Share

Chapter 1

“Chill, Bro. Alam kong babalikan ka niyan. Ikaw pa ba? Marami ngang babae na hinahabol ka kaya alam kong siya na mismo ang lalapit sa’yo para makipagbalikan.”

Tinapik ni Rey Jhon ang balikat ni Carlo kahit pati siya ay hindi sigurado kung magiging totoo ang sinabi niya sa kaibigan. Ang tanging gusto lang niya ngayon ay pagaanin ang loob ng kaibigan niya kahit pa kabaliktaran ang nararamdaman niya. Wala naman siyang ibang magagawa eh, ito na talaga ang role niya mula pa noon.

Bawat paglapat ng kaniyang kamay sa matigas na balikat ng kaibigan ay tila mas idinidiin ang kutsilyo na nakaipit sa kaniyang dibdib. Dumidiin iyon at hinahanap ang puso niya na may sugat upang mas dagdagan ang sakit na nakaipit doon. Mas gusto niyang ilipat ang kutsilyo sa dibdib ng babae na sinasayangan ng luha ng kaniyang kaibigan.

Buwisit ang gagang ‘yon! Inis niya bulong sa sarili.

“Hindi mo kilala si Gabriella, hinahabol din ‘yon ng mga lalaki.” Mas lalo lang lumakas ang pag-iyak nito na tila binudburan ng asin ang malaki niyang sugat.

“Kilala ko ‘yon. Playgirl nga ‘yon eh.”

Napangiwi na lang siya nang sumigaw si Carlo, mali yata ang sinabi niya. Sabagay, gusto nito ang babae kaya hindi ito papayag sa sabihan niyang playgirl si Gabriella. Napakamot siya sa ulo nang wala sa oras. Totoo naman kasing playgirl ang babae na iniiyakan ngayon ng kaibigan niya, kalat na iyon sa university nila. Hindi nga niya maintindihan kung bakit na-in love ang kaibigan niya sa dalagita na ‘yon. Kung hindi lang ‘yon mayaman, hindi naman ‘yon maganda.

Hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin sa kaibigan para tumigil ito sa pag-iyak. Lahat na lang kasi yata ng sabihin niya ay hindi nito magugustuhan. Hindi niya alam kung paano lalagyan ng tamis ang salitang lalabas sa labi niya upang pakalmahin ito. Ni hindi nga niya alam kung ano ang pakiramdam kapag hiniwalayan kaya hanggang pagtapik na lang sa balikat ang kaniyang nagawa.

Ngunit may isang tanong na nais kumawala sa isipan niya upang hanapin ang kasagutan na kailangan. Gano’n ba talaga nito kamahal si Gabriella upang sayangan ng luha?

Kung ako 'yan, hindi kita gaganiyanin, bulong na naman niya sa isip.

Gusto niyang paikutin ang mga mata pero natatakot siyang gawin dahil baka makita iyon ni Carlo ay mabawasan ang pag-asa niya rito. Sobrang liit na nga ng pag-asa na hawak niya ngayon. Pag-asa na sana makita rin nito ang pag-ibig na handa niyang ibigay dito.

“Ganiyan talaga ang mga babae,” aniya at muling tinapik ang balikat nito.

Kaya sa bakla ka na lang. Promise, hindi kita sasaktan, dagdag niyang bulong sa sarili.

“Hindi, Bro.” Umiling pa ito at patuloy pa rin sa paghikbi. “Iba si Gabriella, iba siya.”

Paanong iba? Sinaktan ka nga, gago!

“Oo na, iba siya.” Umayos siya ng upo at nagsindi ng sigarilyo pero agad iyong binawi ni Carlo kaya hindi niya natuloy. “Pero tingnan mo kung anong ginawa no’ng dalagitang ‘yon? Sinaktan at iniwan ka rin, inubos pa ang laman ng GCash mo. Sinong kawawa?”

Nakita niya ang pagtapon nito sa sigarilyo. Hindi niya napigilan ang paglabas ng kaniyang ngiti kahit tudo pag-iyak na itong katabi niya. Kung kilala lang niya talaga ang Gabriella na ‘yon baka sinabunutan na niya o baka nga kalbuhin pa niya. Wala itong karapatan na saktan ang kaibigan niya.

“Tangina naman, Rey Jhon oh!” sigaw nito kaya agad siyang napatingin dito. Naghilamos ito gamit ang kamay. “Kaunting suporta naman! Kaibigan ba talaga kita?”

Peke siyang tumawa kahit dumiin na naman ang kutsilyo sa dibdib niya. Kating-kati na talaga ang dila niya na sumigaw at sabihin dito na hindi kaibigan ang turing niya rito.

Apat na taon na rin muli nang madiskubre niya na isa siyang kalahi ng LGBTQ dahil sa loko-lokong lalaking ‘to. Mula nang makasama niya ang lalaki ay biglang nag-iba ang simoy ng hangin at naging favorite color na niya ang pink. Gusto na nga niyang palitan ang kulay ng uniform nila, kung sana may kapit lang siya sa admin papalitan niya talaga ang kulay ng uniform nila.

Pero ayaw naman niyang magladlad. Marami siyang gustong marating kaya hindi pa niya kaya. Ayaw din niyang layuan siya ni Carlo. Base kasi sa nasasaksihan niya, ayaw nito sa bakla na tulad niya.

Masisisi ba niya ang sarili kung kay Carlo lang talaga tumitibok ang puso niya?

“Oo naman, gago ka ah!” Tudo-pilit siya na palakihin ang boses kahit gusto na niyang gamitin ang boses na palagi niyang ginagamit kapag siya lang mag-isa sa kuwarto at kausap sa cellphone ang mga lalaki na nabibitikma niya.

Kinagat niya ang ibabang labi pagkatapos ay tumikhim na para bang sa paraan na ‘yon ay mawala ang kutsilyo na nakaipit sa kaniya. “Pero ayoko naman na umasa ka sa gano’n. Putek, Carlo! `Yong laman ng GCash mo, nakalimutan mo bang pera ko ‘yon? Suweldo ko ‘yon noong nakaraan eh. Paano mo mapapalitan ‘yon?”

Nagtatrabaho siya bilang erotic writer sa isang writing platform online. Naging libangan niya rin iyon tuwing hindi masiyadong hectic ang schedule niya. Hindi kasi niya magamit ang account niya dahil wala siyang valid ID kaya nakigamit siya sa account ng kaibigan niya. Pero ang loko-loko, ginamit lang sa babae.

Kating-kati ang palad niya na sampalin ang lalaki pero tuwing nakikita niya ang luha nito ay nakakalimutan niya ang pagsikip ng dibdib niya.

Kung hindi lang kita mahal, buwesit ka!

“Babayaran ko, manghihingi ako ng pera kay Daddy.”

“I-sure mo ‘yan, mahina pa naman ang barberya ni Papa. Wala akong pambayad ng college fee next week.”

Nagpahid ng luha si Carlo at ito naman ang tumapik sa kaniyang balikat. Tumayo ito at hinarap siya.

“Basta, punta ka bukas sa birthday ko. Sa bahay ang venue.”

Wala siyang ibang nagawa kun’di ang tumango at pinagmasdan ang papalayong pigura ng lalaki. Naiwan siyang mag-isa sa harap ng swimming pool ng university nila. Nagpakawala na lang siya ng buntonghininga. Kailan kaya siya magkakaroon ng lakas ng loob na sabihin kay Carlo ang nararamdaman niya?

Tatayo na sana siya nang mahagip ng kaniyang mata ang isang lalaki na maliligo yata sa swimming pool. Tanging boxer short lang ang suot nito kaya daig pa niya ang nanalo sa lotto. Kumikinang pa ang anim na pandesal nito sa tiyan at kumati na naman ang dila niya kaya palihim niyang kinuha ang cellphone at pinindot ang camera icon.

May panghapunan ako mamaya!

****

“WANNA dance?”

Alok ng babae kay Rey Jhon habang hawak ang wine glass nito. Walang emosiyon niyang itinaas din ang hawak na baso at agad nilagok ang laman niyon. Hindi na niya muling tiningnan pa ang babae at si Carlo na ang kinausap niya.

Nasa party na siya ngayon ni Carlo. Hindi kasi talaga siya tinantanan ng kaibigan hangga’t hindi siya nagbihis kanina upang pumunta sa party nito. Gusto nga niya sanang isumbat na puwede namang hindi na ito mag-party, puwede naman kasi na sa motel na lang sila, bawas gastos pa ‘yon.

Muli na naman siyang kinalabit ng babae na kumausap sa kaniya. Nakaupo na pala ito sa tabi niya at kinindatan pa siya. Kating-kati na ba talaga ‘yang dala-dala mo, girl? Kung sana lalaki lang ‘to baka nagpaalam na siya kay Carlo.

Umayos siya ng upo kasabay ng pag-ayos niya rin sa kaniyang tie at hinarap ang babae. Bakit kaya palaging sinasabi ng iba na ang mga bakla ang malalandi? Ano kayang tawag ng mga iyon sa babae na kaharap niya ngayon? Kulang sa sagad? Kulang sa diin?

“Ayos ka lang?” tanong niya sa babae na ngumiti pa talaga. “Sorry, Darling. Pagod ako para sumayaw kaya humanap ka na lang iba.”

Humanap ka ng kakain diyan sa dala-dala mo, landi mo! Inis niyang bulong.

Hindi pa nga niya nahaharap ang kaibigan pero bigla na itong humalakhak at inilapit ang bibig sa kaniyang tainga. Dumating na naman ang mga kabayo sa kaniyang dibdib at nagsitakbuhan. Ang tawa nito ay naging magandang musika sa kaniyang tainga. Kung puwede lang niyang hilingin sa DJ na patayin ang music upang ang boses lang ni Carlo ang marinig niya.

“Kaya hindi ka nagkakashota eh, kasi pati sayaw inaayawan mo,” anito at humalakhak na naman.

Kasalanan ba niya kung ayaw niya sa monay? Kasalanan ba niya na hindi talaga para sa babae ang puso niya dahil lalaki ang hanap niya? Kasalanan ba niya kung pusong-babae siya?

“Sorry, Bro.” Pilit niyang inilabas ang tawa na prinaktis na niya kagabi. “Ganito lang kasi ako.”

“Tangina! Ang guwapo mo kaya!”

Biglang natahimik si Carlo kaya sinulyapan niya ito. Naghintay pa naman kasi siya sa kasunod na sasabihin nito pero nasa iba na pala ang atensiyon na dapat sa kaniya lang nito ibinibigay.

“Siya ‘yong sinasabi ko sa’yo,” anito habang nakatitig sa isang babae na umiinom ng alak.

Tinitigan niya rin ito pero wala naman siyang nakitang maganda rito maliban sa maputi ito. Napailing na lang siya, ang pangit mamili ng crush niya.

“Ang babae na umubos sa laman ng GCash mo?”

“Binayaran ko na ‘yon ah!” Sinuntok pa nito ang braso niya. “Move on din.”

“Bakit naka-move on ka na ba?”

Natawa siya nang umiling ito at iniwan pa siya. Nang hindi na niya ito matanaw ay saka niya muling tiningnan ang babae na nagpabaliw sa crush niya. Hinawakan niya ang kaniyang baba habang pinagmamasdan ang babae.

Maliban sa parang bata pa ito at maputi, hindi niya alam kung bakit nabaliw dito si Carlo. Medyo maputi rin naman siya at kahit nasa beinte na siya ay para pa rin siyang bata. Bakit hindi nahulog sa kaniyang karisma si Carlo?

Talong kasi ang bitbit mo!

“Are you alone?”

Natigil siya sa pagtingin kay Gabriella nang may biglang tumabi sa kaniya. Umabot sa kaniyang ilong ang pabango nitong nanununtok. Magkasalubong ang kaniyang kilay nang tingnan niya ang babae.

Anong pabango kaya ang gamit niya? Parang ginawa ng Downy eh, niligo pa yata ang pabango. Tanong niya sa sarili.

“Hindi, baka nasa kabilang section,” sagot naman niya at hindi binigyan ng tingin ang babae.

Bakit ba parang dikit nang dikit sa kaniya ang mga babae ngayon? Masiyado yata siyang guwapo sa suot niyang polo at black pants, kaya pati mga kalahi ni Eve ay nilalapitan siya. Hindi na nga niya mabilang kung ilang babae na ang lumapit sa kaniya ngayon kahit katabi niya kanina ang birthday boy.

“What?”

“Hinahanap mo si Alone, diba? Hindi ako ‘yon eh.”

Naningkit ang mga mata ng babae at padabog nitong kinuha ang cellphone. Tumayo ito at iniwan ang dinala nitong baso.

****

NASA labas na si Rey Jhon pagkatapos niyang magpaalam sa kaibigan. Pasado na rin ala-una ng madaling araw nang nagpasiya siyang umuwi dahil maaga pa siya bukas. Baka hindi pa siya makaabot sa first class niya.

Hawak ang cellphone ay pinindot niya ang camera icon at nagkuha ng larawan pero bigla siyang natigilan nang makita niya si Gabriella na pagiwang-giwang na naglakad patungo sa parking lot ng mansiyon.

Halata talaga kung gaano kayaman si Carlo. Kanina pa lang sa loob ng bahay ay hindi maikakaila kung gaano kayaman ang kaibigan. Mula sa mga gamit na nakapalibot doon, kahit mga kagamitan sa kusina ay halatang mamahalin. Kaya nga hanggang ngayon ay hindi pa rin niya makuha ang rason kung bakit naging kaibigan niya si Carlo. Kasi kung yaman ang pag-uusapan, hindi na talaga siya dadayo.

Maarte niyang ipinasok ang cellphone sa kaniyang bulsa at sinundan ang dalaga. Halos hindi na nga ito makalakad nang maayos pero nagawa nitong nahanap ang sasakyan. Binuksan pa nito ang pinto ng sasakyan at pumasok ito sa loob.

Baliw ba ‘yon? Don’t tell me, siya ang mag-da-drive? Gaga! Sigaw ng utak niya.

Mabilis na nilakad niya ang pagitan nila ng dalaga at kinatok ang bintana nito. Ibinaba naman ng dalaga ang bintana at ngumiti pa ito sa kaniya.

“What do you want?” tanong nito at binuksan din ang pinto.

Siya yata ang umubos ng alak eh, aniya sa sarili.

“Ako na maghahatid sa 'yo kung gusto mo pang mabuhay.”

Hindi niya alam kung bakit niya iyon nasabi. Bigla na lang pumasok iyon sa isip niya. Mamaya na lang niya iisipin kung bakit niya gustong gawin ito.

Umikot siya sa sasakyan at binuksan ang driver’s seat. Bigla na lang siyang pumasok pero dumapo ang makapal na libro sa kaniyang mukha. Naging shuttlecock siya ng wala sa oras, shuttlecock na hindi kayang lumipad.

“What the hell are you doing inside my car! Are you going to rape—”

“Girl, kalahi mo ako. Don’t worry, hindi ako mahilig sa monay. Ihahatid lang kita baka mapano ka. Arte mo!”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status