Share

Chapter 4

Bumalik ako sa labas at nadatnan ko silang nagtutupi pa rin ng mga table cloth. Sumulyap ako sa pintuan at nagkibit-balikat na lang sa nangyari.

"Nasaan ang mga estudyanteng volunteer?" Sabi ng isang matandang kasambahay. Maiksi ang buhok at napansin kong iba ang kulay ng kaniyang uniporme sa ibang kasambahay. Tingin ko ay mas mataas ang posisyon niya sa mga ito.

"Po? Bakit po?" Si Royd.

Lima kaming lahat na magkakasama. Kaming dalawa lang ni Trixi ang magkakaklase. Sina Brix ay kaeskwela lang namin. Wala si Gwy. Dinig ko ay may sakit ito.

"Magtipon kayo at may sasabihin ako sainyo. Ilan kayong lahat?" Untag ng kasambahay.

"Lima po kaming lahat. Pito po kami dapat pero iyong dalawa po hindi nakapunta," si Trixi.

"Ganoon ba? Gusto kong iparating sainyo na bawat Linggo na ang feeding program. Iyon ang bilin ni Donya Herenia. Hindi na katulad ng dati na isang beses lang sa isang buwan. Gusto ni Donya na ganoon ang mangyari. Kaya inaasahan namin kayong lahat, ah. Ayos ba iyon?"

Tumango ang mga kasamahan ko. Maging ako man ay sumang-ayon. Ibig sabihin, mas madalas na feeding program, mas madalas din ang pasahod. Malaki ang tatlong libo para sa isang araw lang. Isipin pa na linggo-linggo iyon. Hindi ko ito palalagpasin.

"Ayos na ayos po! Salamat po!" Tuwang-tuwa si Brix. Mukhang iisa lang ang iniisip namin.

"Sige. Maiwan ko na kayo. Ihahatid na kayo mayamaya ng van. Hintayin niyo lang."

Nagrereklamo na si Trixi dahil sa tagal ng van. Kalahating oras na yata ang lumipas pero wala pa rin ang inaasahang maghahatid sa amin.

"Tagal, ah. Ano na, 'te? Tapos wala man niyan maghahatid!"

"Lagi naman tayong hinahatid, ah. Maghintay ka. Arte neto," singhal ni Brix kay Trixi.

Ilang minuto pa ang nagdaan nang may isang kasambahay ang lumapit sa amin.

"Hindi raw kayo maihahatid ng van. Pero kotse ni Sir Hayes ang gagamitin. Tsaka siya mismo ang maghahatid sainyo. Teka lang, ah," aniya.

Kumunot ang noo ko nang nilingon ako ni Trixi, nanlalaki ang mga mata niya at sapo ang kaniyang bibig.

"Ganoon po ba? Sige po. Kayo pong bahala."

Nang umalis ang kasambahay ay hinampas ako sa braso ni Trixi. Napangiwi ako.

"Tangina! Narinig mo? Ihahatid tayo ni Sir Hayes! Jusko! Teka lang! Teka lang!" Balos tumili siya sa kinatatayuan niya. Pinanood ko siyang magkandaugaga sakaniyang bag. Halos paliguan niya ang sarili ng perfume. Naglagay ng mas makapal na lipstick.

"Okay ba? Uy! Okay ba? Marwa! Okay ba?" Aniya nang matapos.

Tumango-tango ako at humalukipkip. "Maganda ka na."

"Ih! Ikaw kase maganda ka na kahit walang ayos. Hay!" Ngumuso siya.

Kinunotan ko siya ng noo. Pinili ko na lamang manahimik habang siya ay patuloy akong sinusuri.

"Kailan kaya hahaba itong buhok ko? Bakit parang hindi humahaba? Pansin mo ba? Yung sa 'yo ilang years bago humaba ng ganiyan?" Tila isang interesanteng bagay para sakaniya ang buhok ko sa paraan ng pagkakahawak niya rito.

"Two years."

"Sige! Hindi na talaga ako magpapagupit. Tapos magpapakulay ako ng brown." Tumawa siya.

Ilang sandali pa nang may natanaw kaming paparating na itim na SUV. Pinanood ko ang pagtigil nito sa harapan namin. Bumaba ang bintana at bumungad sa amin si Sir Hayes.

Nag-iwas ako ng tingin nang magtama ang mga mata namin.

"Sumakay na kayo." Iyon lang ang sinabi niya bago binuksan ni Royd ang pintuan ng kotse.

Si Trixi ay mabilis na binuksan ang upuan sa harapan at doon naupo.

"Sakay na, Marwa," si Royd.

Tahimik lang ang lahat sa loob. Maging si Trixi ay nananahimik lang sa harapan. Ako ay nasa gitna nina Royd at Brix.

"Sa sakayan lang po kami, Sir Hayes," si Brix.

"Ihahatid ko na kayo sa mga bahay niyo. May kasama kayong mga babae." Marahan ang kaniyang boses.

"Nakakahiya, Sir Hayes. Kaya na po namin. Kami na po maghahatid sakanila. Abala lang po sainyo," tanggi ni Royd.

Sa tingin ko rin ay isang malaking abala para sakaniya ang ihatid kami. Hindi naman niya trabaho ito tulad ng ginagawa ng driver ng van na naghahatid sa mismong mga bahay namin. Lalo pa't siya ang amo.

"Hindi ko kayo ihahatid kung sa una pa lang ay nakakaabala kayo."

Hindi na sila nakaalma pa. Si Brix at Royd ang unang hinatid dahil iisa lang sila ng lugar at iyon ang unang madadaanan. Sa kanto na lang sila hinatid dahil masikip ang daan doon sabi ni Royd. Pagkatapos ay si Trixi at ang isa pang kasama ang hinatid.

"Bye, Sir Hayes! Salamat po. Marwa!" Kumaway siya bago isara ang pintuan pagkababa. Ako ang huling hinatid dahil ang condo ko ay ang pinakahuling madadaanan.

Kumakabog ang dibdib ko sa bawat segundong dumadaan. Ang malumanay na kanta ang tanging nagbibigay ng ingay sa loob ng sasakyan. Tinatanaw ko lang ang mga nadadaanang establisyemento at mga puno mula sa bintana.

Si Brix ang nagsabi sakaniya kung saan ako ihahatid. Mukhang alam niya naman ang daan patungo roon. Hindi na siya nagtanong pa.

"You live in a condo?" Untag niya nang matanaw ang gusali. Nahimigan ko ang pagtataka roon.

"Regalo sa akin ng ama ko," tanging naging sagot ko.

Hindi niya na dinugtungan pa iyon. Pumarada ang kaniyang kotse sa may parking.

"Maraming salamat," mahina kong isinatinig at kinuha ang aking bag sa tabi.

Hinawi ko ang buhok ko bago binuksan ang pintuan. Diretso ang lakad ko papasok hanggang makasakay sa elevator. Hindi ko na nilingon pa kung umalis na ang sasakyan niya.

Naging abala ako sa eskwelahan sa mga sumunod na araw. Kahit pa na isang buwan na lang bago ang katapusan ng klase ay marami pa ring ginagawa. Dahil maraming kailangang ipasang requirements sa takdang panahon, kailangan ko iyon asikasuhin. Lalo pa't graduating student kami.

"Mom wants to have dinner with you again. Sabi ko sa Linggo. Free ka naman niyon, 'di ba?" Si Neal habang binabagtas namin ang daan patungo sa condo. Sinundo niya ako galing sa eskwelahan.

Kumunot ang noo ko nang nilingon siya.

"Nasa feeding program ako niyon ni Donya Herenia. Hindi ba alam mo naman iyon?"

"Yeah. But you can cancel it, right?" Aniya na para bang walang halaga 'yon.

Suminghap ako. I can't believe him.

Ganito ba talaga ang mga mayayaman? Akala nila lahat ng gusto nilang mangyari, mangyayari.

"Hindi ko iyon pwedeng i-cancel lang nang basta-basta, Neal. Trabaho ko iyon. Kailangan kong kumita."

"You're saying na hindi ka makakapunta sa dinner? You want my mom to be disappointed in you then?"

Umawang ang mga labi ko at natulala na lamang sakaniya. Nagbibiro ba siya? Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman sa narinig. Mairita? Matawa? Pinipilit niya talaga ang kaniya!

"Neal, sa ibang araw na lang. Basta huwag Linggo." Umiling ako at lumingon na lang sa bintana. Hindi ko na siya tinignan pa.

"Ayaw mo lang. You're just making it as an excuse. Pwede mo naman iyon i-cancel. Kung ayaw mo, you can say it, Marwa," aniya na mas lalong nagpairita sa akin.

Napapikit ako nang mariin.

"Neal, pwede ba. Napaka-immature mo naman," iritado kong sinabi at sinikap na huwag nang dugtungan pa at baka kung saan pa mapunta ang walang kwentang usapan na ito.

Hindi na rin naman siya nagsalita pa hanggang sa makarating kami sa building.

Walang kibo ko siyang nilisan pagkaparada niya sa tapat ng gusali. Narinig ko ang pagbukas ng pintuan hudyat na sumunod siya sa akin.

"Marwa! Hey! Wait up." Dinig kong sinabi niya ngunit hindi ako lumingon. Umikot ang mga mata ko. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa maramdaman kong may humablot sa braso ko. Matalim kong tinignan ang kamay niyang nakahawak sa akin. Agad niya iyon binitawan at umiling.

"I'm sorry. Huwag ka nang magalit. Ayokong nagagalit ka sa’kin." Kita ko sa mga mata niya ang lungkot.

Naantig ako sa sinabi niya ngunit medyo matalim pa rin ang tingin ko.

"Neal, nagiging immature ka. Na naman," paratang ko. "Ayaw ko lang ng ganoong ugali mo, Neal. Umuwi ka na," huli kong sinabi bago tuluyang umalis.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status