Home / Romance / Destiny / Chapter 5

Share

Chapter 5

Kinabukasan ng umaga ay isang tawag ang tinanggap ng bagong gising na si Erica, na maghahanda na nga lang sana upang pumasok ng opisina. Si Teresa Concepcion ang nasa kabilang linya.

"Good morning Madam," aniyang nakatawa.

Kundi siya nagkakamali, alam niya na nakataas ang kilay ng nasa kabilang linya. Ngayon lang ulit niya tinawag sa ganong tawag si Teresa Concepcion.

"Loka, anong nakain mo at tinawag mo akong Madam? Erica, Teresa," pagtatama nito sa kausap.

"Napatawag ka.. ha? Teresa?" Tanong ni Erica.

"Oo e.. hihingi sana ng pabor," saad ni Teresa.

Natigilan ang nasa kabilang linya. Nahinuha niyang iyon ang pigil na tawa ni Erica.

"Nagpakalbo ka ba at nagpapatawa ka, ha, bruha?" Natatawang tanong ni Erica sa kausap.

"O, anong pabor ba?" Nakangiting dagdag niyang tanong.

"Para kay Elena.. gusto na yatang gumala ng dalaga ko," pigil na saad ni Teresa.

"At sasamahan ko? Paano ang trabaho ko?" Agarang tanong ni Erica.

"Ang trabaho ba ang nasa isip mo o ang sweldo mo na baka i-no work, no pay kita? Tuloy ang sweldo mo," tugon ni Teresa sa nag aalalang tinig ng kausap.

"Saan daw ang lakad?" Naitanong na lamang niya.

"Sa beach daw. Be here at nine. Dito sa bahay!" Iyon lang at ibinaba na ng nasa kabilang linya ang tawag.

Pigil naman ni Erica ang paghagikgik habang ibinababa niya ang hawak niyang damit. Alam niyang napikon niya si Teresa Concepcion. Alas nuwebe nang dumating si Erica sa bahay ng mga Concepcion.

"Kanina ka pa?" Usisa ni Elena na bagong labas ng kanyang silid.

"Hindi naman, kanina pa sana, kaso ay may inihulog pa akong sulat," saad niya.

"Hindi mo na sana dinala ang kotse mo?" Tanong pa ni Elena.

"Hindi na, nag-taksi na lang ako," tugon ni Erica sa tanong ni Elena.

"Good…ang L-300 van namin ang gagamitin natin papunta sa.. saan ba maganda ang beach?" Hindi siguradong tanong niya sa kausap.

"Lahat naman magaganda, eh.. pero don na tayo sa malapit lang," saad na lamang ni Erica.

Batangas, Beach Resort.

Dito nila naisip pumunta. Isa ito sa pinakamalapit na beach sa labas ng siyudad. Dalawa lang silang pumunta don.

Halinhinan sila sa pagmamaneho. Pero mas matagal ang pagmamanehong ginawa ni Elena na parang sabik ulit humawak ng manibela. Isang malaki at magarang cottage ang inokupa nila.

"Mukha yatang wala kang balak umuwi ngayong araw na ito?" Paniniyak na tanong ni Erica sa kasama. Kapapasok lang nila sa loob ng cottage.

"Wala nga at kung kailan ko maisipang umuwi, bahala na," sagot nito kay Erica.

"H-Ha? Aba paano ako? Ang trabaho ko?" Nag aalalang tanong niya kay Elena.

"Kung magtanong naman 'to, parang hindi amin 'yung pinapasukan n'ya," sambit ng nakangiting si Elena.

"Cool ka lang, ako ang kasama mo," dagdag niya pa.

"Ang iniisip ko lang, sino ang gagawa ng mga bagay na dapat kong gawin?" Ani Erica.

"Nabanggit mo na din 'yan, sino pa e 'di ang manager," ngiting saad niya.

"Hindi ba nakakahiya kay.." naputol na ang sinasabi niya ng biglang nagsalita si Elena.

"Hindi.. tungkol nga pala sa manager naming 'yon ha, may napupuna raw si Mommy don, eh," usisang tugon ni Elena.

"Napupunang ano..?" Naguguluhang tanong ni Erica.

"Tingin daw niya ay paupo-upo lang, na walang ginawa kundi pumirma lang nang pumirma. Pero ang totoo, ikaw itong kumakayod ng sana ay trabaho niya," mahabang paliwanag ni Elena.

Parang ganun nga. Iyon nga kasi ang nahahalata ni Erica sa manager na kanyang inaasistehan. Na sinasamantala nito ang kanyang kasipagan at kabaitan.

Kung ganoon nga, alam pala ni Teresa Concepcion na siya talaga ang masasabing parang nagpapatakbo dahil lubha pa nga niyang napakabata upang hawakan niya ang isang matatag na kumpanya.

Pero walang dapat ipag taka sa 'di naman dapat pagtakpan. Sa edad lang siya bata. Sapat ang kanyang katalinuhan at kakayahan upang mangasiwa ng maselang posisyon. Natatandaan pa nga niya ang sabi ni Teresa Concepcion, na edad lang niya ang bata, hindi ang kanyang isip na parang katulad ng isip ng ina ni Elena.

"E ano naman ang gagawin natin dito?" Tanong niya kay Elena.

"May tubig dito, e 'di maliligo. May cottage, e 'di matutulog.. at may makakain, kaya kakain," pilosopong tugon ni Elena sabay tawa.

"B-Buhay mayaman? Parang ganoon?" Nahihiyang tanong ni Erica.

"Isa iyan sa mangyayari sa buhay mo, lalo na at ako ang kasama mo," saglit pa at ibang Elena na ang kaharap ni Erica.

Hindi malaman ni Erica kung hanggang saan ba siya hahanga sa nakikita niyang kariktan ni Elena na nakasuot na ngayon ng two piece. Unang pagkakataon niya itong makita sa ganitong kaanyuan. Ibang-iba ito sa Elena kapag nakikita niya sa labas ng bahay ng mga Concepcion ay naka-sando lang ng hapit na laging nakaparagan sa isang hapit na kupasing maong. Animo'y Dyosa kung kaniyang tignan ang dalaga.

Kani-kanina ay pumasok ng isang silid si Elena na mistulang barumbadong tomboy ang hitsura. Pero lalabas pala ito ng silid na tila dyosa sa ganda.

"O, huwag mong sabihing maliligo kang naka palda at blouse?" Wika ni Elena sa kanya.

"Sige, magpalit ka na ng suot, mauuna na akong lumusong sa tubig," naiinip na sambit nito

"Sige kasunod mo na ako," tugon ni Erica.

Pero hindi basta tuminag si Erica.

Pinuna pa rin niya ang talikurang anggulo ng papaalis na dalaga. Kung ilang beses siyang nailing sa pag-iisip na napakapalad ng lalaking magmamay-ari kay Elena.

Kapagkuwan kumilos na si Erica. Nagbihis. Isang swimsuit na ngayon lang nila binili ni Elena. Kanina, bago sila pumunta sa lugar na ito ay dumaan muna sila sa isang department store at nagkanya kanya sila ng bili ng mga maisusuot. Suot na ni Erica ang swimsuit nang siya ay humarap sa isang salamin na malapit lang sa tabi ng kama. Napangiti si Erica sa pag-iisip na hindi siya pahuhuli ng kaseksihan. Hindi alangang kasama niya ito kahit saan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status