Share

KABANATA 04

Hindi maipinta ang hitsura ni Isabella habang sinusukatan siya sa baywang ni Sarina—ang babaeng nakatalagang gumawa ng trahe de boda at barong ng dalawang taong nakatakdang ikasal sa darating na linggo.

" Ang liit ng baywang niyo, Señorita. 24-inch lang? Size na ng hita ko 'to. " Makuwelang wika ni Sarina habang inililista ang sukat ng baywang ni Isabella sa dala nitong kuwaderno. 

Nahihiyang ngumiti si Isabella, hindi sigurado kung dapat bang tignan ito bilang pagpuri gayong ang dahilan ng liit ng baywang niya ay dahil isa hanggang dalawang beses lang siya kung kumain sa isang araw. Minsan patago pa dahil sa buong araw ay puro utos ang naririnig niya mula sa madrasta. 

Pasimpleng dinaanan ng tingin ni Isabella ang sopa kung saan naroroon si Maximo, kasama ang kanang kamay nito na si Leonardo na nakatayo sa likuran nito. Abala si Maximo sa pagtingin ng larawan ng mga modelo na may suot na barong. Nagbabakasakali na may magustuhang estilo at hindi na magpatahi ng bago. Saglit itong huminto sa pagbubuklat at inangat ang ulo hanggang sa magtama ang tingin nila ni Isabella na mabilis namang yumuko upang itago ang nangangamatis na mukha.

Hanggang ngayon, ramdam pa rin ni Isabella ang hiya sa buong katawan niya dahil sa nangyaring pagkakamali kung saan, ang lalaking inakala niyang si Don Castellano ay ang kanang kamay pala ng taong nakatakda niyang pakasalan. Inakala rin ni Isabella na mag-ama ang dalawang lalaki kaya labis ang hiyang nararamdaman niya nang malaman ang totoo at makilala kung sino ang Castellano.

Inabot ng higit isang oras ang pagkuha ng mga sukat ng katawan at pagtalakay tungkol sa mga estilo at disenyo ng damit na susuotin ng dalawa sa darating na linggo. Simple lamang ang kanilang mga pinili at nakahanda na rin ang kanilang susuotin, subalit kailangan pa itong remedyohan upang sumakto sa sukat ng katawan ng sinukatan.

" Maraming salamat po ulit sa pagkuha saakin, Señor. Makakaasa kayo na magiging maganda at perpekto ang damit na susuotin niyo sa darating na linggo. " Nakangiting saad ni Sarina nang mailabas na sa kuwarto ang mga gamit na dala niya. " Huwebes ng hapon o biyernes ng umaga ko po madadala rito ang trahe de boda na susuotin ng Señorita. Iyong barong at pantalon niyo, bukas lang rin ng hapon ay ipaadala ko na rin po rito. "

Isang matipid na tango ang ginawa ni Maximo bago kamayan si Sarina. " Salamat din sa pagpunta mo. Ingat kayo sa byahe pauwi. "

Natutuwa namang tumango si Sarina bago ilipat ang tingin kay Isabella na nakatayo sa likuran ni Maximo, bahagyang nakatungo ang ulo nito. " Señorita Catriona, mauna na ako. Magkita na lang ulit tayo sa huwebes o sa biyernes. Huwag niyong kalilimutan ang mga binilin ko sainyo, ah? "

" Ah, s-sige po..." Mahina ngunit sapat na para marinig iyon ni Sarina na muling nagpaalam bago tuluyang lumabas ng kuwarto. Ang tanging naiwan na lamang sa kuwarto ay si Maximo, Leonardo, Isabella at dalawang kasambahay na nagliligpit ng mga gamit.

Tumingin si Maximo sa dalaga na limitado lamang ang mga kilos sa buong isang oras na magkasama sila sa kuwarto. May pakiramdam si Maximo na nahihiya ito dahil sa nangyaring pagkakamali kanina kaya hindi nito magawang tumingin nang diretso sa mga mata niya.

" Leonardo. " Tumingin si Maximo sa kaliwa niya kung saan nakatayo ang tinawag niya. " Maiwan niyo muna kami saglit. May kailangan lang kaming pag-usapan. "

Tumango si Leonardo bago kuhanin ang atensyon ng dalawang kasambahay at senyasan itong lumabas upang bigyan ng pagkakataong makapag-usap sina Maximo at Isabella. Nang marinig ang pagsara ng pinto, lumakad ang binata palapit sa sopa upang maupo roon habang ang dalaga ay tila nanigas sa kinatatayuan nang sila na lamang dalawa ang naiwan sa silid.

" Maupo ka, " tila nagsilbing apoy ang boses ni Maximo na nagpatupok sa nagyeyelong si Isabella. Dahan-dahang inangat ng dalaga ang ulo at mabigat ang mga paang lumakad patungo sa sopa na nasa harap ni Maximo. Maingat na naupo roon si Isabella, hindi pa rin alam kung saan dapat ilagay ang paningin niya hanggang sa muling nagsalita ang taong kasama niya sa kuwarto. " Sa darating na linggo na magaganap ang kasal natin. Simple lang ang seremonya, bilang lang sa daliri sa kamay ang mga inimbitahan kong tao, kabilang na roon ang magulang mo bilang respeto. "

Nahihiyang tumango si Isabella, halata pa rin ang kaba sa hindi mapakaling mga mata dahil sa pinaghalo-halong hiya at pag-aalala. May parte kay Isabella na nais umatras at ipagtapat ang totoo na hindi siya ang dalagang pinagkasundo sa Castellano, subalit iyong ideya na wala na siyang uuwian kapag isiniwalat niya ang kasinungalingang ng ama, sapat na para panatilihing tikom ang bibig niya. 

" Nag-iisang anak ka lang, hindi ba? " Nabalik sa realidad si Isabella nang marinig ang boses ni Maximo. Nang sa wakas ay nagtama ang kanilang mga mata, hindi na naalis ang tingin nila sa isa't isa. 

" Ganoon na nga po... " Napalunok si Isabella, unti-unti ay nawawala ang bigat na pasan niya sa balikat niya. 

" Ilang taon ba ako sa paningin mo?  " Bahagyang nagulat si Isabella sa sunod na tinanong nito, ngunit bago pa siya makasagot ay dinugtungan na nito ang sinasabi. " Hindi mo ako kailangan gamitan ng po at opo sa tuwing mag-uusap tayo. Tatlong taon lang ang tanda ko sa'yo. "

Inalis ni Isabella ang tingin kay Maximo. Malakas ang pakiramdam ng dalaga na hindi lang ang paggamit niya ng po at opo ang tinutukoy nito kaya kinuha na niya ang pagkakatong ito para makahingi ng paumanhin sa pagkakamali niya kanina. Sinikap niyang ipaliwanag nang maayos ang sarili upang tuldukan na rin ang posibleng hindi pagkakaunawaan.

" W-Wala kasi talaga akong ideya sa kung anong hitsura ni Don Castellano. Ang pinag-basehan ko lang ay 'yong larawan na nakasabit sa pader na nakita ko kahapon sa hagdan. Nakaukit roon ang epelyido niyo kaya akala ko, siya 'yong taong pinagkakautangan ni Papà..." paliwanag ni Isabella, ingat na ingat sa mga salitang lumalabas sa bibig niya. 

" Ama ko ang nasa larawang nakita mo kahapon, " sagot ni Maximo, " Hindi mo nakilala? "

" Ha? " Nanlamig si Isabella, hindi niya alam kung anong sasabihin niya lalo na't wala namang nabanggit ang kaniyang ama tungkol sa padre de pamilya ng Castellano.

Isinandal ni Maximo ang likod sa malambot na sopa at nag dekwatro. " Iyong lalaking kasama ko ay ang assistant ko, Leonardo Beltran ang buong pangalan niya. Walang dugong Castellano, pero parte siya ng pamilyang 'to. Hindi rin ba siya pamilyar sa'yo? "

Ikalawang tanong na pero hindi pa rin alam ni Isabella kung anong dapat na isagot niya. Hindi pamilyar ang kanang kamay nito na si Leonardo at ni katiting na ideya ay walang pumapasok sa isip ni Isabella na maaaring lumusot sa butas na ginagawa ni Maximo.

" P-Pasensya na..." halos pabulong na sagot ni Isabella." Medyo mahina ang memorya ko pagdating sa mga mukha at pangalan ng tao, k-kaya nahihirapan akong sumagot sainyo. "

Hindi agad nakapagsalita si Maximo, ngunit pinanatili niya ang tingin sa dalagang tila nangangati ng umalis sa kuwartong kinaroroonan nila. Kanina pa ito tensyonado kaya hindi malaman ni Maximo kung dapat pa ba niyang ipasok ang usapin tungkol sa bagay na may kinalaman sa magaganap na kasalan. 

Tumayo si Maximo at inilusot ang isang kamay sa bulsa ng pantalon niya habang nakababa ng tingin sa nakaupo at nakatungong si Isabella. " Magpahinga ka na kung gusto mo. Saka na lang kita kauusapin kapag kaya mo ng tumingin saakin nang diretso. "

Hindi na hinintay ni Maximo ang sagot ni Isabella dahil tumalikod na siya at naglakad palabas ng kuwarto. Naiwan si Isabella na bagsak ang balikat dahil unang araw pa lang niya sa pòder ng Castellano ay palpak na siya sa mga kilos niya. Kaya niyang maglihim ngunit hindi niya kayang magsinungaling at lokohin ang isang taong batid niyang nagsisimula ng maghinala sa mga kilos niya. 

***

" Habang tumatanda tayo, may nag-iiba rin sa mga hitsura natin. Iyong memorya natin ay hindi na rin ganoon katalas kaya wala kang dapat ipagtaka kung hindi niya nakilala ang ama mo. " Mahinanong paliwanag ni Doña Luisana kay Maximo na kasalukuyang ipinagtitimpla ng gatas ang ina. " Maliliit pa lang kayo noong mga panahong 'yon, Maximo. Natural lang na hindi na niya tayo maalala. Isa pa, hindi rin naman tayo ganoon kalapit sa mga Bustamente noong araw. Isang beses lang yata natin sila nakasama sa isang okasyon pero hindi na iyon nasundan dahil sa pagkamatay ng ama mo. "

Ibinaba ni Maximo ang kutsarita sa platito kung saan nakapatong ang tasa na naglalaman ng mainit na gatas. Maingat niya itong ipinatong sa mesa na nasa ibabaw ng kama. " Hindi lang naman iyon ang ipinagtataka ko, Ma. Mayroong kakaiba sa kaniya, pero hindi ko matukoy kung ano. "

Ngumiti ang Doña. " Huwag mo ikumpara ang pagkakakilala mo sa kaniya noon sa kung sino na siya ngayon. Talagang maninibago ka, lalo na't marami ding nabago sa pamilya niya. "

Hindi maiwasan ni Doña Luisana ang magbalik tanaw sa nakaraan na kung saan, ang mga Bustamente ay isa sa mga pamilyang planong gawing kasyoso ng kaniyang asawa sa pagpapalago ng negosyo. Nakilala nila ang Bustamente mula sa isang kaibigan at ang unang engkwentro nila ay sa isang okasyon na pareho nilang dinaluhan. Nagkaroon ng kuwentuhan, hanggang sa nagkapalagayan ng loob, ngunit sa kasamaang palad ay hindi na nasundan ang pag-uusap ng dalawang angkan dahil sa pagkamatay ng padre de pamilya ng Castellano. 

" Masyadong nalulong sa bisyo si Don Hector at sobrang daming nawala sa kanila. Hindi na rin kataka-taka na napabayaan na rin niya ang pamilya niya, " ani Doña Luisana. " Nakakalungkot ang kinahinatnan ng pamilya niya. Ilang taon na silang baon sa mga utang pero bakit parang wala namang nangyayaring pagbabago sa kanila? Hindi kaya nagsusugal pa rin ang Don? "

Piniling hindi ito sagutin ni Maximo dahil alam niya kung saan puwedeng mauwi ang usapang ito. Masyadong malambot ang puso ng kaniyang ina at hindi malabong makiusap na naman ito sa kaniya na tulungan ang Bustamente na minsan ng ginawa ni Maximo pero inabuso naman ni Don Hector ang pagtulong niya na naging dahilan para maubos siya. Wala ng pakialam si Maximo kung magtanim ng galit ang Bustamente sa mga Castellano dahil mas gugustuhin niya pang magkaroon ng kaaway kaysa pakisamahan ang manggagamit at mapang-abusong nilalang. 

***

" Puwede ba akong tumulong sainyo? " Natigil ang mga tao sa kusina nang marinig ang isang hindi pamilyar na boses mula sa likuran nila. " W-Wala naman akong ginagawa sa kuwarto, kaya sana hayaan niyo akong tumulong sainyo. "

" Naku, hindi puwede. Baka kagalitan kami ng Señor kapag nakita kayo ritong gumagawa sa kusina, " sagot ng isang kusinera na abala sa paghihiwa ng karne. Tumingin ito sa isang dalaga na abala naman sa pagbabalat ng mga patatas at karot sa dulo ng mesa. " Tina, baka luto na 'yong ginataang mais. Bigyan mo ang Señorita. "

" H-hindi na po..." pigil ni Isabella, nahihiya siyang tumingin sa mga kusinera't kusinero. Bigla siyang nakaramdam ng hiya nang mapagtanto ang pang-aabala sa mga ito." Pasensya na po sa distorbo. "

Umalis na lamang si Isabella sa kusina at piniling tumungo sa bakuran upang maupo sa duyan na ang upuan ay gawa sa malapad na tabla na nakapuwesto sa ilalim ng puno ng mangga. Alas tres na ng hapon at sa mga nakalipas na oras ay walang ginawa si Isabella kundi ang mag muni-muni sa kuwarto niya. Wala siyang mahanap na ibang pagkalaabalahan at naisin man niyang tumulong sa mga gawaing bahay, hindi niya magawa sapagkat maaari itong magbigay ng rason para paghinalaan siya lalo na't wala naman sa bokabularyo ng nakatatandang kapatid ang tumulong sa mga ganitong uri ng gawain. Malambot at makinis ang mga palad ni Catriona, samantalang puro kalyo naman ang kay Isabella.

Itinulak ni Isabella ang mga paa sa lupa upang iduyan ang sarili niya, ngunit itinigil rin niya agad nang maramdaman ang paghapdi ng paso niya sa alakalakan. Nakuha ito ni Isabella noong isang araw nang mag-away ang madrasta at ang kaniyang ama sa hapag kainan tungkol sa mga pinagkakautangan nila. Si Isabella ang naglapag ng mainit na tinola sa mesa sa gitna ng sagutan ng mag-asawa at saktong pagtalikod niya ay hinawi ni Doña Leticia ang mangkok sa mesa na naging dahilan upang tumalsik ang mainit na sabaw sa kinatatayuan ni Isabella. Ang ilang pasa at peklat naman sa binti ay nakuha sa pagmamalupit ni Doña Leticia sa tuwing pumapalpak sa trabahong pinagagawa kay Isabella. 

Impyerno ang buhay ni Isabella sa podèr ng kaniyang ama. Hindi lang pagpapakaalila ang kinailangang niyang tiiisin kundi ang pananakit ng madrasta niya. Walang araw na hindi siya nakakatanggap na masasakit na salita at palo mula kay Doña Leticia at wala ring kahit na sino ang nagtatangkang magtanggol sa kaawa-awang dalaga.

Napaangat ang tingin ni Isabella nang may isang paro-paro ang nagtangkang lumapit sa mukha niya. Inangat ni Isabella ang kamay upang hikayatin ang paro-paro na dumapo sa likuran ng kaniyang palad nang tumagos ang tingin niya patungo sa balkonahe ng mansyon. Naroon si Maximo na halos kauuwi lang mula sa pagdalaw sa ina. Kausap nito si Leonardo na makailang saglit lang ay umalis rin sa balkonahe upang bumaba at tawagin si Isabella.

" Puwede na raw ba kayong makausap ng Señor? " tanong ni Leonardo sa dalaga na agad naman tumango dahil may kailangan rin itong sabihin kay Maximo. 

Dinala ni Leonardo si Isabella sa ikalawang palapag kung saan naghihintay si Maximo sa balkonahe. Nakadekwatro itong nakaupo sa bakal na upuan, pinanonood ang kasambahay sa pagsalin ng mainit na tubig sa tasang nasa ibabaw na pabilog na mesa. 

" Dito kayo maupo. " Hinila ni Leonardo ang isang upuan para doon paupin si Isabella. 

" Salamat po. " Mayuming wika ni Isabella nang makaupo. Inangat niya ang tingin kay Maximo na saktong nakatingin rin sa kaniya. Sa pagkakataong iyon ay hindi na umiwas ng tingin si Isabella, sa halip ay sinuklian niya ito ng maamong ngiti na kinakunot naman ng noo ni Maximo.

Matapos malagyan ng mainit na tubig ang dalawang tasa na mayroong tsaa, si Isabella at Maximo na lamang ang naiwan sa balkonahe. Katahimikan ang bumalot sa kanila ngunit hindi iyon nagdulot ng pagkailang sa dalawa. Umihip saglit ang sariwang hangin na nagdulot ng pagtakip ng ilang hibla ng buhok sa mukha ni Isabella. Dinama naman ni Maximo ang sariwang hangin na iyon bago ipasok ang dalawang daliri sa tainga ng tasa at maingat itong inangat patungo sa bibig upang sumimsim ng tsaa.

" M-Mayroon sana akong gustong sabihin sainyo..." panimula ni Isabella bago pa siya pangunahan ng takot at hindi magawang sabihin ang nasa isip niya. " Hindi ko alam kung papayag kayo, pero gusto ko pa ring subukan."

Ibinaba ni Maximo ang tasa at sinalubong ang tingin ng dalaga. Walang lumabas sa bibig niya pero naging hudyat iyon para ituloy ni Isabella ang balak na sabihin.

" Puwede bang ako na lang ang magbayad sa utang ni Papà sainyo? " 

Kumunot ang noo ni Maximo. " Hindi ba't iyon na nga ang sitwasyon mo ngayon? "

Napalunok si Isabella, hindi niya agad nagawang tumugon sa sinabi ni Maximo dahil kinailangang niyang kumuha muli ng lakas ng loob para sabihin ang nasa isip. " Nakahanda akong magsilbi habambuhay bilang isang katulong ninyo. Hindi niyo na kailangan akong suwelduhan o bayaran, handa akong mag trabaho sa pòder—"

" Hindi ako pumapayag, " putol ni Maximo dahilan upang matigilan si Isabella. " Mayroon na kaming kasunduan ng ama mo. Hindi ko rin kailangan ng bagong katulong dahil marami na sila dito. "

Unti-unting bumagsak ang balikat ni Isabella. Inaasahan na niya na mabibigo siya pero nagbakasakali pa rin siya. " N-Naiintindihan ko. Pasensya na. "

Umalis si Maximo mula sa pagkaka-dekuwatro at pagkakasandal sa inuupuan upang ipatong ang isang braso sa ibabaw ng mesang nasa pagitan nila ni Isabella. " Ako naman ang may itatanong sa'yo. "

Tumuwid ang pagkakaupo ni Isabella, inosente ang mga matang naghihintay sa tanong na bibitawan ni Maximo.

" Iyong paso at pasa na mayroon sa binti mo..." agad na nakaramdam ng kaba si Isabella sa narinig. "...saan mo 'yan nakuha? "

Madali lang para kay Isabella na sagutin ang tanong na iyon, subalit tila tinatahi ngayon ang bibig niya dahil hindi niya ito magawang ibuka at wala ring salita ang gustong lumabas sa kaniya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status