Share

Kabanata 11

Naging maayos ang trabaho ngayong araw dahil sa Sir Jed daw muna ang papasok at hindi si Sir Gio. Aniya’y may importanteng lakad daw sa Maynila kaya’t dalawang linggo itong mawawala.

“Biglaan naman ata ang lakad ni Sir Gio?” kuryoso kong tanong.

“Maaring pinauwi na naman ‘yon ng mga magulang niya,” sagot ni Steffi na nasa tabi ko na ngayon. “Politician kasi ang daddy nila Sir Jed at Gio, gusto ng daddy nila ma-involve rin sila sa politika pero itong si Sir Gio masyadong sutil ‘di gaya ni Sir Jed.”

“Bakit si Sir Gio lang ang umuwi kung ganon?” ako.

“May posisyon na kasi iyang si Sir Jed sa business nila sa Maynila. Hindi man na-involve sa politika, nagtrabaho naman para sa family business nila. Itong Bar na ‘to, si Sir Gio lang nagpasimuno. Walang koneksyon ang Bar na ‘to sa family business nila,” paliwanag niya. Napatango na lang ako sa mga nalaman ko. Sobrang yaman pala nila Sir Gio at Jed kung ganon?

Gusto kong itanong kung paanong napasali si Aki sa pagmamay-ari ng Bar na ito. Wala akong matandaan na nagkaroon siya ng mga kaibigang taga rito sa Cebu kahit pa nagbakasyon siya rito noon. Isa pa sa isla lang sila nagpunta noon at hindi rito sa city.

Pero ano nga naman ang alam ko kung may tinutuluyan sila rito sa city noong mga panahong nagba-bakasyon sila Cebu.

---

Hindi ko malaman kung bakit ganito ang kaba ko. Ito ang unang araw na papasok ako bilang kolehiyo rito sa Maynila. Kampante naman akong walang nakakakilala sa’kin dito pero ‘di ko pa rin maiwasan ang takot ang kaba. Bagong mundo ito para sakin.

Hindi ko sigurado paano maki-bagay sa mga taong narito. Lahat sila ay mukhang mayayaman at sosyal. Nahihiya ako sa suot kong faded jeans at isang malaking t-shirt.

“Enjoy your study in here. Don’t pressure yourself too much, mababait ang mga estudyante rito. Just call me when you need something, alright?” bilin ni Tatay Lorenzo sa’kin. Nangako kasi siyang ihatid ako mismo sa unang araw ko rito sa unibersidad.

“Opo. Salamat po ulit sa pagpapa-aral sa’kin. Pagbubutihin ko po!” saad ko saka bumaba ng kotse.

Anak lamang ako sa labas ng aking ama.  Aksidente ang nangyari sa kanila ni Nanay noong mga panahong napadako si Tatay sa isla para sa isang negosyo pero nang mabuntis niya si Nanay ay hindi na nito itinuloy pa ang balak na negosyo roon sa isla, dahil sa galit sa kaniya ng pamilya ay hindi na siya pinayagan pang makabalik sa Cebu.

Mabuti at hindi ganoon kalupit ang kaniyang pamilya dahil hinayaan nila si Tatay na mabigyan ako ng sustento. Noong una’y tinatanggihan ko pa ito dahil sa hiya sa kaniyang tunay na pamilya.

“Ang mga tao rito sa isla dalawang bagay lang kinahahantungan. Mangisda o magsaka. Alam mong wala kang magiging maayos na buhay dito Kari kung wala kang pinag-aralan.”

Ang mga salitang gabi-gabi bumagabag sakin kaya naman napagpasyahan kong tanggapin ang alok ni Tatay.

Hindi mawawala sakin ang araw-araw na pangungulila sa ama pati na sa paghahangad na magkaroon ng buong pamilya pero alam kong napaka imposible pa na mangyari ang inaasam ko.

“Kari?” natigil ako sa pag-iisip upang lingunin ang tumawag sa’kin. Sino naman kaya ang nakakaalam ng pangalan ko? O baka naman may kapangalan lang?

“Dito ka pala mag-aaral? So, this is the University you’re talking about?” natigilan naman ako nang ma-realize na si Aki pala itong nasa harap ko ngayon.

“Uh... oo. Si Tatay lang nag-asikaso ng papel ko kaya ako nakapasok dito. Wala akong ideya saang eskwelahan niya ko in-enroll, ngayon ko lang nalaman,” saad ko at unti-unting nakakaramdam ng hiya.

Ito pala ang mundo niya. Napaka sosyal niyang tignan dahil sa suot niya. Halos magsumigaw ang kayamanan sa pagkatao niya.

“You okay? Have you met your classmates? Want me to walk you to your room?” pilit hinanap ni Aki ang aking mga mata dahil hindi ako makatingin ng diretso sa kaniya.

“Don’t tell me nahihiya ka sa’kin? Kari, don’t be. Nothing changed, we’re still a close friend. We can still hang out just like when we’re at the island. Please, be comfortable with me,” aniya habang hawak ang magkabilang balikat. Bago pa man ako makasagot ay may mga lakaking tumapik na sa kaniyang balikat.

“Bro!” sabi ng isang lalaki na medyo may katangkaran at maputi. Ang mga mata nito ay singkit at matangos ang ilong.

“Oooh, pakilala mo naman kami sa kaniya. Hi!” nakaramdam naman ako ng kaba nang balingan ako ng isang lalaki na matangkad din at may hikaw sa kaliwang tenga.

“Oh, right! Guys, this is Kari. She’s my friend from Cebu, the one I’ve been telling you,” pakilala niya sa’kin. Hilaw naman akong ngumiti para kahit papano ay matabunan ang kaba na nararamdaman.

“Estephan,” ani ng lalaking singkit. Mukha itong masungit dagdag pa ng tono ng pananalita.

“Elias!” pakilala ng lalaking bumati sakin kanina.

“Xandros,” pakilala nito. Sa kanilang apat ay sya ang mukhang tahimik at mabait.

Maayos ang naging takbo ng mga paunang buwan ko sa unibersidad. Madalas din ako samahan ni Aki sa mga bakanteng oras niya kahit pa sinabi kong huwag na dahil may mga naging kaibigan na rin naman na ako sa mga kaklase ko.

---

Iyong si Estephan, Elias at Xandros lang ang natatandaan kong mga kaibigan at tropa niya roon sa Maynila. Sa pagkakaalam ko rin isang beses lang siyang namalagi ng matagal dito sa Cebu. Madalas ay mga magulang niya ang pumupunta sa isla para i-check ang business na itinatayo nila.

Natigil naman ako sa pag-iisip dahil sa biglaang pagtawag ng isang costumer. “Yes po?” tanong ko saka sila nilapitan.

Matapos ilista ang kanilang order ay agad ko ng iniabot ito sa counter saka nagpaalam na magba-banyo muna.

“Isang set lang muna ngayong gabi Kari, the band can’t stay until midnight,” hindi ko alam kung masisiyahan ba ako o malulungkot sa sinabi ni Sir Jed. Gusto ko sanang bumawi ngayong gabi dahil sa pagliban ko kahapon pero wala naman akong magagawa kung hindi pu-pwede ang banda.

May parte rin naman sa’kin na masaya dahil hindi ko na kailangan pang pwersahin maigi ang katawan ko para makabawi. Simula pa kahapon ay ‘di pa ako nagkakaroon ng maayos na pahinga.

“Okay po,” magalang na sagot ko. Agad naman umalis sa harap ko si Sir Jed at pumasok sa loob ng opisina.

“Anong meron?” usisa naman ni Winnie na bigla na lang sumulpot sa tabi ko.

“Wala naman, may binilin lang si Sir Jed,” tumango naman siya at ‘di na nagtanong pa ulit.

Pumunta ako sa banda na ngayon ay abala sa pag-aayos ng mga instrumentong gagamitin mamaya. Ibinigay ko sa kanila ang maliit na papel, doon nakasulat ang mga kanta na hinanda ko para mamaya.

“Doon lang po ako sa locker area, kung may kailangan po ipabago puntahan niyo lang po ako,” bilin ko at tuluyan ng umalis. Mag-aayos ako roon.

Inilatag ko ang mga gamit na kakailanganin ko para sa make-up at pang-ayos ng buhok. Inuna kong suotin ang damit na hinanda ko para mamaya ay ‘di na ako mahirapan mag-bihis kapag nakapag-ayos na.

‘Di pa man gano’n katagal ay kinatok ako ng isang katrabaho. “Pinapatawag ka ni Kuya Pops, tungkol daw sa kanta,” aniya. Agad naman akong sumunod palabas. Mamaya na lang ako magsusuot ng sapatos.

Nagtanggal lamang ng dalawang kanta dahil hindi pa raw nila ito naa-areglo pero aaralin daw nila ito para sa susunod na linggo ay pwede na nilang matugtog at makanta ko.

Pagkatapos no’n ay bumalik ako ulit sa locker room upang isuot ang sapatos. Habang ginagawa ‘yon ay nagha-hum ako ng mga kanta na kakantahin ko para mamaya.

“Wear this!” halos mahulog ako sa kinauupuan ko sa biglaang pagsasalita ng taong nandito. Si Sir Jed pala, may dalang black leather jacket.

“Uh... Sir naka long sleeves naman na po ako. Ayos na ito,” saad ko at hindi kinuha ang jacket na inaalok niya.

Habang nag-aayos ng kaunti sa aking buhok ay ramdam ko pa rin ang presensya ni Sir Jed sa likuran ko.

Nagmadali na ako para makalabas na dahil parang wala sa plano niya ang lumabas dito kaya ako na lang ang aalis dahil hindi ako komportable kapag nariyan siya dahil sa napakasungit niyang ugali. Takot ko na lang mapagalitan ulit.

Tumayo ako at nag-ambang aalis na nang bigla niyang hinigit ang bewang ko gamit ang jacket na naka-pulupot ngayon sa baywang ko palapit sa kaniya. Bigla akong nahiya dahil sa lapit ng distansya ng mga katawan namin ngayon.

“I don’t like my employees getting harrased on work,” aniya na parang hindi iniinda ang lapit ng aming mga katawan sa isa’t-isa. Marahan niyang itinatali ng maayos ang jacket sa baywang ko.

Ramdam na ramdam ko na ang pag-init ng batok at pisngi ko dahil sa ginagawa niya, sobra akong nahihiya at naiilang sa distansya namin. Lalo pang uminit ang pisngi ko nang tignan niya ako. Agad akong nag-iwas ng tingin dahil sa hiya at agad na lumayo sa kaniya. Hindi ko kayang magtagal sa ganoong posisyon kasama siya.

Hindi naman nagtagal ay umalis din siya sa kwartong iyon. Napa-salampak na lamang ako sa upuan na naroon, hinahabol ang hininga na kanina pa pinipigilan.

“Aba aba! Ano ‘yon? Ano ‘yon?” pang-uusisa ni Winnie na naka-silip sa pinto. Tinignan ko lang ito at nag-buntong hininga. Tuluyan naman siyang pumasok sa loob at umupo sa tabi ko.

“Ano na? Mabait na ba sa’yo si Sir Jed?” pangungulit niya sakin. Ilang segundo ko ito tinitigan at iniisip ang isasagot. ‘Di ko rin talaga alam kung kabaitan ba ‘yong ipinakita ni Sir Jed o ano, pero ayaw ko namang bigyan ng malisya ang ginawa niya. Gaya nga ng sinabi niya, ayaw niya lang mabastos ang mga empleyado niya.

“Oo... ata? Hindi ko alam,” hindi siguradong sagot ko. Ayaw ko naman husgahan ng maigi si Sir Jed dahil sa nangyari sa unang pagkikita namin pero, nahihiya at nakakaramdam pa rin ako ng takot sa kaniya dahil sinungitan niya ako noong una.

Nagpaalam na ako kay Winnie na mauuna na ako sa labas upang kausapin ang banda para sa magiging set-up namin mamaya.

Hindi rin naman nagtagal at nagsimula na rin kaming tumugtog at kumanta nang makitang may sapat na customer na at may mga iilan na rin na nagre-request na magsimula na kami.

Natapos nga ang isang set na ‘yon at lubos ang pagkadismaya at lungkot ng mga customer na nabitin sa gig namin. Pinangakuan naman  namin sila ng mahabang kantahan sa susunod na linggo.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status