Share

Kabanata 14

Parang mabilis na apoy na kumalat ang balitang inihatid kami ni Sir Jed kahapon sa apartment. May iilang lumapit sa’kin para magtanong at kumpirmahin kung totoo ba ‘yon.

“Oo naman! Bait nga ni Sir Jed, e. ‘Di ba, Kari?” si Winnie ang panay sumasagot sa mga tanong na ibinabato sa’kin. Kaunti na lang at makukurot ko na itong si Winnie sa sobrang kadaldalan.

“At alam niyo ba, bago umuwi si Sir may pahabol pa!” anunsyo niya kaya naman namilog ang mga mata ng katrabaho at lalong lumapit dahil naiintriga sa sasabihin ni Winnie. Subukan lang nito sabihin na nanghingi ng numero ko si Sir---

“Hiningi ni Sir—aray!” kinurot ko na sa tagiliran dahil walang preno ang bibig dahil pati ang bagay na iyon ay ipagsasabi pa, hay naku!

“Ng ano, Winnie? ‘Wag ka naman KJ, Kari dali na! Sabihin mo na.”

“Oo nga, hindi namin ipagkakalat. Pangako!” patuloy ang pangungulit nila.

“Tubig lang! Nanghingi lang ng tubig si Sir, kayo talaga mga chismoso!” ani Winnie, mukhang nadala sa pagkakakurot ko sa kaniyang tagiliran.

Hindi naman na nangulit pa ang mga katrabaho at nilubayan na ako. Pinagsabihan ko naman si Winnie na mag-ingat sa mga sinasabi niya dahil nakakahiya, iba pa naman mag-isip ang mga tao. Hindi naman sa hindi ko pinagkakatiwalaan ang mga katrabaho ko pero ayaw ko lang na may napapag-usapan sila lalo pa tungkol sa’kin.

“Kuya! I told you hindi ka kailangan dito. Umuwi ka na nga!” napalingon naman kami sa dalawang tao na pumasok dito sa Bar, ang kambal ng tadhana.

“I am needed here! I was told  that you were starving your whole crew, akala mo hindi ko malalaman?!” singhal ni Sir Jed.

Hindi kami nangealam sa sagutan ng magkapatid. Dumiretso naman sila sa loob ng opisina at kami naman ay ipinagpatuloy ang trabaho.

Hindi ko alam saan nanggaling ang sinabi ni Sir Jed pero, hindi naman kasi ‘yon totoo. Minsan naman ay nililibre kami ni Sir Gio ng merienda at hinahayaan niya naman kami kumain dito ng libre kung nanaisin. Pero bahala sila, away magkapatid iyon kaya hindi kasali ang opinyon ko.

Maya-maya lang ay lumabas si Sir Gio sa pinto at nag-anunsyo na ililibre niya raw kami mamaya. Naghiyawan sa tuwa ang mga katrabaho dahil sa sinabing niyang ‘yon.

“No! I’ll treat you guys,” bwelta naman ni Sir Jed, naghiyawan ulit ang mga katrabaho pero hindi na kasing lakas ng sa kanina.

“Kuya!” iritadong tawag nito kay Sir Jed.

“Fine! I’ll go home. Pero babalik ako mamaya to treat them!” aniya. Nagkasundo naman ang kambal kaya ipinagtulakan na ito ni Sir Gio palabas ng Bar.

“Joaquin!” natigil naman ang pagtulak ni Sir Gio kay Sir Jed dahil nasa pintuan si Aki. Natigilan ang lahat dahil sa eksenang iyon. Tinitimbang ang pangyayari dahil sariwa pa sa kanila ang insidente na nangyari roon sa comfort room.

Inalis ni Sir Jed ang kamay ni Sir Gio sa kanyang balikat at nagkusang lumabas, “I’ll go ahead,” sambit pa nito sa seryosong tono saka sumakay sa sasakyan.

Tuluyan nang pumasok sa loob si Aki at may dala itong dalawang malaking eco-bag. Nakita ko pang inalalayan siya ni Sir Gio na buhatin iyon papasok sa loob ng opisina.

“Pakiramdam ko mabubusog ako ngayong araw!” ani Winnie at kunwaring dumaan sa tabi ko habang nagsstretch ng kamay pataas. Nakita ko pang nakangisi na naman ito ng kakaiba.

Hindi ko na pinansin ang mga pasaring niya, palagi na lang akong pinagti-trip-an ng babaeng ito. Kailangan pa ata ng isa pang kurot para tantanan niya ako.

Naging abala ang lahat nang umagang iyon dahil dinagsa ng kostumer ang Bar. Mayroong isang grupo na nagse-celebrate ng birthday doon sa table na iniayos namin at pinagdikit-dikit. Nagpaalam pa ang birthday celebrant na babalik daw sila mamayang gabi at nagpa-book sa isang VIP room. Pagkatapos nilang magbayad ng bill ay umalis na rin ang mga ito.

Lumabas si Sir Gio sa opisina kasama si Aki dala ang dalawang malalaking eco bag, “Free lunch, everyone!” anunsyo ni Sir Gio at inilapag sa isang lamesa ang dalang eco bag. Ganoon din naman ang ginawa ni Aki.

Naghiyawan ang lahat sa tuwa. Agad na dinumog ang mga pagkaing inilalabas nila Sir Gio at Aki mula sa eco bag.

“Halika na!” aya ni Winnie sa’kin. Hindi pa man nakakasagot ay hinila na ako nito sa pila. Siya ang nasa unahan ko ngayon, ngiting-ngiti dahil si Sir Gio ang nag-aabot ng pagkain.

Si Winnie na ngayon ang bibigyan ni Sir Gio. Nakita kong tumayo si Aki mula sa pagkaka-upo at lumapit kay Gio. Napansin ko rin na bahagyang nahawakan ni Sir Gio ang kamay ni Winnie at tinitigan ito. Sinundan ko ng tingin si Winnie na hindi na maitago ang ngiti at namumula dahil sa nangyari.

“I personally prepare this lunch for you,” aniya at inaabot sa’kin ang isang lunch box. Naiiba sa mga pagkain na nakalagay sa styrofoam.

Tinitigan ko iyon maigi at binalik ang tingin sa kaniya. Hindi ko alam paano tatanggihan, nasa harap kami ng maraming tao at ayokong maging bastos. Kakausapin ko na lang siya mamaya na huwag ng ulitin ang ganito dahil hindi tama.

“Salamat,” simpleng sagot ko nang ‘di siya tinitignan. Pansin ko ang pagtahimik ng ibang katrabaho, alam ko na ang mangyayari pagkatapos nito.

“Uh... eatwell,” pahabol pa nito. Nilingon ko ito at nginitian ng bahagya saka hinanap si Winnie upang daluhan sa pagkain.

“Ay! Ano ba ‘yan!” aniya at para bang may hinahawi sa kanyang paanan kaya naman sinilip ko iyon para matulungan siya.

“Haba naman ng buhok na ‘to, kanino ba ito?!” agad ko namang nakuha ang ipinaparating niya.

“Tigilan mo ‘ko, Winnie!” banta ko sa kanya. Umarte pa ito na zi-nipper ang bibig.

Binuksan ko ang lunch box na iniabot sa’kin ni Aki. Dalawang layer iyon, ang unang layer ay nahahati sa dalawa na naglalaman ng ulam. Mayro’n doong, pritong spam at sa kabila nama’y afritada. Sa ikalawang layer naman ay ang malunggay rice.

Binalingan ko si Aki na ngayon ay nakaupo sa isang table kasama si Sir Gio pati na ang ibang katrabaho. Nagulat pa ako dahil nakatingin din siya sa’kin. Bahagya akong yumuko nang hindi inaalis ang paningin sa kaniya bilang pasasalamat sa pagkain na ginawa niya.

---

Kahit pa ilang beses ko nang sinabihan si Aki na huwag nang mag-abala na samahan ako sa pagkain ay hindi naman ito nakikinig.

“Ayos lang naman ako, kasama ko naman parati kumain sina Airha at Ana kaya hindi mo na ko kailangan hintayin,” sambit ko dahil isang oras siya palaging nag-aabang na matapos ang klase ko para lang masabayan ako sa pagkain.

“Ayoko,” simpleng sagot niya. Napabuntong hininga naman ako. Paano ko ba makukumbinsi ang lalaking ito?

“Ayaw mo bang kasama kumain sina Estephan?”

“Ayaw. I see them almost everyday, nauumay na ako sa pagmumukha nila, Kari,” aniya at nangingiti. Napailing na lang ako sa mga rason niya.

“And uh... I tried to cook,” nahihiya niyang sambit. Nakayuko ito at hindi makatingin ng diretso sa’kin kaya naman hinuli ko ang mga mata niya.

“Talaga? Ano naman ang niluto mo?” usisa ko.

“Y-your favorite...” aniya na ikinabigla ko. Para sa’kin ang niluto niya? Akala ko baon niya iyon.

Nang makalabas ang dalawang kaibigan sa comfort room ay tumulak na kami sa isang kiosk para doon kumain. Binuksan ni Aki ang dalang lunch box saka inabot sa’kin, napansin ko ang bahagyang pagtingin ng dalawang kaibigan sa naging kilos namin.

“Nakakaabala pa yata kami sa lunch date n’yo, ah!” pang-aasar ni Ana sa’min. Ngiting-ngiti naman si Aki sa biro ni Ana at napakamot iyon sa ulo.

Inilabas pa niya ang isa pang lunch box na para naman sa kaniya. Parehas kami ng pagkain.

Pagkatapos ng tanghalian na iyon ay nakwento niya sa’kin na tinulungan siya ng isang kasambahay na lutuin ang afritada. Hindi ko na matandaan kung kailan ko nabanggit sa kaniya na paborito ko ang mga ulam na hinanda niya.

Pinasalamatan ko naman siya at pinangakuan pa ng isang libre bilang ganti at pasasalamat na rin. Noong una ay ayaw niyang pumayag pero kalaunan ay nakumbinsi naman.

“Fine, I’ll let you treat me. Basta ‘wag mo na akong pagbawalan kumain kasabay ka,” paniniguro pa niya. Natawa naman ako at tumango.

---

Habang kumakain ay ‘di ko naiwasang alalahanin ang araw na iyon, kung saan unang beses niya akong pinaglutuan. Kahit pa hindi siya marunong noon ay masarap naman ang lasa ng afritada na niluto niya. At kung ikukumpara sa luto niya ngayon ay masasabi kong nag-improve ito ng sobra, sobrang sarap ng luto niya.

‘Di ko maiwasang mapasulyap sa lamesa kung sa’n sila kumakain nila Sir Gio. Nang mapansin na nakatingin ako sa kaniya ay tumingin ito pabalik sa’kin dahilan ng pag-ubo ko.

Tatayo na sana ako para kumuha ng tubig pero nagulat ako nang may nag-abot ng baso sa’kin. Tiningala ko naman kung sino iyon. Parang uubuhin na naman ata ako.

“S-salamat!” sambit ko matapos uminom ng tubig.

Bahagya pa kaming nagkatitigan kaya naman tumikhim si Winnie sa tabi ko at nagkunwaring inuubo rin, “Tubig!” saad pa niya at may pahawak hawak pa sa d****b.

Napabaling ako muli kay Aki at nakita ang isang takas na ngiti sa kaniyang labi.

Nagpaalam naman itong babalik na sa lamesa, narinig ko pa ang iilang biro sa kaniya ng mga katrabaho pati na ni Sir Gio.   

Natapos ang salo-salo na iyon at lahat kami ay nagpasalamat kay Aki sa pagdala niya ng lunch dito sa Bar. Ngumiti lamang ito sa amin at nagpaalam na aalis na dahil may lalakarin pa siyang importanteng bagay.

“Ang sarap ng buhay kapag ganito palagi,” sambit ni Winnie na ngayon ay nagpapahinga sa tabi ko. Nakatambay kami ngayon sa labas ng Bar pero sa hindi gaanong mapapansin ng mga tao.

Binalingan niya ako at tinapunan ng isang nakakalokong ngiti. Heto na naman siya sa mga malisyosong kaisipan niya. Tinignan ko ito ng matalim bilang pagbabanta na huwag nang ituloy ang mag kalokohang nasa isip niya.

“Masarap na tanghalian tapos may merienda pa mamaya! Ang saya naman ng araw na ‘to!” aniya, hindi nagpapigil sa banta ko.

“Sana araw-araw sila magpaligsahan, hahaha!” aniya at hindi na napigilan ang halakhak. Bahagya ko naman itong hinataw sa braso para tumigil.

“Tumigil ka na nga, wala namang masama na manlibre paminsan ang mga boss natin’ no!” singhal ko.

“Oo nga, wala naman akong sinabing dahil sa’yo kaya sila nagpapaligsahan, e,” pang-aasar pa niya lalo at humahagalpak sa tawa.

“Ewan sa’yo, Winnie!” sabi ko at tumayo na para bumalik sa loob.

Habang nagsisipilyo ay bigla kong naalala na kailangan ko nga palang kausapin si Aki para pagsabihan siya na huwag nang ulitin ang ginawa niyang pagluluto ng pagkain para sa’kin. Kaso nakaalis na siya kanina pa, sa susunod na lang siguro kapag bumalik siya rito sa Bar.

Nang hapong ‘yon ay nagpunta nga si Sir Jed, may dalang mga paper bag na naglalaman ng mga pagkain at dalawang malalaking soft drinks. Pinaghat-hatian naman namin iyon.

Dahil doon ay umarangkada na naman ang pang-aasar sa’kin ni Winnie tungkol sa paligsahan daw nina Sir Jed at Aki. Kahit ilang beses ko pa siyang sawayin na ‘wag magbiro ng gano’n ay ayaw niyang paawat. Nahihiya na ako dahil baka marinig iyon ni Sir Jed at kung ano pa ang isipin sa’kin.

Sa pangalwang pagkakataon na anyaya ni Sir Jed na ihatid kami ay tumanggi na ako. Tama na ang isang beses, nakakahiya naman sa kaniya dahil hindi naman iyon ang ruta papunta sa tinutuluyan niya. Ayoko na rin dagdagan ang apoy na kumalat sa mga katrabaho dahil panigurado akong kinabukasan ay kukulitin na naman nila kung pumayag ako sa paunlak ni Sir Jed na magpahatid sa apartment.

Iginiya ni Winnie ang mga kabataan na nagpa-book kaninang umaga para ipagpatuloy ang birthday celebration.

Ilang oras lang ay nagsimula na ang gig namin dahil dumarami na rin ang tao. May iilan pa na nag-request ng kanta at naki-jamming sa’min.

Hindi nakakapagod ang gabing iyon dahil sa dami ng kostumer na nagboluntaryong kumanta. Hinayaan ko ang mga iyon dahil nag-eenjoy naman sila at kahit paano ay nakakapag-pahinga ako mula sa matagal na pagkakatayo sa pagkanta.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status