Share

KABANATA 01

Hulyo 21, 1996

" Isabella, pinatatawag ka ni Madame Leticia. " Napatigil sa paglalampaso ng sahig ang dalagang nag ngangalang Isabella nang lapitan siya ng Mayordoma. " Bilisan mo ang kilos. Mamaya mo na 'yan tapusin. "

" Sige po, susunod na 'ko. " Itinabi ni Isabella ang basahan at timba na naglalaman ng tubig na kaniyang ginamit sa paglalampaso ng sahig sa balkonahe ng mansyon. Pumasok si Isabella sa loob at tumungo sa kusina para hugasan ang kaniyang kamay. Nakakita siya ng goma sa lababo na batid niya'y galing sa isang tali ng sitaw na binili kaninang umaga sa bayan. Ginamit niya ito upang itali ang mahaba at paalon-alon niyang buhok na kanina pa sumasagabal sa paglilinis niya. 

" Isabella, pinatatawag ka ni Madame sa kuwarto niya. Bilisan mo raw. " Napalingon si Isabella sa likuran nang marinig ang boses ng kasambahay na si Frida. Bakas sa mukha ng babae ang pag-aalala at pagkabalisa. " Mainit na naman ang ulo kaya ihanda mo na ang sarili mo. Tiyak na sa'yo ibubuhos 'yon."

isang pilit na ngiti lamang ang tinugon ni Isabella bago lumabas ng kusina. Mabigat ang bawat hakbang na ginagawa niya sa baitang ng hagdan dahil alam na ni Isabella ang sasalubong sa kaniya sa oras na pumasok siya ng kuwarto ng kaniyang madrasta.

Pitong taong gulang pa lamang si Isabella nang iwanan siya ng sariling ina sa tapat ng mansyon na kasalukuyang niyang tinitirahan ngayon. Ang mansyon na ito ay pagmamay-ari ng kaniyang ama na si Don Hector Bustamente, kasama ang legal nitong pamilya dahil si Isabella ay bunga lamang ng isang pagkakamali ng magulang niya. Ang ama ni Isabella ay isang abogado, propesor sa kolehiyo at isa ring kagalang-galang na tao. Isa ang Bustamente sa pinakamayaman sa kanilang lugar, subalit unti-unting napupunta sa ilalim ang iniingatang pangalan dahil sa kaliwa't kanan na utang ng pamilyang Bustamante. Ang dahilan ng unti-unting pagkawala nila sa tuktok ay dahil sa mga naging bisyo ni Don Hector. Umuutang upang bayaran ang isa pang utang hanggang sa sila'y tuluyang mabaon at nahirapang makaahon.

Huminto si Isabella sa harap ng nakasaradong pinto ng kuwarto ng madrasta. Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong hininga bago iniangat ang kamay at kumatok sa pinto nito upang ipaalam ang kaniyang presensya.

" Papasok na po ako, Madame, " paalam ni Isabella bago buksan ang pinto at isang malakas na sampal agad ang sumalubong sa kaniya dahilan para mamanhid ang kaliwa niyang pisngi.

" Stupida! Kanina pa kita tinatawag, 'di ba? Isa ka bang prinsesa para sunduin ka pa sa ibaba?! " Nanggagalaiting bulyaw ng Doña Leticia—ang legal na asawa ng ama ni Isabella. Edad limamput-pito. Maliit na babae, mestiza at bilugan ang katawan. 

" Pasensya na po, Madame. Naglalampaso po kasi ako sa balkonahe kanina kaya hindi ko po narinig ang tawag niyo. " Nakayukong humingi ng tawad si Isabella, damang-dama pa rin ang init sa kaliwang pisngi niya. 

" Wala akong pakialam kung anong ginagawa mo dahil gusto ko kapag tinatawag kita, hindi lalagpas ng isang minuto ay dapat na sa harap na kita! " anito saka binalibag kay Isabella ang hawak ng blusa. " Iyan, ibalik mo 'yan kay Lorna, ngayon! Hindi ko gusto ang pagkakatahi niya! Kitang-kita 'yong sinulid sa bandang kuwelyo! Ulitin niya kamo 'yan! "

" Madame, linggo po ngayon. Sarado si Aling Lorna—"

" Puñeta, wala akong pake! Puntahan mo sa bahay niya kung wala siya sa tindahan niya! " Binuksan nito ang hawak na pamaypay upang paypayan ang sarili. " Alam mo na kailangan ko 'yang damit na 'yan bukas, hindi ba? Importante ang okasyon na 'yon kaya bilisan mo na at lumakad ka na! Bago mag alas singko, dapat nakauwi ka na dahil kung hindi, makikita mo na lang ang mga gamit mo sa labas na nakakalat. Naiintindihan mo? "

Walang nagawa si Isabella kundi ang tumango, hawak ang isang blusa na pinasadya ni Doña Leticia dahil ayaw nitong may kaparehang estilo ng mga damit sa mga bisita. May sariling tagadisenyo ng damit noon ang Doña, ngunit sa kasamaang palad, kinailangan niya itong bitawan dahil sa kawalan ng perang ipambabayad sa gumagawa ng damit niya. Ganunpaman, nakahanap pa rin ang Doña ng taong kaya niyang pagkatiwalaan sa disenyo ng damit na kailangan niya sa tuwing may okasyon siyang dadaluhan, ngunit hindi na nga lang ganoon kagalante dahil sa mga mumurahing materyales na ginagamit sa pagtahi ng damit na gusto ng Doña. 

" Bakit namumula pisngi mo? Nasampal ka na naman? " tanong ni Frida na sumalubong kay Isabella nang makababa ito sa salas. Bumaba ang tingin nito sa blusa na hawak ni Isabella at agad naman nitong naunawaan ang nangyari sa itaas. " Naku, hindi na naman nagustuhan ni Madame 'yong pagkakatahi ni Aling Lorna? Grabe, kung makapagreklamo akala mo napakamahal ng binabayad niya sa matanda. Pupunta ka ba ngayon sa tindahan? "

Bagsak ang balikat ni Isabella nang tumango sa tanong ni Frida." Kailangan kong ipaayos 'to kaagad. Ito ang susuotin ni Madame bukas. "

Nagsalubong ang kilay nito." Linggo ngayon, ah? Sarado sigurado ang tindahan ni Aling Lorna. Paano mo ipapaayos 'yan? "

" Sasadyain ko na lang sa bahay nila. Alam ko naman ang daan papunta roon. " Inayos ni Isabella ang pagkakatupi ng blusa bago ito isilid sa isang supot." Ayokong matulog sa kalsada mamayang gabi, Frida. Kailangan kong makabalik rito bago mag alas singko kaya kailangan ko na ring umalis ngayon. Mauna na ako."

Nagmadaling lumabas ng mansyon si Isabella dala ang supot na naglalaman ng blusa ni Doña Leticia. Nasa bente minutos ang gugugulin niya kung lalakarin ang daan patungong tindahan kaya kinailangang pumara ng pedicab upang agad na makarating sa bayan.

Isabella Flores, isang dalagang bunga ng kataksilan ng kaniyang magulang na si Don Hector Bustamente at Ariella Flores na dating kasambahay ng mansyon. Pitong taong gulang pa lamang si Isabella nang iwanan siya ng sariling ina sa poder ni Don Hector sa kadahilanang hindi nito kayang buhayin mag-isa si Isabella. Walang nagawa si Don Hector kundi tanggapin ang bata sa takot na baka ikalat ni Ariella ang tungkol kay Isabella. Kilala ang Bustamente sa pagiging mayaman at kagalang-galang na pamilya sa lugar nila at hindi nais ni Don Hector na madungisan ang kaniyang pangalan dahil sa pagkakaroon niya ng anak sa labas mula sa isang kasambahay. Tinanggap ng Don ang bata, ngunit ginawa naman itong alila ng kaniyang legal na asawa na si Doña Leticia. Hindi tanggap ng Doña si Isabella at hindi rin niya ito kayang ituring bilang anak niya dahil bunga ito ng kataksilan ng asawa, kung kaya upang mapakinabangan, sa murang edad pa lamang ay ginawa na niya itong katulong sa mansyon. Hindi kinikilala ng mag-asawang Bustamente si Isabella bilang parte ng pamilya dahil para sa mag-asawa, iisa lamang ang kanilang anak at iyon ay si Catriona Bustamente.

***

" Naku, may sakit ngayon si Nanay. Maghapon lang siyang nakahiga sa kama dahil masama ang pakiramdam niya. Hindi niya maaasikaso 'yan, Isabella. Pasensya na, " paghingi ng tawad ng anak ni Aling Lorna na nagbukas ng pinto kay Isabella. " Hindi naman kasi ako maalam sa pagtatahi gamit ang makina kaya hindi rin kita matutulungan. Pasensya na talaga. "

Hindi naman malaman ni Isabella kung anong isasagot niya dahil hindi siya puwedeng umuwi na walang nabago sa blusa. Alas tres na ng hapon, may dalawang oras pa siyang natitira para tapusin ang dapat na ayusin. " A-Ayos lang ba kung mahiram saglit 'yong makina? Hindi kasi ako puwedeng umuwi nang hindi naaayos 'yong tahi ng blusa na pinagawa ni Madame Leticia. "

" Oo, ayos lang naman. Sanay ka bang magtahi sa makina? " Tumango si Isabella sa tanong nito kaya naman pinapasok na si Isabella sa loob ng bahay at dinala sa makinang de-padyak. " Pasensya na ulit, Isabella, ha? Alam mo ba kung paano 'yan paganahin? Natatakot akong galawin, baka may masira ako. Lagot ako kay Nanay. "

Nakangiting tumango si Isabella. " Huwag kang mag-alala, magiging maingat ako. Pasensya na rin pala kung nakaabala ako. Kailangan kasi talaga ni Madame 'yong damit bukas kaya kahit araw ng linggo, sumugod ako rito sa bahay niyo. "

" Ano ka ba, wala 'yon. Puwede ka namang dumalaw rito kahit kailan mo gusto. Hindi ka naman na bago saamin. " Tinapik-tapik nito ang balikat ni Isabella. " Iwanan na muna kita saglit, ha? Paiinumin ko lang ng gamot ang Nanay. Babalikan kita kaagad. "

Nang makaalis ang anak, kumilos na rin kaagad si Isabella para gawin ang pinaaayos ni Doña Leticia na pagkakatahi sa blusa. Hindi ganoon kalakas ang kumpiyansa ni Isabella sa sarili para gawin ang isang bagay na wala siyang sapat na kaalaman, ngunit wala siyang ibang pagpipilian kundi ang sumugal dahil kung wala siyang paraan na gagawin, siya rin ang malilintikan.

Halos kalahating oras ang ginugol ni Isabella sa harap ng makina bago siya tumayo at ipakita kay Aling Lorna ang pagkakayari ng kaniyang tahi sa blusa. 

" Pulido ang pagkakatahi mo, Isabella. Hindi mapapansin ni Doña Leticia na ibang tao ang may gawa nito, " wika ni Aling Lorna na nakaupo sa kama, nakasandal sa pinagpatong-patong na unan sa likuran niya. Ibinalik niya ang blusa kay Isabella. " Pasensya na pala kung nakagalitan ka na naman. Lumalabo na kasi talaga ang paningin ko kaya hirap ko na ring aninagin iyong mga tinatahi ko. "

" Sabi ko naman kasi sainyo, bumili na tayo ng bagong salamin sa mata, Nay. Napakatagal na noong salamin na ginagamit niyo, wala na talaga kayong makikita roon. " Dismayadong wika ng anak ni Aling Lorna. 

" Ano ba, ayos pa 'yong salamin ko na 'yon. Kailangan lang talagang punasan nang maiigi dahil buo pa naman kaya walang dahilan para gumastos. "

" Kahit kailan talaga, kuripot kayo. Ako naman ang bibili, Nay—"

" Itabi mo na lang ang pera mo, o 'di kaya ay ibili mo na lang iyan ng bagong sapatos dahil sa isang buwan na ang prom niyo, hindi ba? Malapit ko na matapos ang gown na isusuot mo kaya dapat, magkapareha ng kulay iyong damit at sapatos mo..."

Lihim na napangiti si Isabella sa usapan ng mag-ina sa harap niya. Hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit dahil kailanman, alam niyang hindi niya maranasan 'yong tuwa na nararamdaman ng isang dalaga habang kausap ang ina tungkol sa isa sa mahahalagang okayson para sa mga kababaihan. Sa dalawamput-apat na nabubuhay si Isabella, ni minsan ay hindi siya nakatungtong sa eskwelahan. Ni wala ring karanasan sa pagsusuot ng magagarang damit dahil buong buhay ni Isabella, paglalampaso sa sahig at paglilinis ng mansyon ang inaasikaso niya.

Alas kuwatro y medya na ng hapon noong makaalis si Isabella sa bahay ni Aling Lorna. Sa looban pa siya magmumula kaya halos takbuhin niya ang daan para makalabas sa kalsada hanggang sa kamuntikan niyang salpukin ang isang sasakyan na bigla na lang lumitaw sa kantong kaniyang dadaanan. 

Napasalampak si Isabella sa kalsada, ramdam niya ang sakit ng magkabilang siko na naitukod niya sa bato, subalit hindi niya ito magawang silipin kaagad dahil unang hinanap ng mata niya ay ang supot na naglalaman ng blusa ng kaniyang madrasta. Nakita niya ito sa tapat ng halamanan kaya pagapang niya itong nilapitan at nakahinga siya nang maluwag nang makitang wala itong kahit na anong dumi o butas.

" Pasensya na, ayos ka lang ba? " Napaangat ang tingin ni isabella sa isang lalaking bumaba ng sasakyan. Mataas itong lalaki na payat at may salamin sa mata. Nasa edad kuwarenta kung pagbabasehan ang hitsura at ang tindig nito.

" Ayos lang po ako. Pasensya na rin po sa pagsulpot ko. " Tumayo si Isabella at pinagpagan ang puwitan niya. Muli niyang inangat ang tingin sa lalaki para magpaalam bago tuluyang umalis sa harap ng sasakyan at tumungo sa paradahan ng mga pedicab. Tumatakbo ang oras at kahit masakit ang pagkakabagsak na nangyari kay Isabella, kinailangan niya itong indahin hanggang sa makauwi siya.

" Hija, nabangga ka ba? Bakit tumakbo ka? " tanong ng mga drayber na nakakita sa nangyari kay Isabella. " May gasgas ang braso mo. Magpadala ka sa ospital—naku, aalis na iyong sasakyan. Tatakasan ka pa yata. "

" Manong, hindi po. Ako po ang may kasalanan dahil bigla po akong sumulpot sa harap nila, " paliwanag ni Isabella bago linungin ang sasakyan na dahan-dahang umaandar paalis. Binalik ni Isabella ang tingin sa drayber. " Halika na po, umalis na po tayo. Nagmamadali po kasi ako. "

Saktong alas singko nang makarating si Isabella sa mansyon. Halos madapa siya sa pagmamadali makapasok sa loob subalit tila mali ang pasok niya nang maabutan sa salas ang pagtatalo ng mag-asawa kasama ang uniica hija nila. 

" Hindi ako makakapayag na gawin mong pambayad utang ang anak ko, Hector! Gumawa ka ng ibang paraan! " Galit na sigaw ni Doña Leticia habang nakayakap sa anak niyang dalaga. " Ano ba ang pumasok sa isip mo at nagawa mong ibenta ang anak natin sa matandang iyon?! "

" Leticia, wala na tayong ibang paraan! Anong gusto mo, itong mansyon ang kuhanin saatin? Saan tayo titira pagkatapos? " Namo-mroblemang tanong ni Don Hector sa asawa. " Buwan-buwan, tumataas ang interest rate nila at ni piso ay wala pa tayong naibabalik sa kanila. Limang taon na tayong hindi nakakabayad at baon na baon na tayo. Halos lahat ng kaibigan at kakilala ko ay nahiraman ko na ng pera. Sa tingin mo ba ay magpapahiram pa sila gayong hindi pa rin natin nababayaran iyong una? "

Sunod-sunod na umiling si Doña Leticia. " Hindi ko alam, Hector! Hindi ko alam! Gumawa ka pa ng ibang paraan dahil hindi ako papayag na ibigay mo si Catriona sakanila! "

" Wala na ngang ibang paraan! Nakausap ko na ang tao ni Don Castellano at bukas na bukas rin, susunduin na si Catriona dito para kuhanin saatin! " Sinabayan ng talikod ni Don Hector ngunit hinabol siya ni Catriona.

" Papà, sandali lang. May iba akong naiisip na paraan. Pakinggan niyo muna ako sandali," ani Catriona dahilan para humarap muli si Don Hector sa mag-iina niya. 

" Anong paraan? " tanong nito, salubong ang kilay na tumingin kay Doña na mukhang wala ring ideya sa kung anong na sa isip ng anak nila. 

" Si Isabella na lang ang gawin niyong pambayad utang sa mga Castellano." Tumingin si Catriona sa gawi ni Isabella na halos lumuwa ang mga mata sa narinig. " Siya na lang ang ibigay niyo, Papà. Puwede siyang magpanggap bilang ako dahil wala naman nakakaalam kung anong hitsura ng unica hija niyo, hindi ba? Maliban na lang kung may ipinakita kayong litrato ko sa mga Castellano? "

Napatingin si Don Hector sa gawi ni Isabella. Kung tutuusin ay hindi naman nalalayo ang hitsura ng dalawa niyang anak na babae. Pareho ang taas, ang hubog ng kanilang katawan at hugis ng kanilang mukha. Iyon nga lang, mestiza si Catriona at namana niya iyon mula sa kaniyang ina, samantalang si Isabella ay kayumanggi na sa ina rin nakuha. Mahaba at bagsak ang buhok ni Catriona habang si Isabella ay bahagyang kulot ang mahaba nitong buhok.

" Tama, iyang bastarda na lang ang ibigay mo sa mga Castellano! " pangsang-ayon ni Doña Leticia. " Wala namang silbi ang babaeng 'yan dito at para mapakinabangan mo man lang, iyan na lang ang ibayad utang mo sa kanila! "

Hindi magawang makakilos o makapagsalita ni Isabella. Buong buhay niya ay nagsilbi siya sa pamilyang Bustamente na basura pa rin ang tingin sa kaniya. Pinagbabayaran niya ang kasalanan na hindi naman niya ginawa,  subalit hindi pa pala sapat ang hirap niya. 

" Isabella..." Lumakad palapit si Don Hector kay Isabella. " Bukas nang umaga ay maghanda ka. Magbihis ka ng maganda para mag mukha kang presentable. "

Natinag si Isabella." Don Hector—"

" Tawagin mo akong Papà simula bukas, " may awtoridad nitong utos. " At itatak mo sa isip mo na simula ngayong gabi, hindi Isabella ang pangalan mo, kundi Catriona. Nagkakalinawagan ba tayo? "

Hindi alam ni Isabella kung dapat ba niyang ikatuwa ang narinig niya. Puwede na niyang tawaging Papà ang kaniyang ama at mararanasan na rin niyang makapagsuot nang magarang damit, subalit para saan pa kung ang kapalit naman nito ay ang dignidad niya? 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status