Share

Chapter 6

Dumating ang yate na sinasakyan ng kasalukuyang mayor nila. Nagkagulo ang mga tao at kababaihan. Bulong-bulungan na gwapo raw ang anak nito.

Ipinagpatuloy lang ni Isabella ang pag-aayos ng mga lamesa at pagkain. Natanaw niya si Carl na tapos ng mag-decorate sa stage at inaayos na ang mga upuan. Tinawag siya nito.

“Isabel, nakita mo na ba ang anak ni Mayor Fetalvero?”

Umiling siya. “Hindi pero hayaan mo na siya sa mga babae dito. Mukhang masaya sila.” Itinuro niya ang mga nag-uumpukang mga kakabaihan sa dulo.

Hinila siya nito. “Halika ka! Huwag kang KJ!” sigaw nito kasi malakas masyado ang tugtog mula sa sound system.

Halos madapa siya sa paghila nito. Nakasuot pa naman siya two-inch sandals at yellow dress na hating hita at may curve ito sa may dibdib. Natandaan niya noong huling suot niya ang ganoong kasuotan noong may kasayahan sa kabilang baryo. Muntik na sila mapaaway ni Carl nang panahon na iyon dahil sa lalaking pilit siyang isinasayaw pero ayaw niya. Kaya naman on the rescue ang kaibigan niya. Naging lalaki ito nang gabing iyon.

Ang sabi kasi ng kapitan nila ay magsuot sila ng maayos at formal para maging presentable silang humarap sa lider ng bayan nila.

“Isabella, hawakan mo ako. Mahihimatay yata ako!” tili ni Carl.

Sinabunutan niya ito para magising sa katotohanan. “Naku, bakla, kapag nahimatay ka iiwan kita dito!” ganting sigaw niya.

“Isabella, tingnan mo! Dito sila dadaan sa harap natin!” Sinabayan pa nito iyon ng pagyugyog sa kaniyang balikat.

Biglang nagsigawan ang mga kababaihan. Nakita niyang kumaway ang tintilian ng mga babae habang nakatalikod sa kanila. Ang matandang mayor naman ay panay kaway rin. Hindi kaila na gwapo ito. Sa edad na singkwenta ay matikas pa rin ito kaya hindi malabong dito nagmana ang anak nito rito.

Bigla na lang nag-slow motion ang lahat. Ang ngiti niya ay nawala pagharap ng anak ni Mayor. Parang may mga paruparong gumalaw sa tiyan niya at biglang tumaas ang dugo niya sa mukha. Ang anak ni Mayor at ang lalaking turista noong nakaraang linggo ay iisa!

Kumurap ang mga mata niya dahil baka sakaling namalikmata lang siya. Pero kahit anong kisap niya sa mga iyon ay mukha pa rin ng lalaki ang nakikita.

Tumingin siya kay Mayor saka nakipagkamay at ngumiti.

“Mayor, this is Carl at Isabella. Sila ang in-charge sa pagkain ngayon,” pakilala ng kapitan nila.

Inilahad nito ang kamay at agad niyang kinuha iyon kahit pakiramdam niya ay may nakatitig sa kaniya.

“At ito naman ang anak ni Mayor na papalit sa kaniya,” dagdag pa ng kapitan.

Nakahawak sa baywang niya si Carl na kilig na kilig.

Sinalubong niya ang tingin ng lalaki. Mukhang wala na ito sa mood, samantalang kanina lang ay halos mapunit ang ngiti nito sa mga kababaihan sa dulo. Nakatingin ito kay Carl. Sumulyap ito sa kamay ng kaibigan niya na nasa beywang niya.

Umismid siya pero si Carl naman ay kilig na kilig. Siniko niya ito at bumulong siya na may pekeng ngiti sa kaibigan.

“Umayos ka, bakla. Mukhang nawala na siya sa mood.” Pero imbis na pansinin siya ay mabilis ng nakipagkamay sa lalaki ang lukaret niyang kaibigan.

“Hi, I’m Carla. Nice meeting you po.” Sabay lahad ng kamay nito.

Matagal na tumitig ang lalaki kay Carl, na mukhang inisip kung babae o lalaki ang kaharap. Nakahinga pa siya nang kunin nito ang kamay ng kaibigan niya.

“Nice meeting you!” sagot nito at mabilis sumunod sa ama na nasa stage. Napasigaw sa tili si Carl dahil nakamayan nito ang lalaki.

“Isabel, mahihimatay na yata ako! Pagbilang ko ng tatlo saluhin mo ako!” sigaw nito. “Isa. . . dalawa. . .” Bigla itong sumandal sa balikat niya.

Malakas niya itong itinulak. “Tse! Bahala ka dyan!” sigaw niya rito at mabilis na pumunta sa mga lagayan ng pagkain. Nilingon niya ang kaibigan nakasunod sa kaniya at nakasimangot.

Nagsalita na si Kapitan. Lahat ng tao ay tumahimik, hudyat na mag-umpisa na ang programa.

“Magandang araw mga ka-isla! Alam kong masaya kayo dahil andito ang ating mayor, si Mayor Sergio Feltalvero! Bigyan natin siya ng isang malakas na palapakan!” masiglang sigaw ni kapitan na sinalubong ng palakpakan ng mga tao.

Nagsalita itong muli. “At ipinakikilala ko din ang kaniyang panganay na anak, si Mr. Skye Fetalvero!”

Halos mabingi ang tainga niya sa sigawan ng mga kababaiha. Napakunot-noo siya at nagtakip ng tainga dahil mas malakas pa sa sound system iyon. Pati kaibigan niya ay halos maputol ang ugat sa leeg kahihiyaw.

Medyo lumayo siya sa karamihan. Maya-maya, narinig niyang nagsalita si Mayor Sergio.

“Magandang araw mga taga-Isla Vermuda. Masaya ako na muli akong nakarating dito. Sa mga nagdaang taon, marami na akong proyekto na naipagawa at halos napakikinabangan na ng ating bayan. Ngayon naman ang tamang panahon para kayo naman ang aming tulungan. Isa ang programang aking hatid na magdadala at magagamit ng lahat dito, hindi lang ngayon, kung hindi hanggang sa susunod na henerasyon,” saad nito. Pumapalpak muli ang mga tao.

“At hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, gusto naming gawing tourist spot ang isla at lagyan ng mga resturants, hotels at mga sasakyang pandagat para mas mabilis nila itong mapuntahan. Isa pa, mas dadayuhin ng mga turista ang surfing site dito kaya hinihingi ko ang suporta niyo para sa proyektong ito!”

Nagsigawan ang mga tao. Halata ang excitement ng mga ito sa narinig.

“Bilang pagtatapos, ang Seacoast Hotel & Beaches Inc. na pag-aari namin ay may isang foundation na naghahanap ng mga gustong mag-aral sa syudad. Maraming courses ang nakalaan para doon, like business adminstration at tourism para ma-promote ang islang ito. Ilan lang ’yan sa mga programa para maisaayos ang islang ito. Muli, maraming salamat,” pagtatapos nito.

Sa huling sinabi nito doon napalaki ang mga mata niya. Maganda at naaayon sa pangarap niya ang naisip nito.

Pabalik na siya sa mesa nang makita niya ang kaibigan na tumitili.

“Isabel, ito na ang hinihintay natin para makapag-aral!” Sabay yakap sa kaniya.

Nagkibit siya ng mga balikat. “Kaya nga nag-iipon tayo, hindi ba? Isang tambling na lang makaluluwas na tayo sa syudad,” sagot niya habang nag-aayos ng pagkain na dadalhin sa presidential table.

“Oh, dalhin mo na ito doon sa mesa nina Mayor Sergio.” Iniabot niya ang pagkain sa kaibigan.

“Isabel, hindi ka ba natutuwa na mas mapadadali nila ang pagpunta natin sa syudad?” Sabay abot nito sa pagkain.

“Saka na natin pag-usapan iyan kapag tapos na itong event. Sige na, dalhin mo na ’yan.” Itinulak niya ito.

Umirap ito sa kaniya. “Sige na nga! Oo nga pala, dalhan mo daw ng buko juice si Papa Skye. Request daw kanina kay kapitan. Tutal ako ang magdala ng mga pagkain, ikaw na dyan.” Sabay talikod nito sa kaniya.

“Carl, saglit, ito na lang dalhin mo ako na dyan.” Pero tumalikod na ito.

Kinabahan siya. Paabo na iyon? Bakit siya pa ang magdadala noon sa lamesa ng lalaki? Hangga’t maaari kasi, ayaw niya itong makaharap. Hindi iyon sa kaartehan, pero para kasi siyang hindi makahinga kapag kaharap ang lalaki. Idinadaan niya lang sa pagsusuplada ang lahat. Sino ba naman kasi ang hindi hahanga sa kagaya nito? Wala naman dahil napakalakas talaga ng appeal nito at ubo pa ng gwapo. Hindi niya naman gustong masaktan sa huli.

“Kaya itigil mo na ang pagpapantasya mo ngayon pa lang. Hayaan mo na lang ang ibang babae na nagkakandarapa sa kaniya,” bulong niya sa sarili.

“You’re talking to yourself again, young lady. Hmmm. . .”

Para siyang naestatwa sa narinig. Mukhang kahit anong gawin niya, hindi na niya maiiwasan pa ang lalaki.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status