Share

Chapter 2

Naomi

"Miss, ayos ka lang ba?"

Tumayo ako at hindi ako nag-abalang lumingon para magpasalamat na iniligtas niya ako dahil sana ay hindi na lang niya iyon ginawa. Mas ipagpapasalamat ko pa kung hinayaan na lang niya akong masagasaan.

Lumakad na ulit ako at hindi pinansin ang mga tingin na ibinibigay sa akin ng mga tao sa aking paligid. Dumiretso ako sa maingay na parke at doon ay nagsimula na naman akong umiyak. Pakiramdam ko sa mga oras na ito ay ayaw sa akin ng mundo kaya't sinasaktan ako ng ganito.

Nagpalipas ako ng gabi sa malamig na parke ng walang tulog at halos sisikat na ang araw nang magdesisyon akong umuwi kinabukasan. Kung mayroon lang sana akong lakas ng loob na hindi na lang umuwi ay gagawin ko. Pero wala akong kapal ng mukha para layasan si nanay. 

"Aba'y umuwi ka pa," bungad sa akin ni nanay. Nakaupo ito sa kawayan naming sofa at nagkakape. 

"Nag-aarte na naman," mataray na komento ni Addison, anak ni nanay. Nakatapis lang ito ng tuwalya at kalalabas lang ng banyo. 

Hindi naman ako sumagot at dumiretso na lang sa k'warto ko. Pabaluktot akong humiga sa katre. Tulala lang ako. Paulit-ulit naglalaro sa utak ko ang nangyari kagabi. At bilang babae ay napakasakit no'n, parang nawasak na rin ang buo kong pagkatao. Naglaho ng parang bula ang dignidad ko pati na ang mga pangarap ko.

>> "Ang gagawin mo na lang ngayon ay bayaran mo ang halagang ibinayad ko sa nanay mo."

>> "P-Please, S-Sir. H-Hindi ko magagawa ang g-gusto niyong m-mangyari. P-Pakiusap, gagawin ko ang lahat huwag n-niyo lang akong g-gagalawin."

>> Napapikit ako ng mariin nang makitang ibinaba niya ang zipper ng kaniyang pantalon. 

"Pakiusap," sambit ko at agad napamulat. Agad din akong napaluha. Isang totoong bangungot. Napakasakit. Isinubsob ko ang mukha ko sa yakap kong unan at doon umiyak nang umiyak.

Maya-maya ay nakarinig ako ng malakas na kalabog sa labas. Pinahid ko ang luha ko at nanghihinang bumangon at lumapit sa pinto ng k'warto ko.

"Kapag nga naman mayroon kang kasamang malas!" sigaw ni nanay sa labas. Sa boses pa lang ay sigurado akong lasing ito. "B'wisit!" 

Nag-alinlangan naman akong buksan ang pinto ng k'warto ko. Natatakot ako sa kaniya kapag lasing s'yang ganito at mainit na naman ang ulo.

"Hoy, Naomi! Ipaghanda mo ako ng makakain! B'wisit na bata ka!"

Wala akong nagawa kundi ang lumabas dahil kung hindi ay mas magagalit s'ya at baka pagbuhatan na naman ako ng kamay.

Nakita ko siyang nakaupo at nakasandal sa sofa. Nakapikit din siya. At agad kong napansin ang sugat niya sa gilid ng kaniyang labi. Mayroon din s'yang gasgas sa tuhod niya at medyo malaki 'yon. Bigla akong nag-alala kaya nilapitan ko s'ya agad.

"A-Anong nangyari sa'yo, 'nay?" Sinubukan ko s'yang hawakan pero malakas niyang tinapik ang kamay ko at sinamaan ako ng tingin.

"H'wag ka ngang makialam! Magluto ka na lang! Alis d'yan!" sigaw pa niya.

"S-Sige h-ho." Iniwan ko na nga siya roon at pumunta na sa kusina.

"B'wisit na buhay talaga 'to, oo. Letse! Malas!" Malakas na kumalabog ang lamesa sa salas na parang natumba dahil sinipa. Napabuntong-hininga na lang ako at nagpadalit na lang ng kalan.

Nagluto na ako ng mayroon sa kusina. Ininit ko lamang ang kanin dahil hindi naman nabawasan at pagkatapos ay nagprito ako ng tuyo na uulamin. Dahil 'yon lang naman ang mayroon dito.

Habang naghahain sa lamesa ay nakita kong pumasok sa kusina si Addison, nakasuot lang ng napakaikling short at croptop na damit. Mukha itong mga bago dahil ngayon ko lang nakitang suot niya. Bagong unat din ang mahaba niyang buhok. 

"Oh, lutuin mo. Magsawa ka naman d'yan sa tuyo na paborito mong iluto." Pabagsak niyang inilapag sa harap ko ang bitbit niyang plastik.

"S-Sige."

Tinaasan naman niya ako ng kilay at pagkatapos ay ngumisi. "Bakit kailangan mo pang magtiis sa tuyo kung kaya mo naman pala kaming bilhan ni Nanay ng karne? Huwag mo namang ipagdamot iyang ganda mo sa amin, Naomi. Gawin mong kapaki-pakinabang ang ganda mong namana mo sa bayaran mong ina."

Napayuko ako. Parang patalim ang mga salita niyang 'yon na tumusok sa dibdib ko. Masakit. Ngunit wala akong magawa kundi ang tanggapin ang lahat ng 'yon. Kinuha ko na lang ang plastik. "Sige. Lulutuin ko na muna ito."

"Ang bobo mo. Tss."

Hindi ko na lang pinansin ang itinawag niya sa akin. Inatupag ko na lang ang manok na ipinaluluto niya. Mabigat ang loob ko iyong hinugasan. Hindi ko matanggap na ang hawak ko ngayon ay galing sa perang ibinayad sa akin. Parang gusto ko itong itapon pero takot naman akong magalit si Addison sa akin. Inuluto ko na lang 'yon at pagkatapos ay inihain na. Pumasok na sila nanay at ako nama'y nanatiling nakatayo sa gilid at nakayuko.

"Ano pang tinatayo-tayo mo d'yan? Kumain ka na. Pinaghirapan mo ang perang ipinangbili ko n'yan kaya h'wag kang mag-inarte," ani Addison at kinuha ang pata at saka iyon nilantakan.

Hindi ako umimik at hindi umalis sa p'westo ko Hindi ko maaatim na kumain ng pagkaing galing sa dumi.

"Sa isang linggo ka na pumasok. Tulungan mo na lang muna ako sa paghuhugas d'yan kay Marthang bar," sabi naman ni nanay na ikinatingin ko sa kaniya. "Pasens'ya na kagabi. Kailangan ko lang talaga ng pera dahil sinisingil na ako ng ninong mo sa inutang kong pampagamot sa tatay mong babaero. Kung gusto mong mag-aral, ayusin mo. Naiintindihan mo ba, Naomi?" Mahinahon na ang kaniyang boses hindi katulad kanina.

Namasa ang mga mata ko.

"H'wag mo akong dramahan, Naomi. Ayusin mo ang pag-aaral mo at alisin mo kami sa lintik na buhay na 'to."

"Tsk. Mas maganda kung magpabayad na lamang s'ya diyan sa mga mayayamang lalaki, malaki ang kikitain. Tumulad na lang dapat s'ya sa malandi niyang ina. Tutal naman ay doon siya nababagay. Mga basura," singhal ni Addison sabay irap sa akin.

Masakit man sa pandinig ko pero pinili ko na lang palampasin sa kabilang tainga. Ang importante ay ang sinabi ni nanay. "Oo 'nay. Pangako 'yan. Pagbubutihin ko ho," sabi ko.

"Tss," irap ulit ni Addison.

"Ikaw 'nak. Kailan mo ba balak ipakilala sa akin iyang sinasabi mong nobyo mo?" binalingan ni nanay si Addison.

Sumimangot ito. "Hiniwalayan ko na. Akala ko mayaman e, isa rin palang dukha. E mukha ngang mas mahirap pa siya sa daga."

Nakinig lang ako sa usapan nila hanggang sa matapos na silang kumain. Kumain na rin ako at inulam ang tuyong pinrito ko. At nang matapos ay hinugasan ko na ang mga plato. Nagligo na rin ako. Nilinis kong maigi ang buo kong katawan. Halos isang oras akong paulit-ulit na nagsasabon. Ang nangyari kagabi ay pilit ko na lang kakalimutan kahit mahirap at imposible dahil sigurado akong iyon ang una at huli na gagawin iyon ni nanay. Humingi s'ya ng pasens'ya kaya sapat na 'yon sa akin. Mas pag-iigihin ko na lang ang pag-aaral ko dahil iyon ang ipinangako ko sa kaniya.

Maaliwalas na ang pakiramdam ko nang pumasok ako sa k'warto. Hindi na kasing bigat ng maghapon ko. Humikab ako at humiga sa kama matapos kong patuyuin ang buhok ko gamit ang blower na ibinigay sa akin ni Clarissa. 

Oo nga pala. Kailangan kong kontakin si Clarissa para ipaalam na sa isang linggo na ako papasok. Pero imbis na tawagan ay tinext ko na lang siya. Siguradong marami 'yong itatanong dahil sa pag-absent ko.

Natigil ako sa pag-scroll sa social media account ko nang makita ang bagong profile picture ni Jacob. Classmate namin s'ya ni Clarissa. Crush ko s'ya pero alam kong may gusto rin si Clarissa sa kaniya kaya tinago ko na lang sa sarili ko ang nararamdaman ko. 

Si Clarissa lang ang malapit kong kaibigan maliban kay Jacob kaya gusto ko silang magkamabutihang dalawa. Bagay na bagay naman sila dahil pareho silang nakaaangat sa buhay. Pareho rin silang matalino, g'wapo, at maganda. Deserve ni Clarissa ang lalaking katulad ni Jacob.

Naglog out na ako. Pinapaypayan na ng antok ang mga mata ko.

KINABUKASAN ay maaga akong nagising para samahan si nanay sa palengke. Nagsa-sideline s'ya sa pagtitinda ng isda kaya tutulungan s'ya dahil wala naman akong gagawin ngayong maghapon.

"Alvarez! Alvarez! Alvarez!"

Habang papasok kami ni nanay sa palengke ay napalingon kami sa isang kotseng pinagkukumpulan ng mga tao habang isinisigaw ang apelyido ng congressman ng aming lungsod.

"Maaga pa para mangampanya," komento ni nanay Mary. "Ang mga mayayaman nga naman."

"Panalo ka na sa amin, Congressman!"

Nakita naming bumaba si Congressman Quinn mula sa kotse nito at nakipag-kamay sa mga tao na nag-uunahang iabot ang mga kamay dito. Binaling ko naman ang tingin ko kay nanay na nakatingin pa rin sa Congressman. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya, basta ay nakatingin lang siya dito na mukhang may iniisip. "Tara na, 'nay," yaya ko sa kaniya.

Hindi naman siya umimik at pumasok na nga kami ng tuluyan sa palengke. At nang makarating kami sa p'westo ay doon pa lang siya nagsalita. Binati niya ang matandang kaniyang pinagtatrabahuhan.

"Kasama mo pala ang anak mo," tingin ni lola Anna sa akin.

"M-Magandang umaga po," bati ko sa matanda.

"Napakagandang bata mo talaga, hija. Mag-aral kang mabuti para hindi ka gumaya sa aming nandito. Hindi bagay ang hitsura mo dito sa malansang palengke na ito. Doon ka nababagay sa nagtataasan at naglalakihang building sa labas."

Ngumiti lang ako sa matanda at nagpasalamat sa payo at pagkatapos ay lumapit na kay nanay. Nagkikilo ito ng tilapia para sa kustomer na bumibili.

"Oh, siya. Maiwan ko na muna kayo rito," sabi pa ni lola Anna at iniwan na nga kami ni nanay.

"Isang kilo nga, 'neng," sabi ng isa pang kostumer sa akin. Kaya naman inabot ko ang styro kung saan naroon ang buhay pang mga tilapia.

"Ako na." Tinapik ni nanay ang kamay ko na kukuha na sana ng isda. "Hindi ka p'wedeng masugatan. Ingatan mo 'yang balat mo."

"P-Pero 'nay--"

"Iyan ang kayamanan mo, Naomi. Ako na d'yan. Ikaw na lang ang kumuha ng bayad."

Tumabi ako at lumipat sa kabila para kiluhin ang inabot niya sa aking isda na nasa plastik.

Habang nagkikilo ay napapasulyap ako sa kaniya at hindi ko maiwasang hindi maawa. Ang dating makinis niyang mukha ay mayroon ng mga guhit dahil sa stress. Pero kahit na gano'n ay nangungubabaw pa rin ang ganda niya.

May kaya ang pinanggalingang pamilya ni nanay Mary, si tatay naman ay probinsyano na nag-China, doon sila nagkakilala. Umuwi sila dito sa Pilipinas. Sumama si nanay kay tatay ngunit kahit isang bagay na makapagpapaginhawa sa buhay nila ay walang ibinigay ang mga magulang ni nanay dahil ayaw ng mga ito kay tatay. Itinakwil na rin ng mga ito si nanay Mary dahil mas pinili niya na sumama kay tatay. Ayos lang naman daw ang buhay nila kahit mahirap pero nagkandaletse-letse lang nang malulong sa sugal si tatay hanggang sa mangbabae at makabuntis. At ako ang naging bunga no'n.

"Napakatikas talaga nitong si Congressman Quinn," dinig kong sabi ng katabi naming nagtitinda rin ng isda. Nilingon ko naman ang mga ito at nakinig sa usapan nila.

"Napakabait din niya, malamang ay mana sa amang gobernador," segunda ng kasama nitong nag-aabot ng barya sa kostumer.

"Ang mga katulad ni Congressman ang nababagay sa iyo, Naomi. Kung siguro ay mayaman lang tayo katulad nila, malaki ang pag-asang magkakilala kayo," malungkot ang boses na sabi ni nanay kaya't napatingin ako sa kaniya. Kumakain na siya ng baon naming tanghalian.

"Makakahanap naman ako ng disenteng lalaki 'nay," sabi ko.

"Tss. Disente lang sa una pero kapag tumagal ay nasisira din ang ulo parang ang tatay mo. Mas mabuti ng sumama ka sa mayayamang lalaki na kahit mambabae sila ay may makukuha ka pa ring pera at hindi ka maiiwang lubog sa utang kagaya ko," mapait niyang saad.

Hindi naman ako nakasagot. Napayuko na lang ako sa timbangang nasa harap ko. Hindi ko rin naman alam ang sasabihin ko. Pagkatapos no'n ay hindi na rin kami nag-usap dahil hindi na naman siya nag-open ng pag-uusapan hanggang sa humapon na. Papalubog na ang araw ng umalis kami sa palengke at dumiretso sa restobar.

"Kumain ka ng marami, Naomi." Nilagyan pa ni nanay Mary ng ulam na sisig ang pinggan ko. Nagtataka man ako sa inaasta niya pero ipinagsawalang bahala ko na lamang. Naninibago lang siguro ako dahil matagal na rin ang huling beses na gawin niya ito. Buhay pa si tatay noon ng pagsandukan niya ako ng pagkain.

"Sinabi ko kay Martha na bayaran ka muna na mag-serve ngayon hanggang sa Sabadong gabi. Huwag kang mag-alala, magse-serve ka lang," dagdag pa niya na agad kong sinang-ayunan. "Para sa isang linggo ay hindi mo na kailangang pumunta dito dahil mayroon ka ng panggastos. Mag-focus ka na lang sa pag-aaral mo."

Natuwa naman ako sa sinabi niyang 'yon kaya pagkatapos kong kumain ay nagpalit na ako ng uniform na ibinigay sa akin ni Madame Martha.

"Pinasarado ang bar? Bakit kaya?" dinig kong sabi ng isa sa mga strip dancers na nagbibihis kagaya ko. 

"Pinagpalit din tayo ni Madame ng disenteng damit," naghihimutok na sabi naman ng isa na parang hindi natuwa dahil sa ipinagawa ni Madame.

"Dahil nirentahan daw ni Congressman Quinn ang buong bar. Birthday raw ng isa sa mga kaibigan niya at dito sila lalagi ngayong gabi, iyon ang narinig ko."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status