Share

Chapter 4

KABADO si Abigail nang bumaba siya mula sa taxi. Pinagmasdan niya ang mataas at modernong gusali ng Aurelia Innovations—malaki, elegante, at makapangyarihan ang dating. Para sa iba, maaaring isang ordinaryong araw lang ito ng pagtatrabaho, ngunit para kay Abigail, ito ang simula ng isang bagong kabanata. Hindi lang ito trabaho—ito ang pagkakataon niyang makabangon para sa anak niyang si Zeke. Alam niyang hindi madali, ngunit kailangan niyang maging matatag.

Huminga siya nang malalim bago pumasok sa gusali. "Kaya mo 'to, Abigail," bulong niya sa sarili habang tinahak ang daan papunta sa reception. Hindi niya maiwasang mapangiti ng bahagya. Sa wakas, may trabaho na siya ulit, at isang oportunidad na magbibigay sa kanila ng mas magandang buhay.

Pagdating niya sa reception area, agad siyang binati ng receptionist na naka-ngiti. "Good morning! Ikaw ba si Abigail?" tanong ng babae habang tumitingin sa listahan ng mga bagong empleyado.

“Oo, ako nga po,” sagot ni Abigail, pinipilit na iwaksi ang kaba.

“Okay! Please wait for Ms. Rhea from HR, she’ll be here shortly.” Umupo si Abigail sa malapit na sofa, ang mga mata’y nakatuon sa paligid. Moderno at minimalist ang disenyo ng opisina, at kahit sa simple nilang reception area, ramdam mo ang yaman at impluwensya ng kumpanyang ito.

“Hi, Abigail! I’m Rhea, HR. Come with me,” bati sa kanya ng isang babaeng naka-smart casual attire. Ang magaan nitong ngiti at malambing na boses ay bahagyang nagpakalma sa mga nerbiyos ni Abigail.

Habang tinatahak nila ang daan patungo sa kanyang desk, pinaliwanag ni Rhea ang mga detalye ng trabaho niya bilang personal assistant ni Nikolo Saavedra, ang CEO ng kumpanya. "You’ll be handling his schedule, answering his calls, and managing his documents. He’s very strict and time-conscious, so you’ll need to be organized," paliwanag ni Rhea.

Nang makarating sila sa isang malawak na open-floor office, itinuro ni Rhea ang isang desk na nakatapat sa glass wall. "This will be your desk. You’ll be right outside Mr. Saavedra's office," sabi nito, sabay turo sa pinto ng opisina ni Nikolo sa dulo ng silid.

Agad na bumilis ang tibok ng puso ni Abigail. Si Nikolo Saavedra—ang taong matagal na niyang pilit iniiwasan, ang ama ng kanyang anak na si Zeke. Hindi inaasahan ni Abigail na muli niyang makakasama ang taong minsan niyang minahal. Ngunit hindi niya maaaring hayaan na manaig ang emosyon—kailangan niyang manatiling propesyonal para sa kapakanan ni Zeke.

"Salamat, Rhea," mahina niyang sabi bago ito umalis. Agad siyang umupo sa kanyang mesa at nagmasid sa mga nakalatag na dokumento. Sinubukan niyang ituon ang pansin sa trabaho, ngunit hindi niya maiwasang silipin ang pintuan ng opisina ni Nikolo. Ang tanong sa isip niya ay kung paano nila haharapin ang kanilang nakaraan.

Nagpapatuloy siya sa kanyang gawain nang biglang bumukas ang pinto ng opisina ni Nikolo. Sa unang pagkakataon, nakita niya ito muli—si Nikolo, matikas at kasing guwapo ng dati. Para bang hindi ito tumanda kahit kaunti, at mas naging malalim pa ang kanyang mga mata, na tila laging seryoso at puno ng misteryo. Nagtagpo ang kanilang mga mata, at sa isang iglap, bumalik ang lahat ng alaala.

Abigail, stay calm, paalala niya sa sarili. Hindi siya dapat magpatalo sa emosyon.

Naglakad si Nikolo papunta sa kanya, ang presensya niya’y bigat na hindi maitatanggi. “You must be Abigail, my new secretary,” malamig niyang sabi, walang anumang pagkilala sa nakaraan nila.

“Oo, Sir. I’ll be assisting you starting today,” sagot ni Abigail, pinipilit ang sarili na maging kalmado at propesyonal.

“Good. I expect everything to be organized,” matipid na tugon ni Nikolo bago bumalik sa loob ng kanyang opisina.

Pagkatapos ng maikling pag-uusap na iyon, halos hindi makahinga si Abigail. Hindi niya akalaing magiging ganito kahirap ang muling makita si Nikolo. Alam niyang hindi ito magiging madali, ngunit hindi niya inasahan na ganito kabilis lalabas ang kanilang nakaraan.

Pagkatapos ng ilang oras ng trabaho, sinimulan na ni Abigail ayusin ang mga dokumento para sa meeting ni Nikolo kinabukasan. Habang sinusuri ang bawat papel, hindi maiwasang maglaro sa isip niya ang ideya ng muling pagkikita nilang dalawa. Paano kung malaman ni Nikolo ang tungkol kay Zeke? Paano kung malaman niyang may anak sila? 'Wag naman sana. Atsaka siguro 'di rin naman niya ito matatanggap. 

Biglang tumunog ang telepono sa kanyang mesa. Tumigil siya saglit, huminga nang malalim, at sinagot ito. “Abigail speaking.”

“Hi, Abigail, it’s Clara from HR. I just wanted to remind you na may meeting si Sir Nikolo at 10:30 tomorrow. Make sure all documents are prepared by 10:00.”

“Noted. Thank you,” sagot niya, agad na bumalik sa kanyang trabaho.

Habang inaayos niya ang huling batch ng mga papeles, muli niyang narinig ang pagbukas ng pintuan ng opisina ni Nikolo. Sa kanyang peripheral vision, nakita niyang palabas na ito, at mabilis siyang nag-iwas ng tingin. Ngunit naramdaman niyang lumapit ito sa kanyang mesa, na para bang may gustong sabihin.

“Don’t stay too late. Go home and rest,” sabi ni Nikolo, tila may bahid ng concern, ngunit malamig pa rin ang tono.

Nagulat si Abigail sa sinabi nito. Hindi niya akalaing mapapansin siya ng ganito. Ngunit sa halip na magpakita ng emosyon, tumango lang siya at nagpakita ng isang maliit na ngiti. “Yes, Sir. I’ll leave after finishing these.”

Nang makaalis si Nikolo, huminga nang malalim si Abigail. Hindi niya maiwasang isipin kung paano haharapin ang mga susunod na araw. Ang trabaho bilang secretary ay isang hamon, ngunit ang mas malaking hamon ay ang personal na relasyon nila ni Nikolo, lalo na’t hindi nito alam ang tungkol kay Zeke.

Sa huling pagkakataon bago siya umuwi sa apartment, tiningnan ni Abigail ang office ni Nikolo mula sa labas. Mula ngayon, kailangan niyang mag-ingat. Kailangan niyang pag-isipan ang bawat galaw, dahil anumang pagkakamali ay maaaring magbunyag ng lihim na matagal na niyang itinatago.

Ang araw ni Abigail ay natapos nang maayos, ngunit puno ng tensyon. Alam niyang ito ang simula ng isang bagong laban, isang laban na hindi lang para sa kanyang career, kundi para sa kinabukasan nilang mag-ina.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status