Share

Chapter 4

PADABOG na isinara ni Rey Jhon ang pinto ng comfort room habang pinipilit ang sarili na hindi pumasok sa ilong niya ang amoy na parang hahalungkayin ang kasulok-sulokan ng sistema niya. Nanununtok talaga ang amoy na pilit pumapasok sa ilong niya. Inipit niya ang ilong habang kinukuha niya ang alcohol na nasa loob ng bag niya at ini-spray iyon sa loob ng CR. Mas gugustuhin na lang niyang maubos ang alcohol kaysa amuyin ang nakakasukang amoy sa CR.

Mabuti na lang talaga at hindi siya na-late sa klase niya ngayon. Akala niya talaga kanina habang lulan siya ng tricycle ay hindi na siya makakahabol sa first class niya. Pero kung sakaling hindi siya nakahabol, handang-handa siyang bumili ng barbie doll at kukulamin niya talaga ang senyoritang ‘yon. Kahit siguro asong kalye, hindi kayang kainin ang ugali nitong daig pa ang kasamaan ng first lady ni Satanas.

Pagkatapos ng klase niya ay dumiretso siya sa CR. Nag-iinit pa rin ang ulo niya kapag naalala ang pera na tinapon ni Gabriella. Hindi mabura sa utak niya ang pagtapon nito na para bang pulubi siya. Iba talaga kapag mayaman, eh. Bakit ba kasi kung sino pang mayaman, iyon pa ang masasama ang ugali.

“Buwesit!” aniya at padabog na binuksan ang gripo. “Kukulamin na talaga kitang demoyita ka! Bibili talaga ako ng barbie doll mamaya at tutusukin ko nang tutusukin ang mukha mo para magka-pimples ka! Buwesit!”

Dumagsa ang tubig sa kaniyang kamay at hinarap niya ang salamin. Habol niya ang kaniyang hininga at pilit na pinapakalma ang sarili. Siguro gano’n talaga, gano’n talaga ang mga mayayaman. Sabagay, anak ng Don ‘yon. Ano bang laban niya? Isa lang naman siyang hamak na pilit inaabot ang mga bagay na hindi niya talaga kayang abutin.

Kung patalinuhan lang ang labanan, baka siya na mismo ang dadayo. Talino lang naman talaga ang ambag niya sa mundong 'to. Sisipain pa niya sa mukha ang Gabriella na ‘yon para ipakitang kahit mahirap siya ay mas matalino siya rito.

At mas maganda siya.

Tama. Maputi lang naman si Gabriella at mayaman. Pero kung hindi ‘yon maganda at mayaman? Wala naman ‘yong ibubuga. Walang-wala iyon sa kaniya.

Biglang bumukas ang pinto ng CR at iniluwa ang isang estudyante na nakapalda. Nalaglag ang panga niya nang makita niya ang babae na gulat ding nakatingin sa kaniya. Hilaw itong umatras at may tiningnan sa itaas pero agad din namang tiningnan siya pabalik.

Napalunok siya ng laway. Nasa maling CR ba siya?

May bumukas ulit na pinto sa likuran niya at nakita niyang lumabas ang kapatid niyang babae. Mas grabe na gulat pa ang nakita niya sa mukha nito pero agad din namang nawala at nilapitan siya.

“Kuya,” tawag nito sa kaniya at hinawakan ang kaniyang braso. “Diba sabi ko maghintay ka na lang sa labas? Nasaan na ‘yong napkin na pinabili ko sa’yo?”

Nasa maling CR nga siya. Buwiset talaga ang Gabriella na ‘yon! Kung ano-anong kamalasan na lang ang nakukuha niya sa araw na ‘to.

Hindi na niya nasundan ang mga sumunod na nangyari. Ang naalala lang niya ay ang paghila sa kaniya ni Y'da Mae palabas sa CR ng mga babae. Hila-hila siya nito palabas sa building na ‘yon at kinurot ang kaniyang tagiliran.

Nakapamaywang pa itong tiningnan siya. Alam niyang hindi talaga kapani-paniwala kung bakit pumasok siya sa CR ng mga babae pero ang alam lang niya ay kasalanan itong lahat ni Gabriella. Kasalanan ng babae na 'yon ang mga kamalasang nangyayari sa buhay niya.

“At ano namang drama mo sa buhay?” tanong ni Y'da Mae sa kaniya habang nakataas ang isang kilay. “Pasalamat ka nando’n ako, baka kung wala napagkamalan ka ng manyakis ng mga tao do’n.”

Hindi na siya nag-abalang sumagot pa. Wala naman siyang intensiyon kung bakit siya pumasok do’n. Sadiyang hindi lang talaga niya napansin na maling CR pala ang pinasok niya dahil sa iniisip niya.

“Magkano ang bayad mo sa ’kin ngayon?”

Natigilan siya sa tanong ng kapatid niya at magkasalubong ang mga mata niyang tumingin dito.

“Bayad?”

“Tinulungan kitang hindi mapahiya kanina. Magbayad ka! Aba, wala ng libre ngayon, kuya.”

Napaismid na lang siya at iniwan ang kapatid niyang mukhang pera.

*****

PABALIK na si Rey Jhon sa classroom niya pagkatapos umalis sa kahihiyan na akala niya ay hindi niya maiiwasan. Minsan naman pala ay may silbi rin itong kapatid niya na palagi na lang siyang nabubudol. Nagugulat na lang siya na wala ng laman ang wallet niya. Pambubudol naman ang ambag nito sa buhay niya.

Dalawang taon lang ang tanda niya kay Y'da Mae. Agad ngang nawala ang pagiging baby niya nang dumating si Y'da sa buhay niya. Parang ‘yong kanta lang sa commercial dati.

'Dalawang taon palang ako, nasundan na ni Toto.'

Relate na relate siya sa kantang ‘yon. Pero laking pasasalamat pa rin niya nang hindi na muling nadagdagan ang kapatid na aalagaan niya.

Wala sa sariling hinila niya ang upuan upang pumuwesto nang biglang may pumigil sa kaniyang braso.

“Do you wanna join us?” tanong ng kaklase niyang babae na humawak sa kaniyang braso.

Doon niya naalalang Wednesday pala dahil sa suot nitong maikling palda. Hindi niya alam kung nakulangan lang ba sa tela o hindi talaga afford na bumili ng bagong tela. Minsan gusto na niyang tanungin ang security guard ng kanilang campus kung bakit ito nagpapasok ng estudyante na hindi kayang irespeto ang sarili.

Huminga siya nang malalim at nag-iwas ng tingin sa babae. Tudo pigil siyang hindi itaas ang kilay, hindi pa naman alam ng mga kaklase niya na may lahi siyang sirena.

“Bakit? Saan ang punta niyo?”

Hindi na nadagdagan pa ang tanong niya nang akbayan siya ni Carlo. Alam na niyang si Carlo iyon dahil gamit nito ang pabangong regalo niya sa birthday nito.

“Birthday ko. Nakalimutan mo?” maarte na sagot naman ng kaklase niya.

Pangalan nga nito ay nakalimutan niya, birthday pa kaya?

Napakamot na lang siya sa ulo habang nag-iisip ng palusot. Ni hindi niya maalala ang pangalan ng babae tapos magtatanong pa ito tungkol sa birthday nito.

Halos tatlong buwan na rin na nililigawan siya ng kaklase niya. Tinutukso nga siya ni Carlo dahil siya pa raw talaga ang nililigawan ng babae. At ang suwerte niya raw sa lagay na ‘to. Pakialam ba niya? Pusong babae rin siya at lalaki ang hanap niya.

“Janine, ako na ang puputok sa pag-asa mo. Birthday ko nga muntikan pang kalimutan nito eh.”

Nakahinga siya nang maluwag nang biglang nagsalita si Carlo. Tama, Janine pala ang pangalan nito.

Hindi naman niya nakalimutan ang birthday ni Carlo. Matagal pa nga ang birthday nito pero nakahanda na ang regalo niya. Mas makakalimutan pa niya ang birthday ng kapatid niya pero hindi ang birthday ng crush niya.

“Mamaya na pala ang birthday mo, Jan?” Patuloy pa rin siya sa pagkamot sa ulo niya hanggang sa bumaba na ang kamay niya sa leeg. “Happy birthday.”

“I don’t need your greetings, Jhon,” anito at inalis ang braso ni Carlo sa balikat niya.

Ay, aba! Desisyon ka, ‘te? Minsan nga lang kung lumapit sa akin si Carlo tapos eeksena ka pa? Singit ng utak niya.

“I just need your love. Mahirap ba talaga akong mahalin?” patuloy nito.

Umugong ang tuksuhan sa loob ng classroom. Ngayon lang niya napansin na marami na pala ang tao sa classroom nila at nasa harapan na pala ang instructor nila na kapatid naman ni Janine. Hindi na niya tuloy alam kung paano tapusin ang conversation nila ng babae na ‘to.

Hindi ka mahirap mahalin, sadiyang hotdog lang talaga ang hanap ko at wala ka no’n, sagot ng utak niya.

“You’re not gay, right? Hindi ko naman siguro sinasayang ang oras ko sa bakla, diba?”

Sunod-sunod ang paglunok niya ng laway. Gusto na lang niyang pumikit at humiling na sana sa pagdilat niya ay wala ng tao sa loob ng classroom. Bakit naman kasi naisip pa ng kaklase niya kung bakla ba siya o hindi? Nahalata na kaya nito na bakla siya?

Biglang tumunog ang cellphone niya. Tila nabuhusan siya ng tubig nang narinig niyang tumunog ang cellphone niya. Mas double ang ingay na nalikha ng cellphone niya dahil sa tahimik na bumalot sa buong classroom nila.

Agad niyang kinuha sa bulsa ang cellphone at tiningnan kung sino ang savior niya ngayong araw. Parang dapat niyang pasalamatan kung sino ang tumawag sa kaniya. Pero tanging numero lang ang kaniyang nakita.

Tumahimik ang buong classroom nang mapansin na nag-iingay ang kaniyang cellphone. Tanging ang ingay lang ng electric fan ang naririnig niya at ang ringtone ng cellphone niya.

Bumuntonghininga siya kasabay ng kaniyang pagpindot sa cellphone habang nagpapasalamat dahil niligtas siya ng caller sa pagiging hot seat.

“Good morning, Rey Jhon.”

Hindi na niya kailangan pang hulaan kung sino ang tumawag. Boses palang ay alam na niyang si Don Franco iyon. Mas lalong nadagdagan ang kaba na nararamdaman niya.

Ano na namang kailangan ng Don na ‘to? Bulong niya sa sarili.

Hindi na siya nagsalita pero lumabas siya ng classroom. Ito na ang chance niya na malayo sa babaing higad na ‘yon. Isipin pa nga lang na magiging girlfriend niya ‘yon ay nangingilabot na siya. Ayaw pa rin niya talaga ng monay.

“Natanggap mo ba ang text ko?” dagdag ng Don.

“Text po?” Inilayo niya sa tainga ang cellphone at tiningnan kung may text ba siyang natanggap.

“Hindi mo siguro na-received. Resend ko na lang. Cellphone number iyon ni Gabriella at ang schedule niya. Ipapasa ko na rin ang name ng adviser niya.”

Dahan-dahan na nagkaroon ng ngiti ang kaniyang labi. Ang suwerte na talaga ang lumalapit sa kaniya.

Ito na ang panahon niya!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status