Share

Aking Maria
Aking Maria
Author: Liesta

Panimula

Humahangos na lumapit ang isang kasambahay kay Pelipe habang mangiyak-ngiyak ito.

"Ginoo! Aking Ginoo! Ang inyong nobya!" Natatarantang sabi nito, agad naibaba ni Pelipe ang hawak na libro at panulat. Tumayo siya at lumapit sa kasambahay.

"Bakit, anong nangyari? Teresa! Sabihin mo?" Natatarantang tanong ni Pelipe.

Nakaramdam ng kakaibang kaba ang binata dahil sa iniaasta ng kanilang kasambahay, mangiyak-ngiyak ito na nanginginig.Hindi ito nagsalita ngunit agad-agad na tumakbo palabas sa kaniyang silid kaya agad din na sumunod si Pelipe dito.

Paglabas niya ng kanilang bahay ay bigla siyang nanghina sa nasaksihan ang sitwasyon ng kaniyang nobya.

"Maria! O aking Maria!" Agad-agad na sinubukang tumakbo papalapit ng binata sa kaniyang nobyang nakahandusay sa lupa at duguan.

"Mahal ko! O mahal ko! Anong ginawa niyo sa nobya ko?!" Nanginginig at may hinanakit na sigaw nito sa mga tauhan ng kaniyang ama.

Pilit pinipigilan ng mga tauhan ang binata para makalapit sa kaniyang nobya ngunit pilit rin siyang kumakawala sa mga ito habang umiiyak. Sa paulit-ulit nitong paglaban sa mga tauhan ay nabitawan siya ng mga ito.

"Maria, mahal ko, imulat mo ang mga mata mo. Andito na ako aking mahal, pakiusap imulat mo ang mata mo." umiiyak na saad nito habang yakap ang duguang katawan ng nobya.

Umangat ang ulo ni Pelipe nang maramdaman ang malamig na palad ng kaniyang nobya na humahaplos sa kaniyang pisngi.

"Pelipe--" pabulong na sabi nito, halatang nahihirapan ngunit ngumiti ito ng matamis sa binata.

"Pelipe, oh aking mahal. Patawarin mo ako, hindi na kita masasamahan sa mga dapat nating gawin na magkasama. Ang mga pangako ko sa iyo, ang pangako ko na bubuo tayo ng  isang masayang pamilya ay hindi na matutupad. Patawarin mo ako."

Pumatak ang luha ng dalaga kasabay ng pagbagsak ng mga kamay nito sa malamig na lupa. Ganoon na lang ang hinagpis na naramdaman ng binata sa pagkawala ng kaniyang minamahal. Napaiyak na lang sa pighati si Pelipe, hindi niya alam ang gagawin.

Labis ang sakit na nararamdaman ni Pelipe sa pangyayaring ito sa buhay niya, kung sana ay naging mas matapang pa siya, kung sana’y mas pinaglaban pa niya ang pag-iibigan nila sa kaniyang pamilya, ngayon sana ay kasama niya pa rin ang dalaga.

"Mahal ko! Huwag mo akong iwan! Ako! Ako ang patawarin mo naging mahina ako, hindi kita na protektahan , patawarin mo ako mahal ko! Mahal na mahal kita!" iyak ng iyak ang binata kasabay nang malakas na pag-ulan at malakas na pagkulog, tila ba ito ay sumabay sa hagulgol ng binata.

~ ~ ~ ~

"Philip, gumising ka na! Aba talaga itong bata na ito. Mala-late ka na sa school bumangon ka na diyan!"Tawag ng ina ng binata, agad na napabangon si Philip sa pagkakahiga at napahawak sa kaniyang pisngi at napalingon sa kakapasok na mama niya sa may pinto. Gano’n nalang ang bilis na lumapit ng Ginang sa kaniyang anak dahil sa nakita.

"Philip anong problema? May masakit ba sayo? Bakit ka umiiyak?" Nag-aalala na tanong nito sa kaniya pero umiling lang si Philip.

"Nanaginip lang po ako Ma, parang totoong-totoo kasi kaya napaiyak ako," sagot ni Philip na hawak pa rin ang dibdib niya.

"Masakit ba?" Tanong ng mama ni Philip nang mapansin ang kamay niyang nakahawak sa dibdib. Ngumiti lang ito at bumaba sa higaan.

"Maliligo na po muna ako Mama bago ako kumain," sabay kuha niya ng twalya at dumiretso sa kaniyang banyo.

Simula nang mag bente anyos siya ay paulit-ulit na siyang nagkakaroon ng kakaibang panaginip. Laging may babae. Kilalang-kilala niya ang mukha hindi tulad ng iba niyang panaginip na nalilimot din niya agad. Sa paulit-ulit na nagpapakita nito sa kaniya ay tandang-tanda niya na ang mukha,boses at pangalan nito.

"Maria," bulong nito habang nakababad ang katawan sa tubig at gano’n nalang ulit ang pagsikip ng dibdib nito ng maalala ang duguang katawan ng dalaga na nakahandusay sa lupa.

Pagkatapos niyang maligo at makapag bihis ay agad siyang dumiritso sa hapagkainan. Doon nakita niya ang dalawa niyang kapatid at ang seryosong mukha ng kaniyang ama. Nang makaupo si Philip sa kaniyang nakatalagang upuan ay kasabay nito ang pagtigil sa pagbabasa ng kaniyang ama, tumingin ito sa kaniya.

"Umiiyak ka raw sabi ng Mama mo, may masakit ba sayo?" halata ang pag-aalala sa mukha nito kaya ngumiti siya at umiling.

"Nanaginip lang po ako ng hindi maganda." Maikling sagot niya dito.

"Kuya, yung babae na naman ba ang napanaginipan mo?" Inosenteng tanong naman ng bunso niyang kapatid na babae kaya tumango siya.

"Namatay siya sa panaginip ko, parang totoong-totoo." Kwento ni Philip dito.

Agad namang sumabat ang isa niyang kapatid na lalaki. "Baka naman kasi, Philip past life mo ‘yan, may ganiyan kaya kaming pinag-aralan."

Napaismid naman ang kanilang Ama, sabay sabi na "Past life, past life tigilan ninyo na nga iyan at baka pare-pareho tayong male-late, kumain ka na, Philip tigilan mo na ‘yang kakanuod mo ng kung ano-ano ng matigil iyang kapa-panaginip mo at ikaw, Patrick mag-aral ka ng mabuti hindi yung iba ang pinag-aaralan mo, hindi n’yo gayahin itong prinsesa ko masipag mag aral," napangiti naman ang nakababata nilang kapatid, tumango na lang silang dalawa ni Patrick at nagsimula nang kumain. Tahimik lang naman silang pinapanuod ng kanilang mama at napapailing habang kumakain.

Napapaisip naman si Philip sa sinabi ng kaniyang kapatid na lalaki. Kung past life niya ang lagi niyang napapanaginipan bakit tutol ang kaniyang mga magulang sa kanilang relasyon? Tinignan niya ang kaniyang mama at papa. Napaisip siya kung ganito din kaya ang relasyon nila sa nakaraan? Masaya? Sama-samang kumain? Ganito rin kaya sila kalapit sa isa’t-isa sa nakaraang buhay na meron sila?

"Hala! Kuya okay ka lang? Bakit ka umiiyak?" Gulat na tanong ng babaeng kapatid ni Philip. Agad napatigil sa kwentuhan ang pamilya at napatingin sa kaniya. Agad-agad namang hinawakan ni Philip ang pisngi niya at tumingin sa kanila.

"Paano kung hindi tayo ganito sa nakaraan? Paano kung kahit minsan hindi tayo nagkasabay-sabay kumain sa hapagkainan?" Pagkatapos niyang sabihin iyon ay bigla nalang siyang nakaramdam ng hilo at bumagsak sa upuan.

~

"Patricio, Kuya Patricio halika maglaro tayo!" tumatakbo ang isang babae habang hinahabol ang isang binatang lalaki, ng mahawakan nito ang damit ng lalaki ay agad siyang tinulak nito.

"Ano sa tingin mo ang iyong ginagawa! Tingnan mo ang iyong kamay, napaka-dumi at tingnan mo ngayon ang aking damit naging madumi na dahil sa iyo! Paano pag nakita ito ni Ina pwede ba, tigilan mo ako!" Galit na sabi nito sa batang babae at umalis agad namang umiyak ang babae kaya agad-agad nilapitan ito ni Pelipe.

"Linda huwag ka nang umiyak, ako na lang ang makikipag laro sa iyo. Maraming ginagawa ngayon ang kuya Patricio mo kaya hindi niya maharap makipag laro sa iyo at pagpasensyahan mo na siya kung sinigawan ka niya," Iniabot ni Pelipe ang kaniyang kamay sa batang babae at hinawakan naman ito ng bata. Nakangiti silang naglalakad nang makita ang kanilang ina na pinagagalitan ang kanilang kapatid na lalake.

"Tingnan mo ang damit mo! Sa tingin mo ba ay bata ka pa para magdumi ng kasuotan? Ano na lang ang sasabihin ng iba na hinahayaan kitang dumihan ang damit mo? Na hindi kita tinuturuan nang tamang kalinisan! Hala sige du’n ka sa iyong silid at tapusin mo lahat ng dapat mong pag-aralan!" tatakbo sana ang batang babae para aminin ang kasalanan ng umiling si Patricio agad namang pinigilan si Pelipe ang kaniyang kapatid na babae. Tumalikod at nagsimulang maglakad ng iika-ika si Patricio. Napapikit na lang si Pelipe ng makita ang latay ng pamalo sa binti ng kaniyang kapatid. Nang makaalis ang kanilang ina ay nagsimula muling umiyak ang kaniyang kapatid na babae.

"Ako ang dahilan kung bakit nasaktan na naman si kuya Patricio. Ngayon ay alam ko na kung bakit ayaw niya sa’kin," umiling-iling si Pelipe habang pinupunasan ang luha ng bata.

"Linda, gusto ka ng kuya Patricio mo, ayaw ka lang niyang mapagalitan ni Ina kaya ka niya pinagagalitan din kanina," pagpapatahan nito sa kapatid.

"Salamat Kuya Pelipe." Sabi nito at niyakap siya.

Kinagabihan ay naisip niyang puntahan ang kapatid na lalaki. Naabutan niya itong nag-aaral pa rin. Lumingon lang ito saglit ng kumatok siya at agad ding bumalik sa pagbabasa.

"Patricio halika at gagamutin ko ang sugat mo.” Mahinang sabi niya, dahan-dahan namang tumayo ang kapatid at naglakad papalapit sa kanya.

"Itaas mo ang iyong mga paa at ipatong mo sa akin ng makita ko ng maayos." utos nito sa kaniyang kapatid, agad naman itong sumunod sa kaniya.

"Salamat Patricio at hindi mo isinumbong si Linda kay Ina. Huwag mo sanang kagalitan ang ating kapatid na babae dahil sa nangyari, hindi pa niya gaanong naiintindihan ang mga bagay-bagay. Minsan ay iniisip niya na hindi mo siya gusto dahil sa kinikilos mo." Mahinahon niyang sabi na kina-buntong hininga naman ng isa.

"Hindi ko nais na isipin ni Linda na ayaw ko sa kaniya. Nais ko lamang siyang ilayo sa’kin, sapagkat alam kong darating na si Ina para kamustahin ang aking pag-aaral. Kung hindi ko ginawa iyon ay susunod at susunod sa’kin si Linda hanggang pareho kaming makita at mapagalitan ni Ina."

Napangiti naman si Pelipe sa tugon ng kaniyang kapatid. Pagkatapos niyang linisan at gamutin ang sugat ng kapatid ay inutusan na niya itong matulog.

"Matulog ka na Patricio, bukas ay maayos na ulit kayo ni Ina sigurado," tumango naman ang kaniyang kapatid at nahiga. Pag labas niya sa silid ay dumiretso naman siya sa kaniyang bunsong kapatid para tingnan kung natutulog na ito. Pagpasok niya dito ay nakita niya itong nakaupo sa ibabaw ng kama at umiiyak, agad siyang lumapit dito at niyakap ang kapatid.

"O Linda , huwag ka nang umiyak nakausap ko ang iyong kuya Patricio at sinabi niyang hindi siya galit sa iyo," pag papatahan niya sa bata.

"Totoo ba ‘yan Kuya Pelipe?" Nakatingin ang mga inosente nitong mata sa kaniya kaya agad siyang tumango habang nakangiti. Pinahiga niya ang kapatid at tinabihan. Hinawakan nito ang kaniyang kamay at tinawag ang kaniyang pangalan.

~

"Kuya Philip," napamulat ng mata si Philip sa mahinang boses na tumatawag sa kaniya. Napalingon ito sa may hawak ng isa niyang kamay. Nakangiting mukha ang sumalubong sa kaniya.

"Lyn," paos na tawag ni Philip dito, agad naman siyang inabutan ng tubig nito.

"Kumusta ang pakiramdam mo Kuya? Pinag-aalala mo kami masyado. Bakit naman pinapagod mo ng sobra ang sarili mo?" Busangot ang mukha ng babae habang pinagagalitan siya. Agad naman siyang napangiti at hinaplos ang buhok nito.

"Sorry na po at napag-alala ko ang Prinsesa. Huwag ka nang magalit diyan at baka lalo ka lang pumangit." Pabiro na sabi niya dito at lalo namang napabusangot ang babae.

"Gusto kong lumabas para magpahangin." Sabi ni Philip sa kapatid kaya agad naman siyang inalalayan nito pababa ng kama hanggang sa paglalakad palabas nang kaniyang kwarto.

"Teka lang, Kuya diyan ka lang muna ha? Bibili lang ako ng kape du’n sa vending machine para may iniinom tayo sa labas ha? " Nagpapa-cute na sabi nito kaya tumango na lang siya . Agad-agad na umalis ang kapatid niya at nag tungo papunta sa vending machine. Naglalakad na sana siya papunta sa malapit na upuan ng may makabunguan siyang babae, agad namang nahulog ang mga laman ng bag nito.

"Naku Miss, sorry." Sabi niya at tumulong sa pagpulot, tiningnan naman siya ng masama nito at ganoon na lang ang gulat niya nang makita ang mukha ng dalaga. Ang babae sa panaginip niya, ang paulit-ulit na mukha na nakikita niya sa tuwing natutulog siya, ang parehong malambing na boses na nadidinig niya, ang mga mata nito, at ang mapupulang labi.

"Ano natutulala ka lang diyan? Tabi nga paharang-harang kasi!" Galit na sabi nito at padabog na pinulot ang mga gamit at isinuksok sa backpack, pagkatapos ay tumayo ito at muli siyang tiningnan ng masama bago tumalikod at naglakad ng mabilis.

Nakatulalang naiwan si Philip sa gilid ng daan habang tinitingnan ang likod ng babae hanggang hinde na niya ito maabot ng tingin. Hindi siya makapaniwala sa pangyayari noong mga oras na iyon, nakita niya ang babae sa panaginip niya. Agad-agad niyang kinurot ang sarili para malamang kung nasa panaginip pa rin siya pero laking pagsisisi ni Philip nang makaramdam siya ng grabing sakit sa sariling pisngi at agad itong hinaplos-halos at muling tumingin sa gawi kung saan niya huling nakita ang babae.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status