Share

His Pet Nanny
His Pet Nanny
Author: sweetjelly

Kabanata 1

(((CHARMAINE)))

“Charmaine, lakad na! Ano ka ba naman! Sabi ko naman sa’yo, ako na ang bahala kay Nanay,” apura sa akin ni Daisy. Matalik kong kaibigan.

Kapapasok lang nito sa bahay, at heto tumalak agad. Alam niya kasi na may job interview ako ngayon. Mama nga kasi niya ang nag-recommend sa akin sa trabahong ‘yon.

Mabuti na lang at nagkataon naman na wala siyang pasok sa eskwela, kaya siya ang nagpresenta na magbantay kay Nanay habang wala ako.

Medyo inggit nga ako sa kanya, dapat kasi ay nag-aaral din ako gaya niya. Pareho na sana kaming first-year college ngayon. Pero dahil nagkasakit si Nanay, kailangan ko munang huminto sa pag-aaral para maghanap ng trabaho.

“Akin na nga ‘yan!” Binawi pa nito ang mangkok ng lugaw na ibibigay ko pa sana kay Nanay, at saka, tinulak ako papunta sa pinto. “Bilis na! Mahuhuli ka na!”

Tipid na lang akong ngumiti, pero ang tingin ko ay na kay Nanay na. Kahit ngumingiti siya, bakas pa rin ang pananamlay. Bakas ang panghihina.

Nadudurog ang puso ko sa tuwing nakikita ko siyang ganito. Ang lakas-lakas niya dati, lahat ng trabaho kinakaya. Hanggang sa magkasakit siya. Kidney failure.

“Oo na nga, aalis na,” sagot ko naman kay Daisy, sabay ang pagmano kay Nanay. “Alis na po ako, ‘Nay,” paalam ko rito.

“Mag-iingat ka, Anak. Gabayan ka sana ng Diyos,” nakangiting sabi nito, at hinaplos pa ang pisngi ko.

“Goodluck, besty!” sigaw pa ni Daisy habang papalayo na ako.

Ngiti na lang ang sagot ko, kasabay ang mabilis na paghakbang. Sumulyap din ako sa relo ko, sabay ang pagpara ng taxi.

Kailangan ko nang mag-taxi. Tiyak kasi na ma-late na ako kapag nagpunta pa ako sa terminal.

Ang sabi pa naman ng mama ni Daisy ay kailangan dumating ako, twenty minutes before ang usapang oras.

Dapat kasi ay kanina pa ako umalis, kaya lang, hindi ko naman maiwan si Nanay na walang magbabantay, kaya hinintay ko muna si Daisy. Natatakot kasi ako mag-seizure na naman siya at mabagok ang ulo.

“Kuya, maraming salamat po,” sabi ko sa driver at agad nang bumaba ng taxi.

Takbo-lakad naman ang ginawa ko marating lang agad ang opisina kung saan naghihintay sa akin ang kikitain ko. Dibdib ko kumakabog-kabog na rin, hindi lang dahil sa pagod, kun'di dahil late na ako ng sampung minuto. Naipit kasi kami sa traffic, at alam ko, hindi valid ang rason na ‘yon pagdating sa trabaho.

At ngayong nandito na ako sa tapat ng opisina ay nagdadalawang isip naman akong kumatok. Paano kung pagalitan ako? Paano kung hindi na ako qualified dahil late ako?

Tinapik-tapik ko ang dibdib ko. Hindi pwedeng umatras ako. Hindi ko sasayangin ang pagkakataong ‘to. Hindi pwedeng masayang itong puting midi dress na pinahiram sa akin ni Daisy, maging presentable lang akong haharap sa magiging boss ko. Hindi pwedeng babahag ang buntot ko.

Sandali muna akong pumikit, at bumuga ng hangin. Para kay Nanay, laban Charmaine!

“What took you so long?”

Napanganga at hindi agad ako nakasagot. Naiwan rin ang kuyom kong kamao sa ere dahil sa biglang pagbukas ng pinto na sinabayan ng pabulong na sikmat nitong lalaking kaharap ko.

Hindi ko alam kung galit siya o nagulat din. Kumunot kasi ang noo titig na titig sa mukha.

Maya maya ay napa-kurap-kurap ako. Ako rin kasi ay napa-titig din sa kanya ng bongga. Nakusot ko pa nga ang mga mata ko. Kasi naman…para akong nakakita ng artista.

Ang gandang lalaki nitong kaharap ko. Grabe! Ang kinis ng mukha. Sa kinis, parang pati alikabok ay mahihiyang lumapat sa balat niya.

“I told you to come early!” dagdag sabi pa nito sabay lingon sa loob ng opisina.

Maang na naman akong napatitig sa kanya. Gwapo sana, lutang naman.

E, ngayon ko nga lang siya nakita.

Pero teka, baka si Tita Marie ang kausap niya. Naalala ko rin kasi ang paalala sa akin ni Tita, kailangan maaga ako.

Pigil na lang akong bumuga ng hangin. Akala pala nitong gwapong lalaking kaharap ko ay ako ang kausap niya.

“I’m sorry, sir…”

“Save it! Just get inside and don’t say anything stupid, kung ayaw mong mapa-layas agad-agad. Bakit ka kasi late—”

“Onse, I’m out of patience! Anong oras na? Darating pa ba ang hinihintay natin?!”

Buo at halatang nababagot na boses ang agad nagpahinto sa pagsasalita nitong gwapong kaharap ko na Onse pala ang pangalan.

“Bro,” masiglang sagot naman ni Onse. Kaya lang, halata namang natataranta.

Hindi kasi ito mapakali. Hindi alam kung sisilip ba sa loob o kakausapin muna ako.

Nagpalipat-lipat kasi ang tingin nito sa loob ng opisina at sa mukha ko. Hindi ko alam kung nabighani ba siya sa ganda ko, o baka tingin niya sa akin ay masyado akong bata para sa trabahong papasukin ko.

“Halika na nga,” sabi nito, sabay hawak sa pulsuhan ko at hinila ako papasok ng opisina.

Napakagat labi na lang ako habang sumusunod sa kanya. Hinila ba naman agad ako, hindi man lang nagtanong kung sino ako, at ano ang pakay ko.

‘Yong kabang nararamdaman ko kanina, mas tumindi pa. Parang gusto ko na lang umatras at maghanap na lang ng ibang paraan para sa dialysis ng Nanay ko.

“She’s here, bro,” sabi ni Onse nang marating namin ang table ng lalaking hindi man lang nag-abala na tingnan kami.

Nagkibit-balikat lang ito sabay itsa ng cliff folder sa harap ko. “Sign that!” malamig na sabi nito.

Napaawang na naman ang labi ko. Sign? Wala man lang usap? Walang interview? Pirma agad-agad? Ibig sabihin ba ay tanggap na ako?

Naiinis ako sa magaspang na ugaling pinapakita sa amin ngayon nitong lalaking pagsisilbihan ko, pero hindi ko naman mapigil ang mapangiti. May trabaho na ako sa wakas. Kaya lang, kahit natutuwa ako, ‘yong kaba ay nangibabaw pa rin.

Parang ang hirap pakisamahan ang boss kong ‘to. Ang sungit, e!

Matapos kong titigan ang nakayukong soon to be boss ko, napatingin naman ako kay Onse na mukhang hindi rin nagustuhan ang inaasta nitong walang modo na kaharap namin.

Sa bagay, pareho lang naman silang walang modo. Ito kasing si Onse ay bigla na lang akong hinila papasok dito sa loob, at ito namang lalaking masungit, ang gusto naman ay pumirma agad ako.

Medyo nailang pa ako nang mahuli ako ni Onse na nakatingin sa kanya. Tipid kasing ngumiti nang magtama ang paningin namin, saka naman nilingon ang kaibigan niya.

“Bro, ayaw mo ba munang e-discuss sa kanya ang laman ng agreement?” tanong ni Onse, sabay na naman ang sandaling sulyap sa akin.

“Monthly salary of one hundred thousand pesos. Is sure enough for her to sign the agreement,” sabi nito na nagpabilog sa mga mata ko.

One hundred thousand pesos? Hindi ako makapaniwala. Hindi lang puso ko ang tumitibok-tibok ngayon, pati utak ko ay pumipintig-pintig.

Ang laking halaga na no’n. Sa wakas, mapapagamot ko na si Nanay.

Napangiti na lang si Onse, pero umiling-iling naman habang nakatingin sa kaibigan niyang mayaman nga, pero hindi naturuan ng magandang asal. Hindi kasi marunong makipag-eye contact sa mga taong kausap niya. Walang modo!

Maski kasi sulyap lang ay hindi nito ginawa. ‘Yong kilalanin man lang niya ‘yong bagong emplayodo niya, maski mukha ko lang ang kilalanin niya. Wala… talagang wala siyang paki. Panay kalikot lang sa cellphone niya.

Inabot na lang ni Onse ang folder at ballpen na nasa harapan ko. Binuklat niya iyon at inabot sa akin.

“Here, make sure to read it first before you sign it,” mahinahong sabi nito na may makahulugang tingin.

Pansin ko, kanina pa siya tingin ng tingin sa pagmumukha ko. ‘Yong tingin niya na parang worried.

Tipid akong ngumiti. Tinanggap ko ang folder at binuklat iyon, sabay sabi, “saan po ako pipirma?”

“Hindi mo ba babasahin muna?” gulat na tanong ni Onse.

"Hindi na po," sagot ko na sinabayan ng paulit-ulit pag-iling.

Bakit ko pa babasahin? Alam ko na naman kung gaano kalaki ang sasahurin ko. Mag-iinarte pa ba ako? Hindi na oi.

Ang swerte ko nga at ako ang ne-recommend ni Tita Marie sa lalaking ‘to. Kahit pa magaspang ang ugali, malaki naman magpasahod. At saka, para nga ‘to sa Nanay ko.

Pahapyaw na tawa naman ng lalaking masungit ang sumabay sa pagpirma ko, at maya maya ay tumayo ito.

“As expected!” pabulong nitong sabi na parang hinahamak ang pagkatao ko.

Nanliit tuloy ang mga mata ko. Humaba pa ang nguso ko.

Bahala nga siya kung ano ang iisipin niya. Wala akong pakialam kung ang tingin niya sa akin ay mukhang pera. At saka, anong masama kung pumirma agad ako? Serbesyo ko naman ang binabayaran niya, hindi ang pagkatao ko.

“Danreve, bro, you can’t leave yet. Marami pa kayong dapat pag-usapan,” pigil ni Onse sa kaibigan niya na ngayon ay nasa tapat na ng pinto.

“Ikaw na ang bahala sa kanya, bro.”

Pahapyaw na tumawa si Onse, at saka ay tumayo . Hawak pa rin nito ang folder na pinirmahan ko kanina.

“What do you mean na ako ang bahala? Tinulungan lang kita sa problema mo, bro. I’ve done my part!” asar na sabi nito habang mabagal na naglakad palapit sa kaibigan na ngayon ay hinarap na siya.

Buntong-hininga lang ang sagot ni Danreve. Pero matalim namang tinitigan si Onse.

“Now that you both signed the contract. Labas na ako sa totoong eksena. Hanggang dito na lang ang tulong na gagawin ko for you, bro!” Inangat nito ang cliff folder at pahapyaw na tumawa. “The rest, ikaw na ang kumilos!” dagdag nito, sabay ang pagpihit sa door handle, pero muli munang hinarap ang nadismayang si Danreve.

Ako naman ay napakamot na lang sa ulo. Naguguluhan na kasi talaga ako sa dalawang ‘to. Ang daming arte. Ang simple lang naman ng gagawin kong trabaho, ginagawa nilang komplekado.

“I’ve done my part as your best friend, bro. Now, do your part as her husband, okay?!”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status