, Winnie,” saway ko sa kaniya. Muli ay ngumiti ito ng nakakaloko sa’kin. Matalim ko siyang tinignan para tantanan na niya ako sa pang-aasar niya.

Halos trenta minutos nang muling bumalik si Sir Jed. Kung kanina ay maliit na paper bag lang ang dala niya, ngayon ay malaki na.

“Merienda tayo, guys!” anunsyo niya na ikinasaya naman ng mga katrabaho. Iniwan nila ang kaniya-kaniyang gawain para lapitan si Sir Jed na nag-aalok ngayon ng inumin at pagkain.

Habang abala ang lahat sa pagkuha ng pagkain ay nakitang kong papalapit siya sa’kin ngayon dala ang isang platito na may slice ng chocolate cake at ang cup ng kape na inaalok niya sa’kin kanina.

“Pwede mo na bang tanggapin ngayon?” nakangiting tanong niya habang inaabot sa’kin ang pagkaing dala-dala.

Hindi na ako tumanggi pa dahil kasama ko na ngayong kakain ang mga katrabaho. Pero hindi naman ito ang gusto kong mangyari kanina, nakakahiya na gumastos pa siya.

“I’m sorry for making you uncomfortable. Nawala sa isip ko na bilhan din ng merienda ang iba. I hope it’s okay now,” aniya at humigop sa cup ng kape na hawak niya.

“Hindi mo naman po kailangan pang gumastos, Sir,” saad ko.

“It’s okay. Minsan lang ako makapunta rito and I like to treat my employees sometimes.”

Hindi ko alam ang sasabihin sa sinabi niya. Normal nga lang naman talaga na manlibre ang boss paminsan sa kaniyang mga empleyado.

“And also my form of apology,” dagdag niya. Tinignan ko naman ito ng seryoso. Hindi pa rin pala siya tapos humingi ng tawad sa’kin. Nakakahiya naman, ako nga dapat ang mas humingi ng tawad.

“Ako po ang dapat humihingi ng tawad, Sir,” saad ko at yumuko dahil sa hiya.

“I mean, for being mean when we first met. I’m actually just tripping on you, I’m not that bad,” nakangiting wika niya para pagaanin ang mga nangyayari.

“Uh... ‘yon po ba? Wala na po ‘yon,” ako.

“I know that you got scared so, I’m trying to change that and showing you the real Jed,” aniya. Wala akong masabi, nahihiya ako dahil sa bilis ng panghuhusga ko sa kaniya na mainit ang dugo sa’kin kaya lagi akong pinagagalitan.

“Nasabi nga po ni Winnie na hindi ka naman daw po talaga masungit,” nahihiyang saad ko.

“I see. Hindi naman ako masungit pero hindi rin naman ako kasing bait at kulit ng kapatid ko,” nakangiti ito habang ikinukwento ang sarili niya. Maigi rin ‘to para naman makilala ko ang isa ko pang boss at paano dapat pakikitunguhan.

“And I hope you’d get comfortable with me just like the others,” seryoso akong tinitigan nito. Ako ang naunang nag-iwas ng tingin dahil nakaramdam bigla ng hiya.

“O-opo naman, Sir,” nauutal kong sambit. Nakita kong ngumiti ito ng bahagya saka muling lumagok sa inumin.

Nang matapos ang munting salo-salo roon ay nagpaalam na ang iba na uuwi na dahil alas-quatro na. Nang natapos din ako sa pagkain ay nagpasalamat ako kay Sir Jed at tumungo na sa locker room para kuhanin ang gamit.

“Sosyal! Si Sir Jed pa talaga nag-adjust para ‘di ka ma-awkward,” ayan na naman ang mga pang-aasar ni Winnie.

“Nanlibre lang talaga siya, Winnie. ‘Wag mo nang lagyan ng malisya ang panlilibre ni Sir sa’tin!” singhal ko dahil hindi niya ako titigilan sa mga pang-aasar niya.

Tumawa na lamang siya matapos no’n. Lumabas na kami roon para makauwi na. Nadatnan ko pa ang iba na naglilinis. Nagpaalam rin ako sa kanila na uuwi na. Sa malayo pa lang ay tanaw ko na si Sir Jed na nakasandal sa hood ng kaniyang sasakyan. Tumikhim naman si Winnie sa tabi ko kaya siniko ko agad.

“Want a ride?” alok nito sa’min nang nakalabas na sa Bar.

Tatanggi na sana ako nang biglang sumingit si Winnie sa sasabihin ko, “Sure! Thank you, Sir! Tara na, Kari!”

“Nakakahiya Winnie, ‘wag na,” pagtanggi ko at pilit siyang pinipigilang sumakay.

“Don’t be. It’s okay, Kari. C’mon!” anyaya ni Sir Jed.

Matapos pa ang ilang pamimilit ni Winnie ay pumayag na rin ako dahil nakakahiya, baka isipin pa niya masyado akong nag-iinarte.

Sa likod sana ako uupo pero inunahan ako ni Winnie roon at ngumiti pa ng nakakaloko sa’kin. Inirapan ko naman ito, wala nang nagawa kaya sa front seat ako umupo.

Sinalubong naman ako ng ngiti ni Sir Jed. Nagsimula na itong magmaneho at itinanong ang daan pauwi sa apartment.

Pagkarating sa apartment ay agad na bumaba si Winnie at nagpaalam na mauuna na sa loob kaya naiwan kami ni Sir Jed ngayon dito sa labas.

“Uh... salamat po. Pasensiya na sa abala,” saad ko nang makalapit siya sa kinatatayuan ko.

“I don’t mind. Gusto ko rin talaga kayong ihatid ni Winnie dahil alam kong wala kayong sasakyan—I mean, para iwas gastos sa pamasahe,”

“Maliit na halaga lang naman po ‘yon.”

“Kahit na, you guys have to save up money lalo’t nagbabayad pa kayo sa apartment.”

Hindi na ako sumagot pa dahil baka pagtalunan pa namin ang bagay na iyon. Muli akong nagpaalam sa kaniya at nagpasalamat.

Hindi pa man nakakapasok ng tuluyan sa gate ay tinawag niya akong muli. Nilingon ko naman ito, nakita kong patakbo itong lumakad mula sa sasakyan papunta sa’kin.

“May problema po ba?” usisa ko nang makalapit siya sa’kin.

“Uh... hindi, wala naman. I just uh...” pinagmasdan ko siya dahil hindi siya mapakali at parang nag-aalinlangan sabihin ang gustong sabihin.

“Wouldn’t you mind if I uh... get your number?” nakayukong niyang sambit. Namilog naman ang mata ko, hindi makapaniwala sa sinabi niya.

“H-hindi naman po uh... ayos lang naman,” saad ko, wala naman talagang problema roon pero para saan?

“Good, I’m sorry if I asked for that out of nowhere. I hope it’s okay with you,” aniya, hindi na makatingin ng diretso sa’kin ngayon.

Iniabot niya sa’kin ang cellphone niya. Tinipa ko ang numero ko saka ibinalik sa kaniya ang cellphone niya. Nagpasalamat siya at tumakbo muli pabalik sa sasakyan, bago umalis ay bumusina ito kaya kumaway ako bilang pagpapaalam.

“Kita ko ‘yon! Wala pa rin ba ‘yon para sa’yo?” halos lumundag palabas ang puso ko dahil sa gulat kay Winnie na naka-upo ngayon sa may hagdan, nag-aabang sa pagpasok ko.

Mangungulit na naman ang isang ‘to, sigurado akong hindi niya ako titigilan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status