Share

KABANATA 03

" Ang gutong gawin ni Don Bustamente ay ibigay sainyo ang unica hija niya bilang kabayaran sa utang niya. Catriona ang ngalang ng dalaga, bente sais anyos, " hayag ni Leonardo, edad apatnapu at ang kanang kamay ni Maximo Castellano. " Nakiusap siya na bigyan niyo pa siya ng isang taon para magbayad. Nagmakaawa rin siya na huwag kuhanin ang bahay niya dahil iyon na lang ang ari-arian na mayroon sila ng pamilya niya. Wala na itong trabaho dahil nasesante na siya sa unibersidad na pinapasukan niya at hindi na rin niya magamit ang pagiging abogado dahil kliyente na mismo ang umiiwas sa kaniya. "

Ibinaba ni Maximo ang binabasang dyaryo sa mesa bago alisin ang suot na salamin sa mata para tignan si Leonardo. " Hindi niya gustong mawalan ng ari-arian pero gagawin niyang pambayad utang ang anak niya? "

Tumango ito at inilapag ang isang papel sa mesa. " Gumawa siya ng kasulatan na kapag hindi niya pa nabayaran ang sampung milyon sa loob ng isang taon, maaari niyo siyang taanggalan ng karapatan sa anak niya. "

Tinapunan ng tingin ni Maximo ang papel na may sulat kamay ni Don Hector Bustamente. Halos limang taon na itong mayroong utang sa kaniya at palaki ito nang palaki habang lumilipas ang mga buwan na hindi nito magawang bayaran ang utang. Ni piso ay wala pang natatanggap si Maximo mula sa taong ito, puro pangako lamang ang binibitawan at wala siyang magawa kundi pagbigyan dahil dati itong kaibigan ng namayapang ama. Ngunit habang tumatagal ay tila umaabuso si Don Hector kaya naman panggigipit ang paraan na naisip ni Maximo para bumalik ito sa lugar.

" Kung ganoon epektibo na ang kasulatan na binitawan nya simula ngayon. " Tumayo si Maximo sa kinauupuan niya at niligpit ang mga gamit niya sa mesa. " Dalhin niyo na rin 'yong babae dito sa mansyon bukas ng umaga. Gusto ko siyang makita."

Tumango ito." Masusunod, Señor. "

" Pakihanda na rin ang sasakyan, Leonardo, " utos ni Maximo.  Naunang lumabas si Leonardo ng mansyon upang ilabas ang sasakyan sa garahe habang ang binata naman ay dumaan saglit sa hardin upang kuhanin ang basket na naglalaman ng mirasol, ang paboritong uri ng bulaklak ng kaniyang ina.

Si Maximo Castellano ay isang binatang maagang namulat sa realidad dahil sa murang edad, kinailangan niyang hawakan ang negosyo na naiwan ng kaniyang namayapang ama. Si Maximo na lamang ang taong mapagkakatiwalaan sa posisyong naiwan ng ama dahil ang ilaw ng tahanan ay may malubha ng sakit habang ang nakatatandang kapatid ay piniling tumakas at mamuhay nang walang inaalalang responsibilidad sa pamilya, kung kaya't ang nakababatang kapatid ang umako ng lahat at sinigurong hindi mauuwi sa wala ang pinaghirapang negosyo ng ama.

" Leonardo, dumaan tayo saglit sa bayan, " ani Maximo nang maalala ang pinabibiling tinapay ng kaniyang ina sa isang sikat na panaderya. Sa tuwing pumupunta si Maximo sa ospital para dalawin ito, hindi puwedeng wala itong dalang ensaymada at dapat sa iisang tindahan lang ito binibili dahil nalalaman ng ina kapag sa ibang panaderya galing ang tinapay na dinadala ni Maximo sa kaniya.

Sa kalagitnaan ng payapang pagmamaneho ni Leonrdo, isang babae ang biglang sumulpot mula sa kanto na kanilang paglilikuan kaya agad na inapakan ni Leonardo ang preno ng sasakyan dahilan upang kamuntikang sumubsob ang mukha ni Maximo sa harapang upuan.

" Señor, ayos lang kayo? " Natatarantang taong ni Leonardo sa likuran kung saan nakapuwesto si Maximo. " Pasensya na kung nabigla kayo. May sumulpot kasing babae sa harap kaya kinailangan kong biglain ang pagkakapreno. "

" Ayos lang ako. " Nakayukom ang kamao ni Maximo nang itapat niya ito sa bibig para takpan ang kalahati ng kaniyang mukha dahil sa hiya sa nangyari. " Lumabas ka muna saglit. Silipin mo 'yong babae, baka natamaan mo. "

Agad namang lumabas si Leonardo upang pumunta sa harapan at nadatnan niya ang isang dalagang gumagapang sa kalsada upang lapitan ang isang plastik na nasa halamanan.

" Pasensya na, ayos ka lang ba? " Nag aalalang tanong ni Leonardo sa dalaga. Inangat nito ang tingin bago tumayo at pagpagan ang damit na narumihan.

" Ayos lang po ako. Pasensya na rin po sa biglaang pagsulpot ko, " anito subalit kitang-kita ni Leonardo ang gasgas sa magkabilang braso ng dalaga. " S-Sige ho, mauna na 'ko. Pasensya na po ulit. "

Hindi na hinayaang makapagsalita pa si Leonardo nang dalidaling nagtatakbo ang dalaga patungo sa mga nakaparadang pedikab sa dulo ng kanto. Walang nagawa si Leonardo kundi ang bumalik sa loob ng sasakyan na may pag-aalala pa rin sa mukha dahil sa nangyari. 

" Bakit siya umalis agad? " Kunot-noong tanong ni Maximo habang nakatingin sa labas ng bintana. Nakamasid siya sa dalaga na napalingon rin sa gawi nila. " Hindi ba siya nagalusan? "

" Mayroong sugat sa braso gawa ng pagkakabagsak niya siguro kanina, pero hindi ko na nakausap dahil nagmamadali siyang umalis, " ani Leonardo, " Gusto niyo bang lapitan ko ulit? Hindi rin kasi ako sigurado kung iyon lang ba ang galos na natamo niya."

Maiiging pinagmasdan ni Maximo ang tindig ng dalaga upang suriin kung may iba pa ba itong galos sa katawan. Maayos naman itong nakakakilos kaya inalis na rin ni Maximo ang tingin sa labas ng bintana nang makitang sumakay na rin ito ng pedikab. " Hindi na, umalis na tayo. "

Unti-unting umandar paalis ang sasakyan patungo sa panaderya na ilang metro na lang ang layo mula sa kanilang kinalalagyan. Nakabukod na ang ensaymada sa isang lalagyan dahil sa maraming keso na ibinubudbod ng tindera. Matagal ng suki ang Castellano sa panaderya dahil sa dalas dumaan ni Maximo rito para bumili ng espesyal na tinapay para sa ina.

" Naku, salamat naman at nabilhan mo ako ngayon niyan. Paano mo nalaman na ensaymada ang laman ng isip ko mula pa kaninang umaga? " Hindi maitago ni Doña Luisana ang tuwa nang makita ang pamilyar na kahon ng tinapay na dala ni Maximo nang pumasok ito sa kuwarto.

" Iyon talaga ang unang napansin niyo sa halip na ang anak niyo? " pabirong sambit ni Maximo gamit ang seryosong ekspresyon ng mukha nito na bagay na kinatawa ng kaniyang ina. 

" Ikaw naman, nagtatampo ka kaagad? Halika nga rito, anak ko. " Ibinuka ni Doña Luisana ang mga braso upang imbitahan ng yakap si Maximo na ibinaba muna ang kahon sa lamesang na sa gilid ng kama bago bigyan ng yakap ang ina. " Mukhang pagod ka ngayon sa trabaho, ah? Ikaw ba'y kumakain pa sa tamang oras? "

" Kumakain ho ako sa tamang oras, Ma. Huwag niyo ho akong alalahanin, " sagot na lamang ni Maximo ngunit ang totoo, wala pa syang kain mula kaninang umaga at mainit na kape lamang ang pinantawid gutom niya sa buong maghapon dahil sa pagiging abala sa kaniyang sakahan. 

Si Doña Luisina na lamang ang natitirang pamilya ni Maximo kaya kahit pagod at abala sa negosyo, naglalaan siya ng oras para sa ina niyang patuloy na nilalabanan ang sakit na kanser sa utak. Matanda na ito at buto't balat na lang halos. Nawala man ang mahaba nitong buhok, kitang-kita pa rin ang taglay nitong kagandahan sa matamis nitong ngiti. Ang nakatatandang kapatid na si Matias ay walang paramdam sa Castellano sa loob ng isang dekada at walang nakakaaalam kung ito ba ay buhay pa o patay na, dahil ni anino nito ay hindi nagpapakita. Ilang beses ng sinubukan ni Maximo na ipahanap ang kapatid pero mukhang tinataguan talaga sila nito.

" Talaga? Mag-aasawa ka na?! " Gulat na wika ni Doña Luisina nang marinig ang dalang balita sa kaniya ng anak. . " Nakakabigla naman ang balitang 'yan, Maximo. Kailan ang kasal niyo? "

" Hindi ho seryoso ang kasal na mangyayari sa pagitan namin. Kailangan lang na legal ang proseso ng pagsasama namin para walang maging problema sa hinaharap, " paglilinaw ni Maximo na abala sa pagbabalat ng pongkan. " Hind ho ba't matagal na kayong naghahanap ng apo? Kailangan ko rin ng anak na magiging tagapagmana ng negosyo at magtutuloy ng legasiya natin. "

Mabilis nawala ang pagkasabik sa mukha ng Doña. " Kung ganoon, anak lang ang habol mo sa babae? "

Itinigil ni Maximo ang ginagawa at ibinaling ang tingin sa ina. " Isang Castellano ang kailangan na magmana sa negosyong naiwan ni Papà. Para mangyari iyon, kailangan ko ng tagapagmana na may dugong Castellano. "

" Maximo, hindi mo ba gustong magkaroon ng isang buong pamilya? " tanong ni Doña Luisana bagay na ikinatahimik ni Maximo. " Anak, alam kong gusto mong sundin ang kagustuhan ng ama mo para sa negosyo natin, pero huwag mong kalilimutan na ang pagkakaroon ng isang pamilya ay higit na mahalaga kaysa sa ibang bagay. "

Minsan ng pumasok sa isip ni Maximo ang bagay na iyon, ngunit walang babae ang tumatagal sa kaniya dahil sa napakaraming rason na naglilitawan kapag na sa isa siyang relasyon. Madalas walang oras si Maximo sa mga naging kasintahan niya ngunit sa pagnenegosyo ay buhos na buhos roon ang atensyon niya na dahilan ng pagkasira ng relasyon ng magkasintahan. Hindi rin sanay si Maximo sa paggamit na mabubulaklak na salita at hindi rin ito marunong magpahayag ng totoong nararamdaman. Malamig ito kung makitungo at madalas mapagkamalang galit at suplado dahil sa ekspresyon ng mukha nito na madalas ay blangko. 

Ang mga ugaling iyon ni Maximo ay isa sa mga pangunahing dahilan para walang relasyon ang magtagal sa kaniya. Hindi naman iyon malaking bagay para kay Maximo dahil ni isa sa mga babaeng dumaan sa kaniya ay walang halaga.

Kinabukasan, araw ng pagdating ng dalagang ipinangako ni Don Hector bilang kabayaran sa utang nito. Hindi ito nagawang salubungin agad ni Maximo dahil kinailangan niyang makipagkita sa isang tao upang pag-usapan ang tungkol sa negosyo. Hapon na nang makabalik si Maximo sa mansyon at sa kaniyang paglalakad sa salas patungong hagdan, nakita niya ang isang babaeng nakatayo sa gitna ng pasalubong nilang hagdan. Nakatitig ito sa malaking larawan kung saan nakapaskil ang larawan ng ama ni Maximo. 

" Sino ka? " tanong ni Maximo na halos nagpatalon sa gulat ng dalaga. Napalingon at nang mag tama ang kanilang mga mata, nagbanggaan agad ang dalawang kilay ni Maximo dahil sa pamilyar na mukha nito.

" M-Magandang hapon, Señor. " Napayuko ito. " Ako ho pala si Catriona. Anak po ako ni Hector Bustamente at Leticia Bustamente... "

Hindi agad magawang sumagot ni Maximo, titig na titig siya sa dalaga upang alalahanin kung bakit pamilyar ang mukha nito sa kaniya, hanggang sa maalala niya ang nangyari kahapon kung saan ang babaeng nasa harap niya ay 'yong babaeng kamuntikan ng masagasaan ni Leonardo.

" Pasensya na po kung pakalat-kalat ako sa mansyon, pero huwag kayong mag-alala, babalik na po ako kaagad sa itaas—"

" Catriona, " tanong ni Maximo, " Catriona ang pangalan mo? "

Hindi nakaligtas sa mata ni Maximo ang pagguhit ng gulat sa mukha ng dalaga." Ako nga ho si Catriona..."

Humakbang si Maximo palapit rito na siya namang pag atras ng dalaga palayo sa kaniya. Hindi mainit sa mansyon, ngunit nagkaroon ng butil-butil na pawis sa noo ang dalaga habang pinakikiramdaman si Maximo na nilulunod siya ng tingin.

" Señor—"

" Tumabi ka, " ani Maximo bago alisin ang tingin sa dalaga at ilipat ang tingin sa larawan ng ama. Mula sa gilid ng kaniyang mata, nakita niya ang pagtayo ng dalaga sa gilid upang bigyan siya ng daan. Walang salitang kumilos si Maximo paakyat at iniwan ang dalagang nagpakilalang Catriona, ang unica hija ni Don Hector Bustamente.

***

Pagpatak ng dilim, mag-isang naghapunan si Isabella sa silid kainan. Wala siyang ibang kasama kundi ang mga kasambahay na nakatayo lang sa isang puwesto at pinagsisilbihan siya. Hindi niya pa nakikita ang taong kailangan niyang pakasalan bilang kabayaran sa utang ng kaniyang ama, dahil ayon sa kasambahay na kaniyang napagtanungan, abala pa ito at hindi puwedeng madistorbo sa trabaho. Hindi alam ni Isabella kung ano bang dapat na isipin niya sa lalaking ito dahil tila wala naman itong interes sa bagay na nagdudulot naman ng nerbyos sa dalaga. 

Alas otso ng gabi, nakakulong lamang sa kuwarto si Isabella habang naglalakbay ang isipan patungo sa hindi siguradong kinabukasan. Hindi malinaw kay Isabella kung anong naghihintay sa kaniya sa dulo nito. Walang katiyakan para sa kaniya ang lahat lalo na't kontrolado ng ibang tao ang buhay niya. Hindi nakatungtong ng paaralan si Isabella dahil isa na siyang katulong simula nang tumungtong siya sa teritoryo ng ama. Walang kahit na anong pinaghahawakan si Isabella na maaaring magdala sa kaniya sa malinaw na hinaharap, kaya naman pagpapatangay lang sa agos ang kaya niyang gawin upang mabuhay.

Sa tagal na nakahiga si Isabella sa kama, hindi niya namalayan ang unti-unting pagbagsak ng talukap ng kaniyang mga mata, hanggang sa tuluyan na siyang dalawin ng antok at malalim ang tulog. Ilang minuto lang ay may kumatok ng tatlong beses sa pinto subalit sa himbing ng tulog ni Isabella, hindi na siya nagawang gisingin ng ingay na iyon. 

" Mukhang natutulog na po yata ang Señorita. " Mahinang saad ng kasambahay kay Maximo na nasa gilid niya.

Hindi agad nakaimik si Maximo, napaisip siya kung nasa loob nga ba talaga ng kuwarto ang dalaga dahil may posibilidad itong tumakas lalo na sa sitwasyon na kinalalagyan nito ngayon. Upang makasiguro ay pinihit ni Maximo ang busol upang buksan ang pinto. Pumasok siya sa loob at nang makita ang kama, nakita na rin niya ang dalaga na mahimbing ng natutulog rito. Nakasiksik ito sa dulo, nakatagilid habang unan ang isang braso. Nakataas nang bahagya ang laylayan ng palda ng suot nitong bestida kaya lumapit si Maximo upang italukbong ang kumot sa hita nito nang mapansin ang pasa sa parehong binti nito, pero agad ring naalis ang tingin rito ni Maximo nang gumalaw ang dalaga at sa kabilang puwesto naman humarap.

Tumalikod si Maximo at lumakad palabas ng kuwarto. Naroon pa rin ang kasambahay sa tapat ng pinto kaya kinausap niya ito upang ipakuha ang gamot pamahid para sa pasa na hindi tukoy ni Maximo kung dahil ba ito sa nangyari kahapon kung saan kamuntikan na nila itong masagasaan. Bumalik si Maximo sa opisina at hinayaan ang kasambahay na mag asikaso sa pinagagawa niya. Ipinagpatuloy niya ang naiwang trabaho ngunit natigil rin siya dahil sa balitang dala ng kasambahay na inutusan niyang umasikaso kay Isabella. 

" Señor, may ilang peklat sa binti ang Señorita. May paso rin ito sa bandang alakalakan na mukhang bago lang dahil may tubig pa sa loob. " Kumunot agad ang noo ni Maximo.

" Sigurado ka sa nakita mo? " paniniguro ni Maximo saka ibinaba sa lamesita ang papeles na hawak niya. " Nagising ba siya? "

Umiling ito. " Mahimbing pa rin po ang tulog ng Señorita. "

Tumayo si Maximo mula sa sopa upang bumalik sa kuwarto ng dalaga. Sa buong gabing iyon, naging palaisipan para kay Maximo ang ilang peklat, pasa at paso na nakita niya sa binti at braso nito. Alam ng lahat na isa lamang ang anak ni Don Hector Bustamente at minsan na itong nakita ni Maximo noong mga bata pa lamang sila. Bagamat hindi na malinaw kay Maximo ang hitsura noon ng batang Catriona, alam niya kung paano pahalagahan at ingatan ng mga Bustamente ang unica hija nila. Kaya naman ang mga nakita ni Maximo ay nag iwan ng maraming katanungan sa kaniya. 

***

Kinabukasan, alas otso ng umaga, kasalukuyang nagsusuklay si Isabella sa harap ng salamin sa tukador nang makarinig ng katok sa labas ng pinto ng kuwarto. Ibinaba niya ang suklay bago tumayo upang buksan ang pinto at bumungad sa harap niya ang isang kasambahay. 

" Magandang umaga, Señorita. Kailangan niyong bumaba ngayon dahil susukatan na po kayo para sa gagamitin niyong trahe de boda sa susunod na linggo. " Gulat ang rumehistro sa mukha ni Isabella sa narinig niya. Hindi pumasok sa isip niya na magiging ganoon kabilis ang pagpapakasal gayong hindi pa naman niya nakikita sa personal ang lalaking makakaisang dibdib niya. 

Sumunod si Isabella sa kasambahay at pumasok sila sa isang kuwarto kung saan naroroon ang isang babae na mayroong nakasampay na medida sa leeg niya. May ilang kasambahay na nasa loob, naghahanda ng pagkain habang ang iba naman ay inaayos ang mga magagarang trahe de boda na nakasampay sa magkabilang sampayan na gawa sa bakal. 

" Magandang umaga, Señorita Catriona. " Nakangiting bati ng babaeng lumapit kay Isabella. " Totoo pala na ang ganda-ganda niyo. Alam niyo, ngayon pa lang ay may nabubuo na sa isip ko na disenyo ng trahe de boda na siguradong babagay sainyo. "

Ngiti lamang ang naisagot ni Isabella, hindi niya alam kung anong dapat na isagot niya sa pagpuri na madalang niyang matanggap mula sa iba. 

" Magandang umaga po, Señor Maximo. " Napalingon si Isabella sa pintuan nang marinig ang pagbati ng mga kasambahay. Pumasok ang dalawang lalaki at agad napako ang paningin ni Isabella sa binata na nakita niya kahapon. Nakatingin ito sa kaniya, walang pinagkaiba sa titig nito noong unang beses silang nagkita. Masyadong nakakalunod, kaya inilipat ni Isabella ang tingin sa katabi nitong lalaki na tila ba nahahawid sa larawang tinitignan niya kahapon na nakapaskil sa pader. Ngumiti ang lalaking iyon kay Isabella na walang maramdaman ngayon kundi labis na kaba. 

Sa kabila ng mga dagang nagwawala sa dibdib ni Isabella, nagawa niyang batiin ang lalaki nang makarating ito sa puwesto nila. 

" M-Magandang umaga sainyo, Don Castellano... " Mariing napalunok si Isabella, bakas na bakas sa boses niya ang kaba kaya agad niyang dinugtungan ang sinasabi habang nakatingin sa lalaki. " Ako po si Catriona Bustamente, ang pinadala ni Papà bilang kabayaran sa utang niya sainyo... "

Bumalot ang nakakabinging katahimikan sa silid matapos magpakilala ni Isabella na mababakas ang pagtataka sa mukha dahil pakiramdam niya'y may nasabi siyang hindi maganda, at napatunayan niya iyon nang dumapo ang tingin ni Isabella sa binata na tila lalong tumalim ang tingin sa kaniya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status