Share

Chapter 02

ILANG BESES NA yata akong kumukurap pero hindi talaga ako nananaginip. Nasa harapan ko na si Damon! Napangiti ako habang nakatingin sa kaniya. Hindi ko nga alam kung ngiti ba ang ginagawa ko dahil feeling ko ay nakangiwi ako na hindi ko maintindihan. Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa. Naka-white shirt siya, blue maong shorts at blue slippers. Binalik ko ulit ang tingin ko sa kaniya at napalunok ako dahil galit na galit siyang nakatingin sa 'kin. May ginawa ba 'kong mali?

"Who are you? Pa'no ka nakapasok dito?" galit na tanong niya at salubong ang mga kilay niya habang nakatitig sa 'kin.

Kinabahan ako bigla. Hindi naman ganitong eksena ang ini-imagine ko noon bago ako matulog at paggising ko sa umaga sa oras na makita ko siya ng harapan.

"Hindi ko rin po alam," sagot ko.

Napayuko ako nang kumunot lalo ang noo niya at pinasadahan ako ng tingin. Hindi ko rin talaga alam kung bakit ako nandito. Hindi ko rin alam na rito pala nakatira si Damon! Hindi ko 'to inaasahan. Nagulat ako nang bigla siyang sumigaw.

"Dehlia! Dehlia! Come here!" galit na sigaw niya.

Napapalunok tuloy ako. Bakit ba siya galit na galit sa 'kin? Hindi ko naman din ginusto na mapunta rito, a. Pero natutuwa ako kasi sa wakas ay nakita ko na s'ya kahit mukhang galit siya sa 'kin. Hindi ko pa rin talaga 'to inaasahan. Tumingin ako sa hagdan at nakita ko ang isang matandang babaeng naglalakad nang mabilis papunta rito sa 'min. Naawa ako. Hingal na hingal kasi siya.

"Bakit po, Sir Damon?" magalang niyang tanong.

Hindi pa rin ako makapaniwala na si Damon nga ang nasa harapan ko ngayon. Pasimple ko siyang tinignan ulit. Nalungkot ako sa anyo niya ngayon.

Napaiwas agad ako ng tingin nang tinuro niya ako. "Who is she? Ano'ng ginagawa niya rito at bakit pakalat-kalat siya?" galit na galit siya sa akin. Napayuko na lang ako.

Pakalat-kalat? Mukha ba 'kong b****a?

"Aalis na po ako. 'Wag ka nang magalit kay manang. Wala naman siyang kasalanan," paliwanag ko.

Naaawa kasi ako kay manang. Sinisigawan niya. Mas matanda kaya si manang sa kaniya tapos ginaganiyan niya.

"I don't need your---"

"Don't leave, young lady. I need to talk to you," napatingin kaming tatlo nang biglang may sumingit.

Nanlaki ang mga mata ko. Paakyat ng hagdan papunta sa amin 'yong matandang babae na hino-holdap kanina!

Tumingin siya kay manang. "You can go to the kitchen now, Dehlia. Thank you," aniya at kay Damon naman siya tumingin na halatang naguguluhan sa nakita.

"Who is she, Mom? Alam mong ayaw ko ng ibang tao rito," matigas ang tono ng boses na sabi niya sa matandang babae.

Nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize ko na siya pala ang mama ni Damon. Nagugulat na talaga ako sa mga nangyayari ngayon.

Hindi niya pinansin ang sinabi ni Damon at sa 'kin siya tumingin sabay ngumiti. "Salamat sa ginawa mo kanina, iha. Kung hindi dahil sa 'yo ay malamang ako ang nasaksak ng lalaki kanina."

"What? Muntik ka nang masaksak kanina?" gulat na tanong ni Damon.

Hinarap siya ng mama niya. "Yes, son. Kung hindi niya ako tinulungan ay baka ako ang nasaksak sa tagiliran. Dinala ko siya rito at tinawagan ko ang family doctor natin na si Mrs. Winson," nilapitan ako ng matandang babae at hinawakan ako sa kanang balikat. "I owe it to you, iha. Masakit pa ba ang tagiliran mo? Sabi sa 'kin kanina ni Mrs. Winson ay hindi naman malalim ang sugat mo. Daplis lang. May mga gamot siyang nireseta para mabilis maghilom ang sugat mo. Maybe after one week ay okay na," nakangiti niyang sabi sa 'kin.

Napangiti rin naman agad ako. Ang bait-bait niya talaga. "Wala po 'yon. Kahit sino naman po siguro ang makakita sa sitwasyon n'yo kanina ay hindi rin magda-dalawang isip na tulungan po kayo. 'Tsaka hindi nga po ako nakalapit sa inyo. Sumigaw lang ako ng saklolo," nahihiyang sabi ko.

Nakatingin lang sa amin si Damon pero ramdam kong mas nakatingin siya sa 'kin kaya naco-conscious ako.

"Kahit na. Siguro kung wala ka ay hindi ako nakaligtas. Maraming salamat, iha."

"Wala po 'yon. Sige po at uuwi na po ako," paalam ko. Nagtaka ako dahil biglang humigpit ang hawak ng mama niya sa balikat ko.

"No, iha. Hindi ka aalis hangga't hindi pa gumagaling 'yang sugat mo."

"Po? Baka hinahanap na 'ko ngayon sa amin. Baka magga-gabi na. Kailangan ko na pong umuwi," pilit ko. Baka nag-aalala na sa 'kin sila tita at si Jeanne.

Umiling siya sa 'kin. "Dito ka na lang muna. Gabi na, iha. 7:30 na ng gabi. Dito ka na kumain. Gusto ko rin sanang nandito ka hanggang sa gumaling 'yang sugat mo. Ako nang bahala kung iniisip mong hinahanap ka na sa inyo. I'll contact them if you want. I just wanna make sure na maging okay ka."

Naguluhan ako. "Pero..."

Biglang sumingit si Damon. "Let her go, Mom. Baka mamaya ay kasabwat 'yan ng lalaki kanina."

Napalunok ako at napatingin sa kaniya. "Hindi ko naman magagawa 'yon. Mas gugustuhin ko pang maghanap ng disenteng trabaho at maglakad kahit sobrang init kaysa manakit ng matanda," sagot ko sa kaniya.

Sinamaan niya 'ko lalo ng tingin. Feeling ko nga ay nananaginip ako ngayon dahil hindi pa rin talaga ako makapaniwala na nandito siya sa harapan ko at nag-uusap kami pero hindi ko naman gusto 'yong klase ng pakikipag-usap niya sa 'kin.

Tuluyan nang nagalit sa kaniya ang mama niya. "Enough, Damon! You're being so irrational. Stop judging her na parang katulad din siya ng iba."

Malakas na bumuntong-hininga si Damon at nanlilisik ang mga matang nakatingin sa akin. "Fine! 'Wag ko lang malaman-laman na magnanakaw pala 'yan dahil kung hindi ako mismo ang kakaladkad d'yan palabas!" galit na sagot niya sabay lakad papunta sa kuwartong katabi ng kuwartong tinulugan ko kanina at malakas na isinara ang pinto.

Nalungkot ako habang pasimpleng tinignan ang mukha niya kanina. May malaki siyang peklat sa kaliwang bahagi ng mukha niya.

Nginitian ako ng mama niya. "Pasensiyahan mo na si Damon. Kilala mo ba s'ya?" malambing ang boses na tanong niya. Parang tinatantiya niya kung namumukhaan ko ba si Damon sa kabila ng hitsura niya ngayon.

Napangiti rin ako pero umiling ako. "Hindi po, e, pero parang pamilyar po 'yong mukha niya," pagsisinungaling ko.

Tumango lang siya sa 'kin at tinignan ako nang seryoso. Medyo nailang tuloy ako.

Nginitian niya ulit ako. "Sorry kung inakusahan ka niyang magnanakaw. Halika sa baba. Nagpahanda ako ng hapunan mo para magkalaman na 'yang tiyan mo. Baka gutom ka na."

Sumunod ako sa kaniya pababa. "Wala po 'yon. Okay lang po sa 'kin kung inakala niyang magnanakaw ako," sagot ko naman. Hindi niya alam anim na taon nang ninakaw ng anak niya ang puso ko.

"BAKIT KA PALA nakatayo kanina sa labas ng restaurant, iha?" nakangiting tanong sa 'kin ng mama ni Damon.

Sinasabayan niya 'kong kumain ngayon kaya nahihiya ako. Ang sarap pa naman ng mga nakahaing pagkain dito sa malaking mesa nila.

"Naghahanap po kasi ako ng trabaho. Nagpasa po ako ng resume sa mga fastfood chain na nakikita ko sa gilid ng kalsada 'tsaka sa loob po ng mall," sabi ko.

"Hmmm..." napatango siya.

Nakarinig kami ng busina ng sasakyan sa labas ng mansiyon nila. May dalawang katulong na nagmamadaling pumunta sa labas at maya-maya'y nakita ko ang isang matandang lalaki na inabot ang hawak niyang attache case sa isang katulong habang 'yong isang katulong naman ay kinuha ang coat na hinubad niya. Nanlaki ang mga mata ko nang maisip ko na siya 'yong matandang lalaki sa portrait picture kanina.

Tatay siya ni Damon?

Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa. Ngayon ko lang napansin na kakaiba ang hitsura niya. Spanish-looking. Hawig sila ni Damon. Lumapit siya sa 'min at hinalikan 'yong mama ni Damon sa pisngi.

"Good evening, sweetheart. Gabi na natapos 'yong meeting ko sa office," napatingin siya sa 'kin. "Who is she?" halata ang kakaibang accent niya lalo na kapag nagtatagalog siya.

Ngumiti muna sa 'kin 'yong mama ni Damon bago hinarap ang asawa niya. "She was the one I was telling you earlier on the phone. She was the one who saved me outside our restaurant."

Nagulat ako sa sinabi niya. Sila pala ang may-ari ng restaurant!

Tumango sa 'kin ang asawa niya at ngumiti. "Ikaw pala 'yon. Maraming salamat, iha," kinuha niya ang wallet sa bulsa ng pants at dumukot ng maraming lilibuhin. "Bayad ko sa pagligtas mo sa asawa ko."

Napatingin ako sa perang inaabot niya sa 'kin at sa kanilang dalawa. Umiling ako. "Hindi ko po matatanggap 'yan. Pasensiya na po," yumuko ako. Hindi naman kasi nababayaran ang pagtulong ko dahil kusang-loob ko 'yong ginawa.

"You're really something, iha. Maraming salamat kanina. Naghahanap ka ng trabaho, 'di ba?" tanong sa 'kin ng mama ni Damon.

"Opo, Ma'am."

Tumawa ito. "Call me Estela and my husband's name is Sixto. Ano palang pangalan mo? Kanina pa tayo nag-uusap hindi ko pa pala naitatanong."

Nginitian ko sila. "I'm Emma."

"Emma?" tanong niya.

"Emma Gwyneth Asuncion," sagot ko.

"A very nice name of a very beautiful girl," matamis ang ngiti niya sa 'kin. Sa totoo lang, magaan ang loob ko sa kaniya. "I have a job offer for you."

Napaawang ang mga labi ko pero agad ko rin tinikom at lumunok na lang ako. "Ano pong trabaho?"

Ang suwerte ko naman. Nakatulong na ako, nakita ko na si Damon tapos ay magkakatrabaho pa 'ko! Ano kaya'ng io-offer niya? Sana sa restaurant nila!

"Can you be Damon's personal assistant?" nanlaki ang mga mata ko sa tanong niya.

Ako? Magiging personal assistant ni Damon? Baka talagang nananaginip na 'ko at hindi pa ako magising-gising sa sobrang ganda ng panaginip kong 'to.

Sasagot na sana ako nang may biglang magsalita. "I don't need her as my personal assistant," napatingin kami sa itaas ng hagdan. Nandoon si Damon. Nakatayo. Seryosong nakatingin sa akin. Napalunok ako bigla at pinagpatuloy ko ang pagkain ko. Naglalakad siya palapit sa amin.

"What's wrong, Damon? You need a personal assistant. Wala na si Danica," sabi sa kaniya ng mama niya. Sino kaya si Danica?

Napaangat ako ng tingin nang umupo siya sa tapat ko. Lalo tuloy akong napayuko. Pakiramdam ko kasi ay nakatingin siya sa 'kin.

"Yeah, she left because she got tired seeing my face," walang ganang sagot niya.

"Son, your mother and I care for you. You have others options. You can manage our restaurant anytime you want," sabi ng papa niya.

Ang bait talaga ng mga magulang niya. Bakit kaya hindi niya namana 'yon? "No, Dad. With this... with this kind of face."

Napaangat ako ng tingin nang sabihin niya iyon. Seryoso siyang nakatingin sa akin. Walang emosyon. Napakurap-kurap ako. Ibang-iba na ang hitsura niya ngayon.

Napatingin ako sa mga magulang niya na nakatingin sa aming dalawa. "Wala namang masama sa..." hindi ko naituloy ang sinasabi ko dahil sumama ang tingin niya sa akin.

"Don't talk as if you know everything. Bakit hindi mo tinuloy 'yong sinabi mo? Kasi nandidiri ka rin! Nandidiri kayo! Pare-pareho lang kayo!" bigla siyang tumayo pero pinigilan siya ng mama niya sa braso.

"Damon, stop it. Don't judge her like that."

"Bakit? Masasabi mo pa rin kaya 'yan kung isa siya sa mga personal nurse ko noon na naglilinis ng sugat ko sa mukha? I'm okay now. I don't need any assistant. Mapa-nurse man 'yan o kung saang lupalop mo man sila napulot," inis na sagot niya at naglakad na siya.

"Kaya lang naman sila nandidiri kasi pisikal lang 'yong nakikita nila sa 'yo," nakayukong sabi ko. "Hindi nila nakikita 'yong sakit sa likod ng sugat mo."

Pasimple akong lumingon para lang mapayuko ulit dahil nakatayo pala siya sa hagdan at nakalingon sa 'kin. Naglakad din siya pagkatapos.

"I'm sorry, iha. Sige na, kumain ka na," sabi sa 'kin ng mama niya.

Ngumiti na lang ako at inubos ko na ang nakalagay sa plato ko. Napatingin ako kay Ma'am Estela nang hawakan niya ang braso ko.

"I know this is selfish but can you grant my favor to be his personal assistant? Malaki ang utang na loob ko sa 'yo and I know this is too much but I will pay you. Kung mapuno na naman siya at paalisin ka then I'm giving you another option na sa restaurant naman namin magtrabaho. Just try, iha."

Nakikiusap siya. Naaawa tuloy ako. Sino ba naman ako para hindi pumayag? Ang tagal kong hinintay na makita nang malapitan si Damon. Tapos ngayon heto na at magiging personal assistant na niya 'ko. Tatawagan ko na lang mamaya si Jeanne. Ikukuwento ko sa kaniya ang nangyari.

Nginitian ko siya. "Sige po, Ma'am."

Mas hinigpitan niya ang hawak sa braso ko pero hindi naman masakit. "Thank you, Emma."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status