Share

Kabanata 4

Ang sabi ni Mama ay patay na raw ang mga magulang niya kaya lumaki siya sa isang ampunan at doon niya nakilala ang ama ko.

Hindi ko kailanman inisip na darating ang panahong may magpapakilala sa akin bilang lola ko, at ang mas nakakagulat, sobrang yaman pa. Masyado talagang mapaglaro ang tadhana. Ipaparanas nito sa'yo ang iba't ibang klaseng paghihirap at bigla ka na lang bibigyan ng karangyaan. 

Akala ko sobrang malas ko pero mukhang nagbago bigla ang kapalaran ko.

Suot ang simple ngunit halatang mamahaling bistida, tinahak ko ang hagdan pababa sa sala ng mansion. Kumpara sa mansion ng mga Lyverigo, mas malaki ito. Sa dulo noon ay nakangiting naghihintay si Helena Solarez–ang nagpakilalang lola ko at ina ni Mama. 

Isang linggo na rin ang lumipas simula nang nagpakilala siya sa akin. Sinabi niyang "Mamita" ang itawag ko sa kaniya at ilang araw din ang inabot bago ko iyon nasunod. Maraming bagong impormasyon ang nalaman ko kaya nahirapan akong absurbahin lahat ng mga iyon.

"Napakaganda mo, apo," papuri nito habang pinapasadahan ako ng tingin nang tuluyan akong nakababa. Maliit na ngiti ang nasukli ko, nahihiya dahil hindi pa rin ako sanay. "Kahit sa picture ko lang nakita ang mama mo, masasabi kong magkamukha kayo," dagdag niya pa, nakangiti ngunit mababakas ang kalungkutan sa kaniyang mga mata.

Nakaramdam ako ng habag at malungkot na napangiti. Totoong nakuha ko ang iilang pisikal na katangian ni Mama pero sila ang tunay na magkamukha. Pakiramdam ko'y nakatingin ako sa mas matandang bersyon ni Mama noong una ko siyang makita. 

Ang kwento niya ay walong taon si Mama noong nangyari ang isang insidente. Magkakasama sila sa loob ng isang kotse papuntang airport nang bigla silang binangga ng isa pang kotse. Nawalan siya ng malay at pagkigising niya ay patay na ang asawa niya at nawawala naman si Mama na anak niya. Habang kinukwento niya iyon ay ramdam ko ang sakit na pinagdaanan niya. 

Ang buong pamilya niya ay naniniwalang namatay din si Mama at nahulog sa bangin kaya hindi makita ang katawan. Tanging si Mamita lang ang ayaw tumigil sa paghahanap. Ilang dekada ang lumaon, nawawala na rin ang pag-asa niyang makikita pa ito pero noong isang taon lang, bago mamatay ang pinsan niyang lalaki ay umamin ito na siya ang may pakana ng insidente at tinuro kung saang ampunan niya dinala si Mama at sinabi kung ano ang bagong pangalan na binigay niya rito. Halos isumpa raw ni Mamita ang pinsan niyang iyon lalo na't noong sinabi nito na nagawa lang niya ang bagay na iyon dahil inisip nitong kung mawawala ang asawa't anak ni Mamita ay mapapabayaan ang kumpanya at mapupunta ito sa kaniya na hindi naman nangyari dahil habang naghahanap, pinalalago pa rin ni Mamita ang kumpanya ng pamilya niya. 

Buong akala ni Mamita ay tapos na ang paghahanap niya pero huli na siya. Nalaman niyang noong taon din na iyon ay pumanaw na si Mama sa sakit na cancer. I could imagine how heartbroken she was at that time. Mahabang panahon niya hinanap ang anak at noong natunton na niya ay wala nang buhay. 

Isang patunay na kahit anong gawin natin, hindi nating kayang kontrolin ang takbo ng tadhana natin.

"Senyora," isang nakaunipormeng lalaki ang lumapit sa amin, tingin ko ay ang driver ni Mamita. "Nakahanda na po ang kotse."

Tumango si Mamita at hinawakan ang kamay ko. "Halina't humayo na tayo," aniya, pinasigla ang boses.

Nagsimula siyang maglakad at nagpatianod naman ako. Napagkasunduan naming kagabi na dumalaw sa puntod ni Mama. Ilang buwan na rin kasi akong hindi nakakadalaw doon. Marami akong gustong sabihin sa kaniya. Hihingi ako ng tawad dahil nabigo akong tuparin ang pangako kong mananatili ako sa tabi ng asawa ako, anuman ang mangyari.

Habang nasa byahe, hindi ko maiwasang maalala si Arrex at si Chairman. Sa pag-iimbestiga ni Mamita ay nalaman niya ang tungkol sa akin. Magkatunggali ang mga Solarez at Lyverigo sa larangan ng negosyo kaya nagdalawang-isip siyang kausapin ako. Ayaw niya ring magulo pa ang buhay ko kaya lihim na lang niya akong pinamanmanan sa labas ng village para masiguro ang kaligtasan ko. Nakita ng security na pinagbabantay sa akin ni Mamita ang pagtakbo ko noong araw na iyon kaya mabilis akong sinundan. Iyon ang kotseng nakita ko bago ako nawalan ng malay.

Nasabi ko kay Mamita na divorced na ako pero hindi ko nasabi ang dahilan. Hindi ko pa kayang balikan ang nangyari at hindi ko alam kung kakayanin ko pa ba. Buti na lang ay hindi na siya nag-usisa tungkol sa bagay na 'yon.

Bitbit ang isang bungkos ng mga puting rosas, bumaba kami ng kotse. Parehas naming paborito ni Mama ang gano'ng klaseng bulaklak kaya palagi akong nagdadala no'n kapag bumibisita pero hindi katulad dati, si Mamita na ang kasama ko at hindi na ang chairman. 

Tahimik at payapa ang paligid ng Memorial Park. Nang malapit na kami sa puntod ni Mama ay napahinto si Mamita. Naramdaman ko ang panginginig ng mga kamay niya. 

"H-hindi naman ito ang unang beses na pumunta ako rito pero k-kinabahan pa rin ako," tumawa siya, pilit at bakas nga ang kaniyang kaba.

Sinserong akong ngumiti at hinawakan ang kamay niya. "Sigurado po akong masaya si Mama na makita kayong kasama ako," pagpapanatag ko sa kaniyang kalooban.

Nakita kong napalunok pa siya ng isang beses bago tumango at nagpatuloy. Ang kanang kamay ko ay nakaalalay sa kaniya at ang kaliwa ang may hawak sa bulaklak. 

Maingat kong binaba ang bulaklak sa puntod ni Mama ng tuluyan kaming makalapit doon. Ngayong alam ko na ang nakaraan niya, mas lalong doble ang kirot sa puso ko habang pinagmamasdan ang pangalang niyang Lorna Cruz na nakaukit sa kaniyang lapida. 

Parang may kung anong bumara sa lalamunan ko. Ramdam kong pipiyok ako kapag nagsalita ako kaya kinausap ko na lang si Mama sa isip ko. Kahit si Mamita na nasa tabi ko ay hindi nagsasalita. Parehas lang kaming nakatitig sa lapida. Kung nasasaktan ako, paniguradong mas triple ang sakit ng sa kaniya. 

Hinawakan ko ang tiyan ko at ngumiti. 

Kamusta ka na, Ma? Kasama ko ang mama mo, are you happy right now? Ayaw mong mag-isa akong mamuhay 'di ba? Look, dalawa pa ang binigay sa akin... Buntis ako, Ma. Magkakaapo ka na. 

Nangilid ang luha ko habang kinakausap ko siya sa aking isip. Iniisip kong masaya siyang nakatayo ngayon sa harapan namin ni Mamita. Kung hindi sana sila pinaglayo dati, baka masaya sila ngayong namamasyal sa iba't ibang bahagi ng mundo katulad ng parangarap na gawin ni Mama.

Inangat ko ang tingin kay Mamita nang marinig ko ang pagsinghot niya. Nakayuko siya at halatang pinipigilan ang pag-iyak. Anumang oras, maiiyak na rin ako. Mas lalo lang bibigat ang loob ni Mamita kapag nangyari iyon kaya minabuti kong hagurin ang likod niya at umatras para na rin mabigyan ko siya ng kalayaang ilabas ang emosyon niya.

Napansin kong nakatayo sa harap ng isang sedan, katabi ng kotseng sinakyan namin ni Mamita, ang isang matipunong pamilyar na lalaki. Naglakad siya papalapit sa akin nang magtama ang tingin namin. It was Doc Matthew, ang doktor na sumuri sa akin no'ng nahimatay ako. Ang sabi ni Mamita ay apo ito ng matalik niyang kaibigan at ito rin ang personal niyang doktor.

"Mamita told me to schedule you an appointment with an OB. You need to make a check-up to ensure your baby's health. I'm on my way there kaya sasabay na ako," anito hindi pa man ako nakakapagsalita.

Napatango na lang ako. Hindi ko alam kung paano siya kakausapin. Simula nang ikasal kami ni Arrex, bihira na akong lumabas ng bahay kaya wala ako masyadong nakakasalamuha.

"Alam ba ng asawa mo na buntis ka?"

Bahagya akong natigilan sa tanong niya bago nahihiyang umiling. Sa isang linggo kong pamamalagi sa mansion ni Mamita, walang ni isang balita ang nakarating sa kaniya na hinahanap ako ng mga Lyverigo. I was hurt, pero hindi na ako nagtaka. Malamang ay na kay Jamaira ang kanilang pansin. 

Kumunot ang noo niya. "Wala kang balak sabihin sa kaniya?"

Napalunok ako at nag-iwas ng tingin. "Wala. Hindi na kailangang malaman niya pa," pinal na sagot ko.

Kahit naman na malaman ni Arrex na mayaman pala ang pamilya ni Mama, ang pag-iisip lang niya na pera lang ang habol ko ang mawawala. Hindi pa rin mabubura no'n ang katotohanang may anak sila ni Jamaira at ako pa rin ang kontrabida sa buhay nila.

With Mamita at my side, I would raise our child, far from him. Kailangan kong lumayo sa Lyverigo, sa ganoong paraan lang ako maaalis bilang kontrabida. Panahon na para gumawa ako ng sarili kong kwento, kahit kapalit pa no'n ang hindi pagpapakilala kay Arrex sa anak namin.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status