Share

Chapter 3

Araw ng Linggo. Nagluluto si Isabella ng pagkain sa maliit na kusina nila ng Tiya Alice niya.

“Isabella, pupunta muna ako kay Berta. Mauna ka na kumain, baka matagalan ako doon,” anito habang nag-aayos ng mga dadalhin. Naglista rin ito ng mga isda na tinda nila bukas.

“Sige po, tyang,” sagot niya habang nagpiprito ng isda. “Hindi ka po ba magbabaon ng pagkain? Baka po magutom kayo,” dugtong niya.

“Naku, huwag na, anak. Siguradong may pagkain din doon,” sagot nito

Hinatid niya ito ng tanaw palabas ng bakuran. Pagkatapos kumain ay naglinis siya ng bahay at nagpakain ng alaga nilang baboy. Pagkatapos noon ay umupo siya sa kawayan nilang upuan. Hinahampas-hampas ng hangin ang buhok niya. Nakatitig siya sa dagat. Naisip niya kung kakayanin kaya niyang matawid ang lugar na ito gamit ang bangka, dahil sa takot na mangyari ang nangyari sa magulang niya. Matagal na panahon na rin siyang hindi naliligo sa dagat. Ni ayaw niyang lumapit dito. Naalala niya ang panahong kasama niya ang tatay at nanay niya.

“Tatay, kapag natapos ko na ba ang high school pwede na po ba tayong lumuwas sa syudad?” tanong niya sa ama na nagsisibak ng kahoy.

“Oo naman! Doon ka mag-aaral,” sagot ng nanay niya. Kinuha nito ang mga kahoy para magluto.

“Sasama po kayo sa akin? Tapos kapag nagkatrabaho na ako, ipagagawa ko ang bahay natin. Babalik tayo dito at gagawa tayo ng negosyo. Sana rin magkaroon na ng university dito katulad sa syudad. Inabot niya ang kahoy sa nanay niya.

Tumawa tatay niya. “Alam mo, anak, maganda ang mga pangarap mo kaya tutulungan ko ikaw matupad ang lahat ng iyan. Pero iyong huli, anak, parang kailangan mo pang magsunog ng kilay para matupad 'yon.” Ginulo ng tatay niya ang buhok niya. Ito na ang nagdala sa loob ng kusina ang iba pa nila panggatong.

Sumimangot siya sa ama. Tuwing Linggo, nasa dalapasigan sila para mag-picnic. Masaya siya kasama ang mga magulang niya, si Tiya Alice na busy sa pagtitinda ng isda noon. Akala niya hindi na matatapos ang masayang araw na iyon hanggang sa dumating ang malaking trahaedya na hindi nila inaasahan.

Hampas ng malakas na alon ang biglang nagbalik sa kasalukuyan ng diwa niya. Medyo malayo sa kabahayan ang bahay nila pero tanaw mo pa rin ang iba nilang ka-baranggay.

Nilakasan niya ang loob na lumapit sa dalampasigan nang araw na iyon. Kailangang mawala ang takot niya. Iyon na siguro ang oras para kumawala sa multo ng nakaraan.

Paglapit niya sa tubig, nanginig ang buo niyang katawan. Pumikit siya. Nakita niya ang nakangiting mukha ng mga magulang. Naramdaman niya ang mga luha sa mukha niya hanggang umiyak na siya nang umiyak. Lumuhod siya sa pino at puting buhangin ng dalampasigan.

“Ang daya mo! Bakit mo sila kinuha? Hah!” sigaw niya. Masakit pa rin hanggang ngayon kahit sampung taon na ang nakalipas. “Dati kaibigan kita, ngayon hindi na dahil salbahe ka!” muli niyang sigaw.

Medyo nawala ang sakit ng loob niya. Naramdaman niya ang tubig na pilit inaabot ang paa niya. Kung nagsasalita lang siguro ito, baka humihingi na ito ng paumanhin sa kaniya.

Tumayo siya at umurong. Nakatungo pa rin siya.

“Salbahe ka!” muli niyang bulong at tumalikod sa dalampasigan.

Pagharap niya pabalik sa kubo nila humampas siya sa katawan ng isang tao sa likuran niya. Sa lakas ng hampas niya ay bigla siyang nawalan ng balanse at sabay sila bumagsak sa buhangin. Nakayakap ito sa kaniya habang siya naman ay nasa ibabaw nito.

Napapikit siya nang bumagsak sa katawan nito. Pakiramdam niya ligtas siya sa kahit anong panganib nang madama ang malapad nitong dibdib.

Pilit niyang kinalma ang sarili. Amoy niya ang masarap sa ilong nitong pabango. At sa buong buhay niya, ngayon lang siya nakaamoy ng ganito kabangong tao. Para tuloy ayaw na niyang bumangon pa sa pagkakadapa. Sa kaloob-looban niya, gusto niyang manatili na lang sa ganoong ayos nila. May hatid kasi itong kapanatagan sa kaniya.

Subalit, napalitan ng kaba ang kaniyang dibdib. Hindi niya nga pala kilala ang lalaki!

“Are you okay now?” tanong nito na nakayakap sa kaniya, habang hinahagod siya nito sa likod.

Bigla siyang natauhan. Mabilis siyang tumayo at tinanggal ang naiwang luha sa kaniyang may pisngi.

Tinitigan niya ang lalaki na nakahiga pa rin. Naka-short ito ng pang-swimming at sa gilid ay may surfboard. Walang kahit anong suot ito sa itaas, kaya pala damang-dama niya ang mga pinagpalang abs nito.

Bigla itong tumayo at lumapit sa kaniya. Nakakunot-noo ito at mukhang nainis sa ginawa niya. Sa taas nitong six feet, halos nakatingala siya rito. Nasa harapan niya ang isang magandang lalaki na kahit itabi mo sa ibang turista na dumarayo sa isla ay naiiba ito. Matangos ang ilong, mapula ang mga labi, makinis ang kutis at ang abs ay huhumiyaw.

“Satisfied?” tanong nito na mas lumapit pa sa kaniya.

Napalayo siya rito.

“Sorry, Mister. Pasensiya na at naistorbo ko yata ang pag-s-surf mo,” sagot niya at tumalikod dito.

“No thank you from you?” pahabol na sigaw pa nito. Mas mabilis pa ang ginawa niyang paghakbang. Ni hindi na niya ito nilingon.

Mabilis siyang pumasok ng kubo nila at isinara ang pinto. Napasandal siya sa dingding habang hawak ang dibdib sa lakas ng kabog niyon.

Saan galing na planeta ang gwapong iyon— este, turista pala. Mukhang anak mayaman ang lalaki sa kilos at pananalita nito.

Saka, bakit ganoon ang epekto nito sa kaniya?

Naku, burahin na natin sa isip natin ’yan! Aniya sa sarili.

Mabilis siyang naligo at umalis sa kubo nila. Pinuntahan niya si Carl habang iniisip pa rin ang lalaking nakita kanina.

“My Queen Isabel!” biglang sigaw ni Carl.

Nagulat siya. Pasalubong ito sa kaniya.

“Bruha ka talaga! Papatayin mo ba ako sa nerbyos, Carla?!” balik-sigaw niya rito.

Tumawa ito.

“Kasi naman ang layo ng tingin mo at tulala ka. Mukhang nakakita ka ng adonis, ah. Ano? Napagtanto mo na ba na kailangan mo ng mag-boyfriend?” ganting sigaw nito .

Umirap siya rito at hinila sa malapit na upuan sa tree house ng kaibigan.

“Tumingin ka nga sa akin, Isabel. Umiyak ka ba? Anong nangyari sa iyo? Samahan kita sa barangay para maisumbong natin ang may gawa niyan.” Tumayo ito at hinila siya.

Natawa siya sa reaksyon nito.

“OA, ah! Umupo ka nga ulit. Una sa lahat, walang nangyari. Naalala ko lang ulit ang mga magulang ko.” Lumungkot ang mukha niya

Yumakap sa kaniya ito. “Isipin mo na lang na angel mo na sila at laging nakabantay sa iyo. Nag-aalala lang ako kanina kasi naman nakasalubong ko ikaw na tulala at mukhang umiyak. Sinong hindi mag-iisip ng masama?” Muli siya nitong niyakap.

Kinurot niya ito.

“Bakit ka nga pala napasyal, my queen?” tanong nito.

“Tumigil ka nga Carl sa my queen mo na ’yan. Kapag hindi ka tumigil, hindi na kita kakausapin kahit kailan.” Inirapan niya ito.

“Ito naman, naglalambing lang naman ako.” Lumapit ito sa kaniya.

Tumitig siya rito. Gwapo rin naman ito. Kung hindi lang niya ito kilala masasabi niya na straight ito, basta huwag lang magsalita.

“Bakit ganiyan tingin mo? Huwag mong sabihin na inlove ka sa akin? Isabel, utang na loob, hindi tayo talo. Magkani-kaniya na tayo kapag nangyari iyan! Kaya siguro hindi ka pa nagkaka-nobyo dahil hinihintay mo ako!” palatak nito.

“Ew! In your dreams! Maghunos-dili ka nga!” Hinampas niya ito sa balikat at tumawa nang malakas.

“Perfect! Iyan dapat ganiyan ka lagi— nakangiti at tumatawa. Mas maganda ka kasi kapag ganiyan, bruha ka!” Yumakap ulit nito.

“Pinatatawa lang kita, Isabel,” dugtong nito. “Oh,’di ba? Nakapag-English ka din. Kailangan ko yata lagi na asarin ka para maging fluent ang English mo,” pang-aasar nito sa kaniya.

Tinawanan lang niya ito. Pansamantalang nawala sa isip niya lalaki na nakabangga niya kanina.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status