Share

Chapter 2

NAKAILANG yugyog na si Rey Jhon sa balikat ng natutulog na dalagita pero kahit anong gawin niyang pagyugyog ay parang wala itong balak na gumising. Patuloy pa rin siya sa pagyugyog kahit hiniling na ng utak niya na kumuha na ng malamig na tubig upang ibuhos sa mukha ng dalagita na ginawang pulbo ang mamahaling make up. Pero saan naman kasi siya hahanap ng malamig na tubig kung nasa loob sila ng kotse?

Baka naman kasi may secret ref dito sa kotse niya, malay natin diba? Bulong na naman niya sa sarili at napaismid. Sana na lang kasi hindi siya nagpa-feeling superhero, edi sana hindi niya kasama ang buwisit na dalagang 'to. Kahit sa panaginip niya, hindi niya kayang lunukin ang eksena na makasama niya ang babaeng kaagaw niya kay Carlo.

Napakamot na lang siya sa ulo at isinandig ang likod at ipinaikot ang paningin upang makita ang kabuuan ng kotse. Daig pa niya ang naka-jackpot kung ang kotse ang pag-uusapan. Mamahalin yata ang kotse ng dalaga, sabagay sa yaman ba naman nito, panigurado barya lang ito para sa dalaga. Kung masamang tao lang siya, baka tinapon na lang niya ang babae na ‘to at inuwi ang kotse. Bahala na lang si Batman na mag-explain sa mga magulang niya kung saan siya kumuha ng pera para ibili ng dolyares na ganitong sasakyan.

Hindi niya lubusang maintindihan kung bakit nasa ganitong sitwasiyon siya ngayon. Bakit ba kasi naisip niya magpa-feeling superhero siya at dinaig pa niya ang powers ni Superman at niligtas ang dalagita na ‘to na parang gusto pa yatang magpakamatay. Pakialam ba niya? Ni sarili nga niyang problema hindi niya kayang hanapan ng sagot. Naghanap pa talaga siya ng another problem.

Kahit ilang beses niyang tinanong ang sarili niya ay wala siyang nakuhang sagot. Dapat sa ganitong oras ay ninanamnam na niya ang masarap na tulog pero naging isang driver pa siya sa dalagitang lunod na lunod sa alak.

Muli niyang ginising si Gabriella pero ungol lang ang sinagot nito at hindi man lang nag-abalang ibuka ang mga mata. Mas malakas pa ang hilik nito kumpara sa hilik ng Papa niya. Parang nasa dreamland pa rin ang kaluluwa ng dalagita kaya ayaw pa ring magising. Hindi niya mapigilang itaas ang isang sulok ng kaniyang labi. Kung hindi lang talaga tulog ang walang hiyang babae na ‘to, baka sinabunutan na niya ito at binuhusan pa ng alak.

Pagkatapos nitong ibigay ang address nito kanina ay bigla na lang itong nawalan ng malay. Napalitan ng hilik ang mga salitang matatalim na binabato nito sa kaniya dahil iniisip nito na may gagawin siyang masama. Sa ganda niyang ‘to? Napagkakamalan na rapist?

Siya na nga ang tumutulong, ito pa ang galit. Nahampas pa tuloy siya ng makapal na libro dahil sa pagtulong niya. Pero hindi niya ininda ‘yon, mas nagtaka siya kung bakit may libro ang dalagita. Hindi kasi siya makapaniwala na nag-aaral pala ito nang mabuti.

Habang sakay siya sa kotse nito ay palihim na pinapagalitan niya ang sarili. Hindi niya kasi talaga maintindihan kung bakit siya tumulong. Sumakit lang ang ulo niya kaiisip ng mga posible na rason. Pumasok na naman siya sa gulong baka hindi niya malabasan.

Nawala yata sa isipan niya na ang babae pa lang sinagip niya ngayon at sinabihang siya na ang maghahatid kung ayaw nitong madisgrasya ay ang babae na kumuha at umubos sa laman ng GCash ng kaibigan niya. Sa perang pinaghirapan niya! Kung may bote lang talaga ng alak sa loob ng kotse ay baka nahampas na niya ito.

Dios mio, Marimar! Sana hinayaan na lang niya itong madisgrasya. Paki ba ng ingrown niya sa kuko kung mamatay ang babae na ‘to!

Tinampal niya ang mukha ng babae. Halata talagang mayaman kung pagmamasdan ang mukha nito. Sobrang kinis, ito na yata ang tinatawag na porselanang kutis. Siguro, alagang gatas ang babae na ‘to. Kahit anong gawing titig niya, wala talaga siyang makita kahit isang pimple mark.

Lumukob ang inggit na ayaw niya sanang maramdaman. Hindi naman siya dapat mainggit dahil maganda naman siya.

Pero hindi kasing ganda ng babae na ‘to.

May pera naman siya kahit papa’no. Hindi naman siya nalilipasan ng gutom.

Pero hindi kasing yaman ng babae na ‘to.

Matalino siya.

Tama matalino siya.

Huminga siya nang malalim at tinampal na naman niya ang noo ni Gabriella. Mukhang katalinuhan na lang talaga ang maipagmamalaki niya at maiaambag niya sa mundo.

“Excuse me, Ma’am Gab?”

Agad siyang napalingon sa bintana nang may biglang pumutol sa malalim na pag-iisip niya. Mukhang may nakapansin na sa pagdating nila. Sabagay, senyorita itong kasama niya. Anak ng isang Don na may-ari ng malaking tubohan sa kanilang lugar. Muli na namang kumaway ang inggit sa kaniyang sistema.

Bakit kaya ganito lang siya? Bakit ang iba naman ay sobrang yaman? Bakit parang ang unfair ng mundo? Bakit hindi pantay? Bakit may sobrang yaman at bakit may sobrang dukha? Bakit hindi na lang ginawa na pantay ang lahat?

“Ma’am Gab? Kanina pa po kayo hinahanap ni Don Franco.”

Nagpasiya siyang ibaba ang bintana ng kotse at sumalubong sa kaniya ang mukha ng isang security guard na naging pogi lang din dahil sa suot nitong uniporme. Ang masayang kurba ng labi nito kanina ay biglang nagbago at nawalan ng emosiyon nang makita na hindi ang amo nito ang sakay sa kotse.

Gusto niya tuloy tanungin ang security guard ng, gulat ka ‘no?

“Sino ka?”

Sa halip na sagutin niya ang tanong ng security guard ay pinagsawa niya muna ang mga mata niya sa magandang mansiyon na nakahain sa kaniya. Kahit pa siguro gawing sampu ang laki ng bahay nila ay hindi pa mapapantayan ang laki ng bahay ng senyorita na ‘to.

Ang yaman talaga ng bruha, pero nagawa pang kunin ang pera ko sa GCash ni Carlo. Buwesit! Pagkausap niya sa sarili.

“Nasaan si Ma’am Gab?” muling untag ng security guard sa kaniya.

“Kung siguro hindi puti ang uniform mo, ‘di kita makikita,” mahina niyang bulong.

“Ha?”

Ibinalik niya ang matamis na ngiti kanina. Hindi pa naman niya nakalimutan kung paano maging artista dahil mula pa noong nasa Elementarya pa siya ay palaging panalo ang paaralan nila kapag siya ang ginawang bida sa role play. Kahit naman papaano ay may ambag din naman siya sa mundo.

“Nasa loob po ng kotse, ‘di mo ba nakita?”

Hindi na siya pinansin ng security guard at agad nitong tinungo ang pinto kung saan puwedeng pagbuksan ang senyorita na hinahanap nito. Senyoritang lasing na lasing. Bakit pa kasi ginustong uminom kung hindi naman pala kaya?

Hindi rin nagtagal ay sumunod na siya sa dalawang lumabas. Hindi na rin niya kayang langhapin pa ang mabahong amoy na inilabas ni Gabriella. Sukang-suka na rin siya. Nang makita niyang sumuka ang dalagita ay parang kinalkal na rin ang kaloob-looban niya.

“Sino ka?”

Nanlamig ang buo niyang katawan at nanginginig ang kaniyang buong kalamnan. Mas malamig pa sa hangin na dumadapo sa kaniyang balat ang boses na narinig niya. Hindi na niya kailangan pang lumingon upang malaman kung kanino galing ang boses na ‘yon. Sapat na ang pagkabog ng kaniyang dibdib upang malaman ang sagot sa kaniyang katanungan.

“Ikaw ba ang nobyo ng aking anak?”

Nobyo? Sa ganda niyang ‘to?

Mabilis siyang umiling at hinarap ang Don. Sa paraan palang ng pagtayo nito ay malalaman na agad na may sinasabi ito sa buhay. Sa damit palang na suot nito ay hindi na maikakailang hinihigaan na nito ang pera.

Bakit ang unfair?

“Hindi ka niya nobyo?” Nagsalubong ang mga kilay ng Don. “Bakit ikaw ang naghatid sa kaniya?”

Bakit nga ba siya ang naghatid? Nagmagandang loob lang naman siya kahit hindi maganda ang kulo ng dugo ng babae na ‘yon.

“Lasing na lasing po kasi ang anak niyo, Don Franco.” Yumuko siya upang hindi makita ang mukha ng Don. “Natatakot akong hayaan siya na magmane—”

“Anong pangalan mo?”

Kinagat niya ang kaniyang pang-ibabang labi. Muli na namang bumilis ang pagtibok ng puso niya.

“Rey Jhon Zialcita.”

May inabot ito sa kaniyang check. Sa sobrang kaba na bumabalot sa kaniya ay hindi niya napansin na nagsulat pala ito kanina. Hindi niya kayang ibuka ang bibig upang magtanong. Hindi niya alam kung bakit sa kaniya ito inabot ng Don. Gusto kaya nitong bayaran siya dahil hinatid niya ang anak nito?

Marahas siyang umiling. Kahit halatang wala siyang maibubuga ay hindi naman siya mukhang pera. Siya nga itong nagbibigay ng pera sa mga nobyo niya sa internet. Kaya naman niyang maghanap ng pera pero ayaw niyang bayaran siya dahil kagustuhan naman niyang tulungan ang anak nito.

“Hindi na po kailangan,” aniya at iniharang ang kamay sa check na balak nitong ibigay sa kaniya. Isang piraso ng papel na iyon pero hindi niya kayang ilahad ang kamay upang tanggapin. “Hinatid ko lang ang anak niyo para masiguro na makauwi siya nang maayos. Hindi na po kailangan na bigyan niyo pa ako ng pera.”

“Hindi ko ‘to ibinibigay sa’yo.”

Tila nabuhusan siya ng malamig na tubig nang marinig ang sinabi ng Don. Pati yata singit niya ay naramdaman ang hiya. Bakit ba kasi nag-assume siyang para iyon sa kaniya?

Bakla na nga, assuming pa!

“Ito ang magiging sahod mo ngayong buwan.”

“Sahod?”

“Ang kailangan mo lang gawin ay bantayan ang anak ko.”

*****

HINDI pa nakabuka ang mga mata ni Rey Jhon habang binabagtas ang daan patungo sa pinto ng kaniyang kuwarto. Bigla na lang kasing tumunog ang alarm ng kaniyang cellphone kaya naputol ang panaginip niya. Iyon na yata ang pinakamagandang panaginip sa buong buhay niya, naging mayaman siya at asawa niya si Carlo at mahal na mahal kuno siya ng lalaki.

Pero dahil na rin sa sigaw ng kaniyang Mama na mas malakas pa sa tunog ng kaniyang alarm clock ay napilitan siyang igalaw ang katawan at bumangon mula sa kaniyang pagkahiga. Kung kailan maganda ang panaginip niya ay saka pa nag-alburoto ang kaniyang Mama.

Dios mio, Marimar! Hotdog na sana ‘yon naging bato pa.

Binuksan niya ang kaniyang pinto kaya mas lalong lumakas ang bawat sigaw ng kaniyang Mama na sinusundan palagi ng pagdadabog.

Hindi na naman siguro umuwi si Papa, aniya at kinuha ang muta.

Gusto pa talaga niyang matulog pero ang bunganga ng kaniyang Mama ang tumitigil sa kaniyang plano. Kahit kailan talaga, may kontrabida.

“Ano na naman bang problema? Hindi ba umuwi si Papa?” tanong niya habang nakapikit pa rin.

Kahit walang sumagot sa tanong niya, alam niyang tama ang kaniyang hinala. Nagiging ganito lang naman ang bahay nila kapag hindi umuuwi ang kaniyang Papa at natutulog sa luma nitong barberya.

“Nandito ako.”

Aba himala, mali ang hinala niya.

Doon na siya nagdilat. Nakasimangot na Papa niya ang nasa kaniyang harapan at nanlilisik ang mga mata. Kulang na lang ay bumuga ito ng apoy, magiging dragon na ang mukha ng kaniyang Papa. Sayang, hindi niya dala ang kaniyang make up kit, guguhitan na lang niya sana ng apoy ang bibig ng kaniyang Papa.

Sasagot na sana siya nang biglang lumipad ang plato na binili pa naman niya sa divisoria noong nakaraan. Nag-landing ito sa ulo ng kaniyang Papa na mabibilang na lang ang buhok na nakatayo. Napakamot na lang siya sa ulo, minus one na naman ang kanilang plato.

“Ano? Wala ka pa ring pera ha? Donald? Nasaan na ba ang kita mo kahapon sa barberya?” sigaw ng kaniyang Mama.

Wala na naman sigurong bigas.

Napakamot na lang siya sa ulo at muling pumasok sa kaniyang kuwarto. Siguro, tama na ang hinala niya.

Wala ng natira sa pera na binayad ni Carlo sa kaniya. Nagbayad siya ng college fee at bumili ng mga gamit niya. Kung alam lang niyang wala na pa lang bigas ay sana hindi na lang siya bumili ng mga gamit.

“Wala raw bigas. May pera ka ba riyan, Kuya?”

Napalingon siya nang biglang nagsalita si Y'da Mae sa kaniyang likuran. Nakapasok na pala ito sa kuwarto niya pero hindi man lang niya namalayan.

Wala naman siya kahit piso. Tuwing ganito na talaga ang problema ay siya ang tinatakbuhan ng kaniyang pamilya. Napabuga na lang siya ng hangin at sabay tanong sa sarili kung saang tindahan na naman siya uutang.

Pag-upo niya sa kama ay naupuan niya ang kaniyang wallet na alam niyang wala ng laman. Nagbakasali siyang binuksan iyon baka kasi biglang maghimala at may makita siyang pera.

Hindi pera ang kaniyang nakita kun’di isang papel na hindi niya alam kung saan niya iyon napulot. Nang buksan niya at nakita ang pangalan ng Don na laman din ng kaniyang panaginip kagabi. Sampung libo ang nakasulat sa papel.

Nabitawan niya iyon nang maintindihan kung anong ibig sabihin no’n.

Checke, bulong niya sa sarili.

“Checke. Hindi pala panaginip ang lahat!”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status