Share

KABANATA 05

" Wala ito..." sagot ni Isabella matapos alisin ang tingin kay Maximo. " Nakuha ko lang siya dahil sa kagaslawan ng kilos ko. "

Hindi alam ni Maximo kung dapat ba niyang paniwalaan ang sinagot ng dalaga gayong nagsisimula na namang lumikot ang mga mata nito. 

" Sinabi mo kanina na nakahanda kang mag trabaho dito sa mansyon, " ani Maximo, " Maalam ka sa gawaing bahay? "

Nakahanda ng sumagot si Isabella nang maalala ang ginagampanan niyang kasinungalingan. Wala siyang magawa kundi ang mag-isip agad ng ibang idadahilan. " M-Marami sa kasambahay namin sa mansyon ang kinailangang tanggalin ni Papà dahil sa kakulangan ng ipapasuweldo sa kanila. D-Dahil na rin sa kakulangan ng tao, natuto akong kumilos kaya maaasahan niyo ako na magagawa ko ng maayos ang trabaho ko. "

" At doon mo nakuha ang mga galos mo? " wala sa sariling tumango si Isabella sa tanong nito. Bumalik si Maximo sa pagkakasandal sa upuan saka kinuha ang tasa niya." Kung ganoon tama lang talaga ang desisyon ko na tanggihan ka. Sagutin pa kita kapag naaksidente ka dahil hindi ka naman ganoon kasanay sa mga gawaing bahay. "

Hindi na nagawang magsalita ni Isabella. Nag aalangan na siyang patungan ng isa pang kasinungalingan ang mga salitang lumalabas sa bibig niya.

" Alam kong hindi mo gustong maikasal sa taong hindi mo naman mahal. " Pagpapatuloy ni Maximo. " Pero huwag kang mag-alala, isang palabas lang naman ang kasal na mangyayari sa linggo. Wala akong balak na ikulong ka sa pamilyang ito, pero hindi ka maaaring umalis hangga't hindi mo ako nabibigyan ng anak. "

Gumuhit ang gulat sa mukha ni Isabella matapos ng marinig niya. " A-Anak? Gusto mong magkaroon tayo ng anak? "

" Kailangan ko ng tagapagmana, " sagot nito, " Hindi ko puwedeng ipasa sa ibang tao ang negosyong naiwan ni Papà. Isang Castellano ang nararapat na magtuloy ng legasiyang ito at mangyayari 'yon kapag nagbunga ang pagpapakasal natin. "

Hindi pa tuluyang pumapasok sa isip ni Isabella ang tungkol sa pagpapakasal pero nadagdagan na naman sa iisipin niya ang tungkol sa pagkakaroon ng supling. Nahihirapan siyang iproseso ang lahat at mukhang matatagalan bago niya magawang tanggapin ang kapalaran niya. 

" Bayad na ang utang ng pamilya mo sa oras na mahawakan ko ang magiging anak ko," dagdag ni Maximo, " At nasasayo na kung gusto mong bumalik sa pamilya mo o manatili dito sa mansyon kasama ang anak mo."

" I-Ibig mo bang sabihin, hindi mo ako tatanggalan ng karapatan sa magiging anak natin? " Puno ng kuryusidad na tanong ni Isabella. 

" Kailangan mabuhay ng bata sa pagmamahal at suporta ng magulang niya. Hindi ko iyon ipagkakait sa kaniya, " kaswal na sagot ni Maximo, " Wala rin akong balak na tanggalan ka ng karapatan sa magiging anak natin, pero hangga't nakatira kayo sa podèr ko, ako ang masusunod dito. "

Isang pakikipag-negosasyon ang nakikita ni Isabella. May awtoridad ang bawat salitang binitawan ng binata at hindi niya alam kung dapat ba niya itong ikaginhawa o ikabahala." I-Iyon ang klase ng pamilya ang gusto mo? "

Segundo ang lumipas bago ito magawang sagutin ni Maximo." Isang tagapagmana ang kailangan ko, hindi isang pamilya. "

***

Hulyo 28, 1996. Ang araw na nakatakdang pag-iisang dibdib ni Isabella Flores at Maximo Castellano. Suot ang isang magandang trahe de boda, hindi mapakali si Isabella sa kalesang sinasakyan niya.  Malamig ang parehong palad niya dahil sa kaba at nang sandaling tumigil ang kabayo sa tapat ng pagdarausan ng seremonya ng kasal, huminto rin ang malakas na pintig ng puso ni Isabella.

" Señorita Catriona. " Napatigin si Isabella sa lalaking nasa ibaba ng kalesa, nakalahad ang kamay nito sa harap niya, senyales na kailangan na niyang bumaba.

" S-Sandali lang..." Tinanggap ni Isabella ang kamay ng lalaki at dahan-dahang bumaba mula sa kalesa. Saglit na inilibot ni Isabella ang paningin sa kabuoan ng hardin na pagmamay-ari ng Castellano. Kanina pa nalulula si Isabella sa napakalawak na lupain na pinasukan nila. Sa bawat lingon ay iba't ibang uri ng mga bulaklak ang nakikita niya na kahit papaano ay nakatulong ubang mabawasan ang kaba na kaniyang nararamdaman mula pa kaninang umaga.

" Madame, pasok na po tayo sa loob? " Napatingin si Isabella sa isang babae na lumapit sa kaniya." Kayo na ang susunod na lalakad. Ito 'yong wedding bouquet niyo."

Marahang tumango si Isabella saka tinaggpap ang palumpon ng mga rosas. Ibinaba na rin ang suot na belo bago sila lumakad patungo sa pinaka puwesto kung saan gaganapin ang seremonya. Labis na pinagtaka ni Isabella kung bakit wala na siyang kaba na nararamdaman nang magsimula siyang lumakad. Tila ba natakpan ito ng musika ng pangkasal nang sandaling makaapak siya sa pulang karpet upang simulan ang martsa patungo sa harap kung saan naghihintay si Maximo na sa kabila ng walang emosyon nitong mukha, maipipinta nang maayos ang pagiging magandang lalaki nito sa suot na puting barong. 

Saglit na inilibot ng tingin ni Isabella ang ilang mga taong nasa paligid niya. Nagbabakasakaling makita ang ama pero kagaya ng inaasahan, hindi ito nagpunta. Malungkot na binalik ng dalaga ang tingin sa harapan at nang makarating sa kinatatayuan ni Maximo, inilahad ng binata ang kanang kamay upang sabay na humarap sa pari na magiging saksi ng pagiging isa ng dalawang estranghero sa isa't isa. 

Tumagal ng halos isang oras ang seremonya bago pormal na ianunsyo ang pagiging mag-asawa nina Maximo at Isabella. Bilang lamang sa daliri sa kamay ang mga taong inimbitahan ni Maximo at ang lahat ng iyon ay angkan ng Castellano.

" Congratulations sainyo, Maximo. " Nakangiting bati ng tiyahin ni Maximo nang makalapit ito sa mag-asawa. 

" Salamat din po sa pagdalo niyo Tita Philomena..." sagot ni Maximo bago balingan ng tingin ang asawa nitong isang tinyente at kamayan. Saglit na tinapunan ng tingin ni Doña Philomena si Isabella at hindi na nito kailangang ibuka ang bibig upang ipahayag ang pagtutol niya sa napiling pakasalan ng pamangkin niya. Ramdam naman ni Isabella ang mapanghusga nitong tingin kaya tumungo na lang siya upang iwasan ang tingin ng iba pang mga tao sa paligid nila. 

Batid ni Isabella ang pagiging taga-labas niya dahil ang pamilya ng kaniyang napangasawa ay may matataas na ranggo sa lipunan habang siya'y tila isang aikabok na napadpdad sa mundo ng mayayaman. Mayroong tatlong tiyahin si Maximo at lahat ng mga napangasawa nito ay mayayaman o di kaya naman ay may mga sarili ring negosyo. Nag-iisang lalaki lamang ang ama ni Maximo na siya ring naging tagapagmana ng negosyo ng Castellano. Ikatlong henerasyon na si Maximo na nagpapatuloy sa legasiya ng pamilya at ang magiging anak nila ni Isabella ang magiging ika-apat na magmamana nito. 

Alas onse y medya nang tanghali noong magsimulang magpaalam ang mga bisita para umuwi matapos ng isang simpleng salo-salo sa hardin. Buong akala ni Isabella ay uuwi na rin sila ni Maximo sa mansyon ngunit nagpaiwan ito dahil may mga kailangan itong tapusing trabaho.

" Mga hapon na ako makauuwi dahil marami akong kailangang asikasuhin ngayon dito, " anito saka sinenyasan ang kanang kamay niyang agad naman tumango bago lapitan si Isabella. " Si Leonardo ang maghahatid sa'yo sa mansyon. Iyong mga gamit mo pala sa kuwarto ay pinalipat ko na sa magiging kuwarto natin. Doon ka na mamahinga kung pagod ka. "

Tango na lamang ang naisagot ni Isabella bago sumunod kay Leonardo palabas ng hardin na pinagdausan ng seremonya. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon sa pagiging masigasig ni Maximo sa trabaho nito. 

" Señorita—este, Señora Catriona, pagpasensayahan niyo na ang Señor kung kinailangan nitong bumalik sa trabaho sa araw ng kasal niyo, " pagbasag ng katahimikan ni Leonardo habang sila'y na sa kalagitnaan ng byahe pauwi. " May mga kailangan kasi siyang pirmahang papeles ngayong araw para sa exportation ng mga mangga. "

" W-Wala pong problema, Kuya Leonardo. Naiintindihan ko po si Maximo..." Naiilang na sagot ni Isabella na hanggang ngayon ay hindi sanay na tawagin lamang sa pangalan ang asawa. Pakiramdam ni Isabella ay wala siyang galang kaya hangga't maaari ay iniiwasan niyang mabanggit ang ngalan nito.

" Hindi pala-salita si Señor Maximo. Madalang kung ngumiti at palaging kunot ang noo kaya napagkakamalan laging galit at mainit ang ulo, " ani Leonardo nang mapansin ang pananahimik ni Isabella." Hindi rin ito masyadong nakikihalubilo sa mga tao. Madaling mairita lalo na kapag maingay ang paligid niya. Magsasalita lang kapag may importante siyang sasabihin. "

Inalis ni Isabella ang tingin sa labas ng bintana upang tignan ang nagmamaneho ng sasakyan. " Bakit niyo po...sinasabi saakin ang mga 'yan?"

" Wala namang espesyal na dahilan. Gusto ko lang sabihin ang ilan sa mga ugali ng Señor na maaari niyong makita sa mga darating na araw, lalo na't mag-asawa na kayo ngayon. Sa una ay siguradong mahihirapan kayong pakisamahan siya, pero kapag tumagal-tagal, magagamay niyo na ang ugali niya, " sagot ni Leonardo na ang pinagbasehan ay ang kaniyang sariling karanasan.  " Matagal na akong nag ta-trabaho kay Señor Maximo. Isa ako sa mga pinag-aral ni Don Castellano noong araw at nang maka-graduate ako, sa mga Castellano na rin ako namasukan. Sa kasamaang palad, hindi ko na naabutan ang Don kaya sa anak na lang niya ako nag trabaho bilang sukli sa kabutihan nila. "

Wala sa sariling napangiti si Isabella. Ngayon lamang niya narinig ang kuwentong iyon at masasabi niyang ang pamilyang kinabibilangan niya ngayon ay mabubuting tao.

***

Dapit-hapon na noong matapos ni Maximo ang mga papeles sa opisina. Siniguro niyang pulido ang lahat bago nagpasyahang bumyahe paalis ng sakahan. Nag-aagaw na ang kulay kahel at itim na kalangitan, natapos na naman ang araw na pagod ang nararamdaman ng kaniyang buong katawan.

" Señor, dadaan pa ba tayo sa ospital o didiretso na tayo pauwi? " hindi maiwasang tanong ni Leonardo na nagmamaneho ng sasakyan. " Mukhang hapong-hapo kayo ngayong araw. "

" Sumaglit tayo sa ospital. Tiyak na naghihintay ang Mamà, " sagot ni Maximo saka ibinaling ang tingin sa labas ng bintana. Hindi siya pagod sa trabaho, kundi sa kasal na naganap kaninang tanghali. Pakiramdam ni Maximo ay naubos ang lakas niya sa ilang oras na ginugol sa seremonya. 

Saglit na tumigil ang sasakyan nang magkulay pula ang ilaw ng trapiko. Saktong natapat ang sasakyan sa isang pamilyar na establisyemento kung saan mayroong mga pasugalan. Hindi alam ni Maximo kung sinadya pa ng kapalaran ang pagtigil nila sa tapat ng establisyemento dahil nakita niya ang paglabas dito ni Don Hector. 

" Nagawa mo bang padalhan ng imbitasyon ang mga Bustamente? " tanong ni Maximo nang hindi inaalis ang tingin sa labas ng bintana.

" Nagawa kong ipaabot sa kasambahay nila ang imbitasyon, Señor. Wala ang mga amo nila noong nagpunta ako kaya hindi ko naabot ng personal sa magulang ng Señora, " sagot naman ni Leonardo saka saglit na nilingon si Maximo upang sana'y tanungin ito nang mapansin ang tinitignan nito sa labas. Sinundan ni Leonardo ang tingin nito at nakita sa isang gilid ng poste si Don Hector, hawak ang pitaka, animo'y kinukuwenta ang perang laman nito.

" Itabi mo saglit ang sasakyan, " utos ni Maximo na agad namang sinunod ni Leonardo.

Sa pagiging abala ni Don Hector sa pagbibilang ng perang napanalunan sa sugal, hindi nito namalayan ang paglapit ng isang lalaki sa harap niya. 

" Mukhang malaki ang panalo niyo, " ani Leonardo dahilan para matigilan si Don Hector sabay tago ng pitaka sa bulsa ng pantalon niya. " Ibig bang sabihin niyan, makakapagbigay na kayo? "

" H-Hindi naman malaki ang pinanalo ko. Halos nabawi ko lang din ang mga taya ko. " dahilan ng matanda sabay punas ng pawis sa sentido. Dumaan ang tingin nito sa magarang sasakyang nasa harap niya bago ibalik ang tingin kay Leonardo. " Kasama mo ba ngayon sa loob ang Don? "

Tipid na ngiti ang gumuhit sa labi ni Leonardo. " At pinapatanong niya kung bakit hindi kayo dumalo sa kasal ng anak niyo? "

Muling natigilan si Don Hector. " Ngayong araw ba iyon? "

Hindi kumibo si Leonardo, pinanood niya ang reaksyon ni Don Hector na tila ba hirap sa paghahanap ng idadahilan kung bakit hindi nito nagawang makadalo sa kasal ng anak. Hindi na malaman ng matanda kung anong mga lumalabas sa bibig niya malusutan lang ang sitwasyong kinalalagyan niya.

Samantala, sa mansyon ng mga Castellano ay hindi naman magkanda ugaga si Isabella sa pagsuklay ng buhok niya. Matigas ito at hirap suklayin dahil sa nilagay na pampatigas nang ayusan ito kanina. Nangangalay na ang braso niya kaya walang nagawa si Isabella kundi ang itali nalang muna ito nang may kataasan para makapagpalit ng damit pantulog. Isang puting bestida na mayroong mahabang palda at manggas. Manipis ang tela kaya damang-dama ng balat niya ang simoy ng hangin mula sa labas ng bintana. 

Bumalik si Isabella sa harap ng salamin upang muling ituloy ang pagsuklay niya sa buhok niya. Ala sais na ng gabi, nakapaghapunan na si Isabella ngunit hindi pa rin nakakauwi ang asawa. Hindi maiwasang mapatanong ni Isabella kung kumusta na ba ito o kung ito ba ay nakakain na sapagkat hindi naman niya ito nakitang sumubo kanina. 

Napatingin si Isabella sa pinto nang bumukas ito at ang lalaking laman ng isip niya'y sa wakas ay lumitaw na sa harap niya. Nagtama ang mga mata nila ngunit walang imik na pumasok si Maximo sa loob at tumungo sa aparador upang kumuha ng damit pamalit. Tumigil si Isabella sa pagsuklay ng buhok niya at nilingon ang asawa. 

" K-Kumain ka na ba? " Nauutal na tanong niya. " Kung hindi pa, ipaghahain na kita. "

Nilingon ni Maximo si Isabella. Bumaba ang tingin nito sa suot na bestida bago ibalik ang tingin sa mata. " Salamat, pero busog pa 'ko. "

Isinara ni Maximo ang pinto ng aparador matapos kuhanin ang terno ng pajama. Binalingan niya ng tingin ang malaking kama na simula ngayong gabi ay hihigan nilang dalawa. Napalitan na ito ng bagong sapin, punda at kumot na kasing-laki rin ng kama. 

" Nakita ko kanina ang Papà mo, " ani Maximo na kinabigla ni Isabella. " Lumabas galing sa casino. "

Bahagyang umawang ang bibig ni Isabella. Wala siyang alam na ginagawa pa rin pala ng kaniyang ama ang bisyo na nagpadapa sa pamilyang Bustamente. Ang akala niya'y matagal na itong tumigil dahil sa mga patong-patong na problemang kinahaharap ng pamilya. 

" Hindi ko alam na bumalik ang Papà sa pagsusugal niya, " wala sa sariling sagot ni Isabella. 

" Talaga? " Naglakad palapit si Maximo sa asawa, diretso ang tingin nito sa mga mata na bagay na ikinabahala ni Isabella. " Ang sinabi ng Papà mo, alam mo ang tungkol doon. "

" H-Ha? " Kumabog ang dibdib ni Isabella. Napahakbang siya paatras ngunit mabilis na hinawakan ni Maximo ang braso niya dahilan para magkalapit sila. 

" Catriona Bustamente... " may diing sambit ni Maximo, habang ang mga mata ay titig na titig kay Isabella, animo'y sinisimulang higupin ang kaluluwa. " Iyon ba talaga ang pangalan mo? "

Sa mga sandaling iyon, dalawang paraan lamang ang naiisip ni Isabella. Una, ang ipagpatuloy ang kasinungalingan at ang pangalawa, aminin ang katotohanan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status