Share

Kabanata 15

Narito sa kwarto ko ngayon si Winnie dahil maaga siyang natapos maghanda para pumasok kaya naman hinihintay niya ‘ko. Simula kagabi ay hindi niya ako tinigilan kakaasar sa mga nakaraang araw na pangyayari.

Hindi ko pa rin kinukumbinsi ang sarili ko na para sa’kin ang ginagawa nila Sir Jed at Aki roon sa Bar. Ayokong isipin ang ganoong bagay dahil empleyado lang naman ako katulad nila, walang espesyal sa’kin para tratuhin nila ng kakaiba. Talagang mababait lang sila sa’ming mga empleyado nila. Natural lang iyon.

“Naku! Malapit na nga pala birthday nila Sir Gio,” saad ni Winnie habang nakatutok sa cellphone niya.

“Talaga? Kailan naman ‘yon?” usisa ko habang sinusuklay ang buhok.

“Sa isang linggo na iyon. Sana may pa-outing ulit, saka anniversay din ng Bar iyon kaya sana talaga mayroong outing!” excited na wika niya. Mukhang masaya nga iyon. Nakakatuwa naman inabot ko ang selebrasyon ng anibersaryo ng Bar pati ang birthday nina Sir Gio at Sir Jed.

Matapos mag-ipit ng buhok ay tumulak na kami ni Winnie papasok ng Bar. Naabutan namin ang iba roon na nag-aayos ng mga mesa at upuan, ang iba naman ay pinupunasan ito.

Normal ang naging takbo ng araw na iyon. Katamtaman lang ang dami ng kostumer na pumasok. Mayroon isang magbabarkada na kumain rito, mayroon din namang mga nag take-out ng pagkain.

Nang hapong ‘yon ay bumisita si Aki sa Bar, hindi ko alam pero una kong napansin na wala itong dalang mga pagkain. Hindi naman sa umaasa akong manlilibre siya ulit ng pagkain sa’min, sadyang natatakot lang ako na sa tuwing bibisita sila rito ni Sir Jed ay may mga dala silang pagkain.

Hindi na rin kasi naiiwasan magtanong ng mga katrabaho ko tungkol sa nangyayari, ginagatungan pa minsan ni Winnie kaya naman lalong naghihinala ang mga tao at nag-iisip ng mga malisyosong bagay sa pagiging mabait ng mga boss namin.

“Nakakadisappoint naman gutom na ako, e,” pagpaparinig ni Winnie, agad ko itong tinapunan ng matatalim na tingin kaya lumayo sa’kin para ‘di na mang-asar.

Ang lunch box nga pala! Mabuti at dala ko iyon ngayon, ilang araw na rin kasi akong nagbabaka sakali na mapadaan siya rito. At kailangan ko rin siyang kausapin tungkol sa ginawa niya, na hindi na niya iyon dapat pang ulitin.

            Tumungo ako sa locker room para halungkatin ang bag ko. Inilabas ko roon ang lunch box at lumabas na, kailangan ko na lang ngayon hintayin ang paglabas niya sa opisina ni Sir Gio. Dito ako pumwesto malapit sa bukana ng entrance para naman hindi kami gaanong makita ng iba na mag-uusap.

Maya-maya lang ay lumabas na rin siya.

“Uh... Aki, pwede ba tayong mag-usap?” tawag ko sa kaniya nang makalapit sa pwesto ko.

Nakita ko ang bahagyang pamimilog ng mata niya, mukhang nabigla sa nasabi ko, pero agad din naman siyang tumango.

“Dito ba? O sa labas na lang para maging komportable ka?” tanong niya. Sinabi kong sa labas na lang dahil ayokong may ibang makakita sa’min. Nandito kami ngayon sa kung saan kami madalas magpahangin ni Winnie.

“Ito nga pala ang lunch box...” panimula ko nang makarating kami roon. Tinitigan pa muna niya iyon bago tinanggap.

“You don’t have to return it, you can keep it,” saad pa niya.

“Kailangan iyon. Salamat nga pala, uh... nagustuhan ko ang niluto mo,” sambit ko nang ‘di makatingin ng diretso sa kaniya. Nakakainis, ilang araw kong pinaghandaan ang sasabihin ko pero bakit ganito pa rin ako kung kabahan?

“Good to hear that. Sa susunod na araw ay dadalhan--“ pinutol ko na ang sasabihin niya.

“Tungkol diyan, Aki, gusto ko sanang ‘wag mo na ulit gawin,” wika ko. Tinignan niya ako gamit ang mga mata niyang bigo. Nakita ko rin ang pag-awang ng kaniyang bibig, mukhang may gustong sabihin pero hindi masabi.

“Alam mong hindi maganda tignan iyon, Aki. Ayokong isipin ng ibang tao na tinatrato mo akong espesyal, hindi iyon maganda sa paningin nila dahil may asawa ka na,” diretsong sabi ko at seryosong nakatingin lang sa kaniya. Bumagsak ang tingin niya sa hawak na lunch box.

“S-sorry, I didn’t think carefully about it,” sambit pa niya at tinignan ako muli. Ngumiti ito ng hilaw sa’kin.

“Ayos lang ‘yon. ‘Di na sana maulit pa at uh... salamat ulit sa pagluto. Ang galing mo na magluto ng Afritada!” nakangiting bati ko para naman kahit papano ay gumaan ang atmospera namin.

Humugot ako ng malalim na paghinga. Wala siyang imik kaya nagpaalam na akong mauunang umalis para bumalik sa trabaho.

“Kari...” tawag niya nang ‘di pa ako nakakalayo. Hinarap ko ito.

“Thank you for accepting this one,” aniya sabay pakita sa lunch box. “And I’m sorry for... bothering you. Sorry for being reckless,” dagdag pa niya. Nginitian ko naman siya at sinigurong wala na ‘yon para sa’kin.

Nakaabang sa may pinto si Winnie, ipinapakita na naman ang mga nanunuyang ngiti. Inirapan ko na lamang ito dahil ayokong biruin niya ako sa naging pag-uusap namin ni Aki.

“Okay fans, lapit kayo sa’kin may sasabihin ako,” anunsyo ni Sir Gio. Natawa na lang kami sa inasal niya at lumapit gaya ng sinabi niya.

“Close tayo mamayang gabi, I want you all to take a rest,” naghiyawan ang lahat sa sobrang tuwa at kasama na ako roon.

Alas-tres pa lang ipinsara na ni Sir Gio ang Bar, aniya’y may pag-uusapan kami kaya hindi na tatanggap ng kostumer. Maya-maya ay dumating ulit si Aki, buong akala ko ay umalis na siya dahil hindi naman siya sumunod sa’kin papasok sa loob kanina.

“Ah! Ayun naman pala, akala ko walang pa-merienda ang bossing, e,” ani Winnie.

Ipinamahagi muna ang mga pagkain sa’min bago nagsalita si Sir Gio. Nakaupo siya ngayon sa ibabaw ng isang lamesa doon sa harap kasama si Aki na nakahalukipkip lamang.

“Alam niyo namang malapit na ang birthday ko kaya pag-uusapan natin ngayon ang mga ireregalo niyo sa’kin,” biro niya na ikinatawa naman namin. Nakita ko pang hinataw siya ni Aki sa likod kaya natigilan ito sa mga kalokohan.

“Malapit na rin ang anniversary natin kaya naman masaya ako na hanggang ngayon ay kasama ko kayo rito pati na sa mga bago!” nagpalakpakan ang lahat sa sinabi niya.

“Kaya, magbabakasyon tayo! May suggestions ba kayo saan maganda?” tanong niya sa’min. Kita ko ang saya sa mukha ng mga katrabaho dahil sa anunsyo niyang iyon. Tahimik naman akong nakikinig sa tabi Winnie.

“Kari, taga-isla ka ‘di ba?” tanong ni Hannah sa’kin. Binalingan ko at sinagot.

“Doon na lang tayo, Sir!” suhestiyon ni Art. Napa-angat ang likod mula sa pagkakasandal, gano’n din si Winnie. Hindi ko mapigilan ang pag-awang ng bibig, gusto kong tumanggi agad.

“Bakit ‘di na lang po tayo humanap ng resort dito?” rekomenda ni Ronald

“Gusto ko naman magdagat, sa swimming pool tayo last year, e!” Steffi.

“Oo nga, palagi tayong nandito sa siyudad,” pag sang-ayon pa ni Art.

 “Let’s ask Kari first if it’s okay with her,” ani Sir Gio, nakatingin na sa’kin ang lahat. Mga umaasang tingin na pumayag ako.

Hindi ko naman pag-aari ang isla kaya hindi na kailangan pang hingiin ang opinyon ko. Pero delikado iyon dahil paniguradong kasama si Aki roon at... ayokong makita niya si Ali. Hindi pa ako handa, natatakot ako sa mga posibilidad na mangyari.

 “Doon tayo sa Langub!” nakahinga ako ng maluwag sa pagsagot ni Winnie. Nagkatinginan pa muna kaming dalawa bago siya nagsalita ulit.

“Nandoon ang magagandang resort sa Langub, doon na lang tayo!” aniya. Nakita ko namang isa-isang nagtatanguan ang mga katrabaho. Mabuti na lang.

“Ayos ka lang?” tanong ni Winnie nang mawala na sa’min ang atensyon ng mga tao. Tumango ako sa kanya bilang sagot, “Sabunutan ko iyang si Hannah, e. Hay naku! Muntik ka na ro’n,” dagdag pa niya. Sinabihan kong ‘wag na dahil wala namang alam si Hannah sa sitwasyon ko kaya ayos lang.

“Winnie, Kari may suggestion ba kayo na magandang resort doon?” napa-angat ako muli ng tingin sa harapan. Malalalim ang tingin ni Aki sa akin ngayon kaya ginapangan na naman ako ng kaba. Para bang nababasa niya ang nasa isipan ko.

“Uh... opo, mayro’n naman. Doon po sa dati kong pinagtatrabahuhan,” sagot ko, nabaling na naman sa’kin ang atensyon ng mga tao.

“Ay! Oo nga, kina Miuki. Sila naman ang may-ari no’n at kilala ka naman niya,” dagdag ni Winnie.

“Good, how can I talk to her?” tanong ni Sir Gio. Hindi ko sigurado kung ito pa rin nga ba ang numero na ginagamit ng resort para sa reservations pero ibinigay ko pa rin iyon kay Sir Gio.

“Okay, settled na. Doon na tayo next week, I’ll contact this person to book our short vacation. For now, close muna ang Bar until our vacation ends.”

Pagkatapos nga ng maliit na meeting na iyon ay isinara na namin ang Bar at naghanda sa pag-uwi. Hindi mapawi ang tuwa sa mukha ng mga katrabaho dala ng excitement. Ang iba’y tinatanong pa ako kung maganda ang resort na inirekomenda ko, sabi ko’y hindi sila mabibigo.

Kahit pa sa Langub naman ang tungo nila ay ‘di ko pa rin maiwasang gapangan ng takot at kaba. Nandoon lang ang anak ko, kahit pa may kalayuan ang lugar namin doon sa Langub.

“Anong plano mo ngayon?” tanong ni Winnie sa akin habang naglalakad papasok sa kwarto. Dito siya dumiretso sa kwarto ko.

“Hindi ko alam, masyadong biglaan,” sagot ko habang inilalapag ang bag sa higaan.

“Gusto mo ba angkinin ko muna si Kalisha? Sabihin kong anak ko siya,” suhestiyon niya. Ang bigat sa pakiramdam na itatanggi ko si Ali sa mga tao bilang anak ko. Ayokong maramdaman niyang ikinahihiya ko siya.

“Hindi na Winnie, kakausapin ko na lang si Nanay tungkol dito,” saad ko. Gaya ng dati ay palalabasin namin ni kapatid ko lang si Ali.

Naging matunog ang pagbubuntis ko noon pero ni isa ay walang nakakaalam kung sino ang ama ng dinadala ko dahil nga alam ng halos lahat na naghiwalay na kami ni Aki bago pa lumobo ang tiyan ko.

Kampante ako sa parteng iyon na walang maaaring makapagsabi kay Aki na may anak kami, ang ikinakatakot ko lang ay ang magkita sila at maramdaman niya ang tinatawag nilang lukso ng dugo. Alam kong magtataka iyon kapag nalamang may bata sa aming bahay.

“Sigurado ka ba? Magsabi ka lang kapag kailangan mo ng tulong, ha? Ako ang bahala kay Aki,” paniniguro niya. Tumango naman ako.

Umalis na si Winnie sa kwarto ko dahil napag-pasyahan namin na umuwi bukas sa isla. Nag-iimpake ako ngayon ng mahahalagang gamit na dadalhin ko bukas sa pag-uwi. Nagpaalam rin ako kay Winnie na mamimili sa labas ng pasalubong. Sumama naman siya sa akin, bibili raw siya ng dagdag na gamot at pasalubong na rin.

“Anong gagawin mo kung sakaling makita ni Aki si Kalisha?” tanong niya sa akin habang namimili ng pagkain sa isang convenience store.

“Wala naman akong dapat gawin bukod sa umakto ng normal para hindi siya maghinala,” simpleng sagot ko. Hindi naman na siya nang-usisa pa dahil aprehas na kami naging abala sa pamimili.

Nang gabing iyon ay nahirapan akong makatulog kakaisip sa mga pwedeng mangyari kapag naroon na kami sa isla. Hindi pa ako handa kung sakaling magkaharap ang mag-ama ko.

Abot-abot ang pagdarasal ko na huwag sanang kutuban si Aki kung sakali mang makita ang anak ko. Hindi ko alam ang gagawin ko.

Sa gitna ng pag-iisip ko ay bigla naman tumunog ang cellphone ko. Sino naman kaya ang magte-text ng ganitong oras sa akin?

From: Unknown number

Hi! This is Jed, save my number.

Namilog ang mata ko nang malaman na si Jed iyon. Oo nga pala, hiningi niya nga pala ang numero ko noong nakaraang araw. Magtitipa pa lamang sana ako ng mensahe ay bigla siyang nag-text ulit.

From: Unknown number

I’m sorry kung ngayon lang kita na-text, been busy this past few days. How are you, anyway.

Ako:

Ayos lang po ‘yon, Sir. Maayos naman po ako.

Matapos ang munting kumustahan ay nagpasya na akong magpahinga at matulog dahil maaga pa kaming aalis bukas para umuwi. Inalis ko muna pansamantala ang takot at mas inisip na sa wakas ay magkikita kami ulit ng anak ko. Kaunting tiis pa at babalik na ako ng tuluyan sa isla, mag-iipon lang ako pansamantala para may ipanggastos kami.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status