Share

Isabella Flores
Isabella Flores
Author: janeebee

SIMULA

Agosto 2003

Isang pamilyar na ihip ng hangin ang sumalubong sa babaeng kababa lamang ng bus. Bitbit ang isang maleta, maingat niya itong ipinuwesto sa gilid niya habang inililibot ang tingin sa plaza. Puno ng makukulay na banderitas ang itaas. Maingay ang paligid dahil sa rami ng tao at nakadagdag pa sa ingay ang mga musiko na pumaparada sa gitna ng kalsada. 

" Mama, piyesta po ngayon dito? " Napatingin ang babae sa batang lalaking kumapit sa kamay niya. " Ang daming tao sa kalsada. Paano mo natin mahahanap si Papa? "

Nakangiting tumango ang babae sa tanong ng kaniyang anak. " Tiyak naman na hahanapin rin tayo ng ama mo. Sa ngayon, tapusin muna natin ang parada para makatawid tayo sa kabilang kalsada. "

Tumango ang batang lalaki saka ibinalik ang tingin sa harap. Sa rami ng tao sa harapan nila, wala siyang masyadong maaninag sa mga pumaparada. Sinubukan niyang tumingkayad upang silipin ang dahilan ng sigawan ng mga tao pero bigo pa rin siyang makita ang mga banda ng musiko at mga dalagang gumagamit ng baton habang sumasayaw. 

" Gusto mo bang buhatin kita? " Agad namang umiling ang batang lalaki sa alok ng kaniyang ina. Anim taong gulang na ang batang lalaki at alam niyang mahihirapan ang kaniyang ina kapag nagpabuhat siya.

" Mamaya na lang po ako magpapapasan kay Papa. Nasaan na po siya, Ma? "

" Sandali lang. Susubukan kong tawagan. " Inilabas ng babae ang kaniyang keypad cellphone para tawagan ang numero ng asawa ngunit natigilan siya nang makaramdam nang matinding kirot sa ulo kasabay ng paglitaw ng mga imahe at boses sa isip niya.

" Isabella, mahal na mahal kita..." ang paulit-ulit niyang naririnig mula sa isang hindi kilalang boses ng lalaki. Hindi rin ganoon kalinaw ang imaheng nakikita niyang tila alaala na unti-unting bumabalik mula sa nakaraan patungong kasalukuyan. Hindi ito ang unang beses na maranasan niya ito dahil sa mga nakalipas na linggo, madalas sumakit ang kaniyang ulo kasabay ng paglitaw ng mga alaalang hindi niya akalaing mayroon siya. 

" Ma, ayos lang po kayo? Nahihilo na naman po kayo? " Nag-aalalang tanong ng batang lalaki sa ina. Lumingon-lingon ang bata  sa paligid upang humanap ng maaring upuan ng ina para makapagpahinga. Nakakita siya ng upuang gawa sa bato malapit sa kanilang kinatatayuan kaya agad inalalayan ng bata ang ina patungo rito. " Gusto niyo po ng maiinom? Ibibili ko po kayo. "

" Anak, 'wag na. Maayos na 'ko. Napagod lang ako sa byahe at mainit lang ngayon ang panahon kaya ako nakaramdam ng hilo, " sagot nito, " Maupo ka na lang sa tabi ko. Mamaya maligaw ka pa dahil sa dami ng tao ngayon sa plaza. Hintayin na lang nating dumating ang Papa mo. "

Itinuro ng batang lalaki ang isang puwestong malapit sa kanila kung saan may nagtitinda ng buko juice at ilang pagkaing kilala sa lugar. " Dito lang naman po ako bibili, Ma. Hindi naman po ako lalayo. Makikita niyo naman po ako. "

" Pero ang daming tao ngayon. Mamaya na lang—"

" Ma, sige na po? Uhaw na uhaw na rin po kasi ako at nagugutom na rin. " Pakiusap ng bata habang nakanguso, nagbabakasakaling mapapayag ang kaniyang ina na napabuga na lamang sa hangin sa pagmamakaawa na ginagawa ng anak niya.

" Bilisan mo lang, ha? Huwag kang sasama sa hindi mo kakilala. " Walang nagawa ang babae kundi ang kuhanin ang pitaka sa kaniyang bulsa sa suot na bestida para bigyan ng barya ang kaniyang anak. " Mag-ingat sa paglalakad, ah? Dalawa na ang bilhin mong buko para tig-isa tayo. Bumili ka na rin ng isang empanada na binibenta nila. "

Masaya namang tinanggap ng batang lalaki ang barya bago ito nagmadaling tumungo sa puwesto para bumili ng malamig na maiinom panangga sa mainit na panahon at pagkaing pantawid gutom. Hindi inalis ng babae ang kaniyang paningin sa anak habang ito'y bumibili sa tindera, subalit saglit na nalingat ang kaniyang paningin papunta sa simbahan na ilang metro lang ang layo sa kinauupuan niya. Maingat na inilalabas sa pintuan ng simbahan ang karosa ng santo, kasunod ang mga tao na ang ilan ay may hawak na kandila. 

Binalak na ng babae na alisin ang tingin, ngunit napako ang kaniyang mata sa isang lalaking huling lumabas ng simbahan. Nakasuot ng puting polo na tinernuhan ng kulay abo na pantalon. Mataas, mestizo at kapansin-pansin ang matikas nitong pangangatawan dahil sa lapad ng balikat nito at matipunong mga braso. May kinakausap itong madre na ilang saglit lang ay nakangiting nagpaalam sa lalaki. 

" Señor Maximo, tumatawag po si Señora Catriona sainyo, " wika ng isang matandang lalaking kalalapit lamang sa kinatatayuan ng kaniyang amo. 

Walang salita namang kinuha ni Maximo ang cellphone na iniabot sa kaniya bago inilagay sa kanang bahagi ng tainga upang sagutin ang tawag ng asawa ngunit nang mapadaan ang tingin ni Maximo sa isang babaeng nakatingin sa kaniya, gumuhit ang gulat sa mukha niya kasunod ang pagdulas ng cellphone sa kamay niya dahilan para ito'y bumagsak sa lupa. 

" Isabella... " wala sa sariling sambit ni Maximo na halos hindi makakilos sa kaniyang kinatatayuan. Hindi niya mabatid kung isa lamang bang guni-guni ang kaniyang nakikita o isang magandang panaginip mula sa nakaraan. 

Bumagal ang takbo ng paligid, kabaliktaran ng pagdagungdong ng kabog sa dibib ng dalawang taong nagtititigan. Bakas sa kanilang mga mukha ang gulat at matinding pangungulila na hindi maunawaan ng isa kung bakit iyon ang nararamdaman niya. Sumabay pa ang labis na kirot sa dibdib niya dahilan upang lumabas ang luha sa kaniyang mga mata. 

" Diana? Umiiyak ka. May problema ba? " Napatingin ang babae sa kaniyang likuran nang marinig ang pamilyar na boses. Nakita niya ang asawa, kasama ang anak nila na bakas ang pagtataka sa mukha habang nakatingin sa ina.

" Gael, ikaw pala..." Pinunasan ng babae ang luhang pumatak sa kaniyang pisngi bago ibinalik ang tingin sa harap ng simbahan ngunit hindi na niya makita ang estranghero na nagdulot ng kalungkutan sa puso niya. 

" Diana. " Binalik ng babae ang tingin sa asawa. Pilit na ngiti ang kaniyang ipinakita bago tumayo sa kaniyang kinauupuan at sa huling pagkakataon, binalingan niya muli ng tingin ang simbahan sa pagbabakasakaling makita ang lalaki ngunit sa dami ng tao, hindi na niya alam kung may hinahanap pa ba siya. 

Isabella at Diana. Dalawang pangalan sa iisang tao. Hindi alam ng babae kung alin sa dalawang iyon ang kaniyang totoong pangalan, subalit batid niyang isang kataksilan para sa kaniyang asawa ang paghahanap niya ng kasagutan tungkol sa lalaking madalas na nasa panaginip niya na ngayon ay nakita na niya. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status