Share

A Trillionaire In Disguise (Vol. 2-4)
A Trillionaire In Disguise (Vol. 2-4)
Author: Zaligma

VOLUME 2: Chapter 148 - A Gift For Alona

[Author's Important Note: This is volume 2, a continuation of volume 1, of course. THIS IS NOT, not a standalone novel so please read the volume 1 first bago ninyo basahin 'to. Kayo ang bahala, kung malakas ang trip ninyo ay okay lang naman sa'kin na dito na kayo mag-umpisa XD. No, just kidding. You can click my profile and there, makikita ninyo ang volume 1. Happy reading!]

Chapter 148 - A Gift For Alona

Kasalukuyang nagkakaroon ng sports event sa La Fernandia University. Karamihan ng estudyante ay sa sports center nagtitipon-tipon. Nakaupo lang si Luke kasama ng karamihan habang nanonood ng basketball sa stadium. Nakasunod ang kanyang tingin sa mga naglalaro, partikular sa kung sinong may hawak ng bola. Pero ang kanyang isip ay wala roon kung hindi ay nasa ibang ibayo.

Dalawang linggo na ang nakalipas simula nang magkausap sila ni Kina pero sa memorya ni Luke ay parang kagabi lang nangyari iyon. Detalyadong-detalyado pa sa kanyang isip kung anong pinag-usapan nila, kung anong suot ni Kina, kung anong amoy ng kanyang pabango. Higit sa lahat ay ang ginawa nitong pagtatapat ng pag-ibig sa kanya.

Nagpakawala siya ng mababaw na buntong hininga kasabay ng pagtira ng isang manlalaro ng three points shot at pumasok iyon. Sabay-sabay na naghiyawan ang mga nanonood. Pero balewala iyon para sa kanya. Nasa malalim pa rin siyang pag-iisip. Simula ng pag-uusap nila ni Kina noong gabing iyon ay nagsimula rin itong umiwas sa kanya. Alam niyang ang dahilan niyon ay ang pagtatapat nito sa kanya ng nararamdaman nito. Sa madaling salita ay nahihiya si Kina sa kanya.

Nagbalik siya sa sariling diwa nang may biglang bumatok sa kanya. Halos masubsob pa ang kanyang ulo. Nakasimangot na nilingon niya ang may gawa niyon at nakita ang mataray na mukha ni Alona. Nakapameywang ito habang nakatungtong sa upuan.

Patalon na bumaba ito at naupo sa tabi niya. Susumbatan niya na sana ito nang unahan na siya nitong magsalita.

"Are you stupid or what? Kaya naman pala iniiwasan ka na ni Kina ay dahil sa sarili mong kalokohan."

Napataas ang dalawang kilay ni Luke. "H-huh?"

"Huh?" mapang-asar na pag-uulit ni Alona at ginaya pa nito ang ekspresyon ng kanyang mukha. "Nabasa ko ang diary ni Kina at nalaman kong nag-usap pala kayong dalawa. And I can't fuckin' believe it! Siya pa ang nagtapat sa'yo, pero anong sinagot mo?"

Nag-iwas ng tingin si Luke sabay nangalumbaba. "Alam ko, hindi mo ako kailangang pangaralan."

Napairap si Alona sabay nailing-iling. Isinabit nito ang magkabilang siko sa sandalan ng upuan at ipinatong ang isang paa sa sandalan ng nasa unahang upuan. "Baluga ka talaga. 'Yong isda na mismo ang lumapit sa'yo, pinakawalan mo pa."

Hindi umimik si Luke. Nang puntong sinabi ni Kina ang nararamdaman nito sa kanya ay mabilis niyang inanalisa ang kahihinatnan ng magiging relasyon nila kung sakali mang nagtapat din siya ng pag-ibig dito kasabay ng pagtatapat nito. Maraming bagay ang nakasaalang-alang kung magiging silang dalawa at kailangan niya muna iyong pag-isipan.

Hindi niya inaasahan na may nararamdaman din pala si Kina para sa kanya. Isa pa ay alam din nito ang tungkol sa tunay niyang pagkakakilanlan. Noong wala pang banta ng sekretong organisasyon ay desidido siyang magtapat ng pagkagusto niya rito kung may pagkakataon man, pero iba na ang sitwasyon ngayon. Magiging kahinaan niya lang si Kina kapag ito ang pinuntirya ng organisasyon upang gamitin laban sa kanya. Bukod pa roon ay inaalala niya rin sina Dominica maging ang magiging desisyon ng sarili niyang pamilya kapag nalaman nilang nagkatuluyan sila ni Kina.

Pero tama nga ba ang ginawa niyang iyon? Dapat niya bang mas alalahanin ang magiging desisyon ng pamilya niya kaysa sa proteksyon ni Kina? Wala rin namang pinagkaiba may relasyon man sila o wala. Si Kina pa rin ang magiging puntirya ng organisasyon. Hindi tanga ang organisasyon upang hindi mabatid na pinoprotektahan niya si Kina. Lalo pa ngayong merong palihim na nagmamanman sa kanya. At lalo pa ngayong miyembro na si Lance ng sekretong organisasyon.

"Teka nga, anong ibig mong sabihing nabasa mo sa diary ni Kina ang ginawa niyang pagtatapat sa'kin? 'Wag mo sabihing nakikialam ka ng mga gamit niya?"

Hindi agad nakatugon si Alona at gumuhit sa ekspresyon ng mukha nito ang pagkakatanto ng sinabi nito kay Luke. Ngumuso ito. "U-uhm, it was just an accident."

Tumaas ang isang kilay ni Luke. "Aksidente?"

"Yeah. Kagabi ay yayayain ko sanang kumain si Kina pero nadatnan ko siyang natutulog sa kanya mismong study table. And then nakita ko ang isang notebook na nakabukas sa kanyang tabi. Out of curiosity ay binasa ko kung ano man ang nakasulat doon. At iyon nga ang nabasa ko, ang tungkol sa kabobohan mo."

Sumama ang tingin ni Luke kay Alona. "Baka nakakalimutan mo kung sino ang kausap mo?" birong pananakot niya.

"As if I care," humalukipkip si Alona at inis na tiningnan si Luke. "Baka nakakalimutan mo ring may atraso ka pa sa'kin? Last week nang bumalik kami sa restaurant ay alam mo ba kung anong tinawag sa'kin ng manager? Kahit na kanilang mga staff ay iyon na ang pagkakakilala nila sa'kin."

Natawa si Luke nang maunawaan ang ibig nitong sabihin. "Nasaan na ang card ko? Naubos mo na ba ang laman?"

"Not yet. But don't worry, kung kailangan kong bumili ng planeta upang ubusin ang laman nito ay gagawin ko."

Inilabas ni Alona ang kulay pink nitong wallet at ipinakita ang SVIP card sa loob. Napataas ang kilay ni Luke nang makita ang kulay ng wallet nito. Akala niya ba ay tigasin si Alona?

"Hindi ba't sa'kin naman nakapangalan 'to? Bakit ko pa 'to ibabalik sa'yo?" panunudyo ni Alona.

Nagkibit-balikat si Luke sabay muling ibinaling sa mga naglalaro ang atensyon. "Sa'yo na 'yan. Dagdag 'yan sa pasahod ko sa'yo. Gastuhin mo 'yan sa mahahalagang bagay. Kulang pa 'yan para makabili ka ng planeta."

Natikom ang bibig ni Alona at napatitig nang husto kay Luke. Seryoso ba si Luke? Binibiro niya lang naman ito. Hindi niya lang iyon ibinabalik upang pagdusahin ito dahil sa ginawa nitong pang-aasar sa kanya. Ang totoo ay simula nang huli silang kumain nang magkakasama ay hindi niya na ginalaw pa ang laman ng card dahil una sa lahat ay hindi naman iyon sa kanya.

"N-no, take it. I'm just kidding. Napakalaki ng laman niyan kaya hindi ko matatanggap 'yan."

Saglit na pinagmasdan ni Luke ang iniaabot ni Alona bago kunin ang wallet niya sa kanyang bulsa at ipakita rito ang isa ring SVIP card. "Ngayon ay may anim na nito sa mundo. Kaya sa'yo na 'yan dahil may sarili na rin ako." Muli niya ring ibinalik agad iyon sa kanyang bulsa sa pag-aalalang baka may makakita niyon. "Siya nga pala, pinapalitan ko na ang pangalan niyan kay Mr. Rivera. Alona Garcia na ang pangalan ng card na 'yan. Kung gusto mong papalitan ang pin code niyan ay pumunta ka lang sa Light Metrobank at hanapin mo si Louis Rivera."

Natulala si Alona habang nakaawang ang bibig. Hindi ito lubos makapaniwalang ibibigay ni Luke ang SVIP card nito sa kanya. Halos sampung bilyong dolyar ang laman niyon at hindi lang sampung milyon! Ubod ba talaga ng yaman ang pamilya Cruise upang ipamigay lang ni Luke ang ganoon kalaking halaga?

Sa puntong iyon ay tatlong kalalakihan ang hinihingal ang huminto sa kanilang tapat. Sina Andrie iyon kasama si Jonas at Isaac.

"Andito ka lang pala," saad ni Andrie habang direktang nakatingin kay Luke. "Kailangan namin isang player sa volleyball, pwede ka bang sumali sa grupo namin?"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status