Share

Chapter 3

The following days after my birthday just went fine. Kagaya nang dati ay sa tuwing sabado at linggo na ako pinapasyalan nina Drake at Dmitri. Minsan naman kahit pa weekdays ay pinapasyalan ako ni Dmitri bago siya umuwi sa kanila na siya namang nakakatuwa.

            Sa tuwing hindi naman siya makakapunta ay nagvi-video call kami tuwing gabi. Iyon ang naging takbo ng buhay ko. Pagkalipas din ng ilang araw ay nagpaalam ako ng maayos kay Mother Myrna na maghahanap ako ng part time job para pantulong na rin sa pag-aaral ko.

            Noong una ay nagdadalawang isip siya kung papayagan niya ako, baka raw kasi maapektuhan lang ang pag-aaral ko at mawala sa focus, pero sinabi ko na hindi naman ako papaya na mangyari iyon kaya pumayag na rin siya sa huli. Pinaalalahanan pa niya ako na kapag sa tingin ko raw ay nahihirapan na ako ay mag-resign na ako agad.

            Hindi rin naman na ako nag-aksaya pa ng panahon na maghanap nga ng trabaho, at nakakatuwa na natanggap ako sa isang coffee shop.

            Today is just a normal day. I just got out of the university. Kung tutuusin ay may isang oras pa ako bago ang shift ko sa coffee shop pero nagpasya na ako magpunta na agad sa trabaho siya rin naman na wala na akong ibang gagawin.

            “Ba’t ang aga mo?” tanong ni Ate Gigi nang makita ako, si Ate Gigi ay ang anak ng may-ari ng coffee shop.

            Marami pang ibang business ang mga magulang niya kaya siya ang namamahala nitong coffee shop nila ngayon. Tapos na rin naman siya sa kursong Business Management, ang sobrang bait niya sa akin.

            “Kalalabas ko lang sa university, Ate. Wala na rin naman po akong gagawin. Kaya kesa umuwi pa sa ampunan, mapapalayo lang ako ay dumiretso na ako rito,” sagot ko naman, ngumiti siya sa akin at marahang tumango.

            “Puwede mo ba muna akong tulungan dito? Paki-serve lang sa table number three sa taas. Medyo marami kasing orders, eh,” saad niya, mabilis naman akong tumango.

            “Sige po, Ate,” sagot ko.

            Kinuha ko na ang isang tray na may dalawang kape tapos ay naglakad na papunta sa ikalawang palapag ng coffee shop. Nang nasa taas na ako ay agad ko namang nakita ang table number three, medyo nagulat pa nga ako nang makita si Dmitri na nakaupo roon, may kasama pa siyang isang magandang babae na purong kulay puti ang suot na uniporme. Indikasyon na nag-aaral iyon sa kursong nursing.

            “Uhm, here’s your coffee, Ma’am and Sir,” marahan ang boses na saad ko.

            Napalingon sa akin si Dmitri at halatang nagulat. Ngumiti naman ako sa kanya agad dahil doon.

            “Ali,” banggit niya sa pangalan ko.

            “Dim,” ang pagbanggit ko rin naman sa pangalan niya.

            “What are you doing here? Bakit ikaw ang nagse-serve? Dito ang part time job mo?” sunod sunod na tanong niya kaya mahina akong natawa.

            “Oo, Dim. Bakit hindi mo kasama si Drake?” sagot at tanong ko rin naman.

            “He’s on a vacation with his friends,” sagot naman niya tapos ay lumingon sa babaeng kasama niya. “Love, si Alison nga pala, kaibigan namin ni Drake,” pagpapakilala niya.

            Medyo nagulat pa ako dahil doon. Did he just call her ‘Love’? Ibig sabihin may girlfriend na siya? Hindi ko maintindihan kung bakit pero medyo may kurot sa puso ko dahil doon.

            “Uy, may girlfriend ka na pala ngayon mo lang ipinakilala sa akin,” saad ko, tapos ay pilit pa akong ngumiti sa kanya.

            Nagkatinginan naman sila nung babae at sabay na natawa. Napanguso ako kasi hindi ko alam kung bakit.

            “She’s not my girlfriend, Ali,” sagot naman niya. “Well, not yet. Her name is Love,” dagdag pa niya kaya napatango ako.

            “Not yet? Doon na rin papunta iyon,” sagot ko naman tapos ay ngumiti sa babae. “Hello, Love. Nice to meet you,” dagdag ko pa.

            “Yeah, nice to meet you, too,” sagot naman niya. “Puwede bang iwan mo na kami? May pinag-uusapan kasi kami, eh. Kung puwede lang naman,” dagdag pa niya na bahagyang ikinagulat ko, pero ngumiti na lang ako ulit at tumango.

            “S-Sige po, Ma’am. Tawagin niyo na lang po ako kapag may kailangan pa kayo,” sagot ko tapos ay tumingin kay Dmitri. “Excuse me,” nakangiting dagdag ko pa.

            Kinuha ko na ulit ang tray at naglakad na pababa. Nang makabalik na ako sa counter ay bahagya akong sumimangot dahil sa nangyari. Hindi ko maintindihan pero nakakairita na paalisin niya ako agad doon.

            “Ang arte, hindi naman maganda,” bulong ko pa.

            “Sinong kaaway mo?” napalingon ako kay Ate Gigi at ngumisi.

            “Iyong babae sa table number three, kasama niya iyong kaibigan ko. Nag-uusap pa kami pinaalis na ako,” pabulong na saad ko kaya mahina siyang natawa.

            “Nagseselos ka?” may halong pang-aasar na tanong niya kaya mabilis akong napalingon sa kanya.

            “Luh, tsismis ka, Ate. Hindi ’no!” depensa ko naman kaya ngumisi na lang siya at nagkibit ng balikat.

            “Mag-apron ka na, tapos tuloy ka sa kusina para makag-mirienda ka muna tutal mamaya pa naman ang shift mo. May pizza pa ro’n,” saad niya kaya napangiti ulit ako.

            “Sige po, Ate,” sagot ko.

            Naglakad na ako papunta sa kusina tapos ay dumiretso muna sa isa pang silid na naroon. Sa loob kasi ng silid na iyon ay ang locker ko, nang maisuot ko na ang apron na nagsisilbing uniporme ko sa coffee shop ay lumabas ako ulit para kumain ng pizza gaya ng sinabi ni Are Gigi.

            Sa totoo lang kasi ay hindi pa ako kumakain ng tanghalian. May pera naman ako, pero hindi ko talaga ugali na kumain kapag hindi ako gutom.

            “Ali,” habang kumakain ay napalingon ako sa pinto nang sumilip doon si Ate Gigi. “Tumawag pala sa akin si Roy kanina, hindi raw siya makakapasok. Ako naman ay may kailangang asikasuhin kaya kailangan ko nang umalis ng alas cinco. Kaya mo bang mag-isa rito?” tanong pa niya.

            Si Roy ay ang katrabaho ko. Matagal na siya rito, at sobrang dalang lang kung mag-absent kaya alam ko na importante ang dahilan kung bakit hindi siya nakapasok ngayon.

            “Opo, Ate, okay lang,” nakangiting sagot ko naman.

            “Isara mo na siguro ang coffee shop ng alas otso ng gabi. Okay na iyon,” saad pa niya kaya ngumiti ako at tumango.

            Normally, alas diez namin isinasara ang coffee shop. Malamang dahil nga wala akong kasama sa shift ko kaya maaga niya pinapasara ngayon.

            Pagkatapos naman no’n ay bumalik na si Ate sa counter. Ako naman ay kumain na ulit. Hindi pa nga ako tapos kumain nang sumilip na naman sa pinto si Ate Gigi.

            “Ali, may naghahanap sa ’yo,” saad niya kaya napangiwi ako.

            “Opo, lalabas na,” sagot ko tapos ay nagmamadali kong inubos ang isang slice ng pizza na hawak ko.

            Humila rin ako ng isang bottled water bago lumabas sa counter na puno pa ang laman ng bibig. Nakita ko si Dmitri na nakaupo sa counter at natawa pa nang makita ako.

            “Mukhang gutom na gutom ka, ah?” natatawang saad niya.

            Pinilit ko namang lunukin ang laman ng bibig ko tapos ay uminom ng tubig.

            “Nasaan na iyong kasama mo?” tanong ko naman.

            “Umalis na,” sagot niya.

            “Hala ka, bakit hindi mo hinatid? Bawas pogi points iyan! Paano ka niya sasagutin niyan?” tanong ko pa.

            “It’s okay,” sagot niya. “Kailan ka pa nagtatrabaho rito?” tanong pa niya.

            “Magdadalawang linggo pa lang,” sagot ko tapos ay ngumiti ako kay Ate Gigi. “Si Ate Gigi nga pala, siya ang may-ari ng coffee shop. May isa pa akong katrabaho, si Roy, pero hindi ata makakapasok ngayon,” dagdag ko pa.

            “Bakit hindi mo sinabi sa amin ni Drake?” tanong pa niya kaya napangiwi ako.

            “Duh, sinabi ko kaya. Nag-chat ako sa inyo, pero hindi naman kayo nagre-reply. Kasalanan ko pa na inuuna niyong dalawa ang pambababae?” sagot ko kaya mahinang natawa si Ate Gigi.

            “Ang cute niyong dalawa, para kayong mag-jowa,” saad niya kaya napangiwi ako.

            “Iyong babaeng kasama niya kanina, Ate, iyon ang magiging jowa niya,” sagot ko naman tapos ay tumingin kay Dmitri. “Pero, Dim, seryoso. Payong kaibigan lang, ah? Huwag mo na ligawan iyon. Kita mo kanina pinaalis ako agad kahit na nag-uusap pa tayo? Naku, kapag kayo na mas lalong magiging clingy at possessive iyon,” mahabang saad ko pa.

            “Nagseselos ka ba?” nakangising tanong niya kaya mas lalo akong napangiwi.

            “Hindi ’no! Bahala ka nga sa buhay mo. Basta huwag mong sabihin na hindi kita binalaan,” sagot ko naman. “Saan nga pala nagbakasyon si Drake?” tanong ko pa.

            “Somewhere around in Pangasinan,”

            “Eh, bakit hindi ka sumama?” tanong ko naman.

            “I just don’t feel like it. Dinala nga rin pala niya ang sasakyan, kaya wala akong ginagamit,” sagot niya kaya mahina akong natawa.

            “Alam mo, ikaw, sobrang bait mo. Ini-spoil mo na lang lagi ang kakambal mo.” Nagkibit siya ng balikat sa sinabi ko.

            “It is what it is,” sagot niya. “Oo nga pala, anong oras matatapos ang shift mo?” tanong pa niya.

            “Dapat mamayang alas diez pa, pero dahil wala akong kasama pinapasara na ni Ate ng alas otso itong coffee shop,” sagot ko naman.

            “Hindi ba puwede na umaga na lang ang shift mo? Sobrang delikado umuwi mag-isa ngayon. Babae ka pa naman,” saad niya.

            “Umaga kasi ang pasok ko. Atsaka okay naman ako sa ganitong schedule,” sagot ko ulit.

            “Mamayang alas siete babalik ako rito para maihatid kita,” saad ulit niya.

            “Uy, hindi na. Maaabala pa kita. Atsaka hindi ba sinabi mo ginamit ni Drake ang sasakyan niyo?”

            “Papahatid na lang ako sa driver ni Dad, nasa bahay na rin naman iyon ng alas siete. Atsaka gusto ka raw ma-meet ni Mom. Doon na tayo mag-dinner. Ako na ang magpapaalam kay Nanay,” mahabang sagot naman niya.

            Malawak akong napangiti dahil doon. Sa tagal na panahong naging kaibigan ko sila ay hindi pa ako ni minsan nakakapunta sa bahay nila. Hindi ko pa rin nakikilala ang mga magulang nila. Nakita ko lang sila noong inampon nila sina Drake at Dmitri, pero hindi ko naman sila nakausap.

            Atsaka sobrang tagal na no’n, ni hindi ko na nga maalala ang mukha nila, eh.

            “Pero hindi ba nakakahiya?” may halong pag-aalangan na tanong ko.

            “Wala ka naman no’n,” sagot niya kaya malakas na natawa si Ate Gigi.

            “Ang kapal ng mukha mo!” singhal ko sa kanya na idinaan lang din niya sa tawa.

            “Basta susunduin kita mamaya. Matagal ka na nilang gustong ma-meet. Lagi ka kasi naming nakukuwento ni Drake sa kanila. Iyon nga lang nawawala lagi sa isip namin,” sagot ulit niya.

            “Ikaw ang bahala,” sagot ko. “Sige na, umalis ka na! Magtatrabaho pa ako rito tapos istorbo ka,” may halong pagbibiro na dagdag ko pa.

            “Hala, irereklamo kita sa may-ari. O-order pa ako, eh,” saad niya tapos tumingin kay Ate Gigi. “Ate, oh? Iyong empleyado niyo pinapaalis na ako kahit o-order pa ako,” pagsusumbong niya kaya napasimangot ko, natawa na lang ulit si Ate Gigi dahil doon.

            “Ewan ko sa inyo,” natatawang saad na lang niya.

            “Um-order ka na kasi, kesa dumadaldal ka riyan,” sagot ko naman.

            “Pinapaalis mo ako kunware, pero ang totoo niyan gustong gusto mo naman akong nakikita,” may halong pang-aasar na saad niya, tapos ay ngumisi pa siya.

            “Asa ka, hindi ka naman guwapo,” kunware ay sagot ko.

            Kahit pa ang totoo ay tama siya. Alam ko na iba ang nararamdaman ko sa kanya. Hindi na nakakapagtaka na may konting kirot sa dibdib ko kaninang inakala ko na girlfriend na niya ang babaeng kasama niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status