Share

Chapter 3

NAKATAKIP ang kamay ni Rey Jhon sa sariling bibig lalo na kapag dumadaan ang mga tricycle sa harapan niya. Ganitong-ganito palagi ang eksena tuwing nasa kalye siya. Kaya hindi niya nakakalimutan na magdala ng panyo, ayaw niyang ang mga alikabok sa daan ang maging first kiss niya. Gusto niyang si Carlo ang unang makakuha ng kaniyang first kiss kaya dapat naka-reserve ang kaniyang beautiful lips.

Wala sa oras siyang napabuntonghininga at pinagmasdan ang maalikabok na kalsada. Nagiging niyebe ang mga alikabok na palipad-lipad at dumadapo sa suot niyang uniporme tuwing dumadaan ang mga sasakyan. Kung hindi lang siya stress ngayon, baka kumuha na siya ng bato at itinapon na niya sa mga tricycle driver na parang hindi siya nakita sa gilid ng kalsada kung makapag-drive. Parang first time makapag-drive ng tricycle, feel na feel eh.

Mukhang bukas o sa susunod na araw ay magkakaroon na naman ng boarders ang kaniyang mukha. Hindi pa naman sapat na dalawang pares lang ng tigyawat ang tutubo sa mukha niya, gusto kasi ng isang buong baranggay. Kumpletong-kumpleto. Anak nang anak. May mapagkaaabahalan na naman siya nito, ang magbilang kung ilang Mount Everest ang tumubo sa mukha niya.

Pasado alas nueve na ng umaga nang pumasok siya sa unibersidad. Hindi na kasiya ang kaniyang bitbit na pera kaya minabuti na lang niyang lakarin ang ilang kilometro para lang makarating siya sa dapat niyang puntahan.

Daig pa kasi niya ang na-hold up pagkatapos niyang umalis ng bahay. Kinuha lahat ng kaniyang kapatid ang natira niyang pera. Kahit isang barya na nahulog mula sa kaniyang bulsa ay hindi pinatawad ng kaniyang kapatid. Wala na lang siyang imik dahil bigas naman ang patutunguhan no’n.

Tanging ang checke lang ang kaniyang dala, hindi pa niya alam kung anong dapat gawin do’n. Ang checke na nagpapatunay na hindi panaginip ang lahat. Pero kahit anong isip ang gawin niya, nalilito pa rin siya sa dapat niyang gawin. Kung ibabalik ba niya sa Don ang pera o gagamitin niya.

Iniisip palang kasi na palagi niyang makakasama ang Senyorita na ‘yon ay umiinit na naman ang dugo niyang kulay pink. Umiinit at kumukulo pa ang kaniyang dugo. Hindi niya kasi kayang burahin sa alaala ang lahat ng ginawa ng babae na ‘yon.

Mayaman naman kasi sana pero bakit pati kakarampot na pera niya ay kinuha pa talaga.

“Hoy, Jhon!”

Nahagip ng kaniyang mata ang kaklase niya na tatawid pa lang ng kalsada. Kumaway pa ito sa kaniya at matamis na ngumiti.

“Dala mo ba ang pinagawa ko sa’yo? Ipapasa ko na kasi ‘yon eh. Malaki na siguro ang minus no’n,” tanong nito sa kaniya nang makalapit.

Ang narrative report nito ang tinutukoy ng kaniyang kaklase. Nagpagawa kasi ito sa kaniya kahapon ng narrative report na hindi nito napasa noong kinolekta na ng kanilang instructor kaya lumapit ito sa kaniya para magpagawa. Pero dahil masarap ang abs nito ay hindi na siya nag-inarte pa. Inabot niya ang bayad nito at pumayag na gawan niya ng narrative report.

Siya talaga ang nilalapitan ng mga kaklase niya kapag gipit na gipit na ang mga ito sa oras. Tila ba ang dami niyang oras para may panahon pa siyang gawin ang mga paper works ng iba. Pero kapag usapang pera na, hindi na niya alam kung paano tumanggi. Hindi naman niya kayang itago na kailangan niya talaga ng pera.

Inakbayan pa siya ng kaklase kaya bigla na namang tumayo ang buntot niya at pa-wave-wave pa iyon. Kulang na lang ay kumanta siya ng Ako’y Isang Serena. Pumasok na naman kasi sa ilong niya ang pabango na gamit nito. Bakit ba kasi ang guwapo nito at ang bango pa? Hindi niya tuloy alam kung paano itago ang excitement niya.

“Makakalimutan ko ba? Payment first ka nga eh.” Humalakhak siya at kinuha sa bag ang flash drive. “Naka-save na sa flash drive ang docs mo, Harold. Same name pa rin.”

“Very good!” Nag-thumbs up pa ito bago siya iniwan.

Palaging ganito na lang talaga ang takbo ng buhay niya. Pagkatapos makuha ng tao ang mga gusto nito sa kaniya ay iniiwan na siya. Pinagmasdan na lang niya ang papalayong pigura nito hanggang sa matabunan na ng mga estudyante at hindi na naabot ng kaniyang paningin.

Hahakbang na sana siya upang sumunod kay Harold nang biglang nag-ring ang kaniyang cellphone. Kinuha niya ang aparato upang sagutin ang tawag. Numero lang ang nakalagay sa caller info pero sinagot pa rin niya iyon.

“Hello? Good morning.”

“Good morning, Rey Jhon. It’s me, Don Franco. Kailan ka magsisimula?”

*****

PINAGMASDAN ni Rey Jhon ang bawat lakad ni Gabriella na lumabas ng malaking pinto ng bahay. Bawat paglakad nito ay tila isang modelo na may inirarampang bagong gawa na damit. Kapansin-pansin talaga ang kaputian nito na para bang kalahi ni Snow White. Mas lalong kuminang ang kutis ng dalagita nang tumapat ito sa pinto na kulay brown.

Hindi man lang ito ngumiti nang kunin sa katulong ang bag na dadalhin nito kaya hindi niya naiwasan ang pagtaas ng kaniyang kilay. Halata talagang mayaman kung pagbabasehan ang ugali ng babae na ‘to. Ang sama talaga ng ugali, walang mapaglagyan.

M*****a, aniya sa isip at pinilit na huwag itaas ang isang sulok ng kaniyang labi.

Paano niya kaya pakitutunguhan ang babae na ‘to? Ito pa naman ang babae na ex-girlfriend ng crush niya. Hindi nga siya sigurado kung hiwalay na ba talaga ang dalawa o nag-a-acting lang si Carlo. Dumalo pa nga ang babae sa birthday party ng crush niya. Mukhang may relasiyon pa talaga ang dalawa.

Nang madaanan siya ni Gabriella ay wala sa sariling napayuko na lang siya. Hindi niya alam kung bakit siya yumuko, wala naman siya sa teritoryo ng mga Koreano. Hindi yata siya napansin ni Gabriella pero nang ilang sandali lang ay huminto ito sa paglakad at muli siyang nilingon.

Sinulyapan niya ito at nakita ang nakataas nitong kilay. Alam niyang nagtataka ito ngayon kung bakit siya nandito. Kahit nga siya ay nagtataka kung bakit siya narito. Siguro kailangan lang talaga niya ng pera.

Tama, ‘yon lang ang dahilan! Kailangan niya ng pera. Gipit na gipit siya ngayon.

“Who are you? Ikaw ba ang bagong driver ko?” tanong nito sa kaniya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa at muling ibinalik ang tingin sa kaniyang mukha.

Ay wow! Siya? Driver? Sa ganda niyang 'to?

Kating-kati ang mga kamay niya na sabunutan ito. Kung sana hindi lang nito teritoryo ang bahay na ‘to ay baka kanina pa niya hinila ang buhok nitong alagang rebond at ginawa na niyang mop. Wala siyang paki kahit pa dolyares ang halaga ng ginamit nitong shampoo. Mas maganda pa nga siguro ang buhok niya kung ikukumpara sa buhok ng babae. Natural na natural at walang halong chemical.

Nahuli niya ang pag-ikot ng mata nito at pumasok sa sasakyan pero agad din naman siyang sinulyapan.

“I don't like you,” anito at may itinapong papel sa puwesto niya. “You may leave now. Ako na ang bahala na magsabi kay Daddy. This will be your first and last day. Thank you for your service.”

Napanganga na lang siya sa sinabi ng babae. At talagang hindi man lang nito hinintay na sabihing hindi siya driver nito. Parang normal lang dito ang ginawa nitong pagpapaalis sa kaniya. Hindi siya sigurado pero parang gawain na talaga nito iyon. Tamang-tama pala talaga ang sinabi niya kay Carlo noon na ang sama ng ugali ng babae na ‘to. Kaya tama lang pala talaga na maghiwalay ang dalawa. Hindi siya papayag na sa babaing ‘to mapupunta ang crush niya.

Okay lang siguro kung mabait ‘to, baka sakaling matanggap pa niya. Baka nga hindi na puputok ang butse niya kung hindi man maghiwalay ang dalawa pero base sa ipinakita nito sa kaniyang ugali ngayon ay siya na mismo ang gagawa ng paraan para lang hindi magtagpo ang landas ng dalawa.

Umigting ang panga niya nang pinulot ang papel na nahulog mismo sa kaniyang paanan. Nakita niya ang simbolo ng papel, pera ang tinapon nito sa kaniya. Hindi na siya nag-abalang bilangin pa iyon. Mabibigat ang kaniyang paglakad na sinundan ang papalayong kotse na lulan ang anak ng Don.

“Hoy!” sigaw niya nang maabutan ang kotse sa gate at hinampas pa niya ang bintana kung saan nakaupo ang demonyita. “Hindi ko kailangan ang pera mo!”

Dahan-dahan na bumukas ang bintana at matalim na tiningnan siya ni Gabriella. Mas umigting ang kaniyang panga nang makitang parang wala lang talaga rito ang ginawa nito sa kaniya.

Kitang-kita niya kung paano nito hawakan ang suot na eyeglass at binigyan siya ng tingin. Nginuya pa nito ng isang beses ang kinagat nitong bubble gum bago nagsalita.

“Kulang pa ba ang binigay ko sa’yo?” tanong nito at itinaas ang isang sulok ng labi. “Magkano ba ang kailangan mo? I don’t have time to talk you now.”

“Hindi ko nga kailangan ang pera mo!”

Walang emosiyon itong nakatingin sa kaniya. Hindi gumalaw ang kilay nito na siyang inaasahan niya.

Dapat lang din naman. Dapat siya ang magalit dahil mababa ang tingin nito sa kaniya. Napagkamalan pa talaga siyang driver nito. Ang ganda naman yata niya para maging driver.

“I guess,” anito at umiwas ng tingin sa kaniya at muling sinuot ang eyeglass na sa tingin niya ay wala namang grado. “Malaki siguro ang binigay ng Don sa’yo. It’s up to you kung anong gagawin mo sa pera.”

Napanganga na lang siya nang sinara na nito ang bintana kasabay ng pagdaloy ng mga tanong niya. Hindi siya makapaniwala sa mga sinabi nito. Para lang itong nagtapon ng bagay na hindi nito kailangan. Parang wala lang dito ang pera na tinapon nito sa kaniya.

Iba talaga kapag maraming pera.

Ang pag-atras na lang ang kaniyang nagawa nang dumaan ang kotse kung saan lulan ang senyorita. Nang hindi na abot ng kaniyang pandinig ang ingay ng kotse ay saka pa bumaba ang tingin niya upang tingnan ang pera na hawak niya.

Dapat ba siyang magpasalamat dahil napagkamalan siya nitong bagong driver o dapat siyang masaktan dahil gano’n lang ang pagtingin nito sa kaniya?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status