Share

Kabanata 1

"Kuya? Anong ginagawa mo bakit tulala ka diyan?" natatawang tanong ng kapatid na babae ni Philip ng naabutan niya ang kaniyang kuya na tulala habang hawak ang pisngi na namumula. Napakunot ang noo ng babae at tiningnan ang pisngi ng kapatid.

"May nakita ka bang ex-girlfriend mo at sinampal ka? Grabe kahit pasyente ka na walang patawad, sinapak ka talaga?" pang-aasar pa nito sa kaniyang kuya, agad naman itong tiningnan nang masama ni Philip at ginulo ang buhok na ikinabusangot ng dalaga.

"Alam mo ikaw, wala ka nang ginawa kung hindi ang asarin ako. Palibhasa kasi wala ka pang naging jowa kaya grabe ang pang-aasar mo sa akin sa tuwing maghihiwalay kami ng mga naging girlfriend ko." Naiiling-iling na sabi ni Philip, ngumuso naman ang dalaga at namewang.

"Aba! Aba! Hindi mo ba alam na maraming nagkakagusto sa mukha na ‘to," sabay turo niya sa sariling mukha "Ang ganda-ganda ko nga raw, isang ngiti ko lang ay grabe na kung tumibok ang puso nila," pag mamayabang nito na ikinatawa naman ni Philip.

"Alam mo ba kasi kung bakit bumibilis ang tibok ng puso nila pag ngumingiti ka? Kasi nakakatakot yung ngiti mo. Kahit ako bumibilis ang tibok ng puso ko pag ngumingiti ka, gusto ko na nga tumakbo e," pang-aasar niya sa kapatid at nagsimula na siyang maglakad palabas ng hospital para magpahangin at makatakas sa inis na kapatid. Agad namang sumunod ito sa kaniya at pinalo siya sa balikat.

"Alam mo Kuya kung hindi ka lang pasyente, pinukpok ko na sa ulo mo itong coffee in can," pabirong banta ng kapatid na tinawanan lang niya. Pag labas nila ay ramdam niya agad ang lamig ng gabi, ngumiti si Philip at lumingon sa kapatid.

"Nakita ko siya," mahina pero tama lang para marinig ng kaniyang kapatid ang boses niya.

"Nakita? Sino ang nakita mo Kuya?" Nagtatakang tanong ng kaniyang kapatid habang nakakunot ang noo.

"Siya." Maikling sagot ni Philip at unti-unti namang nanlaki ang mga mata ng kapatid niyang babae at agad agad tumabi sa kaniya.

"Oh My Gosh! Totoo ba? Kailan Kuya? Saan? Bakit ngayon mo lang sinabi sa’kin? So totoo siya? totoo ang sinasabi ni Patrick na baka past life mo yung panaginip mo?" Sunod-sunod na salita nito na ikinailing naman ni Philip.

"Kanina lang nang umalis ka para bumili ng kape. May nakabunguan akong babae, nahulog yung laman ng bag niya kaya tinulungan ko siyang mamulot, pag-angat ng ulo niya nakita ko yung mukha niya. Kamukhang-kamukha niya yung babae sa panaginip ko," mahabang kwento ni Philip pero nakatingin lang sa kaniya ang kapatid at pailing-iling.

"Tsk! Kuya saang libro mo naman ginaya ‘yang kwento mo? Gustong-gusto mo na bang magka-love life at gumagawa ka na lang ng kwento?" Hindi naniniwalang sabi ng kapatid niya na ikinakunot naman ng noo ni Philip.

"Anong kinuha sa libro, hindi ko kinuha sa libro ‘yun! Hoy,  Lyn totoo ‘yun kaya nga namumula yung pisngi ko kasi kahit ako hindi makapaniwala na totoo siya kinurot ko pa sarili ko para lang siguraduhin na gising talaga ako," sunod sunod na sabi ni philip sa kapatid at napabuntong hininga.

"Okay, okay! Wag kang nagagalit Kuya. Pero kung totoong nakita mo siya bakit hindi mo siya kinausap? Anong pangalan niya? Namumukhaan ka ba niya? Mga ganyang bagay?" usisa ng kapatid ni Philip sa kaniya kaya napailing siya.

"Hindi ko naisip ‘yun at tsaka nakakagulat na kilala ko ang mukha niya pero siya, parang hindi ako kilala. Sinungitan pa nga ako at hindi ko siya natulungan sa pagpulot ng mga gamit niya na nagkalat," napapa-kamot sa batok na kwento niya sa kapatid. Napabuntong hininga rin ang kapatid niyang babae at hinaplos ang likod niya.

"Okay lang ‘yan Kuya, kung para kayo sa isat-isa, makikita mo ulit siya," sabay  nilang pinagdikit ang kape na hawak at sabay din nila itong ininom. Napatingin naman si Philip sa langit na puno ng mga bituin at naalala ang isa sa mga una niyang panaginip kasama ang babae.

~

"Pelipe! Pelipe! Tingnan mo ang langit punong puno ito ng makinang na mga bituin. Napakaganda nilang pagmasdan tingnan mo." Nakangiting sabi ng dalaga. Nakatingin naman si Pelipe sa nakangiting mukha ng nobya at sumagot.

"Tama ka Maria, napaka-gandang pagmasdan," lumingon si Maria kay Pelipe at ngumiti.

Nakapwesto sila sa isang burol kung saan makikita nang maayos ang langit at tanaw ang mga kabahayan. Patakas lamang silang nagkita kahit gabi na ngunit hindi nila ito alintana. Hindi sang-ayon ang magulang ni Pelipe na nakipag relasyon siya kay Maria ngunit sadyang mahal niya ito. Siguro ay sa paunti-unti niyang pagpilit sa kaniyang ama ay mapapayag niya rin ito.

"Anong iniisip mo Pelipe?" Nag-aalala na tanong ng dalaga ng napansin na wala itong kibo. Agad naman umiling ang binata at ngumiti, sabay hinawakan ang kamay  ng dalaga.

"Iniisip ko lamang kung kailan tayo hahayaan ni Ama sa ating relasyon. Ayaw ko na ganito tayo, lagi na palihim kung magkikita, nahihiya na rin ako sa iyong pamilya at natatakot na baka anong sabihin nila sa iyo pag nalaman nilang nagkikita tayo dito pag gabi," malungkot na sagot ni Pelipe. Humigpit naman ang hawak ng dalaga sa kamay ng binata at ngumiti.

"Hindi naman tayo palaging nagkikita tuwing gabi, minsan o dalawang beses nga lang. Wala naman tayong ginagawa na masama at huwag kang mag-alala darating din ang panahon na sa sang-ayon ang iyong Ama sa ating relasyon at hindi na natin kailangang patago kung magkita. Sa ngayon ay hayaan mong pag masdan ko ang maganda at makinang na mga bituin sa langit kasama ka." Nakangiting sabi nito sa kaniya kaya Napangiti na lang rin si Pelipe at tinitigan ang mga bituin habang hawak ang kamay nang kanyang nobya na si Maria.

~

"Napaka ganda ng mga bituin!" Nakangiting sabi ni Philip at tiningnan naman siya ng kaniyang kapatid.

"Ew, kailan ka pa mahilig magsabi ng ganiyan Kuya? Pero seryoso ang ganda nga ng mga bituin, ganito yung pangarap ko pag nagka-boyfriend ako. Magkasama kami sa isang lugar na tahimik, yung kaming dalawa lang habang hawak niya yung kamay ko tapos sabay naming papanoorin yung mga bituin sa langit!" kinikilig na sabi ng kapatid niyang babae at napailing naman siya.

"Masasabi kong napaka-romantic tingnan pag gano’n." Sabi ni Philip at napangiwi naman ang kanyang kapatid.

"Wow, Akala mo naman naranasan mo na Kuya. So sino sa mga girlfriend mo ang kasama mong nanuod ng mga stars aber?" Nang aasar na tanong nito sa kanya at nag kunwari naman siyang nagbibilang at pareho silang natawa.

"Tsk, ano na namang kalokohan ang pinag uusapan niyo at mukhang masayang-masaya kayong nag-uusap diyan?" Agad napalingon ang dalawa sa kanilang likuran at nakita ang isa nilang kapatid na may dala-dalang mga pagkain. Agad naman silang lumapit dito.

"Aww, hulog ka ng langit Kuya Patrick kanina pa ako nagugutom hindi ko naman maiwan itong Kuya natin na sakitin," panglalait ng babae sa panganay nilang kapatid, napailing nalang si Patrick.

"Ewan ko sa inyong dalawa, bumalik na tayo doon sa loob at kumain na kayo, meron pa akong gagawin." Nagmamadali na utos nito sa dalawa niyang kapatid. Pareho namang napabusangot ang panganay at bunso niyang kapatid sa kaniya kaya napabuntong hininga na lamang siya.

Nang makarating sila sa loob ay nagsimula na silang kumain at magusap-usap tungkol sa pagsisimula ng pasukan. 3rd year college na si Philip at 1st year college naman si Patrick habang ang kanilang bunso ay nasa Senior high na.

"Anong pakiramdam na college ka na Patrick? Kinakabahan ka na ba?" Nakakatawang tanong ni Philip dito pero umiling lang si Patrick.

"Bakit ko kailangang kabahan? Sa ating tatlo, ako ang pinaka matalino!" mayabang na sagot nito na dahilan ng pag tawa namang nang kapatid nilang bunso.

"Matalino? Yay! Grabeng pagka-yabang naman. Oh Kuya Philip humawak ka at baka tangayin tayo!" nakatawang biro ng bunso. Agad namang tumingin ng masama si Patrick dito.

"Ahh ganun? Mahangin at mayabang pala ha. O akin na iyang mga pagkain, wag kang kumain!" at kunwaring itatago na niya ang mga pagkain,kaya madali siyang pinigilan ng kapatid.

"Kuya Patrick naman hindi ka mabiro, ikaw kaya ang pinaka matalino sa’ting tatlo..." at ngumiti pa ang babae.

Pagkatapos nilang kumain ay nag paalam na rin agad si Patrick.

"Aalis na ako, mamaya maya siguro ay darating na sila mama at papa dito kaya isasama ko na pauwi si Lyn. Kaya mo naman siguro ang mag isa dito kuya Philip?" Tumango lang si Philip at kumaway sa paalis niyang mga kapatid.

Kinuha niya ang kaniyang cell phone at sinubukang maghanap tungkol sa reinkarnasyon. Marami ang lumalabas na resulta ngunit isa dito ang pumukaw ng atensyon ni Philip.

"Paano mo malalaman kung magkakilala kayo sa past life mo?"  basa ni Philip dito at pinindot niya, agad naman lumabas ang resulta at isang video ang lumabas.

["Ang ating tatalakayin ngayon ay tungkol sa reinkarnasyon o tungkol sa past life natin. Maraming dahilan para muling magkita ang mga taong magkakilala na noon. Isa dito ay kung may nagawa kang kasalanan sa kaniya at binibigyan ka ng pagkakataon na itama ito. Pangalawa, kung may kasalanan siya sayo at binigyan siya ng pagkakataon na itama ito at ang pangatlo ang matinding paghiling niyo na magkita muli kayo." Mahabang salita ng isang lalaki sa video.]

["Para sakin, nakakakilig ang pangatlo ha, isipin mo sa sobrang gusto n'yong magkita ulit, mabibigyan nga kayo ng pagkakataon," nakangiting sabi naman ng isang babae sa video.]

["Paano kung magkaaway pala kayo sa past life tapos hindi pa tapos yung away n’yo?"

Humahalakhak na tanong ng isang tao pa sa video.]

["Grabe naman. Doon tayo sa paano kung mahal na mahal nila ang isa’t-isa kaya hanggang sa susunod na buhay gusto nila, sila paring dalawa."]

["O siya tigilan mo na ‘yan, so paano mo nga ba masasabi na kasama mo siya sa past life mo?]

[Una dito ay kung unang kita mo palang sa kaniya ay ramdam mo na sa kaibuturan ng puso mo na kilala mo siya, andoon yung pakiramdam na kilalang kilala mo siya. Pangalawa dito ay kakilala n’yo pa lang pero grabe na yung bond n’yo sa isat-isa, yung ang gaan-gaan na agad ng pakiramdam mo pag kasama mo s’ya. Pangatlo, pag nakakaramdam ka ng sobrang-inis sa isang tao, yung tipo na makita mo lang siya ay nanggigigil ka na. Siguro ay kaaway mo ito sa past life." Tuloy-tuloy na pagpapaliwanag ng lalake.]

["Sandali lang, meron akong nabasa na kwento matagal na kasi ito pero gusto ko lang i-share a inyo guys. Mayroong isang matandang lalaki na bago mamatay pilit niyang hinahanap yung isang Nurse na hindi naman nila alam bakit niya kilala dahil hindi naman sa station na iyon ito nakatalaga. Tapos noong nagpunta yung Nurse doon, umiyak iyong matanda tapos hinawakan niya yung kamay ng dalaga habang sinasabi na sana sa susunod na buhay, sabay na tayo ng taong maipanganak pero masaya ako na makita kang nasa maayos na sitwasyon.” tapos after noon nag-flatline na yung machine tapos yung Nurse nanghingi ng picture ng matanda noong binata pa ito tapos ang sabi-sabi umiyak daw ng umiyak yung dalaga kasi yung matanda daw na iyon ay yung lalake na lagi niyang nakikita sa panaginip niya."]

Hindi na napakinggan ng maayos ni Philip ang video, hindi siya makapaniwala na may kapareho siya ng kwento. Agad-agad siyang bumaba sa kama at lumabas ng kwarto. Umaasa na mahahanap niya ang babae na nakita niya kanina.

"Philip! Saan ka pupunta?" Napalingon si Philip at nakita niya ang mama at papa niya na kadadating lang , agad-agad silang lumapit dito ng mapansin ang itsura nito.

"Bakit? Anong problema?" Nag-aalala na tanong ng mama niya.

"Ma, nakita ko siya, yung babae sa panaginip ko. Hahanapin ko lang siya Ma, promise sandali lang ako." Bulong na sabi ni Philip. Nagkatinginan naman ang mag-asawa.

"Philip, pumasok ka na sa kwarto mo, anong oras na paano mo hahanapin ang isang tao sa luwang nitong hospital at ganyan pa ang lagay mo. Matulog kana, at tumigil ka muna sa kakaisip ng panaginip mo baka namalik-mata kalang!" Seryosong sabi ng kaniyang Papa, wala naman siyang nagawa dahil dito. Hindi matukoy ni Philip kung bakit napaka seryoso ng papa niya habang walang kibo naman ang kaniyang mama.

"Bukas, bukas ay puwede ka na raw umuwi sa bahay. Kaya pag gising mo ay uuwi na tayo agad!" Sabi muli ng papa ni Philip at lumabas ng kwarto, tiningnan naman ni Philip ang mama niya at ngumiti lamang ito. Parang noong umaga lamang ay sinabi ng mga ito na dapat muna siyang mag-stay sa hospital ngunit bakit ngayon ay nagmamadali silang makauwi na ito. Naguguluhan man ay pinagsawalang bahala na lang ito ni Philip at nagsimula ng matulog habang hinahaplos ng mama niya ang kaniyang buhok.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status