Share

Chapter 05

SOBRANG SAYA NG gising ko! Tuwang-tuwa ako sa nangyari kahapon. Kinausap ako ni Damon nang hindi na siya galit sa 'kin tapos nagbibiruan pa kami. Napayakap ako sa unan. Grabe. Hindi pa rin ako makapaniwala na sobrang lapit ko na lang kay Damon samantalang dati ay nakikipagsiksikan pa 'ko sa maraming tao para lang makita siya. Napangiti tuloy ako lalo nang maalala ko 'yong unang beses na pumunta ako sa autograph signing ng magazine issue niya five years ago...

"Emma! Magdahan-dahan ka nga. Sumama ako sa 'yo rito kasi gustong-gusto mong makita si Damon ng personal pero kung hihilain mo 'ko nang hihilain iiwan kita rito!" naiinis na sabi sa 'kin ni Jeanne.

Napatingin ako bigla sa kaniya. "Sorry na, gusto ko lang naman makita si Damon. Tara na."

Hinawakan ko ang braso niya. Hindi ko na siya hinila. Ang daming tao rito ano ba 'yan. Hindi ko pa makita si Damon. Nasaan na kaya 'yon?

Naglalakad kami rito sa loob ng venue nang bigla kaming patigilin ng isang guard. "Miss, dito na lang muna kayo sa gilid. 'Wag kayong gagalaw. Parating na si Damon Montesoir. Maglalakad siya rito sa gitna," aniya.

Nanlaki tuloy ang mga mata ko. Oh my god! Dito siya maglalakad sa gitna? E, saktong nakatayo kami ni Jeanne rito sa tapat ng red carpet dito sa gitna. 'Yong iba ay nasa likuran namin. 10:00 am kasi ang umpisa ng autograph signing pero 5:30 am palang ay inaya ko na si Jeanne rito. Nakapila kami kanina sa labas. Nagbaon na lang kami ng pagkain.

"Narinig mo 'yon, Jeanne? Dito maglalakad sa harapan natin si Damon!" tuwang-tuwa ako.

Napayakap pa 'ko sa magazine na hawak ko. Finally, makikita ko na siya at makikita rin niya na nag-e-exist ang isang katulad ko na head over heels na may gusto sa kaniya.

"Sus. Kilig ka naman! 'Wag daw tayong malikot kundi baka paalisin tayo rito."

Nagpapasalamat talaga ako kay Jeanne dahil sinamahan n'ya 'ko rito ngayon. Siya kasi ang nakakaalam kung ga'no ako kapatay na patay kay Damon.

Maya-maya'y nagtilian ang mga tao sa paligid namin at agad akong napatingin sa entrance ng venue. Natulala ako nang makita ko ang guwapong lalaking naglalakad sa gitna namin. Ang guwapo-guwapo niya. Ang tangkad. Ang guwapo. Ang macho ng dating. Napakurap-kurap pa 'ko nang ma-realize ko na si Damon na pala ang naglalakad kaya tumili ako.

"I love you, Damon!"

"Pansinin mo naman ako, please! Isang tingin lang dito, o!"

"Mahal na mahal kita, Damon!"

"Huhuhu, Damon number 1 fan mo 'ko!"

"Damon, isang tingin lang pucha busog na 'ko!"

Sigaw ako nang sigaw. Kumakaway siya sa amin at naglabas siya ng pen mula sa bulsa niya. Tumitingin-tingin siya sa paligid niya hanggang sa mapatingin siya sa puwesto namin ni Jeanne. Gusto kong sumigaw pero hindi ko na magawa kasi nakatingin siya sa 'min. Nagulat pa 'ko nang kunin ni Jeanne ang magazine na hawak ko pero sa kaniya pa rin ako nakatingin. Nakanganga pa nga ako pero wala akong paki!

"Damon! Papirma naman nitong magazine! Mahal na mahal ka nitong pinsan ko!"

Napalunok ako nang isigaw 'yon ni Jeanne. Hindi ko alam kung narinig ba 'yon ni Damon kasi maraming nagtitilian pero ganoon na lang ang gulat ko nang lumapit siya sa 'min at kunin niya ang magazine na hawak ni Jeanne.

"Thank you, Damon. Siya 'yong pinsan ko. Patay na patay sa 'yo 'yan!" turo sa 'kin ni Jeanne.

Natulala na lang ako kay Damon dahil ang guwapo pala niya sa malapitan. Feeling ko lahat ng autograph signing niya ay pupuntahan ko na kahit sa Visayas pa ang venue.

Tumango lang si Damon at pinirmahan ang magazine. Hindi niya nga 'ko tinignan. Si Jeanne lang ang nakita niya. Naglakad na siya hanggang sa nakikita ko na siya na umupo sa puting upuan sa tapat ng puti rin na mesa. Pumila na ang ibang mga gustong magpa-sign pagkatapos niyang bumati. Napunta tuloy kami rito sa dulo at natakpan na siya ng mga tao.

"O, 'yan! May pirma na niya. Magazine mo ang una niyang pinirmahan!" sabi niya sa 'kin.

Ako naman ay hindi nakapagsalita. Nakatitig lang ako sa kawalan. 5:30 am palang ay nandito na ako pero hindi man lang niya 'ko napansin kahit three seconds man lang. Napasinghap ako. Na-realize ko na ang hirap pala talaga niyang abutin.

Natigilan ako sa ala-alang 'yon nang biglang may kumatok sa labas ng kuwarto ko. Nahihiya na rin akong mag-stay dito. Isang linggo na 'kong nandito. Tinawagan ko ulit noong isang araw si Jeanne at talagang nagtatanong siya kung ano na ba'ng ganap sa 'min ni Damon pati si Tita Cita ay nagtatanong na rin. Nakuwento ko na rin na baka sa restaurant nila Damon ako magtrabaho at masaya sila kasi finally daw ay nakikita ko na si Damon 'di tulad dati na nagpapakahirap ako. Ang supportive nila sa 'kin. Kung tatanggapin ko ang pagtatrabaho sa restaurant nila Ma'am Estela ay sa amin na ako uuwi s'yempre. Masaya na 'kong nakausap ko si Damon 'tsaka mukhang okay naman na kami. Tumayo ako sa kama at naglakad para malaman kung sino ang kumakatok.

Si Manang Dehlia pala. "Emma, breakfast na. Pinapatawag kita kay Ayra. Mukhang nakalimutan 'ata niya. Makakalimutin talaga 'yong babaeng 'yon."

Ngumiti ako. "Sige po. Susunod na lang po ako. Maghihilamos lang po ako at magpapalit ng damit."

Maya-maya'y naglalakad na 'ko pababa ng hagdan. Okay naman na ang tagiliran ko. Tuyo na ang daplis at siguro ilang araw lang ay maayos na. Napalunok ako nang masalubong ko ang titig sa 'kin ni Damon habang papalapit ako sa mesa. Ayan na naman 'yong titig niya na parang galit siya sa 'kin na hindi ko maintindihan kung bakit.

Ngumiti na lang ako sa mama at papa niya na nakasuot ng corporate suit. Ngumiti rin sila sa 'kin at sinabihan akong makisalo sa kanila. Nahihiya akong umupo. Katapat ko ulit si Damon.

"Good morning, iha. How are you?" tanong sa 'kin ni Ma'am Estela.

"Okay lang po, Ma'am."

Tumawa siya. "Call me Tita na lang."

Nahihiya akong tumango. "And call me Tito," sabi naman ni Sir Sixto.

Tito?

Napatingin ako bigla kay Damon. Naalala ko kasi na tinawag ko siyang tito kahapon. Wala akong makitang emosyon habang nakatitig siya pabalik sa 'kin. Ibang-iba noong kahapon. Ano kaya'ng iniisip niya? Nilapag ni Ayra sa mesa ang breakfast at napatitig ako sa nilapag niyang pagkain kay Damon. Pancake with chocolate syrup.

"Bawal si Damon niyan," napalunok ako bigla nang sabihin ko 'yon.

Nakatingin silang lahat sa 'kin lalo na si Damon na kunot-noong nakatingin sa 'kin.

"Ano 'yon, iha?" tanong sa 'kin ni Ma'am Estela.

Patay.

Ano'ng ipapalusot ko? Hindi ko puwedeng sabihin na alam kong bawal siya sa kahit anong chocolate dahil sa kaka-stalk ko sa kaniya sa social media dati. Bawal siya niyon kasi mabilis sumakit ang lalamunan niya. Sinabi niya 'yon sa isang interview.

"How did you know that I'm not allowed to eat that?" seryosong tanong niya sa akin. Salubong pa ang mga kilay niya.

"Ah..." nag-iisip ako ng irarason nang biglang magsalita si Manang Dehlia.

"Nakuwento ko sa kaniya, Sir Damon, noong isang araw kasi baka gusto niyang maging personal assistant mo gaya ng gusto ni Ma'am Estela kaya sinabi ko na sa kaniya 'yong ayaw at mga gusto ninyo," aniya.

Kunot-noo akong tumingin kay Manang Dehlia. Patago siyang nag-thumbs up. Bahagya akong napangiti nang ma-realize kong tinulungan niya 'ko. Buti na lang kundi bistado na 'ko.

"Opo. Nakuwento po sa 'kin ni Manang Dehlia," sabi ko.

"Sorry, Sir Damon. Nakalimutan ko po," paumanhin ni Ayra.

Tinitigan siya ni Damon nang masama. "Ang tagal mo nang nagtatrabaho rito tapos nakakalimutan mo pa rin na bawal ako sa chocolate," galit na sabi niya.

"Damon, calm down," sabi sa kaniya ni Sir Sixto.

Umirap siya sa hangin at pagalit na tumayo at naglakad paakyat ng hagdan. Napabuntong-hininga ako. Galit na naman siya. Sana katulad na lang siya kahapon. Palabiro at tumatawa. Naiwan kami rito sa dining area nila. Dinig ko ang buntong-hininga ni Ma'am Estela.

"Pagpasensyahan mo na si Damon, Emma," tumikhim siya. "By the way, about my proposal to you last time, are you willing to become Damon's personal assistant?"

Natigilan ako. Pansin ko kasi kay Damon na iba-iba ang mood niya. Tulad ngayon. Kaya ko ba siyang asikasuhin kung ganoon siya? Kung ako ang tatanungin ay siyempre gusto kong maging personal assistant niya pero hindi naman puwede na nandito ako lagi. Miss ko na rin sina Jeanne.

"Ahm..." hindi ko alam ang sasabihin ko.

Ngumiti siya sa 'kin. "It's fine, iha. I think I am asking for too much pero sana tanggapin mo ang alok ko na i-hire ka bilang waitress sa restaurant namin. Makabawi man lang kami ng asawa ko sa ginawa mong pagtulong sa 'kin."

"Payag po ako. 'Tsaka wala po 'yon. Sobra-sobra nga po ang ibibigay n'yo sa 'king tulong. Makakapag-ipon na 'ko ng tuition fee para makapag-aral ulit."

"Oh, so you're not studying right now?" si Sir Sixto ang nagsalita.

Tumango ako. "Opo. Fourth-year college na po sana ako ngayon."

"What course?"

"Bachelor of Arts in Communication po," nakangiti kong sagot.

Tumango silang dalawa na parang may iniisip. "You can start working in our restaurant by next week, Emma. Just go to the HR office first so they can give you the details and discuss to you the compensation as well as the benefits that you'll receive," sabi ni Ma'am Estela.

Ngiting-ngiti akong tumango. "Maraming salamat po!" natawa sila sa reaksyon ko.

"You look so cute. Para kang bata," nakangiting sabi ni Ma'am Estela.

Natigilan ako. Naalala ko kasi bigla si Damon. Bata. Siya ang unang nagsabi na mukha akong bata.

NAKATAMBAY AKO RITO sa garden ng mansion. May swing kasi rito at trip kong tumingin ngayon sa mga bituin sa langit. Na-miss ko lang bigla sila mama at papa. Ako na lang mag-isa. Ngumiti na lang ako at nilalaro ko ang kulot kong buhok habang gumagalaw 'tong swing.

Next week ay magtatrabaho na 'ko bilang waitress sa restaurant nila Damon. Excited na 'ko pero nalulungkot ako kasi hindi ko na makikita si Damon. Kahit papaano ay naging masaya ako na nakita ko na siya at nakausap pa. Kahit na may nagbago sa kaniya ay hindi naman nabawasan ang pagkagusto ko sa kaniya. Sa totoo lang ay naging manly siya tignan ngayon. 'Yong katawan niya ay mas lumaki. Parang tumangkad nga siya lalo, e. Hay, Damon. Hanggang ngayon ang hirap mo pa rin abutin!

"Aw! Aw! Aw!" napalingon ako nang biglang may tumahol sa likod ko.

Si Liam! Napangiti ako agad. Ngayon ko lang ulit siya nakita. Grabe 'yong kiwil ng buntot niya. Parang hindi siya mapalagay. Nakatingin siya sa 'kin habang nakalabas ang dila niya.

"Liam!" tawag ko sa kaniya.

Agad naman siyang lumapit sa 'kin at huminto sa harapan ko. Napansin kong may muta pa siya.

Natawa tuloy ako. "Bagong gising ka, a. May muta ka pa. Halika, tanggalin natin 'yang muta mo," sabi ko sabay senyas sa kaniya.

Lumapit naman siya sa 'kin at pumikit pa siya habang tinatanggal ko ang muta niya. "Ayan, wala ka ng muta. Hindi kita nakita kanina, a."

Nakadilat na siya at nakatingin lang siya sa 'kin pero halatang gustong-gusto niya na kinakausap ko siya. "Bakit ka nandito? Gabi na."

Hinawakan ko ang ulo niya at hinaplos-haplos iyon. Ang lambot ng balahibo niya. Kumikinang pa. Halatang alagang-alaga. Naalala ko tuloy 'yong kwento sa 'kin ni Manang Dehlia na mabangis daw 'tong si Liam. Mukhang hindi naman.

Tinignan ko siya. "Ang guwapo-guwapo mo naman, Liam. Manang-mana ka sa amo mo. Pareho kayong gwapo."

"Matagal ko nang alam 'yon," nanlaki ang mga mata ko nang biglang may magsalita. Tumingin ako sa kaliwa't-kanan pero walang tao.

"Sa likod mo," agad akong lumingon sa likod at nakita ko si Damon na seryosong nakatingin sa 'kin.

Napalunok ako. Hala. Narinig niya ba ang usapan namin ni Liam?

"Kanina ka pa nandiyan?" sabi ko. Naglakad siya at umupo sa katabi kong swing. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko.

"Hindi naman pero narinig ko 'yong huling sinabi mo sa aso ko," halata ko sa boses niya na parang magaan ang pakiramdam niya. Hindi katulad kanina.

Ginalaw ko na lang 'tong swing ko. "Okay," 'yon lang ang nasabi ko. Pa'no ba magpalusot?

"Hindi mo ide-deny 'yong sinabi mo?" tanong niya. Ano na naman kaya ang nakain nito at salita na naman siya nang salita?

Nilingon ko siya sa gilid ko. Nakatingin siya sa 'kin. Nakataas ang isang kilay. "Totoo naman, a. Magkamukha sila ni Sir Sixto. Parehong guwapo," palusot ko kahit mukha akong tanga sa palusot na 'yon. Obvious naman kasi na siya ang amo nitong si Liam.

"Ako ang amo ni Liam hindi si Dad," aniya. O, di 'ba?

"Okay," tanging sagot ko.

"I'm ugly," bigla akong napatingin sa kaniya.

Hindi siya nakatingin sa 'kin. Nakatingin na siya sa langit. Kitang-kita ko ang sideview face niya. Ang kaliwang bahagi ng mukha niya. Sobrang seryoso niya bigla. Kitang-kita ko ang malaking pilat na naging dahilan kung bakit siya nandito ngayon sa tabi ko imbes na nasa ibang bansa siya habang nakaharap sa camera at nagpo-pose bilang cover ng isang magazine.

Tumingin na rin ako sa langit. Ang daming bituin. "Hindi ka naman panget. Kakasabi mo nga lang na guwapo ka, e," sagot ko.Nalulungkot ako kapag iniisip niyang pangit siya.

Ngumisi siya pero halata kong peke 'yon. "You know, it's easy for you to say that because you're not in my shoe. You have no insecurities about yourself. You look so happy and positive. You're not overthinking unlike me. I have been here in our mansion for two years now. If I could turn back time I should have not picked up my phone to see her."

Natigilan ako sa sinabi niya. Sino 'yong babaeng 'yon? Ibig sabihin, balak niya sanang makipagkita sa babae bago siya maaksidente? Napalunok ako. Parang bigla akong nahirapang huminga. Tinignan ko siya habang nakatingin siya sa taas. Napangiti na lang ako bigla.

Ang lapit na niya sa 'kin pero ang hirap pa rin niyang abutin. Ilang taon ko na siyang gusto at tulad ngayon ay hindi ko pa rin mapigilan ang nararamdaman ko sa kaniya. Kaya ngayon sa pagbanggit niya lang ng linya na 'yon ay parang may sumakal sa puso ko. Iba pala kapag nakikita ko lang 'yong mga pictures niya kasama ang iba't-ibang mga babae sa social media at 'yong nanggaling mismo ngayon sa bibig niya na babae ang dapat sana niyang pupuntahan bago siya maaksidente.

Napailing ako. Nakakapanghina. Hindi talaga ako nag-e-exist sa mundo niya kahit nasa harapan na niya ako. Tumayo ako at hinaplos ko ang ulo ni Liam. Tinignan ko si Damon na biglang lumingon sa 'kin. Pinasadahan pa niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Nakasuot ako ng mint green dress na fit sa katawan ko.

"Mahirap din 'yong pinipilit mong ilagay 'yong sarili mo sa mundo ng isang taong hindi ka naman nakikita simula't-sapul, Damon. Goodnight, Liam," seryosong sabi ko at naglakad na ako papasok ng mansion.

Nang makatalikod na 'ko sa kaniya ay doon ko pinakawalan ang luhang gustong kumawala sa mga mata ko. Hindi ko pinansin ang pagtahol ni Liam kahit na gusto ko siyang lingunin at ngitian. Minsan ko na rin inisip noon na sana ay pareho kami ng mundo ni Damon para mapansin niya na rin ako.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status